“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7: ‘Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Setyembre 7–13
3 Nephi 1–7
“Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”
Nasaksihan ng mga Nephita ang mga mahimalang palatandaan, ngunit sa paglipas ng panahon ay nalimutan nila ang kanilang naranasan (tingnan sa 3 Nephi 2:1). Ang pagtatala ng iyong mga impresyon ay magpapaalala sa iyo ng iyong mga espirituwal na karanasan habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 1–7.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa ilang paraan, isang kapana-panabik na panahon iyon na manampalataya kay Jesucristo. Natutupad noon ang mga propesiya—ipinahiwatig ng mga dakilang palatandaan at himala sa mga tao na malapit nang isilang ang Tagapagligtas. Sa kabilang dako, nakapag-aalala rin ang panahong iyon para sa mga mananampalataya dahil, sa kabila ng lahat ng himala, iginiit ng mga hindi naniniwala na “ang panahon ay nakalipas na” para isilang ang Tagapagligtas (3 Nephi 1:5). Lumikha ang mga tao ng “malaking pagkakaingay sa buong lupain” (3 Nephi 1:7) at nagtakda pa ng petsa para patayin ang mga mananampalataya kung ang palatandaang iprinopesiya ni Samuel na Lamanita—isang gabi na walang kadiliman—ay hindi lumitaw.
Sa mahihirap na sitwasyong ito, ang propetang si Nephi ay “nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao” (3 Nephi 1:11). Ang sagot ng Panginoon ay nagpapasigla sa sinumang dumaranas ng pag-uusig o pag-aalinlangan at kailangang malaman na madaraig ng liwanag ang kadiliman: “Itaas mo ang iyong ulo at magalak; … tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta” (3 Nephi 1:13).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Tutuparin ng Panginoon ang lahat ng sinabi Niya.
Ano sa pakiwari mo ang madarama mo kung naging isa ka sa mga mananampalataya sa panahong inilarawan sa 3 Nephi 1–7? Ano kaya ang pakiramdam, halimbawa, ng maghintay sa gabi na walang kadiliman na magbabalita ng pagsilang ng Tagapagligtas, batid na papatayin ka kung hindi ito mangyari? Habang binabasa mo ang 3 Nephi 1:4–21 at 5:1–3, hanapin kung ano ang ginawa ni Nephi at ng iba pang mga mananampalataya para mapanatili ang kanilang pananampalataya sa mahirap na mga panahong ito. Paano sila pinagpala ng Panginoon? Ano ang natututuhan mo na makakatulong habang hinihintay mo ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon?
Ang paglimot sa mga espirituwal na karanasan ay nagpaparupok sa akin sa mga tukso ni Satanas.
Maaari mong isipin na ang pagsaksi sa isang bagay na lubhang mahimala na tulad ng isang gabi na walang kadiliman ay mananatili sa iyo sa mahabang panahon at magiging angkla sa iyong patotoo. Ngunit tila naglalaho ang mga alaala ng mga palatandaan at kababalaghang nasaksihan ng mga Nephita sa paglipas ng panahon. Ano ang dahilan para makalimot sila, at ano ang mga resulta ng pagkalimot? (tingnan sa 3 Nephi 1:22; 2:1–3).
Ano ang ginagawa mo para maalala at mapanibago ang iyong patotoo tungkol sa mga espirituwal na katotohanan? Halimbawa, isipin kung paano makakatulong sa iyo ang pagtatala ng iyong mga espirituwal na karanasan. Paano mo ibabahagi ang iyong patotoo sa mga taong pinakamalapit sa iyo para tulungan silang maniwala?
Tingnan din sa Alma 5:6; Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 66–69; Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 65–68.
3 Nephi 2:11–12; 3:1–26; 5:24–26
Pinalalakas ng Panginoon ang Kanyang mga Banal laban sa espirituwal na panganib.
Sa ating panahon, karaniwan ay wala tayong nakakaharap na mga pangkat ng mga tulisan na pumipilit sa atin na lisanin ang ating tahanan at magtipon sa isang lugar. Ngunit nahaharap tayo sa mga espirituwal na panganib, at maaaring may mga aral ang karanasan ng mga Nephita na makakatulong sa atin. Hanapin ang mga aral na ito habang binabasa mo ang 3 Nephi 2:11–12 at 3:1–26.
Sa 3 Nephi 5:24–26 mababasa natin ang pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa mga huling araw. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao ngayon?
Tingnan din sa “Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Kabataan: Mga Mensahe mula kina Pangulong Russell M. Nelson at Sister Wendy W. Nelson,” Hunyo 3, 2018, ChurchofJesusChrist.org; “Israel—Ang pagtitipon ng Israel,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Ako ay isang disipulo ni Jesucristo.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo? (tingnan sa D at T 41:5). Sa 3 Nephi 5:12–26, itinigil ni Mormon ang kanyang pagpapaikli ng mga talaan ng mga Nephita at ipinahayag na siya ay isang disipulo ni Jesucristo. Pagkatapos, sa 3 Nephi 7:15–26, inilarawan niya ang ministeryo ng isa pang disipulo—ang propetang si Nephi. Ano ang nakikita mo sa dalawang talatang ito na nagpapaunawa sa iyo ng ibig sabihin ng maging disipulo ni Cristo?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
3 Nephi 3:13–14, 25–26
Ano ang ginawa ng mga Nephita para protektahan ang kanilang sarili mula sa kaaway na kinaharap nila? Ano ang ginagawa natin para gawing ligtas at protektado ang ating tahanan mula sa kasamaan sa mundo?
3 Nephi 2:1–3; 6:15–17
Para matutuhan ng inyong pamilya kung paano tayo malilinlang ni Satanas, magdrowing ng isang katawan, at habang binabasa ng inyong pamilya ang 3 Nephi 2:1–3 at 6:15–17, markahan ang nabanggit na iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilan sa mga paraan na tinutukso tayo ni Satanas na kalimutan ang Diyos at magkasala?
3 Nephi 4:7–12, 30–33
Ano ang ginawa ng mga Nephita nang makita nilang dumarating ang mga tulisan ni Gadianton? Ano ang matututuhan ng ating pamilya mula sa mga Nephita kapag nahaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon? Ano ang matututuhan natin mula sa mga salita ng mga Nephita matapos silang tulungan ng Panginoon sa panahon ng kanilang paghihirap?
3 Nephi 5:13; Doktrina at mga Tipan 41:5
Basahin ang 3 Nephi 5:13 at Doktrina at mga Tipan 41:5, at talakayin ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Cristo. Maaari sigurong pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga panahon na napansin nila ang pagiging disipulo ng isa’t isa. Kung mayroon kang maliliit na anak, maaari kang gumawa ng isang badge o tsapa na nagsasabing, “Ako ay isang disipulo ni Jesucristo,” at ipasuot ito sa kanila tuwing mapapansin mo na sinusunod nila ang Tagapagligtas.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.