Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7: “Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”


“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7: ‘Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nasaksihan ng mga Nephita ang araw na walang gabi

Isang Araw, Isang Gabi, at Isang Araw, ni Jorge Cocco

Setyembre 7–13

3 Nephi 1–7

“Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”

Kung kailangan mo ng mga karagdagang ideya habang naghahanda kang magturo, tingnan ang “Karagdagang Resources sa Pagtuturo ng mga Bata” at “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na mga Bata” sa simula ng resource na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nilang natutuhan nila noong nakaraang linggo tungkol sa mga palatandaang sinabi ni Samuel na Lamanita na tutulong sa mga tao na malaman na si Jesus ay isinilang. Sabihin sa mga bata na ngayon ay pag-uusapan nila ang tungkol sa mga taong nakakita nang mangyari ang mga palatandaan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

3 Nephi 1:4–15, 19–21

Isang bagong bituin ang lumitaw nang isilang si Jesucristo.

Ang kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan ay kilalang-kilala, maging ng mga bata. Ang linggong ito ay isang magandang pagkakataon para ituro sa mga bata sa iyong klase ang tungkol sa mga himalang nasaksihan ng mga Nephita noong isinilang si Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bago magklase, maglagay ng isang bituin sa dingding. Anyayahan ang mga bata na maghanap ng isang bagay sa dingding na wala naman doon dati. Sabihin sa mga bata na nakakita ang mga Nephita ng isang bagong bituin sa kalangitan nang isinilang si Jesus. Ibuod ang salaysay sa 3 Nephi 1:4–15, at 19–21. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 41: Ang mga Palatandaan ng Pagsilang ni Cristo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 114–16, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org).

  • Magpakita sa mga bata ng larawan ng pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 30), at umawit ng isang paboritong awiting Pamasko, tulad ng “Awit ng Kapanganakan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 32–33). Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga Nephita ay malayo sa lugar kung saan isinilang si Jesus, ngunit alam nila na Siya ay isinilang dahil sa nakita nilang mga palatandaan. Magpatotoo na kahit hindi natin nakita ang pagsilang ng Tagapagligtas, matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman na ang mga kuwento tungkol dito sa mga banal na kasulatan ay totoo.

3 Nephi 1:20

Laging natutupad ang mga salita ng mga propeta.

Sinabi ng Panginoon kay Nephi, “[Ipapakita ko] sa sanlibutan na tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta” (3 Nephi 1:13).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawan na nagpapakita kung paano nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta, tulad nina Noe (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 78; tingnan sa Genesis 6–7) at Samuel na Lamanita (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 81; tingnan sa Helaman 14:1–7). Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwentong ito.

  • Basahin sa mga bata ang 3 Nephi 1:20, at ibahagi ang iyong patotoo na ang mga salita ng mga propeta ay laging natutupad. Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang propeta sa susunod na pangkalahatang kumperensya.

3 Nephi 5:13

Kaya kong sundin si Jesucristo.

Ipinahayag ni Mormon, “Ako ay disipulo ni Jesucristo.” Paano mo matutulungan ang mga bata na makita rin ang kanilang mga sarili bilang mga disipulo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 3 Nephi 5:13, at anyayahan ang mga bata na ulitin ang mga katagang “Ako ay disipulo ni Jesucristo.” Ituro sa kanila na ang disipulo ni Jesucristo ay nagsisikap na sumunod sa Kanya. Magbahagi ng ilang bagay na ginawa ni Mormon para tularan si Jesus, tulad ng pagtuturo ng salita ng Diyos at pagsunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 5:13–18). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging mga disipulo.

  • Sa isang piraso ng papel, tulungan ang mga bata na bakatin ang kanilang kamay at gupitin ito. Isulat ang “Ako ay disipulo ni Jesucristo” sa isang panig, at anyayahan silang magdrowing ng isang bagay na magagawa nila para maging disipulo sa kabilang panig (maaaring kailanganin mong tulungan silang mag-isip ng mga ideya). Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

3 Nephi 1:4–21

Ang mga pangako ng Diyos, na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, ay palaging natutupad.

Maaaring makatulong ang salaysay sa 3 Nephi 1:4–21 para patatagin ang pananampalataya ng mga bata na laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ihambing ang propesiya ni Samuel na Lamanita sa Helaman 14:1–7 sa katuparan nito sa 3 Nephi 1:19–21. Magpatotoo na ang mga pangako ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay palaging natutupad.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang kuwentong matatagpuan sa 3 Nephi 1:4–10. Itanong sa mga bata kung ano kaya ang madarama nila kung nagkataong isa sila sa mga mananampalataya na nabubuhay sa panahong iyon. Anyayahan ang mga bata na basahin ang natitirang bahagi ng kuwento sa talata 11–15 at magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap na ito: “Ang aral ng kuwentong ito ay …” Paano natin maipapakita ang ating pagtitiwala sa Diyos kapag tayo ay nag-aalala o pinanghihinaan ng loob?

  • Magbahagi ng isang bagay na ipinangako sa atin ng ating buhay na propeta. Ano ang maaari nating gawin para maipakita ang ating pananampalataya na ang mga salita ng propeta ay nagmula sa Diyos?

3 Nephi 2:11–12; 3:13–14, 24–26

Tayo ay mas malakas kapag nagtitipon tayo.

Kinailangang magtipon ng mga Nephita para sa pisikal na kaligtasan. Paano mo matutulungan ang mga bata na makita na ang pagtitipon kasama ng mabubuting kaibigan ay maaari ring makapagbigay sa kanila ng espirituwal na lakas?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang sumusunod na mga talata, at anyayahan silang maghanap ng mga dahilan kung bakit nagtipon ang mga Nephita at ng mga pagpapalang dumating sa kanila: 3 Nephi 2:11–12 at 3:13–14, 24–26. Bakit mahalaga para sa atin na “magtipon” ngayon sa ating mga pamilya at sa Simbahan? Paano maaaring mas mapalakas ng pagtitipon ang ating espirituwalidad?

  • Gumamit ng isang object lesson para maituro na tayo ay mas malakas kapag magkakasama kaysa kapag tayo ay magkakahiwalay. Halimbawa, anyayahan ang mga bata na subukang baliin ang isang patpat at pagkatapos ay baliin ang isang bungkos na mga patpat o punitin ang isang piraso ng papel at pagkatapos ay punitin ang isang bungkos na papel. Paano tayo natutulad sa mga patpat o papel? Paano natin mapapalakas ang isa’t isa kapag nagtitipon tayo sa ating mga pamilya o sa simbahan?

  • Ipaliwanag na tinitipon ni Jesus ang Kanyang mga tao sa Simbahan ngayon sa pamamagitan ng gawaing misyonero (tingnan sa 3 Nephi 5:24–26). Anyayahan ang isang full-time missionary o ward missionary na magbahagi ng mga karanasan na nagpapakita kung paano napalakas ang mga tao sa pamamagitan ng pagtitipon sa Simbahan.

3 Nephi 4:30–33; 5:12–26; 6:14; 7:15–26

Ako ay disipulo ni Jesucristo.

Paano mo matutulungan ang mga bata na makita ang kanilang mga sarili bilang mga disipulo ni Jesucristo, tulad ng ginawa ni Mormon? (tingnan sa 3 Nephi 5:13).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ni Mormon (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 73). Anyayahan ang bawat bata na magsalitan at ulitin ang sinabi ni Mormon sa 3 Nephi 5:13: “Ako ay disipulo ni Jesucristo.” Ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo? (tingnan sa D at T 41:5).

  • Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at atasan ang bawat grupo na magbasa tungkol sa isa sa mga sumusunod na halimbawa ng mga disipulo: mga nagbalik-loob na Lamanita (tingnan sa 3 Nephi 4:30–33; 6:14), Mormon (tingnan sa 3 Nephi 5:12–26), at Nephi (tingnan sa 3 Nephi 7:15–26). Paano naging tunay na mga disipulo ni Jesucristo ang mga taong ito? Ano ang maaari nating gawin para matularan ang kanilang mga halimbawa?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na gagawin nila sa linggong ito para maging mga disipulo ni Cristo. Hikayatin sila na isulat ito at ibahagi ito sa kanilang mga pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdispley ng isang talata sa banal na kasulatan Pumili ng isang talata na makabuluhan para sa iyo (o anyayahan ang mga bata na pumili ng isa), at idispley ito sa inyong silid kung saan madalas itong makikita ng mga bata. Maaari mo itong idispley nang ilang linggo at banggitin ito paminsan-minsan.