“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16: ‘Ako ang Batas, at ang Ilaw,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Setyembre 21–27
3 Nephi 12–16
“Ako ang Batas, at ang Ilaw”
Habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 12–16, maghanap ng mga katotohanan na magiging makabuluhan sa mga batang tinuturuan mo. Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng ilang katotohanan, ngunit maaaring ituon ka ng Espiritu sa iba pa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Pagpasa-pasahan ang isang larawan ni Jesus. Hayaan ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan at pagbabahagi ng isang bagay na itinuro ni Jesus, tulad ng isang bagay na natutuhan nila sa bahay ngayong linggo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong maging isang mabuting halimbawa sa iba.
Kung minsan ay hindi naiisip ng mga bata kung gaano napagpapala ng kanilang mga halimbawa ang ibang tao. Gamitin ang mga talatang ito para hikayatin silang pagningningin ang kanilang ilaw.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na ang 3 Nephi 12:14–16 ay tungkol sa kanila, at pagkatapos ay basahin ito nang malakas. Tuwing babasahin mo ang “inyo” o “inyong,” ituro ang mga bata, at hilingin sa kanila na ituro ang kanilang mga sarili.
-
Magpakita sa mga bata ng isang flashlight, at anyayahan ang isa sa kanila na buksan ito. Ipaliwanag na kapag sinusunod natin ang Tagapagligtas, tulad ito ng pagbubukas ng ilaw na maaaring makatulong sa iba na sumunod rin sa Kanya. Pagkatapos ay takpan o itago ang ilaw, at hilingin sa mga bata na magbanggit ng ilang bagay na maaari nilang gawin para maging mabubuting halimbawa sa iba. Sa tuwing gagawin nila ito, ipaalis sa kanila ang takip ng liwanag (tingnan din sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito).
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na naghihikayat sa mga bata na magningning tulad ng isang liwanag, tulad ng “Magliwanag” o “Tila Ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96, 84). Sabihin sa mga bata ang tungkol sa liwanag na nakikita mo sa kanila kapag sila ay gumagawa ng “mabubuting gawa,” at ipaliwanag kung paanong ang kanilang liwanag at mga halimbawa ay nakakatulong sa iba at nagbibigay-inspirasyon sa iyo na gumawa rin ng mabubuting gawa.
Sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
Ang talatang ito ay makakatulong sa mga bata na maunawaan na dinirinig at sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang 3 Nephi 14:7, anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga galaw na kumakatawan sa bawat paanyaya ng Tagapagligtas sa talatang ito. Halimbawa, maaari silang magtaas ng kanilang mga kamay (humingi), gumawa ng largabista gamit ang kanilang mga kamay (maghanap), o gumalaw na parang kumakatok (kumatok). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaari nilang sabihin at hilingin sa kanilang mga panalangin. Ipaliwanag na maaari nating sabihin sa Ama sa Langit ang anumang bagay, at Siya ay makikinig dahil mahal Niya tayo.
-
Anyayahan ang mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang ginagawa nila sa kanilang mga kamay, mata, at ulo kapag nananalangin sila. Gumamit ng isang awitin tulad ng “Nakayuko” bilang tulong (Aklat ng mga Awit Pambata, 18). Sino ang kinakausap natin kapag tayo ay nananalangin? Magpatotoo na dinirinig ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin.
Nais ng Tagapagligtas na dinggin at sundin ko kung ano ang itinuturo Niya.
Hindi sapat na makinig lamang sa mga salita ng Tagapagligtas. Tanging ang mga nagsasabuhay lamang ng Kanyang mga turo ang makakadaig sa mga unos ng buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang kantahin ang “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132), o basahin ang 3 Nephi 14:24–27. Tulungan ang mga bata na ipalit ang kanilang mga pangalan sa “ang matalino” habang kumakanta sila. Bakit nanatiling nakatayo ang bahay ng matalinong tao habang bumabagyo? Rebyuhin ang talata 24 para mabigyang-diin na kapwa pinakinggan at ginawa niya ang sinabi ng Tagapagligtas.
-
Magpakita sa mga bata ng isang bato at kaunting buhangin. Hilingin sa kanila na ituro ang bato kapag naglarawan ka ng pagpiling sundin ang Tagapagligtas at ituro ang buhangin kapag naglarawan ka ng pagpiling hindi Siya sundin. Magpatotoo na kapag ginawa natin kung ano ang sinasabi ng Tagapagligtas, tayo ay nagiging matibay tulad ng isang bahay na itinayo sa ibabaw ng bato.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Dapat akong magutom at mauhaw sa kabutihan.
Ang lahat ay nakaranas na magutom at mauhaw; binanggit ng Tagapagligtas ang mga pakiramdam na ito para ituro sa atin kung ano ang dapat nating maramdaman tungkol sa paghahangad ng kabutihan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Nang hindi ipinaparinig sa ibang mga bata, hilingin sa isang bata na magkunwaring kumakain o umiinom, at hayaan ang ibang mga bata na hulaan kung ano ang ginagawa niya. Ano ang pakiramdam na kumain ng masustansiyang pagkain o uminom ng malinis na tubig? Paano natin mapapakain ang ating mga espiritu? Anyayahan ang mga bata na basahin ang 3 Nephi 12:6 para malaman kung sa anong bagay nais ng Tagapagligtas na tayo ay “[ma]gutom at [ma]uhaw.” Paano natin ipinapakita na nais natin ng kabutihan tulad ng pagnanais natin ng pagkain at inumin?
-
Magdala ng mga larawan ng pagkain at inumin, at sulatan ang bawat isa ng mga scripture reference tulad ng Awit 119:103; Juan 6:35; 2 Nephi 32:3; Enos 1:4; o 3 Nephi 20:8. Hilingin sa mga bata na basahin ang mga talata at ilarawan kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa maaari nating gawin para maipakita na nagugutom at nauuhaw tayo sa kabutihan. Magbahagi ng mga karanasan kung saan ay nadama mo na “[n]apuspos [ka] ng Espiritu Santo,” at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Dapat kong gawin ang mabubuting bagay sa tamang mga dahilan.
Ipinapahiwatig ng mga talatang ito na ang mabubuting gawa ay hindi sapat—ang ating mga gawa ay kailangang nabigyang-inspirasyon ng pagmamahal sa Diyos at ng hangaring paglingkuran Siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa bawat bata na saliksikin ang 3 Nephi 13:1–4, 5–8, o 16–18 at tukuyin ang mabubuting gawa na binanggit sa mga talatang ito (ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagbibigay ng “limos” ay pagbibigay sa mahihirap). Bakit sinabi ng Tagapagligtas na huwag tularan ang ilan sa mga taong gumagawa ng mga bagay na ito?
-
Bigyan ang bawat bata ng isang piraso ng papel na may nakasulat na isang mabuting gawa (o hayaan silang mag-isip ng sarili nilang mga halimbawa). Hilingin sa kanila na mag-isip ng magagandang dahilan at masasamang dahilan para sa paggawa ng mga bagay na iyon. Hikayatin silang gumawa ng mabubuting bagay sa tamang dahilan.
Ang espirituwal na kaligtasan ay nagmumula sa pakikinig at paggawa ng itinuturo ng Tagapagligtas.
Ang “ulan” at “baha” ay dumarating sa buhay nating lahat, ngunit maaari nating malagpasan ang mga pagsubok kung kapwa pakikinggan at gagawin natin kung ano ang itinuturo ni Jesus.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bilang isang klase, basahin ang 3 Nephi 14:21–27 at 15:1, at hilingin sa mga bata na tumayo sa tuwing mababasa mo ang salitang “gumagawa” o “ginagawa.” Bakit binibigyang-diin ng Tagapagligtas ang paggawa ng Kanyang mga sinasabi, at hindi lamang ang pakikinig o pag-alaala? Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan ng talata 24–25 at isulat sa bato ang “Jesus” at ang isang bagay na itinuro sa atin ni Jesus na gawin. Sama-samang awitin ang “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132).
-
Anyayahan ang mga bata na tumayo, at hilingin sa kanila na isipin na kunwari ay kinakatawan ng isang binti ang pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas at kinakatawan naman ng kabilang binti ang paggawa ng mga ito. Anyayahan sila na itaas ang “paggawa” na binti at magbalanse sa “pakikinig” na binti. Ano ang mangyayari kung umihip ang malakas na hangin sa silid? Gamitin ang halimbawang ito para mailarawan kung bakit mas ligtas na gawin kung ano ang sinasabi ng Tagapagligtas at hindi lamang makinig sa Kanyang mga salita.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa mga turo ni Jesus ngayong araw at magpasiya kung paano sila kikilos ayon dito. Paano makakatulong ang kanilang mga kilos para maging ilaw sila ng kanilang pamilya at mga kaibigan?