Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19: “Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”


“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19: ‘Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagpakita si Jesus sa mga Nephita.

Ang Kanyang Mukha ay Ngumiti sa Kanila, ni Gary L. Kapp

Setyembre 28–Oktubre 11

3 Nephi 17–19

“Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”

Habang binabasa mo ang 3 Nephi 17–19, pag-isipan kung anong mga talata sa banal na kasulatan, karanasan, aktibidad, at kuwento ang makakatulong sa mga bata na maunawaan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang maaari nilang madama kung sila ay dadalawin Niya tulad ng ginawa Niya sa mga Nephita.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

3 Nephi 17:7, 20–25

Minamahal ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit.

Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal para sa mga bata nang basbasan at ipagdasal Niya sila. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na madama ang Kanyang pagmamahal para sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento sa 3 Nephi 17 habang nagpapakita ng isang larawan na tulad ng isa na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 44: Binasbasan ni Jesucristo ang mga Bata,” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 124–25, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Magbasa ng mga kataga o talata mula sa 3 Nephi 17 na nagbibigay-diin sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa mga tao (tulad ng talata 7 at 20–25). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan at pagsasabi ng ginawa ni Jesus dahil mahal Niya ang mga tao.

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng sarili nila na kasama si Jesus. Habang ginagawa nila nito, tulungan silang mag-isip ng mga paraan kung paano ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal para sa kanila.

    binabasbasan ni Jesus  ang mga batang Nephita

    Masdan ang Inyong mga Musmos, ni Gary L. Kapp

3 Nephi 18:1–12

Kaya kong mag-isip ng tungkol kay Jesus kapag tumatanggap ako ng sakramento.

Mayroong maraming bagay na maaaring gumambala sa isang bata sa oras ng sakramento. Paano mo matutulungan ang mga bata sa iyong klase na maunawaan ang kahalagahan ng pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal para sa kanila sa oras ng sagradong ordenansang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa oras ng sakramento. Magbasa ng mga talata mula sa salaysay tungkol sa pangangasiwa ni Jesus ng sakramento sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 18:1–12), at hilingin sa mga bata na tumayo kapag nakarinig sila ng isang bagay na katulad ng ginagawa natin sa oras ng sakramento. Ano ang nais ni Jesucristo na “alalahanin” o isipin natin sa oras ng sakramento? (tingnan sa 3 Nephi 18:7, 11).

  • Humuni, umawit o tumugtog ng isang himno o awitin sa Primary habang nagkukulay ang mga bata ng mga larawang maaaring makatulong sa kanila na alalahanin ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Hikayatin silang tumingin sa mga larawang ito para matulungan silang alalahanin si Jesus kapag nakikibahagi sila ng sakramento.

3 Nephi 18:15, 20–21, 24; 19:16–17, 30

Tinuturuan ako ni Jesus kung paano manalangin.

Ano ang natututuhan mo tungkol sa panalangin habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 17–19? Paano mo magagamit ang natutuhan mo para maituro sa mga bata kung paano manalangin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawan ng mga tao na nananalangin (tulad ng nasa “Kabanata 46: Nagturo si Jesucristo sa mga Nephita at Nagdasal Kasama Nila” sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 128–30). Anyayahan ang mga bata na maghanap ng mga detalye sa mga larawan na nagpapakita na ang mga taong ito ay nananalangin. Basahin ang 3 Nephi 19:16–17 para maipaliwanag na tinuruan tayo ni Jesus kung paano manalangin. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nararamdaman nila kapag sila ay nananalangin.

  • Basahin ang 3 Nephi 18:21, at anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng kanilang mga sarili o ng kanilang mga pamilya na nananalangin. Hikayatin ang mga bata na anyayahan ang kanilang mga pamilya na manalangin kasama nila.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7). Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang natutuhan nila tungkol sa panalangin mula sa awitin. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa panalangin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

3 Nephi 17

Minamahal ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ipinapangako ko sa inyo, mahal kong mga anak, na ang mga anghel ay maglilingkod rin sa inyo. Maaaring hindi ninyo sila nakikita, ngunit naririyan sila upang tulungan kayo, at madarama ninyo ang kanilang presensya” (“To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 83).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang sama-sama ang ilang mga talata mula sa 3 Nephi 17 na sa palagay mo ay magiging makabuluhan sa mga batang tinuturuan mo. Habang binabasa mo ang bawat talata, hilingin sa mga bata na pumili ng isang salita o parirala na sa palagay nila ay mahalaga at pagkatapos ay ibahagi kung bakit makabuluhan ang mga salitang iyon sa kanila. Magpatotoo na mahal na mahal ni Jesus ang mga bata, at ito ang dahilan kung bakit binasbasan Niya sila at nanalangin para sa kanila.

  • Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang maaari nilang madama kung sila ay napabilang sa mga bata na binasbasan ng Tagapagligtas. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para ipakita ang Kanyang pagmamahal? Ano ang maaari nating gawin para maihanda ang ating mga sarili na makapiling Siyang muli sa Kanyang muling pagparito?

3 Nephi 18:1–12

Kapag tumatanggap ako ng sakramento, maaari akong mapuspos ng Espiritu Santo.

Maaari nating matutuhan mula sa 3 Nephi 18 kung gaano kahalaga ang sakramento sa Tagapagligtas. Paano mo matutulungan ang mga bata na maramdaman na mahalaga rin ito sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang 3 Nephi 18:1–12. Ano ang natututuhan nila tungkol sa sakramento mula sa mga talatang ito? Tulungan silang basahin ang mga panalangin sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:77 at 79 at maghanap ng mga salita at parirala sa mga panalanging ito na matatagpuan din sa 3 Nephi 18:1–12. Ano ang kahulugan ng mga salita at pariralang ito? Paano tayo makakapaghanda na makibahagi sa sakramento? Ano ang ipinapangako, o tinitipan, nating gawin kapag tinatanggap natin ang sakramento?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Paano nakakatulong ang mapitagang pagtanggap ng sakramento na madama natin ang Espiritu? Paano ito nakakatulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya?

3 Nephi 18:15–24; 19:6–9, 15–36

Ang pananalangin ay tutulong sa akin na maging malapit sa Ama sa Langit.

Maaari nating madama na malapit ang ating Ama sa Langit sa atin sa pamamagitan ng panalangin. Anong mga mensahe tungkol sa panalangin sa 3 Nephi 18–19 ang tutulong sa mga batang tinuturuan mo na pagbutihin pa ang kanilang mga panalangin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang sumusunod na mga scripture reference sa mga piraso ng papel, at ibigay ang mga ito sa bawat bata o sa maliliit na grupo ng mga bata: 3 Nephi 18:15; 3 Nephi 18:20; 3 Nephi 18:21; 3 Nephi 19:19; at 3 Nephi 19:24. Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga banal na kasulatan para hanapin ang mga bagay na itinuro ni Jesucristo o ng Kanyang mga disipulo tungkol sa panalangin. Hilingin sa kanila na ibahagi sa klase kung ano ang nalaman nila.

  • Sa pisara, isulat ang Nagpapasalamat po ako sa Inyo para sa . Bigyan ang mga bata ng isang minuto para mag-isip ng pinakamaraming bagay na maiisip nila na maaaring ilagay sa patlang. Bakit mabuti para sa atin na magpahayag ng pasasalamat sa Ama sa Langit? Pagkatapos ay isulat ang Hinihiling ko po sa Inyo sa pisara, at sama-samang basahin ang 3 Nephi 18:18–21 at 19:9, 23, at maghanap ng mga ideya tungkol sa mga bagay na dapat nating ipagdasal.

  • Ibahagi ang iyong patotoo o personal na karanasan tungkol sa kapangyarihan ng panalangin, at hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga patotoo o karanasan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na kausapin ang kanilang mga magulang o iba pang mga kapamilya tungkol sa kung paano sila magkakaroon ng higit na makabuluhang karanasan sa sakramento sa susunod na Linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga maliliit na bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Para matulungan ang mga maliliit na bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan, magtuon sa iisang talata ng banal na kasulatan o kahit isang mahalagang parirala lamang. Maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala.