Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26: “Kayo ay mga Anak ng Tipan”


“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26: ‘Kayo ay mga Anak ng Tipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagpakita si Cristo sa mga Nephita

Paglalarawan ni Andrew Bosley ng pagpapakita ni Cristo sa mga Nephita

Oktubre 12–18

3 Nephi 20–26

“Kayo ay mga Anak ng Tipan”

Habang binabasa mo ang 3 Nephi 20–26, “masigasig [mong] saliksikin ang mga bagay na ito” (3 Nephi 23:1) para makahanap ng mga katotohanan na sa palagay mo ay nabigyan ka ng inspirasyon na ibahagi sa mga bata sa iyong klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Pagpasa-pasahan sa klase ang isang larawan ng Tagapagligtas. Kapag hawak ng isang bata ang larawan, anyayahan siya na magbahagi ng isang bagay na itinuro o ginawa ni Jesus nang bisitahin Niya ang mga tao sa Aklat ni Mormon. Maaari silang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa bahay o sa Primary.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

3 Nephi 20:1

Makapagdarasal ako sa aking puso.

Kung natutuhan ng iyong klase ang tungkol sa panalangin noong nakaraang linggo, makapagdaragdag ka sa lesson na iyon sa pamamagitan ng isa sa mga aktibidad na ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang ginagawa nila kapag nagdarasal sila. Ano ang ginagawa nila sa kanilang mga bisig? sa kanilang mga ulo? sa kanilang mga mata? Ipaliwanag na kung minsan ay gusto nating kausapin ang Ama sa Langit, pero hindi tayo maaaring lumuhod o pumikit. Ano ang magagawa natin? Basahin sa mga bata ang 3 Nephi 20:1: “Iniutos [ni Jesus] sa kanila na huwag silang tumigil sa pananalangin sa kanilang mga puso.” Sabihin sa mga bata kung paano ka nananalangin sa iyong puso.

  • Magdrowing ng isang bibig at ng isang puso sa pisara. Hilingin sa mga bata na ituro ang bibig at magsabi sa iyo ng ilang bagay na sinasabi nila kapag nagdarasal sila. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ituro ang puso, at ipaliwanag na maaari rin nating sabihin ang mga bagay na iyon sa ating mga puso. Magpatotoo na alam ng Ama sa Langit ang ating mga nadarama at iniisip.

3 Nephi 24:8–12

Ang pagbabayad ng ikapu ay naghahatid ng mga pagpapala.

Ang mga batang hindi pa nabibinyagan ay hindi inaasahang magbayad ng ikapu. Gayunman, hindi naman masyadong maaga para ituro sa kanila ang mga alituntunin at pagpapala na nauugnay sa batas na ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Kung ang inyong silid-aralan ay may bintana, anyayahan ang mga bata na tumingin dito. Ano ang maaaring pumasok sa silid kapag bukas ang bintana? Basahin ang 3 Nephi 24:10, at ipaliwanag na kapag nagbabayad tayo ng ikapu, nabubuksan ang “mga durungawan ng langit” at maaaring dumating ang mga biyaya sa ating mga buhay.

  • Magpakita sa mga bata ng 10 barya (o iba pang maliliit na bagay). Anyayahan silang bilangin ang mga barya kasama ka. Magpatotoo na ang lahat ng mayroon tayo ay pagpapala mula sa Ama sa Langit. Ihiwalay ang isang barya, at ipaliwanag na kapag nagbabayad tayo ng ikapu, ibinabalik natin sa Ama sa Langit ang ikasampung bahagi ng ating kinikita. Magpakita ng mga larawan na kumakatawan sa paraan kung paano ginagamit ang ikapu para pagpalain ang Simbahan ng Panginoon (gaya ng pagtatayo ng mga templo, pagpapalaganap ng ebanghelyo, at iba pa; tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 109–10, 118–19).

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa ikapu, tulad ng “Nais Kong Ibigay sa Panginoon ang Aking Ikapu” (Liahona, Oktubre 2006). Tukuyin ang mga katagang nagtuturo kung bakit tayo nagbabayad ng ikapu.

3 Nephi 25:5–6

Nais ng Ama sa Langit na malaman ko ang tungkol sa aking mga ninuno.

Tulad ng ipinropesiya sa mga talatang ito, ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod na nagtutulot sa atin na makasama ang ating mga pamilya magpakailanman.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 3 Nephi 25:6, at anyayahan ang mga bata na ilagay ang kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso tuwing maririnig nila ang salitang “puso.” Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na ang “mga anak”—lahat tayo—ay matuto tungkol sa at makadama ng pagmamahal para sa “mga ama”—ating mga magulang, lolo at lola, at kanunu-nunuan.

  • Anyayahan ang magulang ng isa sa mga bata na magkuwento tungkol sa kanilang mga ninuno. O magkuwento sa mga bata ng isang salaysay tungkol sa isa sa iyong mga ninuno; magpakita ng mga larawan kung maaari. Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na makasama natin ang ating mga pamilya magpakailanman, at ito ang dahilan kaya binigyan Niya tayo ng mga templo. Sama-samang awitin ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” (Aklat ng mga Awit Pambata,) 98.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

3 Nephi 23:1, 5

Magagawa kong masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan.

Sinabi ng Tagapagligtas sa mga tao na saliksikin ang mga banal na kasulatan, at ninais Niyang matiyak na itinala nila ang mga salita ng mga propeta (tingnan sa 3 Nephi 23:1, 5–13; 26:2).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang 3 Nephi 23:1, 5 at maghanap ng isang salitang inulit nang tatlong beses. Ano ang ibig sabihin ng saliksikin ang mga salita ng mga propeta? Ano ang pagkakaiba ng pagsasaliksik sa pagbabasa lamang? Sabihin sa mga bata kung paano mo sinasaliksik ang mga banal na kasulatan at kung ano ang nahahanap mo roon.

  • Bigyan ang bawat bata ng isang maliit na kard o piraso ng papel, at anyayahan sila na isulat ang reperensya ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan. (Bigyan sila ng mga mungkahi kung kinakailangan.) Hayaan silang magsalitan sa pagtatago ng kanilang kard sa silid habang nakatakip ang mga mata ng iba pang mga bata. Hilingin sa mga bata na hanapin ang banal na kasulatan, at kapag nahanap na nila ito, basahin ito nang sabay-sabay. Ano ang nakita natin sa banal na kasulatang ito na mahalaga para sa atin?

3 Nephi 24:8–12

Ang pagbabayad ng ikapu ay nagbubukas sa mga durungawan ng langit.

Kapag nagtuturo ka sa mga bata tungkol sa ikapu, inihahanda mo sila na tumanggap ng “isang pagpapala na walang sapat na lugar na mapaglalagyan nito” (3 Nephi 24:10).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Kung magbabayad ako ng ikapu, ang Panginoon ay . Anyayahan ang mga bata na basahin ang 3 Nephi 24:8–12, at tulungan silang maghanap ng mga kataga na kukumpleto sa pangungusap na ito. Magbahagi ng isang karanasan kung saan pinagpala ka dahil nagbayad ka ng ikapu.

  • Magsulat ng ilang halaga ng pera sa pisara, at tulungan ang mga bata na kuwentahin kung magkano ang ikapu (10 porsiyento) na dapat nating ibigay para sa bawat halaga. Ipakita sa kanila kung paano sulatan ang tithing donation slip.

  • Tulungan ang mga bata na maglista sa pisara ng ilang paraan kung paano ginagamit ang ikapu para pagpalain ang Simbahan ng Panginoon (upang magtayo ng mga templo, magpalaganap ng ebanghelyo, maglathala ng mga banal na kasulatan, at iba pa). Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan (o maghanap ng mga larawan sa mga magasin ng Simbahan) na tungkol sa mga paraan kung paano pinagpapala ng ikapu ang Simbahan.

3 Nephi 25:5–6

Nais ng Ama sa Langit na malaman ko ang tungkol sa aking mga ninuno.

Isipin kung paano mo bibigyang-inspirasyon ang mga bata na hanapin ang kanilang mga ninuno para kapag sila ay nasa hustong gulang na para makapunta sa templo, sila ay makakapagsagawa ng mga ordenansa sa ngalan ng mga ninunong iyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na ang 3 Nephi 25:5–6 ay naglalaman ng isang propesiya tungkol sa isang kaganapan na mangyayari sa mga huling araw. Anyayahan sila na basahin ang mga talatang ito para malaman kung ano iyon. Magpatotoo na ang propesiyang ito ay natupad na, at anyayahan ang mga bata na magbasa tungkol dito sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16 (tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 95). Ipaliwanag na kapag tayo ay natututo tungkol sa ating mga ninuno at gumagawa ng mga gawain sa templo para sa kanila, ang ating mga puso ay bumabaling sa ating mga ama.

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isa sa iyong mga ninuno na namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan. Magpakita ng isang larawan kung maaari. Magpatotoo na mahal ng Ama sa Langit ang taong ito, kaya naghanda Siya ng paraan para mabinyagan ang taong ito sa pamamagitan ng gawain sa mga templo. Hilingin sa mga bata na maghanap ng isang parirala sa 3 Nephi 25:6 na maaaring maglarawan sa nadarama mo tungkol sa iyong ninuno.

  • Tulungan ang mga bata na ilagay sa isang family tree ang mga pangalan ng kanilang mga magulang at lolo’t lola. Hikayatin silang hilingin sa kanilang mga magulang na tulungan silang magdagdag ng mas marami pang mga pangalan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na hilingin sa kanilang mga magulang o lolo’t lola na magkuwento sa kanila tungkol sa kanilang mga ninuno.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Natututo ang mga bata sa maraming paraan. Nagiging masaya ang pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan ng mga bago at iba’t ibang mga karanasan. Gamitin ang mga aktibidad na nagtutulot sa kanilang kumilos, gamitin ang lahat ng kanilang mga pandama, at sumubok ng mga bagong bagay. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25.)