Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi: “Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao”


“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi: ‘Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Nananalangin si Jesus kasama ang mga Nephita

Panalangin ni Cristo, ni Derek Hegsted

Oktubre 19–25

3 Nephi 274 Nephi

“Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao”

Habang binabasa mo ang 3 Nephi 274 Nephi, pag-isipan ang mga karanasan, mga kabatiran, mga banal na kasulatan, at mga kuwento na makakatulong sa mga bata na maunawaan ang mga konsepto sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Tulungan ang mga bata na maalala kung ano ang natutuhan nila noong nakaraang ilang linggo tungkol sa itinuro ni Jesus sa mga tao sa lupaing Masagana. Ipaliwanag na sinasabi sa atin ng Aklat ni Mormon kung paano pinagpala ang mga tao nang sundin nila kung ano ang itinuro sa kanila ni Jesus.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

3 Nephi 27:1–22

Kabilang ako sa Simbahan ni Jesucristo.

Paano makakatulong sa mga bata ang mga salita ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo para maunawaan nila ang kahalagahan ng pagiging kabilang sa Simbahan ni Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa bawat bata na sabihin ang kanyang pangalan. Bakit mahalaga ang ating mga pangalan? Sabihin sa kanila na nais malaman ng mga disipulo ni Jesus kung ano ang dapat nilang itawag sa Simbahan ni Cristo. Basahin sa kanila ang tugon ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 27:7. Ayon kay Jesus, kanino dapat ipangalan ang Kanyang Simbahan?

  • Gumawa ng badge na nagsasabing “Kabilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” na maisusuot ng bawat bata sa bahay. Hayaan ang mga bata na kulayan ang kanilang mga badge. Awitin ninyo bilang isang klase ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48). Sabihin kung bakit nagpapasalamat ka na mapabilang sa Simbahan, at tanungin ang mga bata kung bakit sila nagpapasalamat para sa Simbahan.

  • Tulungan ang mga bata na buuin ang puzzle na nasa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ipaliwanag na nais ni Jesus na itayo ang Kanyang Simbahan sa Kanyang ebanghelyo, at gamitin ang pahina ng aktibidad para sabihin sa mga bata kung ano ang ibig sabihin nito.

4 Nephi 1:2–3, 15–17

Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagdudulot sa akin ng kagalakan.

Ang kaligayahan ng mga tao na inilarawan sa 4 Nephi ay maaaring makatulong sa mga bata na matutuhan ang tungkol sa kagalakan na nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na sabihin kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Para maikuwento sa mga bata ang tungkol sa kaligayahan ng mga tao sa 4 Nephi, basahin ang mahahalagang kataga mula sa mga talata 2–3 at 15–17. Maaari ka ring sumangguni sa “Kabanata 48: Kapayapaan sa Amerika” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 136–37, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyang-diin na ang mga tao ay masaya dahil nagbalik-loob sila sa Panginoon, ipinamuhay nila ang mga kautusan, at minahal nila ang isa’t isa.

  • Magpakita ng mga larawan ng masasayang tao. Ipaliwanag na ang mga tao sa 4 Nephi ay nagkaroon ng halos 200 taon ng kaligayahan dahil ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipamuhay ang ebanghelyo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang kautusan na masusunod nila. Halimbawa, maaari mong basahin sa mga bata ang 4 Nephi 1:15 para ituro na ang mga tao ay hindi na nakipag-away sa isa’t isa. Anyayahan ang mga bata na isadula ang pagsunod sa mga kautusan na naisip nila. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa kagalakan na nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108).

  • Basahin ang mga parirala mula sa 4 Nephi 1:24–29, 34–35, at 43 na naglalarawan sa nangyari nang huminto sa pagsunod sa mga kautusan ang ilan sa mga Nephita. Habang ginagawa mo ito, anyayahan ang mga bata na sumimangot kapag may narinig silang isang bagay na parang malungkot. Magpatotoo na ang pagsunod sa mga kautusan ay humahantong sa kaligayahan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

3 Nephi 27:3–8

Kabilang ako sa Simbahan ni Jesucristo.

Isipin kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na makilala ang mga dakilang pagpapalang nagmumula sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang 3 Nephi 27:3, at hanapin kung ano ang itinanong ng mga disipulo ni Jesus sa Kanya. Pagkatapos ay anyayahan silang tingnan ang sagot sa 3 Nephi 27:5–8. Ayon sa mga talatang ito, bakit mahalaga ang pangalan ng Simbahan?

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba’t ibang grupong kinabibilangan nila, tulad ng kanilang pamilya o klase sa Primary. Hilingin sa kanila na sabihin sa iyo kung ano ang gusto nila sa pagiging bahagi ng bawat grupo. Hilingin sa mga bata na tulungan kang isulat ang bawat salita ng pangalan ng Simbahan sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Pagkatapos ay paghalu-haluin ang mga papel, at anyayahan ang mga bata na ayusin ang mga salitang ito ayon sa tamang pagkakasunud-sunod. Anong mga pagpapala ang natanggap natin dahil miyembro tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

3 Nephi 27:13–22

Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakasalig sa Kanyang ebanghelyo.

Ibinuod ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo sa 3 Nephi 27. Paano makakatulong sa mga bata ang Kanyang mga salita para maunawaan nila kung ano ang ebanghelyo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag sa mga bata na ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, mga”). Tulungan ang mga bata na saliksikin ang 3 Nephi 27:13–15 para makahanap ng isang bagay na mukhang mabuting balita para sa kanila. Bakit tayo nagpapasalamat na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Magsulat sa pisara ng mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, ang Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang 3 Nephi 27:19–21, at hanapin ang mga salitang ito o ang katulad na mga salita sa paglalarawan ni Jesus ng Kanyang ebanghelyo.

  • Hilingin sa mga bata na isipin na kunwari ay may kaibigan sila na nagtatanong sa kanila kung ano ang mga pinaniniwalaan nila bilang miyembro ng Simbahan. Tulungan silang maghanap ng mga katotohanan sa 3 Nephi 27:13–21 na maaari nilang ibahagi para maibuod kung ano ang mga pinaniniwalaan natin.

  • Anyayahan ang mga bata na pumili ng isa sa mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 27:13–21 na gusto pa nilang matutuhan. Tulungan silang gamitin ang mga footnote o Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng isa o dalawang talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa katotohanang iyon. Anyayahan silang ibahagi sa isa’t isa ang kanilang mga talata sa banal na kasulatan at kung ano ang natutuhan nila. Bakit tayo nagpapasalamat na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo?

4 Nephi

Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagdudulot sa akin ng kagalakan.

Dahil sila ay nagbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ang mga taong inilarawan sa 4 Nephi ay nakapagtatag ng isang lipunang may kapayapaan at pagkakaisa. Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata mula sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maghanda ng mga piraso ng papel na may mga pariralang mula sa 4 Nephi 1:2–3, 5, at 15–17 na naglalarawan sa mga pagpapalang natanggap ng mga tao (tulad ng “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain”). Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan, at papiliin ang bawat bata ng isa at ipabasa ito. Hikayatin ang mga bata na hanapin ang kanilang parirala sa mga talatang ito mula sa 4 Nephi. Ano ang matututuhan natin mula sa mga pariralang ito? Ano ang nakikita nating mga pagkakatulad sa pagitan ng mga talatang ito at ng kahulugan ng Sion sa Moises 7:18?

  • Para matulungan ang mga bata na gawin kung ano ang itinuturo sa 4 Nephi 1:15–16, bigyan sila ng mga sitwasyon kung saan nagagalit ang mga tao sa isa’t isa. Anyayahan silang isadula kung ano ang mangyayari sa sitwasyon kung magsisikap silang mamuhay nang walang “alitan.” Bakit mas madaling iwasan ang alitan kapag tayo ay may “pag-ibig sa Diyos” sa ating mga puso?

  • Basahin ang sumusunod na mga talata kasama ang mga bata, at hilingin sa kanila na maghanap ng mga dahilan kung bakit nawalan ng kapayapaan at kaligayahan ang mga Nephita at Lamanita: 4 Nephi 1:20, 24–29, 34–35, at 43. Paano natin maiiwasan ang ganitong mga panganib? Tulungan ang mga bata na matuklasan ang mga paraan para maiwasan ang pagiging mapagmataas sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 278–280.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na pagpasiyahan ang isang bagay na gagawin nila para magdulot ng higit na kapayapaan at kaligayahan sa kanilang tahanan at ibahagi ito sa kanilang mga pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Suportahan ang mga magulang ng mga bata. “Ang mga magulang ang pinakamahahalagang guro ng ebanghelyo para sa kanilang mga anak—nasa kanila kapwa ang pangunahing responsibilidad at ang pinakadakilang kapangyarihang impluwensyahan ang kanilang mga anak (tingnan sa Deuteronomio 6:6–7). Habang tinuturuan mo ang mga bata sa simbahan, mapanalanging maghangad ng mga paraan na masuportahan ang mga magulang sa kanilang mahalagang tungkulin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).