Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: “Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”


“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: ‘Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagsusulat si Mormon sa mga laminang ginto

Si Mormon habang Pinaiikli ang mga Nakatala sa mga Lamina, ni Tom Lovell

Oktubre 26–Nobyembre 1

Mormon 1–6

“Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”

Maaaring mahirap para sa mga bata na maunawaan nang lubos ang mga pangyayaring inilarawan sa Mormon 1–6, ngunit matututuhan pa rin nila ang mga aral ng pamumuhay nang matwid sa isang masamang mundo mula sa salaysay ni Mormon. Paano mo magagamit ang kanyang karanasan para maituro sa mga bata kung paano manatiling tapat sa ebanghelyo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ano ang nalalaman ng mga bata tungkol kay Mormon? Anyayahan silang ibahagi kung ano ang nalaman o natutuhan nila kasama ng kanilang mga pamilya. Maaaring makatulong ang pagpapakita ng isang larawan ni Mormon gaya ng makikita sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mormon 1:1–3

Maaari akong maging matuwid tulad ni Mormon.

Bagama’t maliliit pa ang mga batang tinuturuan mo, maaari silang magkaroon ng mga espirituwal na katangian at mamuhay nang matwid.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mormon 1:1–3 sa mga bata, o gamitin ang “Kabanata 49: Si Mormon at ang Kanyang mga Turo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 138–42, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan silang pakinggan kung ilang taon lamang si Mormon nang bigyan siya ni Amaron ng isang espesyal na misyon. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na itaas ang ganoong karaming mga daliri. Para matulungan ang mga bata na maisip kung gaano kabata si Mormon noon, magpakita sa kanila ng larawan ng isang tao na 10 taong gulang. Tulungan silang maunawaan ang mga katangiang nakita ni Amaron kay Mormon noong bata pa siya, at magpatotoo na magagawa ng mga bata na maging tulad ni Mormon kapag sila ay sumunod kay Jesucristo.

  • Maglaro ng isang laro kung saan ay gagayahin ng mga bata ang mga karaniwang kilos na ginagawa mo. Pagkatapos ay magpakita ng mga larawan ng mga bagay na ginawa ni Jesus, at pag-usapan kung paano natin Siya masusunod (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 33–35, 41–42). Talakayin ang mga paraan kung paano sumunod si Mormon kay Jesucristo—halimbawa, sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo, paghihikayat sa mga tao na sundin ang Diyos, at pagmamahal sa iba.

Mormon 3:3, 9

Binibigyan ako ng Ama sa Langit ng maraming pagpapala.

Ang mga turo ni Mormon ay maaaring makatulong sa mga bata na makilala ang mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mormon 3:3 at 9 sa mga bata, at ipaliwanag na hindi nakita ng mga Nephita na sila ay pinagpala ng Ama sa Langit. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagpapala na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit. Magpakita ng mga larawan o bagay na magbibigay sa kanila ng mga ideya. Ano ang magagawa natin ngayon para ipakita na nagpapasalamat tayo sa Ama sa Langit para sa ating mga pagpapala?

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit, at hilingin sa kanila na magdrowing ng mga larawan ng ilan sa mga pagpapalang ito. Anyayahan sila na isabit ang kanilang mga larawan sa isang lugar sa bahay kung saan makikita nila ang mga ito at maaalala na pinagpapala sila ng Ama sa Langit sa maraming paraan. Maaari mo rin silang anyayahan na tukuyin ang mga pagpapalang nagmumula sa Ama sa Langit habang kinakanta nila ang unang talata ng “Salamat, Ama Ko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 9).

Mormon 3:12

Nais ng Ama sa Langit na mahalin ko ang lahat ng tao.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na magkaroon ng hangaring makadama ng pagmamahal para sa mga nakapaligid sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa bawat bata na magdrowing ng isang tao sa pisara, at ipaliwanag kung paanong ang bawat tao na idinrowing nila ay naiiba ang hitsura sa iba pa. Magdrowing ng isang malaking puso na nakapalibot sa lahat ng mga drowing. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nais ng Ama sa Langit na mahalin natin ang lahat ng tao. Basahin ang Mormon 3:12, at bigyang-diin ang mga salitang “pagmamahal” at “minahal.” Ano ang ginawa ni Mormon para ipakita ang kanyang pagmamahal para sa iba?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39), habang nagpapakita ng mga larawan ng mga bata mula sa buong mundo. Magpatotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak. Gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito kasama ang mga bata.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mormon 1:1–3; 2:1, 23–24; 3:1–3, 12, 17–22

Maaari akong maging matuwid tulad ni Mormon.

Napakabata pa ni Mormon nang makita ni Amaron na mapagkakatiwalaan na siya para pangalagaan ang mga sagradong talaan. Ano ang mga mabubuting katangian na nakikita mo sa mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang bawat bata na basahin ang isa sa sumusunod na mga talata, at tulungan silang ibahagi kung ano ang natutuhan nila tungkol kay Mormon: Mormon 1:1–3; 2:1, 23–24; at 3:1–3, 12, 20–22. Pagkatapos ay ibahagi ang mga mabubuting katangian na nakikita mo sa bawat bata.

  • Magpakita ng isang larawan ni Mormon (tingnan ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Tulungan ang mga bata na makita na dahil si Mormon ay responsable at mapagkakatiwalaan para itago at pangalagaan ang mga talaan ng mga Nephita, mayroon tayong Aklat ni Mormon ngayon. Pag-usapan ninyo ng mga bata kung ano ang ibig sabihin ng maging responsable at mapagkakatiwalaan. Anyayahan silang mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging mas responsable.

    si Mormon noong bata pa

    Mormon, Age 10, ni Scott M. Snow

Mormon 2:8–15; 5:10–11

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa tunay na pagsisisi.

Nakita ni Mormon na ang masasamang Nephita ay malungkot, ngunit ang kanilang kalungkutan ay hindi naghihikayat sa kanila na magsisi (tingnan sa Mormon 2:13). Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng kalumbayang ayon sa sanlibutan at ng kalumbayang mula sa Diyos na humahantong sa pagsisisi?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading: Kalumbayang humahantong sa pagsisisi at Kalumbayang hindi humahantong sa pagsisisi. Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Mormon 2:8, 10–15. Tulungan silang isulat ang mga bagay na natutuhan nila tungkol sa kalungkutan sa ilalim ng tamang heading sa pisara. Paano natin matitiyak na ang kalungkutan na nadarama natin para sa ating mga kasalanan ay umaakay sa atin na magbago?

  • Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric o isang magulang ng isa sa mga bata na ibahagi sa klase kung paano makakatulong sa atin ang kalumbayang mula sa Diyos na magbago para maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Bakit mahalagang malaman kung ang nadarama natin ay kalumbayang mula sa Diyos o kalumbayang ayon sa sanlibutan? Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Mormon 2:12 para hanapin ang mga dahilan kung bakit dapat “magalak … [ang ating mga] puso” dahil sa pagsisisi (Mormon 2:12).

Mormon 3:12

Nakadarama ako ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa iba.

Kadalasan ay madaling mahalin ang mga nagmamahal sa atin at ang mga katulad natin, ngunit ipinakita ni Mormon na sa pamamagitan ng tulong ng Ama sa Langit, maaari nating mahalin ang mga taong iba ang pinaniniwalaan at ikinikilos kumpara sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang isang bata na basahin ang Mormon 3:12, at anyayahan ang mga bata na magsulat ng isang pangungusap na nagbubuod ng natutuhan nila mula kay Mormon tungkol sa pagmamahal sa iba. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang isinulat nila. Paano natin madarama ang pagmamahal ng Diyos para sa iba? (tingnan sa Moroni 7:48). Ano ang maaari nating gawin para maipakita ang ating pagmamahal para sa mga tao sa ating klase at sa ating mga pamilya?

  • Anyayahan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Tulungan silang mag-isip ng mga makabuluhang paraan para tumulong nang may pagmamahal sa mga tao na maaaring naiiba sa atin.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na idispley sa bahay ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para mapaalalahanan sila na magpakita ng pagmamahal sa iba. Bigyan sila ng pagkakataon sa isang klase sa hinaharap na ibahagi kung ano ang ginawa nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad para maging akma sa edad ng mga batang tinuturuan mo. Ang mga mas maliliit na bata ay nangangailangan ng mga mas detalyadong mga paliwanag at natututo mula sa mas simpleng mga pamamaraan ng pagtuturo. Habang tumatanda ang mga bata, mas marami silang maiaambag at maaaring mas mahusay nang makapagbabahagi ng kanilang mga ideya. Bigyan ang lahat ng bata ng pagkakataon na angkop sa kanilang edad para magbahagi, magpatotoo, at makilahok, at tiyakin na magbigay ng tulong kung kinakailangan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)