Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: “Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”


“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: ‘Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Mormon na nagsusulat sa mga laminang ginto

Si Mormon na Ibinubuod ang mga Lamina, ni Tom Lovell

Oktubre 26–Nobyembre 1

Mormon 1–6

“Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”

Habang binabasa mo ang Mormon 1–6, pagnilayan ang natututuhan mo mula sa halimbawa ni Mormon. Itala ang mga bagay na nahihikayat kang gawin.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hindi itinala ni Mormon ang “buong ulat” ng “kakila-kilabot na tagpo” ng kasamaan at pagdanak ng dugo na nakita niya sa mga Nephita (Mormon 2:18; 5:8). Ngunit ang itinala niya sa Mormon 1–6 ay sapat na para ipaalala sa atin kung paano maaaring maging masama ang dating mabubuting tao. Sa gitna ng gayong laganap na kasamaan, hindi masisisi ninuman si Mormon kung napagod siya at pinanghinaan pa ng loob. Subalit sa kabila ng lahat ng nakita at naranasan niya, hindi nawala kailanman ang paniniwala niya sa dakilang awa ng Diyos at ang pananalig niya na pagsisisi ang paraan para matanggap ito. At bagama’t hindi tinanggap ng mga tao ni Mormon ang kanyang mga pagsamo na magsisi, alam niya na may mas maraming mambabasa siyang hihikayatin. “Masdan,” pahayag niya, “ako ay sumusulat sa lahat ng nasa mga dulo ng mundo.” Sa madaling salita, siya ay sumulat sa iyo (tingnan sa Mormon 3:17–20). At ang kanyang mensahe sa iyo, ngayon, ay siya ring mensaheng nakapagligtas sana sa mga Nephita sa kanilang panahon: “Maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo. … Magsisi at maghandang tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo” (Mormon 3:21–22).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mormon 1

Makakapamuhay ako nang matwid sa kabila ng kasamaan sa aking paligid.

Simula sa unang kabanata ng Mormon, mapapansin mo ang malalaking pagkakaiba sa pagitan ni Mormon at ng mga tao sa kanyang paligid. Habang binabasa mo ang Mormon 1, isiping paghambingin ang mga katangian at hangarin ni Mormon at ng kanyang mga tao. Pansinin ang mga ibinunga nito sa kanya at sa kanila (makikita mo ang isang halimbawa sa talata 14–15). Ano ang natututuhan mo na naghihikayat sa iyo na mamuhay nang matwid sa isang masamang mundo?

Habang binabasa mo ang Mormon 2–6, patuloy na alamin kung paano ipinamalas ni Mormon ang kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kabila ng masasamang impluwensya sa kanyang paligid.

Larawan
mga Nephita at Lamanita na naglalabanan

Digmaan, ni Jorge Cocco

Mormon 2:10–15

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa tunay at nagtatagal na pagbabago.

Nang makita ni Mormon ang kalungkutan ng kanyang mga tao, umasa siya na magsisisi sila. Ngunit ang “kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi” (Mormon 2:13)—hindi iyon ang uri ng makadiyos na kalungkutang humahantong sa tunay na pagbabago (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:8–11). Sa halip, nadama ng mga Nephita ang kalungkutang dahil sa sanlibutan (tingnan sa Mormon 2:10–11). Para maunawaan ang pagkakaiba ng kalungkutan mula sa Diyos at kalungkutang dahil sa sanlibutan, isiping gumawa ng isang tsart kung saan mo maitatala ang natututuhan mo mula sa Mormon 2:10–15 tungkol sa dalawang uring ito ng kalungkutan. Ganito ang maaaring maging hitsura ng iyong tsart:

Kalungkutang mula sa Diyos

Kalungkutang dahil sa sanlibutan

Kalungkutang mula sa Diyos

Lumapit kay Jesus (talata 14)

Kalungkutang dahil sa sanlibutan

Isumpa ang Diyos (talata 14)

Kalungkutang mula sa Diyos

Kalungkutang dahil sa sanlibutan

Kalungkutang mula sa Diyos

Kalungkutang dahil sa sanlibutan

Habang pinagbubulayan mo ang natututuhan mo, isipin kung paano nito maiimpluwensyahan ang iyong pagsisikap na madaig ang kasalanan at maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!Ensign o Liahona, Nob. 2013, 55–57.

Mormon 3:3, 9

Dapat kong kilalanin palagi ang kamay ng Diyos sa aking buhay.

Itinala ni Mormon ang isang kahinaang nakita niya sa mga Nephita: hindi nila kinilala ang mga paraan na napagpala sila ng Panginoon. Hinimok tayo ni Pangulong Henry B. Eyring na “humanap ng mga paraan para makilala at maalala ang kabaitan ng Diyos. … Magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking mga anak? … Pinatototohanan ko na mahal Niya tayo at pinagpapala tayo, nang higit sa nalalaman ng karamihan sa atin” (“O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 67, 69).

Habang binabasa mo ang Mormon 3:3, 9, maaari mong pagnilayan kung paano mo kinikilala ang impluwensya ng Diyos sa iyong buhay. Anong mga pagpapala ang dumarating kapag kinikilala mo ang Kanyang impluwensya? Ano ang ibubunga ng hindi pagkilala sa Kanya? (tingnan sa Mormon 2:26).

Mormon 5:8–24; 6:16–22

Nakatayo si Cristo na nakaunat ang mga bisig para tanggapin ako.

Tinanggihan ng mga Nephita ang mga turo ni Mormon, ngunit umasa siyang maimpluwensyahan ka ng kanyang talaan. Habang binabasa mo ang Mormon 5:8–24 at 6:16–22, ano ang natututuhan mo tungkol sa mga bunga ng kasalanan? Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa damdamin ng Ama sa Langit at ni Jesus sa iyo, kahit nagkakasala ka? Paano mo nadama na nakaunat ang mga bisig ni Jesucristo sa iyo para tulungan ka? Ano ang nahihikayat kang gawin dahil dito?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Mormon 1:2

Ano ang kahulugan ng “mabilis magmasid”? Makikita mo ang mga ideya sa artikulo ni Elder David A. Bednar na “Mabilis Magmasid” (Liahona, Dis. 2006, 15–20). Paano naging pagpapala kay Mormon ang kaloob na maging mabilis magmasid? Paano ito magiging pagpapala sa atin?

Mormon 1:1–6, 15; 2:1–2

Nauunawaan ba ng mga bata sa inyong pamilya na maaari silang magkaroon ng malalaking espirituwal na katangian at kapangyarihan kahit bata pa sila? Maaaring makatulong sa kanila ang halimbawa ni Mormon. Isiping gumawa ng isang timeline ng kamusmusan at kabataan ni Mormon, gamit ang mga edad at pangyayari sa Mormon 1:1–6, 15 at 2:1–2. Habang tinatalakay mo ang mga katangian at karanasan ni Mormon, banggitin ang mga katangian ng iyong mga anak na nagbibigay-inspirasyon sa iyo at sa iba pa na nasa paligid nila.

Mormon 2:18–19

Anong mga salita ang ginamit ni Mormon para ilarawan ang mundong tinirhan niya? Paano niya napanatili ang pag-asa sa kabila ng kasamaan sa kanyang paligid? Paano rin ito magagawa ng ating pamilya?

Mormon 3:12

Ano ang nadama ni Mormon tungkol sa mga tao sa kanyang paligid, kahit masasama sila? Ano ang magagawa natin para magkaroon ng uri ng pagmamahal na mayroon siya?

Mormon 5:2

Bakit maaari tayong mag-atubili na manawagan sa Ama sa Langit kapag nahihirapan tayo? Ano ang magagawa natin para mas umasa tayo sa Ama sa Langit?

Mormon 5:16–18

Para mailarawan ng inyong pamilya sa kanilang isipan kung ano ang ibig sabihin ng “itinataboy tulad ng ipa sa hangin” (talata 16), punitin sa maliliit na piraso ang isang papel at ipaihip ang mga ito sa mga miyembro ng pamilya. Ipaliwanag na ang ipa ay balat na natatanggal sa isang binhi, at sapat ang gaan nito para itaboy ng hangin sa paligid. Paano naging parang ipa na itinataboy ng hangin ang pagiging “walang Cristo at Diyos sa daigdig” (talata 16)?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magturo ng malinaw at simpleng doktrina. Ang ebanghelyo ng Panginoon ay maganda sa kapayakan nito (tingnan sa D at T 133:57). Sa halip na tangkaing libangin ang inyong pamilya sa magagarbong lesson, tiyaking nakatuon ang itinuturo mo sa dalisay at simpleng doktrina.

Larawan
si Mormon na nakatanaw sa lugar ng pinaglabanan ng mga Nephita at Lamanita

Mahimalang Aklat ni Mormon, ni Joseph Brickey

Print