“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9: ‘Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Nobyembre 2–8.
Mormon 7–9
“Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto”
Sina Mormon at Moroni ay nanalig na ang kanilang talaan ay magbibigay-inspirasyon sa mga nabubuhay sa mga huling araw. Habang binabasa mo ang Mormon 7–9, isulat ang mga impresyon na dumarating sa iyo kung paano mo maipamumuhay ang natututuhan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Alam nina Mormon at Moroni kung ano ang pakiramdam ng nag-iisa sa isang masamang mundo. Para kay Moroni ang kalungkutan ay maaaring mas malubha matapos mapatay ang kanyang ama sa labanan at malipol ang mga Nephita. “Ako lamang ang nalabing mag-isa,” pagsulat niya. “Wala akong kaibigan ni patutunguhan” (Mormon 8:3, 5). Mukhang wala na yatang pag-asa ang mga bagay-bagay, ngunit nakasumpong ng pag-asa si Moroni sa kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa kanyang kaalaman na “ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon ay magpapatuloy” (Mormon 8:22). At alam ni Moroni na magiging mahalaga ang papel ng Aklat ni Mormon sa mga walang-hanggang layuning iyon—ang talaan na masigasig niyang tinatapos noon, ang talaan na balang-araw ay “magningning mula sa kadiliman” at aakay sa maraming tao “sa kaalaman kay Cristo” (Mormon 8:16; 9:36). Ang pananampalataya ni Moroni sa mga pangakong ito ang naging dahilan para ipahayag niya sa mga mambabasa ng aklat na ito sa hinaharap na “Ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto” at “Alam kong mapapasainyo ang aking mga salita” (Mormon 8:35; 9:30). Ngayon ay napasaatin nga ang kanyang mga salita, at ang gawain ng Panginoon ay lumalaganap, dahil nanatiling tapat sina Mormon at Moroni sa kanilang misyon, kahit nag-iisa sila.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Kailangan kong maniwala kay Jesucristo at “panghawakan” ang Kanyang ebanghelyo.
Ang huling nakatalang mga salita ni Mormon, na matatagpuan sa Mormon 7, ay para sa mga inapo ng mga Lamanita sa mga huling araw, ngunit naglalaman ito ng mga katotohanan na para sa ating lahat. Ano ang itinuturo sa iyo ng mensahe ni Mormon tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Bakit kaya pinili ni Mormon ang mensaheng ito para wakasan ang kanyang mga isinulat?
Mormon 7:8–10; 8:12–22; 9:31–37
Malaki ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon.
Itinanong ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung aalukan kayo ng mga diyamante o mga rubi o ng Aklat ni Mormon, alin ang pipiliin ninyo? Ang totoo, alin ang mas mahalaga sa inyo?” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 61).
Alam nina Mormon at Moroni na ang iniingatan nilang talaan ay magiging malaki ang kahalagahan sa ating panahon, kaya malaki ang mga isinakripisyo nila para ihanda at protektahan ito. Habang binabasa mo ang Mormon 7:8–10; 8:12–22; at 9:31–37, isipin kung bakit napakahalaga ng talaang ito sa ating panahon. Maaari kang makakita ng iba pang mga kabatiran sa 1 Nephi 13:38–41; 2 Nephi 3:11–12; at Doktrina at mga Tipan 33:16; 42:12–13. Anong mga karanasan ang nagpaalam sa iyo na malaki ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon?
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.
Ipinakita ni Jesucristo kay Moroni ang mangyayari kapag lumabas ang Aklat ni Mormon (tingnan sa Mormon 8:34–35), at ang nakita ni Moroni ang naghikayat sa kanya na magbigay ng matatapang na babala para sa ating panahon. Habang binabasa mo ang Mormon 8:26–41 at 9:1–30, pagnilayan kung may anumang mga palatandaan ng mga pag-uugali at kilos na ito sa iyong buhay. Ano ang maaari mong baguhin?
Halimbawa, ang Mormon 9:1–30 ay naglalaman ng mensahe ni Moroni bilang tugon sa laganap na kawalan ng paniniwala kay Jesucristo na nakinita niya sa ating panahon. Isiping itala ang natututuhan mo mula sa kanyang mga salita tungkol sa mga sumusunod:
-
Ang mga bunga ng hindi paniniwala kay Cristo (talata 1–6, 26)
-
Ang kahalagahan ng paniniwala sa isang Diyos ng paghahayag at mga himala (talata 7–20)
-
Ang payo ni Moroni para sa atin (talata 21–30)
Ano ang matututuhan mo kay Moroni na makakatulong sa iyo na ilapit ang iba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Mormon 7:5–7, 10; 9:11–14
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa plano ng Ama sa Langit at kung bakit kailangan natin ang isang Tagapagligtas?
Mormon 7:8–10
Ano ang natutuhan natin sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa taong ito na nagpalakas sa ating paniniwala sa Biblia? Para mapasimulan ang isang talakayan, maaari ninyong basahin nang sama-sama ang ilang talata mula sa Aklat ni Mormon at sa Biblia na nagtuturo ng magkakatulad na katotohanan, tulad ng Alma 7:11–13 at Isaias 53:3–5 o 3 Nephi 15:16–24 at Juan 10:16.
Mormon 8:1–9
Ano kaya ang pakiramdam ng nag-iisa na katulad ni Moroni? Ano ang hinahangaan natin sa kanyang nagawa?
Mormon 8:12, 17–21; 9:31
Isiping basahin ang mga talatang ito bilang pamilya at pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland: “Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man. … Kapag may nakikita kayong pagkakamali, alalahanin na ang limitasyon ay hindi sa kabanalan ng gawain” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94). Bakit mapanganib na magtuon sa mga kamalian ng iba, kabilang na ang mga taong sumulat ng Aklat ni Mormon?
Mormon 8:36–38
Ano ang ibig sabihin ng taglayin ang pangalan ni Jesucristo sa ating sarili? Bakit kaya mahihiya ang isang tao na taglayin sa kanyang sarili ang pangalan ni Jesucristo? Paano tayo magiging matapang sa ating patotoo sa Tagapagligtas?
Mormon 9:16–24
May ilang sangkap na kailangan para magtagumpay ang isang eksperimento sa siyensya o sumarap ang isang putahe. Isiping gumawa ng isang eksperimento o isang paboritong putahe bilang pamilya bago basahin ang Mormon 9:16–24. Habang binabasa ninyo ang mga talata (lalo na ang talata 20–21), hanapin ang kailangang “mga sangkap” para makagawa ng mga himala. Anong mga himala ang nakikita natin sa mundo sa ating paligid at sa ating pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.