Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 2–8. Mormon 7–9: “Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto”


“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9: ‘Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagsusulat si Moroni sa mga laminang ginto

Si Moroni habang Nagsusulat sa mga Laminang Ginto, ni Dale Kilborn

Nobyembre 2–8

Mormon 7–9

“Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto”

Habang binabasa mo ang Mormon 7–9, isipin kung ano ang pinakahinahangad mong malaman ng mga batang tinuturuan mo. Planuhing ituro ang mga katotohanang nadarama mo na magpapala sa kanilang mga buhay.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Pagpasa-pasahan ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula rito kapag pagkakataon na nilang hawakan ang aklat. Kung kailangan nila ng tulong, ipaalala sa kanila ang mga bagay na natutuhan nila kamakailan sa klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mormon 7:8–10

Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay kapwa nagpapatotoo kay Jesucristo.

Itinuro ni Mormon na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para tulungan tayong maniwala sa Biblia at na ang mga naniniwala sa Biblia ay maniniwala sa Aklat ni Mormon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, at ituro ang mga salita sa titulo habang binabasa mo ito, at bigyang-diin ang mga salitang isa pang. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga aklat ng banal na kasulatan na nagtuturo sa atin tungkol kay Jesus. Ipakita sa kanila na ang Biblia ay mayroong Lumang Tipan at Bagong Tipan. Tulungan ang mga bata na sabihin ang “Lumang Tipan, Bagong Tipan” kapag itinuro mo ang Biblia at ang “Isa Pang Tipan” kapag itinuro mo ang Aklat ni Mormon.

  • Idispley ang isang mapa ng daigdig o ang pahina ng aktibidad para sa outline na ito, kasama ng Biblia at Aklat ni Mormon. Gamitin ang mga bagay na ito para ituro sa mga bata na ang Biblia ay isang talaan ng mga turo ni Jesus sa loob at paligid ng Jerusalem at ang Aklat ni Mormon ay isang talaan ng Kanyang mga turo sa mga lupain ng Amerika.

  • Pumili ng ilang mga pangyayari at katotohanan na pinatototohanan kapwa ng Biblia at ng Aklat ni Mormon, tulad ng pagsilang, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus. Magpakita ng mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo na nagpapakita ng mga pangyayari at katotohanang ito. Hilingin sa mga bata na ilarawan ang nakikita nila sa mga larawan, at sabihin sa kanila na kapwa ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo tungkol sa mga bagay na ito.

Mormon 8:3

Makapipili ako ng tama kahit na pakiramdam ko ay nag-iisa ako.

Si Moroni ang pinakahuling mabuting Nephita, ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang patotoo. Tulungan ang mga bata na matuto mula sa kanyang halimbawa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mormon 8:3, na binibigyang-diin na si Moroni ay mag-isa, ngunit patuloy pa rin niyang sinunod ang mga kautusan, kabilang na ang utos na tapusin ang Aklat ni Mormon. Magbahagi ng isang pagkakataon nang ikaw ay naging matapat kahit na nadama mong nag-iisa ka.

  • Matapos talakayin ang halimbawa ni Moroni, magbahagi ng ilang sitwasyon kung saan ay kailangang magdesisyon ng isang bata kung pipiliin niya ang tama, kahit na walang nakatingin. Ano kaya ang gagawin ni Moroni?

  • Samahan ang mga bata sa pag-awit ng isang awitin tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81). Bakit mahalagang piliin ang tama sa lahat ng oras, kahit na kapag ikaw ay nag-iisa?

Mormon 9:7–21

Ang Diyos ay “isang Diyos ng mga himala.”

Ipaunawa sa mga bata na ang mga himala ay mahalaga sa gawain ng Diyos at na ang Diyos ay gagawa ng mga himala kapag ang Kanyang mga tao ay mayroong pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na ang himala ay isang bagay na ginagawa ng Diyos para maipakita ang Kanyang kapangyarihan at pagpalain ang ating mga buhay (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala”). Magbasa ng mga salita at parirala sa Mormon 9:11–13, 17 na naglalarawan ng ilan sa mga himala ng Diyos. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga himala na matatagpuan sa mga banal na kasulatan (ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, tulad ng blg. 26, 40, 41, at 83, ay maaaring makatulong). Magpatotoo na ang Diyos ay gumawa ng mga himala noong unang panahon at Siya ay patuloy pa ring gumagawa ng mga himala ngayon.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nakakita ka ng mga himala sa Simbahan ngayon o sa sarili mong buhay. Magpatotoo na ang Diyos ay “isang Diyos ng mga himala” (Mormon 9:11).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mormon 7:8–10

Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay kapwa nagpapatotoo kay Jesucristo.

Itinuro ni Mormon na ang “ebanghelyo ni Jesucristo … ay ipaaalam sa [atin]” kapwa sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Isipin kung paano mo ituturo sa mga bata na kapwa ang dalawang sagradong aklat na ito ay mahalaga sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Mormon 7:9, ngunit mag-iwan ng patlang para sa mga salitang ito at roon. Isulat din sa pisara ang ito = ang Aklat ni Mormon at roon = ang Biblia. Anyayahan ang mga bata na basahin nang malakas ang Mormon 7:9 at gamitin ang mga parirala sa pisara para punan ang mga patlang. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Biblia at sa Aklat ni Mormon mula sa talatang ito?

  • Magdispley ng isang Aklat ni Mormon at ng isang Biblia. Magbahagi ng ilang kuwento mula sa bawat aklat at magpakita ng mga larawan kung mayroon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Anyayahan ang mga bata na ituro ang aklat kung saan nagmumula ang kuwento. Bakit natin kailangan ang dalawang aklat?

  • Isulat ang bawat salita ng ikawalong saligan ng pananampalataya sa magkakahiwalay na mga piraso ng papel. Bigyan ng isa o dalawang salita ang bawat bata, at anyayahan ang mga bata na magtulungan para ilagay ang mga salita sa tamang pagkakasunud-sunod. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ulitin nang ilang beses ang saligan ng pananampalataya. Ano ang itinuturo nito sa atin?

    mga kopya ng Aklat ni Mormon sa iba’t ibang wika

    Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.

Mormon 8:1–7

Makapipili ako ng tama kahit na pakiramdam ko ay nag-iisa ako.

Ang determinasyon ni Moroni na “[tuparin] ang kautusan ng [kanyang] ama,” kahit na namatay na ang kanyang ama, ay makakapagbigay-inspirasyon sa mga bata na sundin ang mga utos ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mormon 8:1–7 kasama ang mga bata, at anyayahan sila na ibahagi kung ano kaya ang mararamdaman nila kung sila si Moroni. Hilingin sa kanila na muling tingnan ang talata 1, 3, at 4 para makita kung ano ang iniutos kay Moroni na gawin. Paano “[tinupad ni Moroni] ang kautusan ng [kanyang] ama”? Paano tayo magiging mas katulad ni Moroni?

  • Anyayahan ang bawat isa sa mga bata na magsulat ng isang sitwasyon kung saan kailangan nilang pumili sa pagitan ng tama o mali nang walang nakakakita. Ilagay ang kanilang mga ideya sa isang lalagyan, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagpili ng isang sitwasyon at pagbabahagi kung ano ang gagawin nila para maging katulad ni Moroni.

Mormon 8:24–26; 9:7–26

Ang Diyos ay “isang Diyos ng mga himala.”

Maraming tao ngayon ang hindi naniniwala na nangyayari pa rin ang mga himala. Gamitin ang mga turo ni Moroni sa mga talatang ito para ituro sa mga bata na kapag mayroon tayong pananampalataya, makikita natin ang Diyos na gumagawa ng mga himala sa ating mga buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang recipe. Ano ang mangyayari kung hindi mo nailagay ang isang mahalagang sangkap? Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Mormon 8:24 at 9:20–21 para hanapin ang “sangkap” na kailangang magkaroon tayo bago gumawa ng mga himala ang Diyos. Magbahagi ng mga halimbawa ng mga himala—malaki man o maliit—na nakita mo sa Simbahan o sa iyong buhay. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang sariling mga halimbawa.

  • Hatiin sa dalawang grupo ang mga bata. Anyayahan ang bawat grupo na maghanap ng mga halimbawa ng mga himala sa ilan sa o lahat ng mga banal na kasulatang ito: Mormon 8:24; 9:11–13, 16–18, 21–25. Ano ang maaari nating sabihin sa isang taong nag-iisip na hindi na nangyayari ang mga himala ngayon? (tingnan sa Mormon 9:9, 15–21).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na hilingin sa isang kapamilya na maglarawan ng isang himala na nagpalakas ng kanyang patotoo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maaaring makilala ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 11).