Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 16–22. Eter 6–11: “Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”


“Nobyembre 16–22. Eter 6–11: ‘Upang ang Kasamaan ay Mawakasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 16–22. Eter 6–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Gabara ng mga Jaredita sa dagat

Muli Ko Kayong Ilalabas Mula sa Kailaliman ng Dagat, ni Jonathan Arthur Clarke

Nobyembre 16–22

Eter 6-11

“Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”

Ang mga ideya sa outline na ito ay hindi mga tagubilin na kailangan mong sundin. Ang mga ito ay nilayong hikayatin ang iyong pagkamalikhain at mag-anyaya ng inspirasyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Gumamit ng mga larawan mula sa outline para sa linggong ito at noong nakaraang linggo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para tulungan ang mga bata na marebyu kung ano ang natutuhan nila tungkol sa pagtawid ng mga Jaredita sa dagat. Bigyan sila ng pagkakataon na magsalitan sa pagbabahagi ng nalaman nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Eter 6:2–12

Mapapanatag ako ng Ama sa Langit kapag natatakot ako.

Maaaring nakakatakot para sa mga Jaredita na “[anurin sa] mga alon ng dagat ng hangin” (Eter 6:5). Ngunit sila ay iningatan at tinulungan ng Panginoon. Paano mo matutulungan ang mga bata na bumaling sa Panginoon kapag sila ay natatakot?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang mga salita at parirala sa Eter 6:2–12, ilarawan sa mga bata ang paglalakbay ng mga Jaredita patawid sa dagat. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring umaakyat sa mga gabara at magkunwaring ang kanilang gabara ay pinapagalaw at natatabunan ng mga alon. Ano kaya ang pakiramdam na sumakay sa isang tunay na gabara na nasa maalong tubig? Ano ang maaari nating gawin kapag natatakot tayo? Sama-samang basahin ang mga talata 7 at 9 para makita kung ano ang ginawa ng mga Jaredita noong natakot sila.

  • Magkuwento tungkol sa isang pagkakataon kung kailan ikaw ay natakot at inalo ng Ama sa Langit. Magbahagi sa mga bata ng isang himno o awitin na tumutulong sa iyo na “[pa]salamatan at [purihin] ang Panginoon” (Eter 6:9) para sa Kanyang tulong. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga paboritong awitin sa Primary, at sama-samang kantahin ang ilan sa mga ito.

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para tulungan ang mga bata na gumawa ng mga gabarang papel. Ipaliwanag na nakatulong ang mga gabara para manatiling ligtas ang mga Jaredita kahit na sila ay napapaligiran ng tubig (tingnan sa Eter 6:7, 10). Ano ang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit para panatilihin tayong ligtas sa ating paglalakbay pabalik sa Kanya?

Eter 6:9, 12, 30; 7:27; 10:2

Kaya kong maging mapagpasalamat.

Matapos makarating nang ligtas sa lupang pangako, ang mga Jaredita ay lubos na nagpasalamat kung kaya’t sila ay “napaluha sa kagalakan” (Eter 6:12). Paano mo mahihikayat ang diwa ng pagiging mapagpasalamat sa mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbasa sa mga bata ng mga parirala mula sa Eter 6:9 at 12 para maituro sa kanila kung paano ipinakita ng mga Jaredita ang kanilang pasasalamat sa Panginoon sa pagtulong sa kanila na makarating sa lupang pangako. Hilingin sa mga bata na magbanggit ng ilang mga bagay na ipinagpapasalamat nila. Sama-samang umawit, gaya ng ginawa ng mga Jaredita, ng isang awitin na nagpapahayag ng pasasalamat, tulad ng “Salamat, Ama Ko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 9).

  • Basahin sa mga bata ang Eter 10:2 para ipakita na kahit sa paglipas ng maraming taon, naalala ng mga Jaredita kung paano tinulungan ng Panginoon ang kanilang mga ninuno na tawirin ang karagatan. Tulungan ang mga bata na isipin kung paano sila pinagpala ng Panginoon. Pagkatapos ay bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magdrowing ng mga larawan para ipaalala sa kanilang mga sarili ang mga pagpapalang ito (o tulungan silang pumili mula sa ilang mga larawang dala mo, marahil mula sa isang magasin ng Simbahan).

Eter 7:24–27

Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.

Ang Aklat ni Eter ay malinaw na nagpapakita na noong sumunod ang mga Jaredita sa mga propeta, pinagpala sila, at noong hindi nila tinanggap ang mga propeta, naging mas mahirap ang kanilang mga buhay. Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga bata na makita na totoo rin ito para sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng buhay na propeta, at itanong sa mga bata kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Ano ang ginagawa ng isang propeta? Ipaliwanag na ang mga Jaredita ay nagkaroon din ng mga propeta, at tuwing sinusunod nila ang propeta, sila ay pinagpapala at maligaya (tingnan sa Eter 7:24–27). Paano natin masusunod ang propeta?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59; tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 4–27, 67–87). Pag-usapan ninyo ng mga bata ang tungkol sa mga bagay na itinuro sa atin ng mga propeta na gawin (halimbawa, pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, o paglilingkod sa iba), at anyayahan sila na umarte na sinusunod ang payong iyon kapag sinabi mong “Propeta’y sundin!”

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Eter 6:2–12

Mapagkakatiwalaan ko ang Ama sa Langit na gabayan ako tungo sa buhay na walang hanggan.

Ang salaysay ng paglalakbay ng mga Jaredita patawid sa dagat ay maihahambing sa ating paglalakbay sa mortalidad. Ang dalawang paglalakbay na ito kung minsan ay mapanganib at nangangailangan ng pananampalataya na gagabayan at poprotektahan tayo ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Eter 6:2–12, at tumigil nang madalas para makapagdrowing ang mga bata ng mga larawan ng binabasa nila. Ano ang pagkakatulad ng paglalakbay ng mga Jaredita sa ating mga buhay? Tulungan ang mga bata na tukuyin at pangalanan kung ano ang maaaring katawanin sa ating mga buhay ng iba’t ibang bahagi ng kanilang mga drowing. Halimbawa, ang mga Jaredita ay maaaring kumatawan sa atin. Ang mga gabara ay maaaring kumatawan sa ating mga tahanan, sa Simbahan, o sa ebanghelyo. Ano ang maaaring katawanin ng hangin, tubig, maniningning na bato, at lupang pangako?

  • Tulungan ang mga bata na maghanap ng mga salita at parirala sa Eter 6:2–12 na nagpapakita kung paano nagtiwala ang mga Jaredita sa Diyos. Magbahagi ng mga halimbawa kung paano nakatulong sa iyo ang pag-asa sa Diyos sa mahihirap na sandali ng iyong buhay. Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng anumang mga katulad na karanasan na nagkaroon sila.

    Naglalakbay ang mga Jaredita na may kasamang mga hayop

    Journey of the Jaredites across Asia, ni Minerva Teichert

Eter 6:30; 7:27; 10:2

Ang pag-alaala sa mga ginawa ng Panginoon para sa akin ay nagdudulot ng kapayapaan.

Ang isang kaibahan ng mabubuting haring Jaredita mula sa masasamang hari ay ang “[pag-alaala ng mabubuting hari sa] mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon” para sa kanila (Eter 7:27). Paano mo mahihikayat ang mga bata na alalahanin kung ano ang mga ginawa ng Panginoon para sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Eter 6:30; 7:27; at 10:2 nang mag-isa o sa maliliit na grupo at maghanap ng isang bagay na pare-parehong nilalaman ng mga talatang ito. Ibahagi ang iyong mga nadarama tungkol sa ginawa ng Panginoon para sa iyo, at anyayahan ang mga bata na gawin din ang gayon.

  • Ibahagi sa mga bata kung paano mo sinisikap na alalahanin ang mga paraan na ikaw at ang pamilya mo ay pinagpala ng Panginoon. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maipapaalaala nila sa kanilang mga sarili kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanila. Bigyan ang bawat isa sa kanila ng isang piraso ng papel, at anyayahan sila na magnilay-nilay at magsulat ng isang bagay na ginawa Niya para sa kanila kamakailan lamang. Imungkahi sa kanila na ugaliing isulat ang mga napapansin nilang pagpapala na mula sa Panginoon.

Eter 9:28–35; 11:5–8

Ang Panginoon ay maawain kapag ako ay nagsisisi.

Kahit na ang mga Jaredita ay madalas tumanggi sa mga propeta at naging masama, palagi silang pinapatawad ng Panginoon sa tuwing sila ay nagpapakumbaba at nagsisisi.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Eter 9:28–35, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng tatlo o apat na maiikling pangungusap na nagbubuod sa nangyari sa mga talatang ito. Pagkatapos ay basahin ang Eter 11:5–8, at tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga pagkakatulad ng dalawang salaysay. Ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito?

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng iba pang mga tao sa Aklat ni Mormon na nagpakumbaba ng kanilang mga sarili at pinatawad. Gumamit ng mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para tulungan silang makaalala. Magpatotoo na pinapatawad tayo ng Panginoon kapag taos-puso tayong nagsisisi.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa kanilang mga pamilya ng isang bagay na ginawa ng Ama sa Langit para sa kanila na ipinagpapasalamat nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging malikhain. “Kapag nagtuturo ka sa mga bata, hayaan mo silang bumuo, magdrowing, magkulay, magsulat, at lumikha. Ang mga bagay na ito ay higit pa sa masasayang aktibidad—mahalaga ang mga ito sa pagkatuto” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas,25).