“Nobyembre 9–15. Eter 1–5: ‘Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-paniniwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary 2020 (2020)
“Nobyembre 9–15. Eter 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Nobyembre 9–15
Eter 1–5
“Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-paniniwala”
Habang nirerebyu mo ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng Eter 1–5, anong mga katotohanan ang naramdaman mo na kailangan mong tulungan ang mga bata na tuklasin? Marahil may mga ideya sa outline na ito na maaaring makatulong.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng isang larawan ng kapatid ni Jared (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Ang kuwento ng kapatid ni Jared ay naglalarawan ng ilang paraan kung paano tayo matutulungan ng Diyos kapag tayo ay nananalangin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang ilang miyembro ng ward na may alam na ibang wika na magsalita ng ilang pangungusap sa wikang iyon para sa inyong klase (o magpatugtog ng isang recording ng ibang wika). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magkunwaring nagsasalita ng ibang wika, at ipaliwanag kung gaano kahirap para sa bawat isa na magkaunawaan kapag hindi tayo nagsasalita ng magkakaparehong wika. Gamitin ito para ipakilala ang salaysay tungkol sa tore ng Babel sa Genesis 11:1–9 at Eter 1:33. Basahin ang Eter 3:13 at 15, at ipaliwanag kung paano nanalangin ang kapatid ni Jared na siya at ang kanyang mga kaibigan at pamilya ay magkaunawaan (tingnan sa Eter 1:34–37). Magbasa at tulungan ang mga bata na maunawaan ang tugon ng Panginoon sa kanyang panalangin sa Eter 1:35. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 50: Nilisan ng mga Jaredita ang Babel” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 143–44, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org).
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwari na gumagawa ng isang gabara, tulad ng inilarawan sa Eter 2:16–17. Ipaliwanag ang mga naging problema ng mga Jaredita sa kanilang mga gabara (tingnan sa Eter 2:19), at itanong sa mga bata kung ano ang gagawin nila sa mga problemang ito. Basahin ang Eter 2:18–19 para maituro sa mga bata kung paano dinala sa Panginoon ng kapatid ni Jared ang kanyang mga problema sa pamamagitan ng panalangin. Magpatotoo na maaari tayong manalangin palagi kapag tayo ay may mga tanong o problema.
-
Ibuod nang mabilis ang Eter 2:19–3:6 para ipaliwanag kung paano tumugon ang Panginoon sa mga tanong ng kapatid ni Jared tungkol sa mga gabara. Maglagay ng 16 na bato sa buong silid-aralan, at anyayahan ang mga bata na bilangin ang mga bato kapag nakita nila ang mga ito. Ipakita ang larawang nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na muling ikuwento ang salaysay (tingnan din ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito).
Ako ay nilikha sa wangis ng Diyos.
Nang makita ng kapatid ni Jared ang Panginoon, nalaman niya na “ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa [Kanyang] sariling wangis” (Eter 3:15).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na ituro ang iba’t ibang bahagi ng Kanyang katawan. Ipaliwanag na nang makita ng kapatid ni Jared si Jesucristo, nalaman niya na tayong lahat ay kawangis ni Jesus. Habang itinuturo mo ang isang bahagi ng katawan sa larawan, anyayahan sila na ituro ang parehong bahagi ng kanilang sariling mga katawan. Magpatotoo na tayo ay nilikha na kawangis ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na may kaugnayan sa ating katawan, tulad ng “Ulo, Balikat, Tuhod at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129). Tulungan ang mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong makatanggap ng paghahayag na tutulong sa akin.
Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto tungkol sa paghahayag mula sa halimbawa ng kapatid ni Jared? Anong mga karanasan ang maaari mong ibahagi kung kailan tinulungan ka ng Panginoon na makahanap ng mga sagot sa iyong mga problema o tanong?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bago magklase, isulat ang mga katagang “Tumayo, umikot, at umupo” sa iba’t ibang wika sa ilang mga piraso ng papel (maaari kang gumamit ng online na tagasalin o humingi ng tulong mula sa isang tao na may alam na ibang wika). Bigyan ng isang piraso ang bawat bata, at anyayahan sila na subukang sundin ang mga panuto. Gamitin ito para makatulong na maipaliwanag kung ano ang naging motibasyon sa likod ng mga panalangin ng kapatid ni Jared sa Eter 1:33–37. Sama-samang basahin ang mga talatang ito, at hilingin sa mga bata na bigyang-pansin kung ano ang nadama ng Panginoon para kay Jared at sa kanyang mga kaibigan at pamilya. Ano ang natututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa panalangin?
-
Atasan ang bawat bata na basahin ang isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan, at tulungan silang maghanap ng isang tanong o problema ng kapatid ni Jared: Eter 1:33–35; Eter 1:36–37; at Eter 2:18–20. Ano ang ginawa ng kapatid ni Jared tungkol sa mga problema o tanong na ito? Paano siya tinulungan ng Panginoon sa bawat sitwasyon? Anyayahan ang mga bata na mag-isip tungkol sa mga problema na nangangailangan sila ng tulong. Paano nila masusundan ang halimbawa ng kapatid ni Jared para makahanap ng mga sagot sa kanilang mga problema? Magbahagi ng isang karanasan kung saan nanalangin ka para humingi ng tulong at tinulungan ka ng Panginoon.
Ako ay nilikha sa wangis ng Diyos.
Ang mga batang tinuturuan mo ay mahaharap sa maraming maling mensahe tungkol sa Diyos, sa kanilang mga sarili, at sa kanilang pisikal na mga katawan. Ang mga talatang ito ay isang pagkakataong magturo ng mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa mga paksang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Eter 3:6–16 kasama ang mga bata, at tulungan silang gumawa ng listahan ng mga bagay na natutuhan ng kapatid ni Jared tungkol sa Panginoon mula sa karanasang ito. Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito? Halimbawa, paano nakakaapekto ang kaalaman na tayo ay nilikha sa wangis ng Panginoon sa pananaw natin sa ating mga katawan?
-
Isulat ang pisikal na katawan at espirituwal na katawan sa pisara. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga katangian ng isang pisikal na katawan (mayroon tayong balat, dugo, at iba pa), at isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Sama-samang basahin ang Eter 3:4–17 at anyayahan ang mga bata na hanapin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa ating mga espirituwal na katawan. Magpatotoo na ang ating mga katawan at espiritu ay “nilikha … alinsunod sa … sariling wangis [ni Jesus]” (Eter 3:15).
Tatlong saksi ang nagpapatotoo sa Aklat ni Mormon.
Ipinropesiya ni Moroni na tutulong ang Tatlong Saksi na patatagin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Maaari mong gamitin ang propesiyang ito para mapalakas ang mga patotoo ng mga bata at mabigyang-inspirasyon sila na maging mga saksi ng Aklat ni Mormon sa sarili nilang paraan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magsulat sa pisara ng ilang mahahalagang salita mula sa Eter 5:2–4, tulad ng lamina, kapangyarihan, totoo, saksi, at patotoo. Basahin ang mga talatang ito kasama ang mga bata, at anyayahan sila na tumigil kapag nabasa ninyo ang isa sa mga salita sa pisara at pag-usapan kung bakit mahalaga ang mga salitang ito. Para maituro sa mga bata ang tungkol sa Tatlong Saksi, maaari kang sumangguni sa “Kabanata 7: Nakita ng mga Saksi ang mga Laminang Ginto” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 31–33) at sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa Aklat ni Mormon. Bakit ninais ng Diyos na makita ng tatlong tao ang mga laminang ginto?
-
Sabihin sa mga bata kung paano mo nalaman na totoo ang Aklat ni Mormon. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila nalaman na ito ay totoo. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan kung paano sila magiging mga saksi ng Aklat ni Mormon, at hikayatin silang ibahagi ang kanilang patotoo sa isang tao sa linggong ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang ihingi ng tulong sa Ama sa Langit, tulad ng ginawa ng kapatid ni Jared. Hikayatin sila na hingin ang Kanyang tulong sa pamamagitan ng panalangin.