“Nobyembre 23–29. Eter 12–15: ‘Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Nobyembre 23–29. Eter 12–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Nobyembre 23–29
Eter 12–15
“Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan”
Habang binabasa mo ang Eter 12–15, isipin mo ang mga batang tinuturuan mo. Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa outline na ito ay maaaring makapagbigay-inspirasyon sa iyo na magkaroon ng iba pang mga ideya na tutulong sa iyo na matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata sa iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong nagpakita ng malakas na pananampalataya. Ang ilang halimbawa ay matatagpuan sa Eter 12:11–22.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.
Si Moroni ay nagbahagi ng ilang halimbawa ng mga taong nakagawa ng mga dakilang bagay dahil sa kanilang pananampalataya. Isipin kung paano mo magagamit ang mga halimbawang ito para ituro sa mga bata kung ano ang pananampalataya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang pangungusap na “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita” mula sa Eter 12:6, at hilingin sa kanila na ulitin ang pariralang ito kasama mo. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga bagay na pinaniniwalaan mo kahit na hindi mo nakikita ang mga ito, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga halimbawa. Maaaring makatulong ang awitin na “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51), o isa pang awitin tungkol sa pananampalataya.
-
Magpakita ng mga larawan na nagpapakita ng mga halimbawa ng pananampalataya sa Eter 12:13–15, 20–21 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 78, 85, at sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nakikita nila sa mga larawan at kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwento. Pag-usapan ninyo ng mga bata kung paano nagpakita ng pananampalataya ang mga indibiduwal na ito at kung ano ang nangyari dahil sa kanilang pananampalataya.
-
Makipaglaro ng hulaan sa mga bata. Bigyan sila ng mga clue tungkol sa matatapat na tao na inilarawan sa Eter 12:13–15, 19–20 hanggang sa mahulaan ng mga bata kung sino ang mga ito. Pagkatapos ay paglaruin muli ang mga bata nito sa pamamagitan ng paghahalinhinan sa pagbibigay ng mga clue tungkol sa mga tao ring ito (o iba pang matatapat na tao) habang nanghuhula ang ibang miyembro ng klase. Ibahagi kung ano ang hinahangaan mo tungkol sa pananampalataya ng mga taong ito.
Matutulungan ako ni Jesucristo na maging malakas.
Ang mga bata kung minsan ay nahaharap sa mga sitwasyon kung saan ay nanghihina sila, tulad ng naranasan ni Moroni. Tulungan silang malaman kung ano ang natutuhan ni Moroni—na kaya ng Tagapagligtas na gawin “ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Maglarawan sa mga bata ng isang gawain na mangangailangan ng maraming pisikal na lakas para maisakatuparan. Anyayahan sila na magbahagi ng mga halimbawa ng mga bagay na wala pa silang sapat na lakas na gawin. Paano tayo magkakaroon ng sapat na lakas para maisakatuparan ang mga gawaing ito? Ipaliwanag na mayroon din tayong mga espirituwal na gawain na kailangang gawin, ngunit kung minsan ay nanghihina tayo sa espirituwal. Ganito ang nadama ni Moroni tungkol sa kanyang mga isinulat sa mga lamina. Basahin ang Eter 12:27 sa mga bata. Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nakadarama na sila ay mahihina?
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan ikaw o ang isang kakilala mo ay tinulungan ng Tagapagligtas na magawa ang isang bagay na mahirap. Magpatotoo sa mga bata na kung hihingin nila ang Kanyang tulong, matutulungan sila ni Jesus na maging malakas, kahit na sila ay nanghihina.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.
Ang mga batang tinuturuan mo ay nagtatatag ng pundasyon ng kanilang mga patotoo. Ang payo ni Moroni tungkol sa pananampalataya, na matatagpuan sa Eter 12:6, ay maaaring makatulong sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na sinikap ni propetang Eter na ituro sa mga Jaredita ang “mga dakila at kagila-gilalas na bagay,” ngunit hindi sila naniwala sa sinabi niya. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Eter 12:5 para malaman kung bakit hindi sila naniwala. Ano ang ilang mga bagay na nais ng Ama sa Langit na paniwalaan natin kahit na hindi natin nakikita ang mga ito? Sama-samang basahin ang Eter 12:6. Ano ang itinuro ni Moroni sa mga taong ayaw maniwala sa mga espirituwal na katotohanan dahil hindi nila makita ang mga ito?
-
Magpakita ng isang larawan sa isa sa mga bata nang hindi ito nakikita ng ibang mga bata, at hilingin sa batang iyon na ilarawan ang imahe sa klase. Kung may oras pa, bigyan ng pagkakataon ang iba pang mga bata na magsalitan sa paggawa rin ng tulad nito gamit ang ibang mga larawan. Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang Eter 12:6 at hanapin ang mga katagang ito: “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita.” Paano tayo nagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo kahit hindi natin Siya nakikita?
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang mga katagang ito sa Eter 12:6: “Wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.” Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag sinusunod natin ang isang kautusan, maaari nating malaman na ito ay totoo. Hilingin sa kanila na mag-isip ng mga alituntunin ng ebanghelyo na gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng patotoo, tulad ng pagbabayad ng ikapu, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, o pagsunod sa Word of Wisdom. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang Para magkaroon ng patotoo sa , kailangan kong . Ibahagi kung paano ka nanampalataya para magkaroon ng patotoo tungkol sa mga ito at sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Ang pag-asa ay tulad ng isang angkla sa aking kaluluwa.
Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na “[makaaasa tayo] para sa isang daigdig na higit na mainam” dahil sa ating pananampalataya kay Cristo (Eter 12:4).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi sa mga bata ang kahulugan ng pag-asa na matatagpuan sa “Pag-asa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ayon sa kahulugang ito at sa Eter 12:4, 32, ano ang dapat nating asamin? (tingnan din sa Moroni 7:40–42). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga salita para sa pag-asa, gayun din ng mga salitang nangangahulugan ng kabaligtaran ng pag-asa. Magbahagi sa kanila ng ilang mga katotohanan ng ebanghelyo na nagbibigay sa iyo ng pag-asa, at anyayahan sila na gawin din ang gayon.
-
Magpakita (o magdrowing sa pisara) ng larawan ng isang bangka at angkla. Bakit kailangan ng mga bangka ng angkla? Ano ang mangyayari sa isang bangkang walang angkla? Sama-samang basahin ang Eter 12:4, at itanong sa mga bata kung paano natutulad ang pag-asa sa isang angkla. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng sarili nilang mga larawan ng bangka at angkla o daungan para makapagturo sila sa kanilang mga pamilya ng tungkol sa pag-asa.
Matutulungan ako ni Jesucristo na maging malakas.
Habang tumatanda ang mga bata, mas nalalaman nila ang kanilang mga kahinaan. Gamitin ang mga talatang ito para ituro sa kanila kung paano magagawa ng Tagapagligtas na “ang mahihinang bagay [ay] maging malalakas” (Eter 12:27).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Eter 12:23–25 at alamin kung bakit nag-alala si Moroni. Itanong sa kanila kung nagkaroon na rin sila ng pakiramdam na tulad niyon. Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang mga talata 26–27 para malaman kung paano hinikayat ng Panginoon si Moroni. Ano ang kailangan nating gawin para matulungan tayo ng Panginoon na maging malakas kapag nanghihina tayo? Magbahagi ng isang karanasan kung kailan ikaw ay tinulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng sapat na lakas para magawa ang isang mahirap na bagay.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng isang bagay na mahina at isang bagay na malakas. Pagkatapos ay anyayahan silang idagdag sa kanilang mga drowing ang ilang salita at parirala mula sa Eter 12:23–29 na nagtuturo sa kanila kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na gawing kalakasan ang ating mga kahinaan. Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng tungkol sa isang kahinaan na maaaring mayroon sila at pagkatapos ay hangarin ang tulong ng Tagapagligtas para maging malakas.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magsulat ng isang katotohanan na gusto nilang magkaroon ng patotoo. Tulungan silang magtakda ng mithiin na manampalataya para magkaroon sila ng patotoo sa katotohanang iyon.