Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: “Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”


Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: ‘Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon

Minerva Teichert (1888–1976), Si Alma na Nagbibinyag sa mga Tubig ng Mormon, 1949–1951, langis sa masonite, 35⅞ x 48 na pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Nobyembre 30–Disyembre 6

Moroni 1–6

“Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”

Bago ka magsimula sa pagpaplano ng mga aktibidad sa pag-aaral para sa mga bata, mapanalanging pag-aralan ang Moroni 1–6 habang hinahanap ang mga alituntunin at mga talata na sa palagay mo ay kailangan nilang maunawaan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang natututuhan nila tungkol kay Moroni. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 53: Si Moroni at ang Kanyang mga Turo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 154–55, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org) para matulungan silang makaalala.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Moroni 4–5

Tumatanggap ako ng sakramento para ipakita na lagi kong aalalahanin si Jesucristo.

Ang sakramento ay maaaring maging isang sagradong espirituwal na karanasan—kahit sa maliliit na bata. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na gamitin ang oras ng sakramento para isipin si Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng isang larawan ng mga tao na nakikibahagi sa sakramento (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 108). Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa oras ng sakramento. Ano ang dapat nating gawin sa oras ng sakramento?

  • Anyayahan ang dalawang miyembro ng ward na dumating sa klase para basahin sa mga bata ang Moroni 4:3 at 5:2 at ibahagi kung bakit sila nakikibahagi sa sakramento tuwing linggo. Hilingin sa kanila na magmungkahi ng mga bagay na magagawa ng mga bata para matulungan silang isipin si Jesus sa oras ng sakramento at lagi Siyang alalahanin.

  • Kantahin ang isang awitin na tumutulong sa mga bata na isipin si Jesus, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Hilingin sa mga bata na magsanay na mapitagang umupo tulad ng ginagawa nila habang nagsasakramento.

Moroni 6:1–3

Makakapaghanda ako na mabinyagan.

Ang paglalarawan ni Moroni sa mga taong nabinyagan sa kanyang panahon ay maaaring makatulong sa mga bata na maghanda na matanggap ang mahalagang ordenansang ito ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbasa ng mga parirala mula sa Moroni 6:1–3 na nagtuturo kung sino ang maaaring mabinyagan. Ipaliwanag ang mga katagang maaaring hindi nauunawaan ng mga bata. Halimbawa, ang isang kahulugan ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay ang pagiging malungkot dahil sa ating mga kasalanan (Moroni 6:2). Ikuwento kung paano ka naghandang magpabinyag, o hilingin sa isang tao na nabinyagan kamakailan na ipaliwanag kung paano siya naghanda. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para makapaghanda silang mabinyagan balang araw.

  • Magdispley ng mga larawan ng mga tao na binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103, 104), at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na sabihin kung ano ang nakikita nila sa mga larawan. Tulungan silang pansinin ang mga detalye, tulad ng tubig at puting damit. Itanong sa mga bata kung bakit tayo binibinyagan, at ipaliwanag kung bakit mo piniling mabinyagan.

Moroni 6:4–6, 9

Ako ay pinagpapala kapag nagsisimba ako.

Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo kung bakit tayo nagsisimba tuwing Linggo? Ibinibigay sa Moroni 6 ang ilang mahahalagang dahilan kung bakit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung bakit gusto nilang magsimba, at tulungan silang magbanggit ng ilan sa mga bagay na ginagawa natin sa simbahan. Basahin sa kanila ang ilan sa mga bagay na ito mula sa Moroni 6:4–6, 9, at anyayahan silang isadula o idrowing ang kanilang mga sarili na ginagawa ang ilan sa mga bagay na ito (tulad ng pananalangin, pangangaral, pagkanta, at pakikibahagi sa sakramento).

  • Tulungan ang mga bata na kumanta ng isang awitin tungkol sa pagdalo sa Simbahan. Sabihin sa mga bata kung bakit gustung-gusto mong magsimba at kung paano ka napagpala nito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Moroni 2–6

Ang Espiritu Santo ay isang banal na kaloob.

Ang Espiritu Santo ay nabanggit nang ilang beses sa Moroni 2–6. Paano mo magagamit ang mga kabanatang ito para tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano sila matutulungan ng Espiritu Santo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na hanapin ang bawat talata sa Moroni 2–6 na nagbabanggit sa Espiritu Santo o sa Espiritu. Sama-samang basahin ang bawat isa sa mga talatang ito, at hilingin sa mga bata na ilista sa pisara ang mga bagay na natutuhan nila tungkol sa Espiritu Santo. Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo?

  • Magkuwento sa mga bata ng isang pagkakataon kung kailan nadama mo ang impluwensya ng Espiritu Santo, sa Simbahan man o sa ibang lugar. Ipaliwanag kung paano mo nalaman na ito ang Espiritu Santo at kung paano Siya nakatulong sa iyo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang karanasan nila sa Espiritu Santo, at hikayatin sila na hangarin ang Kanyang impluwensya.

    mga kabataang babae na tumatanggap ng pagbabasbas

    Ang kaloob na Espiritu Santo ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

Moroni 4–5

Tumatanggap ako ng sakramento para ipakita na lagi kong aalalahanin si Jesucristo.

Kapag nauunawaan ng mga bata ang kabanalan ng sakramento, mas malamang na igagalang nila ito at mapapalapit sila sa Diyos habang ginagawa ang ordenansang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magsulat ng mga parirala mula sa Moroni 4:3 at 5:2 sa magkakahiwalay na mga piraso ng papel, at hilingin sa mga bata na ayusin ang mga parirala ayon sa tamang pagkakasunud-sunod. Ayon sa mga talatang ito, bakit mahalaga ang sakramento?

  • Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay may isa silang kaibigan na dadalo sa sacrament meeting para sa unang pagkakataon. Paano nila ipapaliwanag sa kanilang kaibigan kung ano ang sakramento at kung bakit tayo nakikibahagi dito? Hikayatin silang gamitin ang Moroni 4:3 at 5:2 sa kanilang mga paliwanag.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga bagay na ginagawa ng kanilang mga pamilya sa oras ng sakramento para maging mapitagan at maisip si Jesucristo. Ano ang iba pang mga ideya nila? Anyayahan silang pumili ng isa sa mga ideyang ito at magtakda ng mithiin na gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas sa oras ng sakramento.

Moroni 6:4–6, 9

Nagsisimba tayo para tumanggap ng sakramento at suportahan ang isa’t isa.

Makakatulong ang mga salita ni Moroni sa mga batang tinuturuan mo na makita ang mas dakilang layunin sa pagpunta sa simbahan linggu-linggo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang Bakit tayo nagsisimba? sa pisara, at hilingin sa mga bata na magsulat ng mga posibleng sagot. Anyayahan silang maghanap ng mga karagdagang sagot sa Moroni 6:4–6, 9 at idagdag ang mga ito sa kanilang listahan sa pisara. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang mga natanggap nilang pagpapala dahil sa pagsisimba. Bigyan sila ng pagkakataong isadula ang pagpapaliwanag sa isang kaibigang iba ang relihiyon kung bakit sila nagpapasalamat na mapabilang sa Simbahan.

  • Magpakita ng mga larawan o halimbawa ng masusustansiyang pagkain. Bakit mahalaga na pangalagaan ang ating mga katawan? Sama-samang basahin ang Moroni 6:4, at itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng mga katagang “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.” Paano tayo pinapangalagaan ng salita ng Diyos?

  • Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang sumusunod na sipi mula kay Elder Jeffrey R. Holland, at talakayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa mga paraan kung paano natin mapangangalagaan ang isa’t isa: “Karamihan sa mga tao ay hindi pumupunta sa simbahan para lamang alamin ang ilang bagong impormasyon sa ebanghelyo o makita ang mga dati nang kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Gusto nila, sa madaling salita, na mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos at mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26). Paano tayo makakatulong na espirituwal na mapangalagaan ang isa’t isa sa simbahan?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na sabihin sa kanilang pamilya kung bakit gusto nilang magsimba tuwing Linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Suportahan ang mga magulang. Mapanalanging hanapin ang mga paraan para masuportahan ang mga magulang ng mga batang tinuturuan mo. Paano mo masusuportahan ang kanilang mga pagsisikap na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak? Halimbawa, maaari mong kausapin ang mga magulang tungkol sa mga pangangailangan at interes ng kanilang mga anak o ibahagi sa kanila kung ano ang natututuhan ng kanilang mga anak sa klase (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).