“Disyembre 14–20. Moroni 10: ‘Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 14–20. Moroni 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Disyembre 14–20
Moroni 10
“Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya”
Ang ilang bata sa iyong klase ay maaaring may mga makabuluhang karanasan ng pagkatuto mula sa Aklat ni Mormon sa tahanan. Paano mo magagamit ang mga karanasang iyon para hikayatin ang lahat ng mga bata na basahin ang mga banal na kasulatan sa tahanan?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Pagpasa-pasahan ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Sa paghawak ng bawat bata sa aklat, hilingin sa kanya na magbahagi ng isang bagay na gustung-gusto niya tungkol sa Aklat ni Mormon—isang paboritong kuwento, isang patotoo, o isang karanasan ng pagkatuto mula rito sa tahanan o sa simbahan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kaya kong malaman sa aking sarili na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
Maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga bata na tanggapin ang paanyaya ni Moroni na magtanong sa Diyos kung totoo ang Aklat ni Mormon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ni Moroni na nagbabaon ng mga laminang ginto (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at hilingin sa mga bata na ilarawan kung ano ang nakikita nila. Anyayahan silang ituro ang mga lamina, at ipaliwanag na sa mga laminang ito nakasulat ang mga salitang nababasa natin ngayon sa Aklat ni Mormon. Pagkunwariin ang mga bata na sila si Moroni na nagsusulat sa mga lamina at ibinabaon ang mga ito. Sama-samang awitin ang “Ang Laminang Ginto” (Aklat ng mga Awit Pambata, 61).
-
Ipakita ang Aklat ni Mormon, at basahin ang Moroni 10:4. Bigyang-diin na maaari tayong magtanong sa Diyos kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, at ipapadala Niya ang Espiritu Santo para magpatotoo sa atin. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 54: Ang Pangako ng Aklat ni Mormon” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 156, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Ibahagi kung paano ka tinulungan ng Espiritu Santo na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang pakiramdam ng pagpapatotoong mula sa Espiritu. Kumanta ng isang awitin tungkol sa paghahanap ng katotohanan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa akin ng mga espirituwal na kaloob.
Inilarawan ni Moroni ang mga kaloob na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak kapag sila ay nananampalataya sa Kanya. Matutulungan mo ang mga bata na magkaroon ng pananampalataya na bibigyan sila ng Diyos ng mga espirituwal na kaloob.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang numerong 9 hanggang 16 sa magkakahiwalay na mga piraso ng papel, at ibalot ang bawat papel tulad sa isang regalo. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagbubukas ng mga regalo. Habang ginagawa nila ito, sama-samang basahin ang mga talata mula sa Moroni 10:9–16 na tumutugma sa mga numero, at tulungan ang mga bata na tukuyin ang bawat espirituwal na kaloob. Ipaliwanag na ito ang mga kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak para matulungan natin ang isa’t isa at magawa ang Kanyang gawain.
-
Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi nang kaunti tungkol sa mga paboritong kaloob na natanggap nila. Sabihin sa mga bata ang mga napansin mong espirituwal na kaloob na ibinigay ng Ama sa Langit sa kanila, tulad ng mga kaloob na pananampalataya, karunungan, patotoo, kabaitan, at kakayahang matuto.
Nais ni Jesucristo na lumapit ako sa Kanya.
Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng “lumapit kay Cristo.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya,” na mula sa Moroni 10:32, at anyayahan ang mga bata na bigkasin muli ang pariralang ito kasama mo. Hilingin sa kanila na ipikit ang kanilang mga mata habang naglalagay ka ng larawan ni Jesus sa isang lugar sa silid. Pagkatapos ay hayaan silang idilat ang kanilang mga mata, hanapin ang larawan, at paligiran ito. Talakayin ninyo ng mga bata ang mga paraan kung paano tayo makakalapit kay Cristo (tingnan, halimbawa, ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4). Ulitin ang aktibidad na ito, na sinasabi sa mga bata na ilagay ang larawan sa isang lugar sa silid-aralan.
-
Tulungan ang mga bata na maglagay ng disenyo sa mga hugis-pusong badge na nagsasabing “Iibigin ko ang Diyos nang buo kong kakayahan, pag-iisip at lakas” (tingnan sa Moroni 10:32). Paano natin ipinapakita sa Diyos na mahal natin Siya?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari kong malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Nais ng Diyos na malaman ng bawat isa sa atin na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang pangako ng Diyos na “ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang mga salitang Mababasa, Maaalaala, Pagbulay-bulayin, at Itanong. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salitang ito sa Moroni 10:3–4. Ano ang dapat nating basahin, tandaan, pagnilayan, at itanong para matamo o mapalakas ang ating mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon? Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga pagkakatulad sa pagitan ng mga talatang ito at ng awiting “Babasahin, Uunawain at Mananalangin,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
-
Tulungan ang mga bata na maalala ang ilan sa mga karanasan ninyo ng sama-samang pagkatuto mula sa Aklat ni Mormon. Ibahagi ang iyong mga nararamdaman tungkol sa Aklat ni Mormon, kabilang na kung paano mo natamo o napalakas ang iyong testimonya na ito ay totoo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga nararamdaman at patotoo.
-
Magkuwento tungkol sa isang pagkakataon kung kailan nagpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol sa isang bagay. Ilarawan kung ano ang naramdaman mo at kung paano mo nalaman na ito ang Espiritu Santo. Tulungan ang mga bata na matuto mula sa sumusunod na mga talata tungkol sa paraan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu: Juan 14:26–27; Doktrina at mga Tipan 6:15, 23; 8:2–3; 9:7–9; 11:12–14.
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa akin ng mga espirituwal na kaloob.
Marami sa ating panahon ang “it[in]atatwa ang mga kaloob ng Diyos” (Moroni 10:8). Tulungan ang mga bata na makita na mayroon pa ring mga kaloob na tulad nito ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang mga kaloob na binanggit sa Moroni 10:9–16 sa mga piraso ng papel, at ilagay ang mga ito sa isang kahon ng regalo. Isulat ang mga numerong 9 hanggang 16 sa pisara, at anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagkuha ng isang papel mula sa kahon at pagtutugma ng mga ito sa mga numero ng talata sa pisara. Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga kaloob na ito mula sa mga talata 8 at 17–18?
-
Ibahagi ang kuwento tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon (tingnan sa “Kabanata 3: Si Anghel Moroni at ang mga Laminang Ginto,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 13–17). Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga kaloob na binanggit sa Moroni 10:9–16 na ibinigay ng Diyos kay Joseph Smith para sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Bakit nais ng Ama sa Langit na maniwala tayo sa mga espirituwal na kaloob ngayon?
Nais ni Jesucristo na lumapit ako sa Kanya.
Paano mo maaanyayahan ang mga bata na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magsulat sa pisara ng isang tanong na tulad ng Ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo? Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Moroni 10:32–33 para makahanap ng mga posibleng sagot. Magtulungan para mailista kung ano ang nais ipagawa sa atin ni Cristo at kung ano ang ipinapangako Niyang gagawin para sa atin.
-
Ibahagi ang mga paborito mong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa iyong lumapit kay Cristo, at anyayahan ang mga bata na gawin din ang gayon. Rebyuhin kasama ng mga bata ang mga salita ni Propetang Joseph Smith mula sa pambungad sa Aklat ni Mormon: “Ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin [sa Aklat ni Mormon], nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.” Magpatotoo kung paano ito nangyari sa buhay mo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na manalangin para sa mas malakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang patotoo sa isang kapamilya o kaibigan.