Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 21–27. Pasko: “Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao”


“Disyembre 21–27. Pasko: Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Disyembre 21–27. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Sina Jose, Maria, at ang sanggol na si Jesus sa isang sabsaban

Masdan ang Kordero ng Diyos, ni Walter Rane

Disyembre 21–27

Pasko

“Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao”

Madalas ay gustung-gustong magkuwento ng mga bata tungkol sa kung paano nila ipinagdiriwang ang Pasko. Pagnilayan kung ano ang maaari mong gawin para matulungan silang magtuon kay Jesucristo at sa kanilang pasasalamat para sa Kanyang pagsilang.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magkuwento o magdrowing ng isang larawan tungkol sa isang bagay na ginagawa ng kanilang pamilya tuwing Kapaskuhan para matulungan silang alalahanin si Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

1 Nephi 11:13–22; Mosias 3:5–8; Alma 7:9–13; Helaman 14:1–6; 3 Nephi 1:15, 19–21

Si Jesucristo ay isinilang para maging Tagapagligtas ko.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko? Paano mo sila matutulungan na maunawaan kung bakit ang pagsilang ni Jesucristo ay dahilan para magdiwang?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magkuwento tungkol sa pagsilang ni Jesus, habang nagpapakita ng mga larawan (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 28, 29, 30, 31). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila. Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para maituro sa mga bata na nalaman ng mga taong nabuhay sa panahon ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa pagsilang ni Jesus.

  • Basahin ang mahahalagang parirala mula sa Alma 7:11–12 para maituro sa mga bata kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa atin. Ibahagi kung bakit ka nagpapasalamat na isinilang si Jesucristo, at ipahayag ang iyong mga nadarama tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

  • Magpakita ng mga larawan na nagpapakita ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas—tulad ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani, pagkamatay sa krus, at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57, 58, 59). Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nakikita nila sa mga larawan. Tulungan silang maunawaan na isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo sa lupa upang magdusa para sa ating mga kasalanan, mamatay para sa atin, at mabuhay na mag-uli para makabalik tayo sa piling Niya.

  • Samahan ang mga bata sa pagkanta ng isang awitin tungkol sa pagsilang ni Jesus, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” o “Doon sa May Sabsaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21, 26–27). Ipaliwanag sa mga bata ang mga parirala sa awitin na naglalarawan ng mga pagpapala na mayroon tayo dahil sa pagsilang ni Jesus.

2 Nephi 25:23, 26

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.

Sa pagtapos mo sa inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa taong ito, ipaalala sa mga bata na ang aklat na ito ay “Isa Pang Tipan ni Jesucristo,” na isinulat para tulungan tayong lumapit sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itaas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon para makita ng mga bata. Basahin ang pamagat at ituro ang mga salitang “Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng aklat, at tulungan silang mahanap ang pangalan ng Tagapagligtas sa pabalat. Sabihin sa mga bata kung ano ang nadarama mo tungkol sa Aklat ni Mormon at kung paano ito nakatulong sa iyo na malaman ang tungkol kay Jesucristo.

  • Bigyan ang bawat bata ng larawan ni Jesus, o magpadrowing sa kanila ng sarili nilang larawan Niya. Anyayahan silang itaas ang kanilang mga larawan sa tuwing maririnig nila ang pangalan ni Cristo habang binabasa mo ang 2 Nephi 25:23, 26. Magpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para tulungan tayong “maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:23).

  • Ibahagi sa mga bata ang isa sa mga paborito mong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na tumutulong sa iyo na matuto tungkol kay Jesucristo. Magtanong sa mga bata tungkol sa kanilang mga paboritong kuwento sa Aklat ni Mormon, at tulungan silang makita kung paano tayo tinutulungan ng mga kuwentong ito na matuto tungkol sa Tagapagligtas at mas mapalapit sa Kanya. Ang pagtingin sa mga larawan sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon ay maaaring makatulong sa kanila na maalala ang mga kuwento.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

1 Nephi 11:13–22; Mosias 3:5–8; Alma 7:10–13; Helaman 14:1–6; 3 Nephi 1:15, 19–21

Si Jesucristo ay isinilang para maging Tagapagligtas ko.

Pagnilayan kung paano mo pinakamainam na matutulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagsilang ni Cristo at ang kahulugan nito para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang bawat bata ng isa sa mga scripture reference na matatagpuan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Anyayahan ang bawat isa sa kanila na basahin ang kanilang banal na kasulatan, tukuyin kung sino ang propeta na nagsasalita, at magbahagi ng isang bagay na nalalaman ng propetang ito tungkol kay Jesucristo. Tulungan sila o hayaan silang magtulungan kung kinakailangan.

  • Ilista sa pisara ang ilan sa mga kaganapang nangyari sa pagsilang ni Jesus, tulad ng inilarawan sa Lucas 2:4–14; Mateo 2:1–2; at 3 Nephi 1:15, 19–21. Tulungan ang mga bata na saliksikin ang mga banal na kasulatan para malaman kung ang mga pangyayari ay naganap sa Betlehem, sa lupain ng Amerika, o sa dalawang lugar na ito. Bakit tayo nagpapasalamat na magkaroon ng Aklat ni Mormon bilang pangalawang saksi sa pagsilang ni Jesucristo at sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas?

  • Basahin ang Alma 7:10–13 kasama ang mga bata. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagsilang ni Jesus? tungkol sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan? tungkol sa Kanyang misyon sa lupa? Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para kay Jesucristo, at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Kanya.

2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.

Nagsasalita tungkol sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad ng Aklat ni Mormon). Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang pangakong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibigay ang isa sa mga sumusunod na talata sa bawat bata: 2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10. Anyayahan ang mga bata na basahin ang kanilang talata at tukuyin kung ano ang nais ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi na malaman natin. Hilingin sa kanila na isulat sa pisara kung ano ang natuklasan nila. Ipaliwanag na naglalarawan ang mga bagay na ito ng isang mahalagang layunin ng Aklat ni Mormon. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na isadula sa isa’t isa kung paano sila magpapaliwanag sa isang kaibigan ng isang mahalagang layunin ng Aklat ni Mormon.

  • Ibahagi sa mga bata ang isa sa mga paborito mong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na tumutulong sa iyo na matuto tungkol kay Jesucristo. Magtanong sa mga bata tungkol sa kanilang mga paboritong kuwento sa Aklat ni Mormon, at tulungan silang makita kung paano tayo tinutulungan ng mga kuwentong ito na matuto tungkol sa Tagapagligtas at mas mapalapit sa Kanya. Ibahagi sa mga bata kung paano nakatulong sa iyo ang Aklat ni Mormon na malaman na si Jesus ang Cristo. Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng isang talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na nagpapatibay sa kanilang paniniwala kay Jesucristo. Hilingin sa kanila na ibahagi ito sa isang kaibigan o kapamilya na walang nalalaman tungkol sa Aklat ni Mormon.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na higit na matuto tungkol kay Cristo. Hikayatin silang magbahagi ng isang talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon bilang bahagi ng kanilang patotoo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento. Ang mga kuwento ay isa sa mga pinakamainam na paraan para matulungan ang mga bata na matutuhan at maalala ang mga katotohanan. Habang ibinabahagi mo ang kuwento ng pagsilang ni Jesus, maaari ka ring magbahagi ng mga kuwento sa buhay mo na nakatulong para mapalakas ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas.