Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 7–13. Moroni 7–9: “Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”


“Disyembre 7–13. Moroni 7–9: ‘Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Disyembre 7–13. Moroni 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Larawan
nagsusulat si Moroni sa mga laminang ginto

Minerva Teichert (1888–1976), Si Moroni: Ang Huling Nephita, 1949–1951, langis sa masonite, 34¾ x 47 na pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Disyembre 7–13

Moroni 7–9

“Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”

Ang mapanalanging pag-aaral ng Moroni 7–9 ay mag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo. Tutulungan ka Niyang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga bata sa iyong klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipaalala sa mga bata ang tungkol sa isang bagay na inanyayahan mo silang gawin sa aralin noong nakaraang linggo o isang bagay na natutuhan nila kasama ang kanilang mga pamilya sa linggong ito. Hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Moroni 7:33

Kung mayroon akong pananampalataya, magagawa ko ang anumang bagay na kailangang ipagawa sa akin ng Diyos.

Ang mga bata na may pananampalataya kay Jesucristo at tiwala sa Kanyang kapangyarihan ay makakagawa ng mga dakilang bagay kapag naglilingkod sila sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Moroni 7:33, at anyayahan ang mga batang tumayo kapag narinig nila ang salitang “pananampalataya.” Ipaliwanag na ipinapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan. Tulungan ang mga bata na gumawa sa pisara ng isang listahan ng ilang bagay na nais ipagawa sa kanila ni Jesus, tulad ng pagsunod sa kanilang mga magulang o pagsasabi ng katotohanan. Magpatotoo na ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa atin na sundin ang mga kautusan.

  • Magdispley ng ilang larawan na nagpapakita ng isang tao mula sa Aklat ni Mormon (o sa iba pang mga aklat sa banal na kasulatan) na nakakagawa ng isang bagay na mahalaga dahil siya ay may pananampalataya kay Jesucristo (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 19, 70, 78, 81). Tulungan ang mga bata na ikuwento kung ano ang ipinapakita sa larawan. Sabihin sa kanila na dahil ang mga taong ito ay nagkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, binigyan sila ng kapangyarihang gawin kung ano ang kailangan Niyang ipagawa sa kanila.

Moroni 7:41

Ang paniniwala kay Jesucristo ay makapagbibigay sa akin ng pag-asa.

Maraming tao sa mundo ang nakadarama ng kawalang-pag-asa. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na makahanap ng pag-asa kay Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin at ipaliwanag ang Moroni 7:41 sa mga bata, at hilingin sa kanila na itaas ang kanilang mga kamay kapag nakarinig sila ng isang bagay na sinabi ni Mormon na dapat nating asahan. Magbahagi sa mga bata tungkol sa nadarama mong pag-asa dahil kay Jesucristo.

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng tungkol sa isang taong kilala nila na nahihirapan sa isang bagay. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan para sa taong iyon na maaaring magpaalala sa kanya na magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo.

Moroni 7:47

“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay [ang] dalisay na pag-ibig ni Cristo.”

Anong mga karanasan sa buhay mo ang maaaring makatulong sa mga bata na matutong maging mabait sa iba at pakitunguhan ang mga ito nang may pagmamahal?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na sabayan ka sa pag-ulit ng pariralang ito: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay [ang] dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan kung paano nagpakita si Jesucristo ng pagmamahal sa iba (maaaring makatulong ang mga larawan, tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 55, 83,84). Paano Niya naipakita ang pagmamahal sa atin? Kanino tayo makakapagpakita ng pagmamahal tulad ng ginawa ni Jesus?

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang mga sarili na nagpapakita ng pagmamahal sa isang tao. Imungkahi na ilagay nila ang kanilang larawan kung saan maipapaalala nito sa kanila na mahalin ang iba tulad ng ginagawa ni Jesus.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Moroni 7:21–22, 25, 33

Pinagpapala ako kapag ako ay nananampalataya kay Jesucristo.

Ninais ni Mormon na malaman ng mga tao na hindi tumigil ang mga himala nang matapos ang ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo. Hangga’t may pananampalataya tayo kay Jesucristo, magagawa natin, sa tulong Niya, ang anumang bagay na kailangan Niyang ipagawa sa atin—kabilang na ang mahimalang mga bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa “ma[bu]buting bagay” na natatanggap natin sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng pagkakaroon ng walang hanggang pamilya, pagbalik sa Ama sa Langit, at ang mapatawad sa ating mga kasalanan. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na basahin ang Moroni 7:21–22 at 25, na inaalam kung paano natin matatanggap ang lahat ng mabubuting bagay na ito. Paano natin maipapakita ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga pangako?

  • Basahin ang Moroni 7:33 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang makakaya nating gawin kapag may pananampalataya tayo kay Jesucristo. Kung naaangkop, magbahagi ng mga karanasan mo kung kailan natulungan ka ng pananampalataya na gawin kung ano ang gustong ipagawa sa iyo ng Diyos. Tulungan ang mga bata na mag-isip at magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang mga buhay. Ano ang nagawang kaibhan ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Cristo sa mga halimbawang ito?

Moroni 7:40–41; 9:25–26

Maaari akong magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo, kahit habang nasa gitna ng mahihirap na pagsubok.

Nakaranas sina Mormon at Moroni ng mga nakakapanghina ng loob na mga sitwasyon, ngunit nakahanap sila ng pag-asa sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga bata na makahanap ng pag-asa kay Cristo kapag sila ay pinanghihinaan ng loob?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na maglista ng ilang problema na maaaring magdulot sa mga tao ng panghihina ng loob o kawalan ng pag-asa. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Moroni 7:40–41 at 9:25–26, at maghanap ng isang bagay na maaaring makatulong sa isang tao na pinanghihinaan ng loob. Sabihin sa kanila kung paano nakatulong sa iyo si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo sa panahon ng paghihirap.

  • Anyayahan ang mga bata na magsulat ng mensahe sa isang tao na pinanghihinaan ng loob para tulungan siyang makahanap ng pag-asa kay Cristo, tulad ng ginawa ni Mormon para sa kanyang anak sa Moroni 9:25–26. Hikayatin ang mga bata na gumamit ng mga salita at parirala mula sa mga talatang ito sa kanilang mga mensahe.

  • Punuin ng tubig ang isang transparent na lalagyan, at maghulog ng dalawang bagay dito—isang bagay na lumulutang at isang bagay na lumulubog. Ihambing ang bagay na lumulutang sa isang tao na may pag-asa kay Cristo. Sama-samang basahin ang Moroni 9:25. Paano tayo “[dina]dakila” ni Cristo kapag nakakaranas tayo ng mga mahihirap na pagsubok? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan kung paano nila mapapanatili ang Tagapagligtas at ang Kanyang nakakahikayat na mga turo “sa [kanilang] isipan magpakailanman.”

Moroni 7:45–48

“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay [ang] dalisay na pag-ibig ni Cristo.”

Ang pagkakaroon ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao ay isang panghabambuhay na mithiin. Paano mo mahihikayat ang mga bata na hangarin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng katagang “pag-ibig sa kapwa-tao.” Pagkatapos ay anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang Moroni 7:45. (Kung ang ilan sa mga salita sa talatang ito ay mahirap unawain, tulungan ang mga bata na hanapin ang mga ito sa isang diksyunaryo.) Hilingin sa mga bata na magbahagi tungkol sa mga taong kilala nila na magagandang halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao. Bakit tinawag ang pag-ibig sa kapwa-tao na “dalisay na pag-ibig ni Cristo”? (Moroni 7:47). Ano ang itinuturo sa atin ng talata 48 tungkol sa paraan kung paano tayo mapupuspos ng pag-ibig sa kapwa-tao? Hikayatin ang bawat isa sa mga bata na manalangin na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao sa linggong ito at maghanap ng mga paraan kung paano makakapagpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan, halimbawa, ang Lucas 23:34; Juan 8:1–11; Eter 12:33–34). Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa?

  • Hilingin sa mga bata na magsulat ng mga pangalan ng mga taong kilala nila sa mga piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang maliit na bag o lalagyan. Anyayahan sila na iuwi ang kanilang lalagyan sa bahay, pumili ng pangalan mula rito araw-araw, at gumawa ng isang bagay na nagpapakita ng pagmamahal sa taong iyon. Sa isang lesson sa hinaharap, anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa mga taong ito.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng isang tao na maaaring nagnanais na magkaroon ng mas malaking pananampalataya o pag-asa kay Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa taong iyon ng isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng pagpipitagan. Ang isang mahalagang bahagi ng pagpipitagan ay ang isipin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awit o pagdidispley ng isang larawan ni Jesus.

Print