“Disyembre 14–20. Moroni 10: ‘Lumapit kay Cristo at Maging Ganap sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 14–20. Moroni 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Disyembre 14–20.
Moroni 10
“Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya”
Kapag tapos mo nang basahin ang Aklat ni Mormon, isiping maghangad ng panibagong patotoo mula sa Espiritu Santo na ito ay totoo. Habang ginagawa mo ito, itala ang mga impresyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa pangako ni Nephi na ipakita sa atin na ang “magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya” (1 Nephi 1:20). Ang aklat ay nagtatapos sa isang kahalintulad na mensahe mula kay Moroni habang naghahanda siyang “tatakan” ang mga talaan: inanyayahan niya tayong “[alalahanin] kung paano naging maawain ang Panginoon” (Moroni 10:2–3). Kahit ang iniisip natin ay tungkol lang sa maraming pagpapakita ng awa na nakatala sa Aklat ni Mormon, marami itong ipinapaisip sa atin. Anong mga halimbawa ang pumapasok sa iyong isipan? Maaari mong pagnilayan ang maawaing paraan na inakay ng Diyos ang mag-anak ni Lehi sa ilang at patawid sa malalaking tubig, ang magigiliw na awang ipinakita Niya kay Enos nang magutom ang kanyang kaluluwa para sa kapatawaran, o ang awang ipinakita Niya kay Alma, isang matinding kaaway ng Simbahan na naging isa sa mga walang-takot na tagapagtanggol nito. O maaaring bumaling ang iyong isipan sa awang ipinakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga tao nang pagalingin niya ang kanilang mga maysakit at binasbasan ang kanilang maliliit na anak. Ang pinakamahalaga marahil, maipapaalala sa iyo ng lahat ng ito “kung [g]aano naging maawain ang Panginoon” sa iyo, dahil ang isa sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay anyayahan ang bawat isa sa atin na tanggapin ang awa ng Diyos—isang paanyayang ipinahayag nang simple sa mga salita ng pamamaalam ni Moroni, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Malalaman ko ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang pangako sa Moroni 10:3–7 ay nagpabago sa buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Paano ito nagpabago sa buhay mo? Hinahangad mo mang matamo o mapalakas ang iyong patotoo sa Aklat ni Mormon, ang paanyaya ni Moroni ay angkop sa iyo. Habang binabasa mo ang Moroni 10:3–7, isiping basahin ito nang mas mabuti kaysa rati. Maaari mong suriin ang bawat parirala, na itinatanong sa iyong sarili ang mga bagay na tulad nito: Ano ang ibig sabihin nito? Paano ko ito magagawa nang mas maayos? Ano ang naging mga karanasan ko rito? Paano naipakita sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng Aklat ni Mormon?
Isipin din ang isang tao na kailangang marinig ang iyong patotoo sa Aklat ni Mormon. Paano mo tutulungan ang taong iyon na maghangad ng sarili niyang patotoo?
“Huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos.”
Maraming paraan na ang isang tao ay maaaring “itatwa … ang mga kaloob ng Diyos” (Moroni 10:8). Itinatatwa ng ilang tao na may ganito ngang mga kaloob. Maaaring itatwa ng iba na mayroon silang mga espirituwal na kaloob pero nakikita nila ang mga ito sa ibang mga tao. Itinatatwa naman ng iba ang kanilang mga kaloob sa simpleng pagpapabaya sa mga ito o hindi pagpapayabong sa mga ito.
Habang binabasa mo ang Moroni 10:8–25, hanapin ang mga katotohanang tutulong sa iyo na matuklasan ang iyong mga espirituwal na kaloob at gamitin ang mga ito nang mas mabisa para pagpalain ang sarili mo at ang iba. Maghangad ng mga kabatiran tungkol sa mga kaloob na naibigay sa iyo ng Diyos o sa mga kaloob na nais Niyang hangarin mo. Bakit mahalaga na “pakatandaan na ang bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo”? (Moroni 10:18).
Isipin din ang payong ito mula sa kay Elder John C. Pingree Jr.: “Paano natin malalaman ang ating mga kaloob? Basahin natin ang ating patriarchal blessing, magtanong sa mga taong nakakikilala sa atin nang lubos, at alamin kung saan tayo mahusay at ano ang gustung-gusto nating gawin. Ang pinakamahalaga, maaari tayong magtanong sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; D at T 112:10). Alam Niya ang mga kaloob natin, dahil Siya ang nagbigay ng mga ito sa atin” (“Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 33).
Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaloob ng Espiritu, mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Maaari akong magawang perpekto sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Ang payo ni Moroni na “lumapit kay Cristo” ay hindi lang ang matuto tungkol sa Kanya o isipin Siya nang mas madalas o kahit pa mas sikaping sundin ang Kanyang mga utos, kahit mahalaga ang mga ito. Sa halip, ito ay isang paanyaya na lumapit kay Cristo sa pinakabuong kahulugan nito—ang maging katulad Niya. Habang binabasa mo ang Moroni 10:30–33, pansinin ang mga pariralang lubos na nagpapaunawa sa iyo ng ibig sabihin ng lumapit kay Cristo, tulad ng “manangan sa bawat mabuting kaloob,” “pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan,” at, siyempre pa, “ maging ganap sa kanya” (idinagdag ang mga italic).
Paano ito mangyayari? Hanapin ang mga sagot sa Moroni 10:30–33. Ano ang sinasabi sa iyo ng Espiritu na dapat mong gawin para mas lubos na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”?
Tingnan sa Omni 1:26; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Moroni 10
Sama-samang basahin ang kabanatang ito, na hinahanap ang bawat pagkakataon na ginamit ni Moroni ang salitang pinapahuyan. Ilista o markahan ang ipinapayo—o mahigpit na hinihikayat—ni Moroni na gawin natin. Ano ang magagawa natin para masunod ang kanyang mga payo?
Moroni 10:3
Ano ang natutuhan natin tungkol sa awa ng Panginoon sa pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon sa taong ito? Paano naging maawain ang Panginoon sa ating pamilya?
Moroni 10:3–5
Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng pamilya na ibahagi kung paano nila nalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Isiping sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paghahanap sa katotohanan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na itala ang kanilang patotoo sa journal ng pamilya.
Moroni 10:8–18
Ang Pasko ay isang likas na panahon para mag-isip tungkol sa pagtanggap ng mga regalo. Marahil ay maaaring magbalot ng mga regalo ang mga miyembro para sa isa’t isa na kumakatawan sa “mga kaloob ng Diyos” na binanggit sa Moroni 10:9–16. Ang mga kaloob na ito ay maaari ring kumatawan sa iba pang mabubuting kaloob na nagmumula kay Cristo na nakikita nila sa isa’t isa.
Moroni 10:27–29, 34
Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang gusto nilang sabihin kay Moroni kapag kanilang “[nakatagpo siya] sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova.”
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.