“Disyembre 21–27. Pasko: ‘Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 21–27. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Disyembre 21–27
Pasko
“Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao”
Ang Kapaskuhan ay panahon para pagbulayan at pasalamatan ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Habang binabasa at pinagninilayan mo sa linggong ito ang Kanyang pagsilang at buhay, isipin kung paano napalakas ng pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon ngayong taon ang iyong patotoo na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Itala ang mga impresyong dumarating sa iyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mula kay Nephi hanggang kay Moroni, bawat propeta sa Aklat ni Mormon ay naging tapat sa sagradong layunin na nakabuod sa pahina ng pamagat ng aklat: “Sa ikahihikayat ng [lahat ng tao] na si Jesus ang Cristo.” Nakita Siya ng isang propeta bilang isang premortal na espiritu, at nakita ng isa pa ang Kanyang pagsilang at ministeryo sa isang pangitain. Tumayo ang isa sa isang pader para ipahayag ang mga palatandaan ng Kanyang pagsilang at Kanyang kamatayan, at lumuhod ang isa pa sa harap ng Kanyang nabuhay na mag-uling katawan at hinipo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran. Alam nilang lahat ang mahalagang katotohanang ito: “Walang ibang daan o pamamaraan man na ang tao ay maaaring maligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng pambayad-salang dugo ni Jesucristo, na … paparito upang tubusin ang sanlibutan” (Helaman 5:9).
Kaya sa Kapaskuhang ito, habang ipinagdiriwang ng mga nananalig sa buong mundo ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa pagsugo sa Kanyang anak, pagnilayan kung paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong pananampalataya kay Cristo. Habang iniisip mo ang Kanyang pagsilang, pagnilayan kung bakit Siya naparito at paano nabago ng Kanyang pagdating ang buhay mo. Pagkatapos ay mararanasan mo ang tunay na kagalakan ng Pasko—ang kaloob na ibinibigay sa iyo ni Jesucristo.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
1 Nephi 11:13–36; Mosias 3:5–10; Helaman 14:1–13; 3 Nephi 1:4–22
Naparito si Jesucristo sa lupa upang maging aking Tagapagligtas.
Tradisyon nang basahin ang kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan tuwing Kapaskuhan, ngunit makakakita ka rin ng nakakaantig na mga propesiya tungkol sa sagradong pangyayaring ito sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, ang mga propesiya tungkol sa pagsilang at ministeryo ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa 1 Nephi 11:13–36; Mosias 3:5–10; Helaman 14:1–13; at 3 Nephi 1:4–22. Anong mga impresyon tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa iyo habang binabasa mo ang mga talatang ito at pinagmumuni-muni ang mga posibleng kahulugan ng mga palatandaan ng Kanyang pagsilang? Paano pinalalakas ng mga patotoo ng mga propetang ito sa sinaunang Amerika ang iyong patotoo tungkol kay Cristo at sa Kanyang misyon?
Tingnan din sa Mateo 1:18–25; 2; Lucas 2.
2 Nephi 2:6; Alma 7:7–13; 11:40; Helaman 5:9; 14:16–17
Si Jesucristo ang Manunubos ng buong sangkatauhan.
Hindi tayo magkakaroon ng dahilan para ipagdiwang ang pagsilang ni Jesucristo kung hindi dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, kung saan inililigtas Niya tayo mula sa kasalanan at kamatayan, pinapanatag tayo sa mga paghihirap, at tinutulungan tayong “maging ganap sa Kanya” (Moroni 10:32). Ano ang natutuhan mo mula sa Aklat ni Mormon ngayong taon tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tubusin ka? Mayroon bang mga kuwento o turo na namumukod-tangi sa iyo? Isipin kung ano ang itinuturo ng sumusunod na mga halimbawa tungkol sa nanunubos na misyon ng Tagapagligtas: 2 Nephi 2:6; Alma 7:7–13; 11:40; at Helaman 5:9; 14:16–17. Ano ang nahihikayat kang gawin para maipakita ang pasasalamat mo sa Kanya?? (Ang Christmas.ComeUntoChrist.org ay may ilang ideya na makakatulong sa iyo na magsimula.)
1 Nephi 6:4; 19:18; 2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.
Ang “Isa pang Tipan ni Jesucristo” ay hindi lang basta isang subtitle para sa Aklat ni Mormon; ito ay isang pahayag ng banal na layunin nito. Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa sumusunod na mga talata tungkol sa misyon ng Aklat ni Mormon na patotohanan si Cristo: 1 Nephi 6:4; 19:18; at 2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10.
Isiping itala sa isang journal kung paano ka mas nailapit kay Cristo ng pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon ngayong taon. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga mungkahi:
-
“Ang bagong natutuhan ko tungkol sa Tagapagligtas ngayong taon ay …”
-
“Ang pagbabasa [ng mga talata tungkol sa Tagapagligtas] ay nagpabago sa paraan ng aking …”
-
“Ang paborito kong tao [o kuwento] sa Aklat ni Mormon ay nagturo sa akin na ang Tagapagligtas ay …”
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
1 Nephi 11:13–23; Mosias 3:5–10; Helaman 14:1–13; 3 Nephi 1:4–22
Maaaring masiyahan ang mga bata sa pagdodrowing ng mga larawan ng naririnig nila habang binabasa mo ang mga kuwento ng pagsilang at ministeryo ni Cristo sa 1 Nephi 11:13–23; Mosias 3:5–10; Helaman 14:1–13; at 3 Nephi 1:4–22. Pagkatapos ay maaaring isalaysay na muli ng iyong mga anak ang mga kuwento gamit ang mga larawang idinrowing nila.
“Siya ang Regalo”
Para tulungan ang inyong pamilya na magtuon sa regalong ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa pagsugo sa Kanyang Anak, maaari mong ibalot ang isang larawan ni Jesucristo na parang isang Pamaskong regalo. Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga paboritong Pamaskong regalong natanggap nila o inaasam nilang matanggap. Pagkatapos ay maaari nilang alisan ng balot ang larawan ni Cristo at talakayin kung paano Siya naging napakahalagang regalo sa atin. Talakayin kung paano ninyo matutuklasan, matatanggap, at maibabahagi ang regalo ng Tagapagligtas bilang pamilya ngayong Pasko.
Maaari ring makinabang ang inyong pamilya mula sa pag-iisip tungkol sa isang “regalo” na gusto nilang ibigay sa Tagapagligtas, tulad ng pagsisikap na maging mas mabait sa iba o pagsisikap na madaig ang isang masamang gawi. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isulat ang kanilang mga ideya, ibalot ang mga ito na parang regalo, at ilagay ang kanilang regalo sa paligid ng isang larawan ng Tagapagligtas.
Ang Diwa ng Pasko
Maaaring masayang magplano ng mga aktibidad na magagawa ng inyong pamilya sa mga araw hanggang mag-Pasko para madama ang Espiritu ni Cristo, tulad ng paglilingkod sa isang tao o sabay-sabay na pag-awit ng mga Pamaskong himno. (Para sa mga ideya, tingnan sa christmas.ComeUntoChrist.org.)
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.