Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 7–13. Moroni 7–9: “Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”


“Disyembre 7–13. Moroni 7–9: ‘Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Disyembre 7–13. Moroni 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

si Moroni na nagsusulat sa mga laminang ginto

Minerva Teichert (1888–1976), Si Moroni: Ang Huling Nephita, 1949–1951, langis sa masonite, 34¾ x 47 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Disyembre 7–13

Moroni 7–9

“Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”

Habang pinag-aaralan mo ang Moroni 7–9, makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, at itala ang Kanyang mga mensahe sa iyo. Maituturo Niya sa iyo kapwa ang kailangan mong malaman at ang kailangan mong gawin.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bago tinapos ni Moroni ang talaan na kilala natin ngayon bilang Aklat ni Mormon sa kanyang mga huling salita, nagbahagi siya ng tatlong mensaheng nagmula sa kanyang amang si Mormon: isang mensahe para sa “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3) at ng dalawang liham ni Mormon kay Moroni. Marahil ay isinama ni Moroni ang mga mensaheng ito sa Aklat ni Mormon dahil nakinita niya ang mga pagkakatulad ng mga panganib sa kanyang panahon sa panahon natin. Nang isulat ang mga salitang ito, ang mga Nephita sa kabuuan ay mabilis na nahuhulog sa apostasiya. Marami sa kanila ang “[nawalan na ng] pag-ibig sa isa’t isa” at nalugod sa “lahat ng bagay maliban doon sa mabuti” (Moroni 9:5, 19). Subalit nakasumpong pa rin ng dahilan si Mormon para umasa—na itinuturo sa atin na ang pag-asa ay hindi pagbabalewala o kawalan ng muwang tungkol sa mga problema ng mundo; ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na ang kapangyarihan ay mas malaki at mas nagtatagal kaysa sa mga problemang iyon. Ang ibig sabihin nito ay “[m]anangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:19). Ang ibig sabihin nito ay hayaan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo “at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan” (Moroni 9:25). At hanggang sa maluwalhating araw ng Ikalawang Pagparito ni Cristo, ang ibig sabihin nito ay huwag tumigil kailanman sa “gawaing nararapat [nating] gampanan … [para] magapi ang kaaway ng lahat ng kabutihan” (Moroni 9:6).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Moroni 7:12–20

Ang liwanag ni Cristo ay tumutulong sa akin na humatol sa pagitan ng mabuti at masama.

Ang mundo ngayon ay puno ng maimpluwensyang mga mensahe; paano natin masasabi kung alin ang tama at alin ang mali? Ang mga salita ni Mormon sa Moroni 7 ay nagbibigay sa atin ng ilang alituntuning magagamit natin para maiwasang “[humatol] nang mali” (Moroni 7:18). Habang pinag-aaralan mo ang Moroni 7:12–20, maghanap ng mga katotohanan na magpapaalam sa iyo kung ano ang lalong maglalapit sa iyo sa Diyos at kung ano ang hindi. Maaari mong gamitin ang mga katotohanang ito para matulungan kang suriin ang mga mensaheng nakikita mo at ang mga karanasan mo sa linggong ito at alamin kung inaanyayahan at inaakit ka nitong gumawa ng mabuti o hindi (tingnan sa Moroni 7:13).

Tingnan din sa Gabay sa Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo.”

Moroni 7:20–48

Sa pagsampalataya kay Cristo, maaari akong “[m]anangan sa bawat mabuting bagay.”

Matapos ituro kung paano tumukoy sa pagitan ng mabuti at masama, may itinanong si Mormon na tila mahalaga ngayon: “Paano mangyayari na kayo ay makakapanangan sa bawat mabuting bagay?”—lalo na kapag ang mga tukso ng kaaway ay lubhang nakakaakit (Moroni 7:20). Ang sagot ni Mormon ay matatagpuan sa natitirang bahagi ng kabanata 7. Habang binabasa mo ang talata 20–48, maghanap ng mga katotohanang makakatulong para makita mo ang “bawat mabuting bagay” na nasa iyo dahil kay Jesucristo. Paano nakakatulong ang pagsampalataya sa Kanya para mahanap mo ang mabubuting bagay? Paano ka “mananangan” sa mas maraming mabubuting bagay?

Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.

Moroni 7:44–48

“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.”

Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang dahilan kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang at kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa kaysa sa mga pinakamakabuluhang gawa ng kabutihan … ay dahil sa [ang pag-ibig sa kapwa-tao], ‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’ (Moro. 7:47), ay hindi [isang] pagkilos kundi [isang] kalagayan o katayuan. … Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na nagiging likas sa tao” (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 34). Habang binabasa mo ang Moroni 7:44–48, isipin ang paglalarawan ni Mormon sa pag-ibig sa kapwa-tao, at pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo; matutulungan ka Niyang humanap ng mga paraan para magpakabuti pa. Bakit ba natin kailangan ng pananampalataya at pag-asa para matanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

Moroni 9:9

Makukuha ba sa akin ang aking puri at dangal?

Ang paglalarawan ni Mormon sa kakila-kilabot na mga kasalanan ng mga Nephita ay umakay sa ilan na magkamali ng palagay na ang mga biktima ng panggagahasa o pang-aabuso ay nilabag ang batas ng kalinisang-puri. Gayunman, nilinaw ni Elder Richard G. Scott na hindi ito tama. Itinuro niya, “Taimtim kong pinatototohanan na kapag ang ginawang karahasan, kabuktutan, o incest ng iba ay labis na nakasakit sa inyo at labag sa inyong kalooban, wala kayong pananagutan at hindi kayo kailangang makonsensya” (“Healing the Tragic Scars ng Abuse,” Ensign, Mayo 1992, 32).

Moroni 9:25–26

Maaari akong magkaroon ng pag-asa kay Cristo, anuman ang aking sitwasyon.

Matapos ilarawan ang kasamaan na kanyang nakita, sinabihan ni Mormon ang kanyang anak na huwag malungkot. Ano ang hinahangaan mo sa mensahe ng pag-asa ni Mormon? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “[da]dakilain ka” ni Cristo? Anong mga katangian ni Cristo at mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo ang “[na]mamalagi sa iyong isipan” at nagbibigay sa iyo ng pag-asa? (Moroni 9:25).

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 70, 75–77.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Moroni 7:5–11

Ayon sa Moroni 7:5–11, bakit mahalagang gawin ang mga tamang bagay para sa mga tamang dahilan? Paano natin malalaman kung tayo ay nagdarasal at sumusunod sa mga utos ng Diyos nang may “tunay na layunin”? (talata 6).

Moroni 7:12–19

Paano tayo matutulungan ng payo ni Mormon na gumawa ng mabubuting pasiya kung paano natin ginugugol ang ating oras at kung kanino natin ito ginugugol? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na maghalughog sa inyong tahanan at “manangan” (Moroni 7:19), o kumapit, sa mga bagay na nag-aanyaya sa kanila na “gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya” (Moroni 7:13). Purihin sila sa mabubuting bagay na matagpuan nila.

Moroni 7:29

Matapos basahin ang talatang ito, maaaring ikuwento ng mga miyembro ng pamilya ang mga himalang nasaksihan nila o ang iba pang mga paraan na nakita nila ang patnubay ng Diyos sa kanilang buhay.

Moroni 8:5–26

Ano ang maling pagkaunawa ng mga Nephita na nagbibinyag ng maliliit na bata sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Ano ang natututuhan natin tungkol sa Pagbabayad-sala mula sa mga turo ni Mormon?

Moroni 8:16–17

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “ganap na pag-ibig”? Paano tayo tinutulungan nito na madaig ang takot? Paano tayo tinutulungan nito na magturo ng katotohanan nang may katapangan? Paano tayo magkakaroon nito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika para maanyayahan ang Espiritu at maituro ang doktrina. “Ang musika ay may walang hanggang kakayahan para [himukin tayo] patungo sa higit na espirituwalidad” (“Paunang Salita ng Unang Panguluhan,” Mga Himno, x). Ang isang awitin tungkol sa pag-ibig, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Mga Himno, blg. 196), ay maaaring makaganda sa talakayan ng pamilya tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa Moroni 7:44–48.

Jesucristo

Larawan ni Cristo na Tagapagligtas, ni Heinrich Hofmann