Musika
Paunang Salita ng Unang Panguluhan


Paunang Salita ng Unang Panguluhan

Tatlong buwan matapos maitatag ang Simbahan, ang Panginoon, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nag-utos sa kabiyak ni Joseph, si Emma, na gumawa ng isang pagpili ng mga sagradog himno para sa Simbahan: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (D at T 25:12).

Ngayon, 150 taon matapos mailimbag ng Simbahan ang unang imnaryo, natutuwa kaming ibigay ang rebisyong ito. Marami sa mga himnong makikita sa ating orihinal na imnaryo at mga sumusunod na edisyon ay kabilang dito, maging ang ilang bagong dagdag na himno. Lahat ng ito ay pinili upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo.

Musika sa Ating mga Pagpupulong sa Simbahan

Ang nakapupukaw na himig ay mahalagang bahagi ng ating mga pagpupulong sa simbahan. Ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, nagdadala ng mapitagang pakiramdam, napagkakaisa tayo bilang mga miyembro, at nagdudulot ng paraan para sa atin na makapag-alay ng mga papuri ng Panginoon.

Ang ilan sa pinakamagagadang sermon ay naipahahayag sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno. Ang mga himno ay naghihimok sa atin na magsisi at gumawa ng mabuti, nagpapalakas ng patotoo at pananampalataya, nagpapaginhawa sa mga nahahapo, nag-aaliw sa mga nagluluksa, at nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtiis hanggang sa wakas.

Umaasa kaming makakita ng pagdami ng mga umaawit ng himno sa ating mga kongregasyon. Hinihimok namin ang lahat ng mga miyembro, maging matatas man sa musika o hindi, na sumama sa amin sa pag-awit ng mga himno. Umaasa kami na ang mga pinuno, mga guro, at mga miyembro na tinatawag upang magsalita sa kongregasyon ay madalas babaling sa imnaryo upang makahanap ng mga sermon na nakalahad nang buong kapangyarihan at ganda sa berso.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may matagal nang tradisyon sa pag-awit ng koro. Bawat purok at sangay sa Simbahan ay dapat magkaroon ng isang korong nagpapalabas nang panayan. Hinihimok namin ang mga koro na gamitin ang imnaryo bilang kanilang pangunahing dulugan.

Musika sa Ating mga Tahanan

Ang musika ay may walang hanggang kakayahan para sa paghimok ng mga mag-anak patungo sa higit na espiritwalidad at pagmamahal sa ebanghelyo. Dapat punuin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga tahanan ng tunog ng karapat-dapat na himig.

Ang sa atin ay isang imnaryong pantahanan at pangsimbahan din. Inaasahan namin na ang imnaryo ay magkakaroon ng prominenteng lugar kasama ng mga banal na kasulatan at iba pang mga aklat na pangrelihiyon sa ating mga tahanan. Ang mga himno ay may kakayahang magdala sa mga mag-anak ng isang diwa ng kagandahan at kapayapaan at maaaring pumukaw ng pag-ibig at pagkakaisa sa mga kasapi ng mag-anak.

Turuan ninyo ang inyong mga anak na mahalin ang mga himno. Awitin ang mga ito tuwing Sabbath, sa gabing pantahanan, tuwing nag-aaral ng banal na kasulatan, tuwing oras ng panalangin. Umawit habang kayo’y nagtatrabaho, habang kayo’y naglalaro, at habang kayo’y sama-samang naglalakbay. Umawit kayo ng himno bilang panghele upang magpalakas ng pananampalataya at patotoo sa inyong maliliit na anak.

Musika sa Ating Sariling Buhay

Bilang karagdagan sa pagpapala sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan at mag-anak, ang mga himno ay may malaking maitutulong sa atin bilang indibidwal. Ang mga himno ay makapag-aalo sa ating mga kaluluwa, makapagbibigay-tapang sa atin, at hihimok sa atin upang gumawa ng kabutihan. Mapupuno nila ng makalangit na pag-iisip ang ating mga kaluluwa at makapagdudulot sa atin ng espiritu ng kapayapaan.

Maaari ding makatulong sa atin ang mga himno na paglabanan ang mga tukso ng kaaway. Hinihimok namin kayo na kabisaduhin ang inyong mga paboritong himno at pag-aralan ang mga banal na kasulatang may kaugnayan sa kanila. Sa gayon, kung may di-kanais-nais na pag-iisip na papasok sa inyo, umawit sa sarili ng isang himno, nang maitaboy ng mabuti ang kasamaan.

Mga kapatid, gamitin natin ang mga himno upang anyayahan ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga kongregasyon, sa ating mga tahanan, at sa ating sariling buhay. Atin silang kabisaduhin at pag-isipan, bigkasin at awitin, at makibahagi sa idinudulot nilang espiritwal na lakas. Alamin na ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa ating Ama sa Langit, “At ito ay tutugunan ng pagpapala sa [inyong] mga ulo.”

Ang Unang Panguluhan