Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: “Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”


“Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: ‘Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

si Alma na binibinyagan ang mga tao sa mga Tubig ng Mormon

Minerva Teichert (1888–1976), Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon, 1949–1951, langis sa masonite, 35⅞ x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Nobyembre 30–Disyembre 6

Moroni 1–6

“Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”

Itinala ni Moroni ang inasahan niyang “magiging mahalaga … sa mga darating na araw” (Moroni 1:4). Ano ang nakikita mo sa Moroni 1–6 na mahalaga para sa iyo? Itala ang natutuklasan mo, at isiping ibahagi ito sa isang tao na maaari ding makita na mahalaga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang matapos niya ang talaan ng kanyang ama tungkol sa mga Nephita at mapaikli ang talaan ng mga Jaredita, akala ni Moroni noong una ay tapos na ang kanyang pagtatala (tingnan sa Moroni 1:1). Ano pa ba ang maaaring sabihin tungkol sa dalawang bansang lubusan nang nalipol? Ngunit nakita ni Moroni ang ating panahon (tingnan sa Mormon 8:35), at nahikayat siyang “[sumulat] ng ilan pang bagay, na marahil … ay magiging mahalaga … sa mga darating na araw” (Moroni 1:4). Alam niya na parating na ang malawakang apostasiya, na may lakip na kalituhan tungkol sa mga ordenansa ng priesthood at sa relihiyon sa pangkalahatan. Maaaring ito ang dahilan kaya nagbigay siya ng malilinaw na detalye tungkol sa sakramento, binyag, pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo, at mga pagpapala ng makitipon sa mga kapwa mananampalataya para “mapanatili [ang isa’t isa] sa tamang daan, … umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng [ating] pananampalataya” (Moroni 6:4). Ang mahahalagang kabatirang tulad ng mga ito ay nagbibigay sa atin ng dahilan para magpasalamat na pinangalagaan ng Panginoon ang buhay ni Moroni para siya ay “[maka]sulat pa ng ilang bagay” (Moroni 1:4).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Moroni 1

Nanatiling tapat ang mga disipulo ni Jesucristo sa kabila ng oposisyon.

Para sa ilang tao, mas madaling maging tapat kapag madali at maginhawa ang buhay. Ngunit bilang mga disipulo ni Jesucristo, kailangan tayong manatiling tapat kahit nahaharap tayo sa mga pagsubok at pagsalungat. Habang binabasa mo ang Moroni 1, ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa katapatan ni Moroni sa Panginoon at sa kanyang tungkulin? Paano mo matutularan ang kanyang halimbawa?

Moroni 2–6

Kailangang isagawa ang mga ordenansa ng priesthood ayon sa utos ng Panginoon.

Noong Kanyang mortal na ministeryo, tumanggap at nangasiwa ng mga sagradong ordenansa ang Tagapagligtas, tulad ng binyag (tingnan sa Mateo 3:13–17; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:1–3 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]), ordinasyon sa priesthood (tingnan sa Marcos 3:13–19), at sakramento (tingnan sa Mateo 26:26–28). Gayunman, dahil sa Malawakang Apostasiya, maraming tao ngayon ang nalilito kung paano kailangang isagawa ang mga ordenansa—at kung kailangan pa nga ba ang mga ito. Sa Moroni 2–6, nagbigay ng mahahalagang detalye si Moroni tungkol sa ilang ordenansa ng priesthood na maaaring magpalinaw sa ilan sa kalituhang iyon. Anong mga impresyon ang dumating habang natututo ka tungkol sa mga ordenansa sa mga kabanatang ito? Narito ang ilang tanong na maaaring makatulong sa iyo na matuto:

Kumpirmasyon (Moroni 2; 6:4).Ano ang itinuturo sa iyo ng mga tagubilin ng Tagapagligtas sa Moroni 2:2 tungkol sa ordenansa ng kumpirmasyon? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo”? (Moroni 6:4).

Ordinasyon sa priesthood (Moroni 3).Ano ang nakikita mo sa kabanatang ito na maaaring makatulong sa isang tao na maghandang maorden sa priesthood? Ano ang nakikita mo na makakatulong sa isang tao na magsagawa ng ordinasyon?

Ang sakramento (Moroni 4–5; 6:6).Pansinin ang mga pangako sa mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2), at pagnilayan kung ano ang ginagawa mo para tuparin ang iyong mga pangako. Ano ang magagawa mo para mas mabisa mong maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu kapag nakikihabagi ka sa sakramento?

Binyag (Moroni 6:1–3).Ano ang magagawa mo para patuloy na maabot ang mga kwalipikasyon sa binyag na nakasaad sa mga talatang ito, kahit nabinyagan ka na? Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa kahulugan ng pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo?

Batay sa natutuhan mo, paano mo babaguhin ang mga paraan ng iyong pag-iisip tungkol sa mga ordenansang ito, paglahok sa mga ito, o paghahanda sa iba para dito? Bakit mahalaga na ang mga ordenansang ito ay “pinangasiwaan … alinsunod sa mga kautusan ni Cristo”? (Moroni 4:1).

[NO TRANSLATION]

kabataang babae na tumatanggap ng basbas

Itinuro ni Jesus kung paano dapat isagawa ang mga ordenansa.

Moroni 6:4–9

Inaalagaan ng mga disipulo ni Jesucristo ang kapakanan ng kaluluwa ng isa’t isa.

Bagama’t totoo na tayong lahat ang “[nagsasakatuparan ng ating] sariling kaligtasan” (Mormon 9:27), itinuro rin ni Moroni na ang “madalas na [p]agtitipun-tipon” ng mga kapwa mananampalataya ay magpapanatili sa atin “sa tamang daan” (Moroni 6:4–5). Habang binabasa mo ang Moroni 6:4–9, pagnilayan ang mga pagpapala ng “[m]apabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo” (Moroni 6:4). Paano ka makakatulong na gawing mas katulad ng inilalarawan ni Moroni ang mga karanasan mo at ng iba sa simbahan, lider ka man o kalahok?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Moroni 1; Moroni 6:3

Ano ang ibig sabihin ng “itatatwa ang Cristo”? (Moroni 1:2–3). Paano natin maipapakita ang ating “matibay na hangaring maglingkod sa kanya hanggang wakas”? (Moroni 6:3). Magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong kilala ninyo na may matibay na hangaring maglingkod sa kanya.

Moroni 4:3; Moroni 5:2

Ang pagbasa sa mga panalangin sa sakramento bilang pamilya ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa pagkakaroon ng mas mataas na pagpipitagan sa sakramento. Marahil ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng pamilya ang mga parirala mula sa mga panalanging ito na lalong makabuluhan sa kanila. Maaari din silang magtala ng kanilang mga iniisip tungkol sa mga pariralang ito o magdrowing ng isang larawan na nagpapaisip sa kanila tungkol sa Tagapagligtas. Maaari nilang dalhin sa sacrament meeting ang kanilang isinulat o idrinowing para maituon nila sa Kanya ang kanilang mga iniisip. Sabihin sa inyong pamilya ang nadarama mo tungkol sa sakramento at sa sakripisyo ng Tagapagligtas.

Moroni 6:1–4

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu”? (Moroni 6:2). Paano tayo tinutulungan nitong maghanda para sa binyag? Paano ito maaaring makatulong sa atin matapos tayong binyagan?

Moroni 6:4–9

Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilan sa mga pagpapala ng “[m]apabilang sa mga tao ng Simbahan ni Cristo”? (Moroni 6:4). Bakit kailangan natin ang Simbahan?

Moroni 6:8

Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa pagsisisi? Ano ang ibig sabihin ng maghangad ng kapatawaran nang may “tunay na layunin”? (Moroni 6:8). Isiping kumanta ng isang awitin tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Humanap ng katibayan ng pagmamahal ng Diyos. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard, “[Ang] ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng pagmamahal—pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 59). Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, isiping pansinin o markahan ang mga katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa iyo at sa lahat ng Kanyang anak.

si Moroni na nagtatago sa kuweba

Si Moroni sa Loob ng Kuweba, ni Jorge Cocco