“Nobyembre 23–29. Eter 12–15: ‘Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Nobyembre 23–29. Eter 12–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Nobyembre 23–29.
Eter 12–15
“Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan”
Ang pagtatala ng mga impresyon ay higit pang makapag-aanyaya ng paghahayag at makapagpapalakas ng iyong patotoo. Tinutulungan ka rin nitong maalala ang iyong mga impresyon at ibahagi ang mga ito sa iba sa hinaharap.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang mga propesiya ni Eter sa mga Jaredita ay “dakila at kagila-gilalas” (Eter 12:5). “Sinabi [niya] sa kanila ang lahat ng bagay mula sa simula ng tao” (Eter 13:2). Nakinita niya ang “mga araw ni Cristo” at ang Bagong Jerusalem sa mga huling araw (Eter 13:4). At binanggit niya ang “[pag-asa] para sa daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos” (Eter 12:4). Ngunit tinanggihan ng mga Jaredita ang kanyang mga salita, sa parehong dahilan kaya madalas tanggihan ng mga tao ang mga propesiya ng mga lingkod ng Diyos ngayon—“dahil sa hindi nila [nakikita] ang mga ito” (Eter 12:5). Kailangan ng pananampalataya para maniwala sa mga pangako o babala tungkol sa mga bagay na hindi natin nakikita, tulad ni Eter na kinailangang manampalataya para magpropesiya tungkol sa “mga dakila at kagila-gilalas na bagay” sa mga taong hindi naniniwala. Kinailangang manampalataya ni Moroni para magtiwala na kayang alisin ng Panginoon ang kanyang “kahinaan sa pagsusulat” at gawin itong kalakasan (tingnan sa Eter 12:23–27). Ito ang uri ng pananampalataya na nagbibigay sa atin ng “katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:4). At ang ganitong uri ng pananampalataya ang dahilan kaya “lahat ng bagay ay naisasakatuparan” (Eter 12:3).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay maaaring humantong sa malalaking himala.
Maraming tao ngayon, tulad ng mga Jaredita sa panahon ni Eter, na gustong makakita ng katibayan bago maniwala sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan. Gayunman, itinuro ni Moroni na “ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita” at na “wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6).
Pansinin ang bawat pagkakataon na makikita mo ang salitang “pananampalataya” sa Eter 12, at itala ang matututuhan mo tungkol sa pananampalataya. Maghanap ng mga sagot sa mga tanong na gaya nito: Ano ang pananampalataya? Ano ang mga bunga ng buhay na puspos ng pananampalataya? Maaari mo ring itala ang iyong mga ideya tungkol sa mga patotoong iyong natamo “[m]atapos ang pagsubok sa [iyong] pananampalataya” (Eter 12:6).
Tingnan din sa Mga Hebreo 11; Alma 32.
Binibigyan tayo ni Jesucristo ng “higit na mainam na pag-asa.”
Bukod sa malalalim na kabatiran tungkol sa pananampalataya, marami ring sinasabi sa Eter 12 tungkol sa pag-asa—maaari mo sigurong isulat ang bawat pagkakataon na lumilitaw ang salitang “pag-asa.” Ano ang kahulugan ng pag-asa para sa iyo? Ano ang mga dahilan kung bakit kinailangan ni Eter na “[umasa] sa isang daigdig na higit na mainam”? (tingnan sa Eter 12:2–5). Paano ka nabigyan ng ebanghelyo ni Jesucristo ng “higit na mainam na pag-asa”? (Eter 12:32).
Bisitahin ang GiveThanks.ChurchofJesusChrist.org para makinig sa isang mensahe mula kay Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa paraan kung paano makakahanap ng kapayapaan at paggaling—anuman ang iyong kalagayan.
Tingnan din sa Moroni 7:40–41; Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 21–24; Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 134.
Mapapalakas ng Tagapagligtas ang mahihinang bagay.
Kapag binabasa natin ang mga makapangyarihang isinulat ni Moroni, madaling malimutan na nag-alala siya sa kanyang “kahinaan sa pagsusulat” at natakot na baka kutyain ng mga tao ang kanyang mga salita (tingnan sa Eter 12:23–25). Ngunit nangako ang Diyos na gagawin Niya “ang mahihinang bagay na maging malalakas” para sa mga mapagpakumbaba (talata 27), at ang espirituwal na kapangyarihan sa mga isinulat ni Moroni ay kapani-paniwalang katibayan na tinupad ng Panginoon ang pangakong ito.
Matapos basahin ang Eter 12:23–29, pagnilayan ang mga pagkakataon na tinulungan ka ng Diyos na makilala ang iyong mga kahinaan at pinalakas ka sa kabila ng mga ito. Magandang pagkakataon din siguro ito para pag-isipan ang mga kahinaang kasalukuyan mong pinaglalabanan ngayon. Ano sa pakiramdam mo ang kailangan mong gawin para magpakumbaba sa harapan ng Panginoon at manampalataya sa Kanya para matanggap ang Kanyang pangako na gagawin Niya ang “mahihinang bagay na maging malalakas”? (Eter 12:27).
Habang pinagninilayan mo ang mga talatang ito, maaaring makatulong ang sumusunod na kabatiran mula kay Elder Neal A. Maxwell: “Kapag nababasa natin sa mga banal na kasulatan ang ‘kahinaan’ ng tao, kabilang sa katagang ito ang … kahinaang likas sa pangkalahatang kalagayan ng tao kung saan walang humpay ang epekto ng laman sa espiritu (tingnan sa Eter 12:28–29). Gayunman, kabilang din sa kahinaang ito ang ating partikular at indibiduwal na mga kahinaan, na inaasahang dadaigin natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 66:3; Jacob 4:7)” (Lord, Increase Our Faith [1994], 84).
Tingnan din sa “Grace,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org.
Ang pagtanggi sa mga propeta ay naghahatid ng espirituwal na panganib.
Ang pagiging hari ng mga Jaredita, ayon sa kasaysayan, ay isang mapanganib na tungkulin. Nangyari ito lalo na kay Coriantumer, dahil maraming “malalakas na tao [ang] naghangad na patayin [siya]” (Eter 13:15–16). Sa Eter 13:15–22, pansinin ang ginawa ni Coriantumer para protektahan ang sarili at kung ano ang ipinayo sa kanya ni Eter na gawin sa halip na ito. Habang binabasa mo ang natitirang bahagi ng aklat ni Eter, pagnilayan ang mga bunga ng pagtanggi sa mga propeta. Ano ang nangyayari sa mga tao kapag “ang Espiritu ng Panginoon ay [tumitigil] na sa pamamatnubay sa kanila”? (Eter 15:19).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Eter 12:7–22
Habang sama-sama ninyong binabasa ang mga talatang ito, maaari ninyong rebyuhin ang ilang nakaaantig na halimbawa ng pananampalataya na nabasa ninyo sa Aklat ni Mormon. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga halimbawa ng pananampalataya sa kasaysayan ng inyong pamilya o sa sarili ninyong buhay—isiping itala ang mga karanasang ito na hindi pa ninyo naitatala.
Eter 12:27
Bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng kahinaan? Ano ang ating bahagi sa paggawa ng “mahihinang bagay na maging malalakas”? Ano ang bahagi ng Tagapagligtas?
Eter 12:41
May nakatutuwa bang paraan na maaari mong ituro sa iyong mga anak upang “hanapin [si] Jesus”? Maaaring ang isang paraan ay magtago ng isang larawan ni Jesus at anyayahan ang mga miyembro ng inyong pamilya na “hanapin” ang larawan. Paano natin hinahanap si Jesus, at paano tayo pinagpapala kapag nahanap natin Siya?
Eter 13:13–14; 15:19, 33–34
Maaaring kawili-wili para sa mga miyembro ng inyong pamilya na ikumpara ang karanasan ni Eter sa mga karanasan nina Mormon at Moroni (tingnan sa Mormon 6; 8:1–10). Paano sila magkatulad? Paano natutulad sa landas ng mga Jaredita ang landas ng mga Nephita tungo sa pagkawasak? (ikumpara ang Eter 15:19 sa Moroni 8:28). Anong mga katotohanan ang matututuhan natin na makakatulong para maiwasan natin ang nangyari sa kanila?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.