Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 9–15. Eter 1–5: “Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala”


“Nobyembre 9–15. Eter 1–5: ‘Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 9–15. Eter 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

mga Jaredita na naglalakbay sa ilang

Nililisan ng mga Jaredita ang Babel, ni Albin Veselka

Nobyembre 9–15

Eter 1–5

“Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala”

Ang aklat ni Eter ay talaan ng mga Jaredita, na ilang siglo nang nakarating sa lupang pangako bago ang mga Nephita. Pinatnubayan ng Diyos si Moroni na isama ang talaan ni Eter sa Aklat ni Mormon dahil sa kahalagahan nito sa ating panahon. Sa palagay mo, paano ito naging mahalaga sa buhay mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bagama’t totoo na ang pamamaraan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa atin, at dapat tayong magpasakop palagi sa Kanyang kalooban, hinihikayat din Niya tayong mag-isip at kumilos para sa ating sarili. Iyan ay isang aral na natutuhan ni Jared at ng kanyang kapatid. Halimbawa, ang ideya ng paglalakbay sa isang bagong lupain na “piling lupain sa buong mundo” ay tila nagsimula sa isip ni Jared, at “nahabag” at nangako ang Panginoon na ipagkaloob ang kahilingan, na nagsasabing, “Gayon ang gagawin ko sa iyo dahil sa mahabang panahong ito ay nagsumamo ka sa akin” (tingnan sa Eter 1:38–43). At nang mapagtanto ng kapatid ni Jared na napakadilim sa loob ng mga gabara na magdadala sa kanila sa kanilang lupang pangako, inanyayahan siya ng Panginoon na magmungkahi ng solusyon, na nagtatanong ng isang bagay na karaniwan nating itinatanong sa Kanya: “Ano ang nais mong gawin ko?” (Eter 2:23). Tila ang mensahe ay na hindi natin dapat asahang utusan pa tayo ng Diyos sa lahat ng bagay. Maibabahagi natin sa Kanya ang sarili nating mga iniisip at ideya, at makikinig Siya at magbibigay ng Kanyang pagsang-ayon o kaya nama’y papayuhan tayo. Kung minsan ang tanging naghihiwalay sa atin mula sa mga pagpapalang hinahangad natin ay ang ating sariling “tabing … ng kawalang-paniniwala,” at kung ating “[mapupunit] ang tabing na yaon” (Eter 4:15), maaari tayong magulat sa handang gawin ng Panginoon para sa atin.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Eter 1:33–43

Kapag nagsumamo ako sa Panginoon, mahahabag Siya sa akin.

Nakasaad sa Eter 1:33–43 ang tatlong panalangin ng kapatid ni Jared. Ano ang matututuhan mo mula sa tugon ng Panginoon sa bawat isa sa mga panalanging ito? Isipin ang isang pagkakataon na naranasan mo ang habag ng Panginoon nang magsumamo ka sa Kanya sa panalangin. Maaari mong itala ang karanasang ito at ibahagi ito sa isang tao na maaaring kailangang marinig ang iyong patotoo.

Eter 2; 3:1–6; 4:7–15

Maaari akong tumanggap ng paghahayag para sa aking buhay.

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96).

Habang pinag-aaralan mo ang Eter 2; 3:1–6; at 4:7–15, anong mga katotohanan ang nakikita mo na nagpapaunawa sa iyo kung paano maghangad ng personal na paghahayag? Maaari mong markahan ng isang kulay ang mga tanong o problema ng kapatid ni Jared at ang ginawa niya tungkol sa mga ito, at maaari mong markahan ng ibang kulay kung paano siya tinulungan ng Panginoon at ipinaalam ang Kanyang kalooban. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa paraan ng pakikipag-usap ng kapatid ni Jared sa Panginoon, at ano ang matututuhan mo mula rito kung paano pag-iibayuhin ang daloy ng paghahayag sa iyong buhay?

Eter 2:16–25

Ihahanda ako ng Panginoon na tawirin ang “malawak na kailaliman.”

Para makarating sa lupang pangako, naharap ang mga Jaredita sa isang malaking hadlang: ang pagtawid sa “malawak na kailaliman” (Eter 2:25). Ang katagang “malawak na kailaliman” ay maaaring isang angkop na paraan para ilarawan kung ano ang pakiramdam natin sa ating mga pagsubok at hamon. At kung minsan, tulad ng nangyari sa mga Jaredita, ang pagtawid sa sarili nating “malawak na kailaliman” ang tanging paraan para maisakatuparan ang kalooban ng Diyos para sa atin. May nakikita ka bang mga pagkakatulad sa buhay mo sa Eter 2:16–25? Paano ka naihanda ng Panginoon para sa iyong mga hamon? Ano kaya ang maaaring hilingin Niyang gawin mo ngayon upang makapaghanda para sa kailangan Niyang ipagawa sa iyo sa hinaharap?

Eter 3

Ako ay nilikha sa wangis ng Diyos.

Sa bundok Selem, maraming nalaman ang kapatid ni Jared tungkol sa Diyos at sa kanyang sarili. Ano ang matututuhan mo sa Eter 3 tungkol sa espirituwal at pisikal na katangian ng Diyos? Paano ipinauunawa sa iyo ng mga katotohanang ito ang iyong banal na pagkatao at potensyal?

babae at dalawang batang naglalaro sa dalampasigan

Tayong lahat ay mga anak ng Diyos.

Eter 3:6–16

Ang kapatid ni Jared ba ang unang taong nakakita sa Panginoon?

Ipinakita na ng Diyos ang Kanyang sarili sa iba pang mga propeta bago sa kapatid ni Jared (halimbawa, tingnan sa Moises 7:4, 59), kaya bakit sinabi sa kanya ng Panginoon na “Hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa tao”? (Eter 3:15). Ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland ang posibleng paliwanag na ito: “Sinabi ni Cristo sa kapatid ni Jared na ‘Hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa tao sa ganitong paraan, nang hindi ko kinusa, dahil lamang sa pananampalataya ng nakamasid’” (Christ and the New Covenant [1997], 23).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Eter 1:34–37

Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagdarasal para sa iba? Anong iba pang mga katotohanan tungkol sa panalangin ang inilalarawan sa mga talatang ito?

Eter 2:16–3:6

Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ng kapatid ni Jared kung paano maghanap ng mga sagot sa ating mga problema at tanong? Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng pamilya nang maghangad at makatanggap sila ng mga sagot mula sa Panginoon.

Eter 4:11–12

Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring isulat ng mga miyembro ng pamilya sa mga piraso ng papel ang ilang pang-araw-araw na bagay na nakakaimpluwensya sa inyong pamilya (tulad ng mga pelikula, awitin, laro, o tao) at ilagay ang mga ito sa isang mangkok. Pagkatapos ay maaari silang maghalinhinan sa pagpili ng isa at pagtalakay kung ito ay “humihikayat sa [kanila] na gumawa ng kabutihan” (Eter 4:12). Anong mga pagbabago ang nahihikayat ang inyong pamilya na gawin?

Eter 5

Maaari kang magtago ng isang bagay o pagkain sa isang kahon at anyayahan mo ang isang miyembro ng pamilya na tingnan ang loob ng kahon at bigyan ng mga clue ang iba pa sa pamilya para mahulaan nila kung ano iyon. Habang binabasa ninyo ang Eter 5 nang sama-sama, talakayin kung bakit mahalaga na gumagamit ang Panginoon ng mga saksi sa Kanyang gawain. Paano natin maibabahagi sa iba ang ating patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Laging maging handa. “Ang di pormal na mga sandali para makapagturo ay mabilis na lumilipas, kaya mahalagang samantalahin ang mga ito kapag dumating. … Halimbawa, ang isang tinedyer na gumagawa ng mahirap na desisyon ay maaaring handang matuto tungkol sa kung paano makatanggap ng personal na paghahayag” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas,16).

si Jesus na hinihipo ang labing-anim na bato sa presensya ng kapatid ni Jared

Nakakita Ka ba ng Higit pa Rito? ni Marcus Alan Vincent