“Nobyembre 16–22. Eter 6–11: ‘Upang ang Kasamaan ay Mawakasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Nobyembre 16–22. Eter 6–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Nobyembre 16–22
Eter 6–11
“Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”
Patungkol sa talaan ng mga Jaredita, sinabi ni Mormon na “kapaki-pakinabang na malaman ng lahat ng tao ang mga bagay na nasusulat sa ulat na ito” (Mosias 28:19). Isaisip ito habang binabasa mo ang Eter 6–11. Bakit mahalaga—o kapaki-pakinabang—ang mga bagay na ito sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Daan-daang taon matapos malipol ang mga Jaredita, natuklasan ng mga Nephita ang mga guho ng kanilang sinaunang sibilisasyon. Kasama ng mga guhong ito ang isang mahiwagang talaan—ang mga laminang “lantay na ginto” na “puno ng mga ukit” (Mosias 8:9). Dama ng hari ng mga Nephita na si Limhi na ang talaang ito ay mahalaga: “Walang alinlangan na isang malaking hiwaga ang nilalaman ng mga laminang ito,” sabi niya (Mosias 8:19). Ngayon ay mayroon kang buod ng talaang ito, na isinalin sa iyong wika, at tinatawag itong aklat ni Eter. Galing din ito sa talaan na “ninanais nang hindi masusukat” ng mga Nephita na mabasa, at nang mabasa nila ito, “napuspos sila ng kalungkutan; gayon pa man nakapagbigay ito sa kanila ng maraming kaalaman, na kung saan sila ay nagalak” (Mosias 28:12, 18). Kapag binasa mo ang pag-angat at ang kalunus-lunos na pagbagsak ng mga Jaredita, marami kang makikitang malulungkot na sandali. Ngunit huwag balewalain ang kagalakang matuto ng mga aral mula sa kasaysayang ito. Tutal, tulad ng isinulat ni Moroni, “karunungan sa Diyos na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa inyo” (Eter 8:23), dahil kung matututo tayo mula sa mga kabiguan at tagumpay ng mga Jaredita, “ang kasamaan ay mawa[wa]kasan, at … [darating] ang panahon na si Satanas ay mawa[wa]lan ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao” (Eter 8:26).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Aakayin ako ng Panginoon patungo sa aking lupang pangako.
Maaari kang makakita ng mga espirituwal na kabatiran kung ikukumpara mo ang paglalakbay ng mga Jaredita sa karagatan sa iyong paglalakbay sa mortalidad. Halimbawa, ano ang inilaan ng Panginoon na nagbibigay-liwanag sa iyong daan na tulad ng mga bato sa mga gabara ng mga Jaredita? Ano ang maaaring isagisag ng mga gabara, o ng mga hanging “[umiihip] patungo sa lupang pangako”? (Eter 6:8). Ano ang matututuhan mo mula sa mga ginawa ng mga Jaredita bago maglayag, habang naglalayag, at matapos maglayag? Paano ka inaakay ng Panginoon patungo sa iyong lupang pangako?
Eter 6:5–18, 30; 9:28–35; 10:1–2
Pinagpapala ako ng Panginoon kapag ako ay mapagpakumbaba.
Bagama’t mukhang kapalaluan at kasamaan ang nangingibabaw sa kasaysayan ng mga Jaredita, may mga halimbawa rin ng pagpapakumbaba sa mga kabanatang ito—lalo na sa Eter 6:5–18, 30; 9:28–35; at 10:1–2. Ang pagninilay sa sumusunod na mga tanong ay makakatulong sa iyo na matuto mula sa mga halimbawang ito: Bakit nagpakumbaba ang mga Jaredita sa mga sitwasyong ito? Ano ang ginawa nila para ipakita ang kanilang pagpapakumbaba? Paano sila napagpala dahil dito? Pansinin na sa ilang pagkakataon, napilitang magpakumbaba ang mga tao dahil sa kanilang sitwasyon. Isipin kung ano ang magagawa mo para kusang “lumakad nang mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon” (Eter 6:17) sa halip na mapilitang magpakumbaba (tingnan sa Mosias 4:11–12; Alma 32:14–18).
Pinagpapala ng matwid na mga pinuno ang mga taong pinamumunuan nila.
Ang kabanata 7–11 ng Eter ay sumasaklaw sa di-kukulangin sa 28 henerasyon. Bagama’t di-gaanong makapagbibigay ng mga detalye sa ganito kaliit na espasyo, may pattern dito na madaling makita: ang matwid na pamumuno ay humahantong sa mga pagpapala at pag-unlad, samantalang ang masamang pamumuno ay humahantong sa pagkabihag at pagkawasak.
Nasa ibaba ang ilan lamang sa mga haring binanggit sa mga kabanatang ito. Basahin ang kaugnay na mga talata, at tingnan kung ano ang matututuhan mo mula sa kanilang mga halimbawa—positibo at negatibo—tungkol sa pamumuno. Habang ginagawa mo ito, isipin ang mga pagkakataon na maaari kang mamuno o makaimpluwensya sa iba sa inyong tahanan, inyong komunidad, iyong tungkulin sa Simbahan, at iba pa.
-
Orihas—Eter 6:30–7:1
-
Shul—Eter 7:23–27
-
Jared—Eter 8:1–7, 11–15
-
Emer at Coriantum—Eter 9:21–23
-
Het—Eter 9:26–30
-
Shez—Eter 10:1–2
-
Riplakis—Eter 10:5–8
-
Morianton—Eter 10:10–11
-
Lib—Eter 10:19–28
-
Etem—Eter 11:11–13
Ano ang lihim na pakikipagsabwatan?
Kapag nagsapakatan ang dalawa o mahigit pang mga tao para ilihim ang masasamang ginagawa nila, sangkot sila sa isang lihim na pakikipagsabwatan. Ang madalas na motibo nila ay ang paghahangad nila sa kapangyarihan o kayamanan. Bukod pa sa lihim na pakikipagsabwatang inilarawan sa Eter 8:7–18, may iba pang mga halimbawang matatagpuan sa Helaman 1:9–12; 2:2–11; 6:16–30, at Moises 5:29–33. Sa Eter 8:18–26, inilalarawan ni Moroni ang mga bunga ng mga lihim na pagsasabwatan (tingnan din sa Eter 9:4–12) at binabalaan tayo na huwag suportahan ang mga ito.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Eter 6:2–12
Matutuwa ba ang inyong pamilya sa pagsasadula ng paglalakbay ng mga Jaredita patungo sa lupang pangako? Maaari siguro kayong gumamit ng isang madilim na silid bilang gabara at ng mga flashlight para kumatawan sa maningning na mga bato. Maaari mong ikuwento kung paano nagpakita ng pananampalataya ang mga Jaredita nang pumasok sila sa mga gabara, kahit alam nila na sila ay “[malilibing] sa kailaliman ng dagat” (Eter 6:6). Matapos basahin ang talata 9, maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga paboritong himno ng papuri at sama-sama nilang kantahin ang mga ito. Paano maikukumpara ang ating tahanan sa mga gabara ng mga Jaredita? Ano ang lupang pangako na pinagdadalhan ng Panginoon sa ating pamilya?
Eter 6:22–23
Sa buong linggong ito, maaaring abangan ng inyong pamilya kung paano natupad ang babala ng propetang kapatid ni Jared tungkol sa pagkabihag. Anong mga babala ang ibinigay na sa atin ng mga pinuno ng ating Simbahan ? Sa anong mga paraan humahantong sa pagkabihag ang pagbalewala sa kanilang payo?
Eter 8:23–26
Ayon sa mga talatang ito, bakit inutusan si Moroni na isulat “ang mga bagay na ito” tungkol sa mga lihim na pagsasabwatan? (Eter 8:23). Ano ang natutuhan natin mula sa aklat ni Eter na makakatulong sa atin na matamo ang mga pagpapalang inilarawan sa talata 26?
Eter 9:11
Paano naaapektuhan ng ating mga hangarin ang ating mga pagpili? Ano ang magagawa natin bilang pamilya para matiyak na hinahangad natin ang mga bagay ng Diyos?
Eter 11:8
Para matuto pa tungkol sa awa ng Panginoon sa mga nagsisisi, maaari ninyong basahin ang Mosias 26:29–30; 29:18–20; Alma 34:14–16; o Moroni 6:8. Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga halimbawa ng awa ng Diyos mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili nilang buhay.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.