Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Apendise A: Paano Pinatototohanan sa Akin ng Espiritu na ang Aklat ni Mormon ay Totoo?


“Apendise A: Paano Pinatototohanan sa Akin ng Espiritu na ang Aklat ni Mormon ay Totoo?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Apendise A,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Apendise A

Apendise A: Paano Pinatototohanan sa Akin ng Espiritu na ang Aklat ni Mormon ay Totoo?

Narinig mo na siguro ang pangako ni Moroni sa lahat ng nagbabasa ng Aklat ni Mormon: “Kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan [ng Aklat ni Mormon] sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4). Pero ano ang ibig sabihin ng malaman ang katotohanan “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo”? Paano mo malalaman kung kailan ka kinakausap ng Espiritu Santo?

Maaring makabubuting tandaan na kinakausap tayo ng Espiritu Santo sa mga paraang ibang-iba sa mga paraang nakasanayan natin sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Ngunit nais ng iyong Ama sa Langit na matuto kang kilalanin ang Espiritu. Ibinigay na Niya sa iyo ang Aklat ni Mormon, kung saan inilalarawan ng ilang tapat na lingkod ang kanilang mga karanasan sa tinig ng Panginoon.

Halimbawa, sinabi ni Nephi sa kanyang mga kapatid na nangusap sa kanila ang Panginoon “sa isang marahan at banayad na tinig,” bagama’t hindi ito kinakailangang maging isang tinig na naririnig ng kanilang mga tainga. Sa katunayan, sinabi ni Nephi na ang kanyang mga kapatid ay “manhid” at hindi “madama ang kanyang mga salita” (1 Nephi 17:45, idinagdag ang mga italic). Inilarawan ni Enos ang sagot sa kanyang mga dalangin bilang “tinig ng Panginoon” na “sumaisip [niya]” (Enos 1:10). At isipin ang mga salitang ito na naglalarawan sa tinig na nagmula sa langit nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa lupaing Masagana: “Iyon ay hindi garalgal na tinig, ni hindi ito malakas na tinig; gayunpaman, … iyon ay tumimo sa kanilang pinaka-kaluluwa, at nagpaalab sa kanilang mga puso” (3 Nephi 11:3).

Marahil ay nakaranas ka na ng ganito, o iba siguro ang mga naranasan mo. Nangungusap ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan, at maaaring dumating ang paghahayag sa bawat isa sa atin sa magkakaibang paraan. At kapag ang Espiritu ay nasa ating buhay, makikita natin ang impluwensya Niya sa atin sa maraming paraan. Binanggit ni Apostol Pablo “ang bunga ng Espiritu”—mga damdamin ng “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil” bukod sa marami pang iba (Mga Taga Galacia 5:22–23).

Narito ang ilang iba pang turo at halimbawa mula sa Aklat ni Mormon tungkol sa Espiritu Santo. Habang binabasa mo ang mga ito, maaari mong makita na kinakausap ka na ng Espiritu Santo nang higit pa sa inaakala mo, at pinatototohanan sa iyo na ang Aklat ni Mormon ay tunay na salita ng Diyos.

Pasasalamat at Kagalakan

Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa propetang si Lehi na may nakitang kagila-gilalas na pangitain. Sa pangitaing ito, binigyan siya ng isang aklat at inanyayahan siyang magbasa. “Habang siya ay nagbabasa,” sabi sa talaan, “siya ay napuspos ng Espiritu ng Panginoon.” Ang karanasang ito ay nag-akay kay Lehi na purihin ang Diyos sa Kanyang “kapangyarihan, at kabutihan, at awa,” at “ang [kaluluwa ni Lehi] ay nagalak, at ang kanyang puso ay napuspos” (1 Nephi 1:12, 14–15).

Nakaranas ka na ba ng ganito? Napuspos na ba ng pasasalamat ang puso mo sa kabutihan at awa ng Diyos sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon? Napagalak na ba ng mga talata sa Aklat ni Mormon ang iyong kaluluwa? Ang mga damdaming ito ay ang impluwensya ng Espiritu, na pinatototohanan sa iyo na ang mga salitang binabasa mo ay nagmumula sa Diyos at nagtuturo ng Kanyang katotohanan.

Isang Pusong Nagbago

Matapos mangaral ng napakagandang mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 2–4), ginustong malaman ni Haring Benjamin kung ang kanyang mga tao ay “naniwala sa mga salitang kanyang sinabi sa kanila.” Sumagot sila na pinaniwalaan nga nila ang kanyang mensahe. Bakit? “Dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:1–2).

Napansin mo rin siguro ang ganito sa puso mo nang mabasa mo ang Aklat ni Mormon. Halimbawa, nahikayat ka sigurong maging mas mabuting tao, talikuran ang kasalanan, o gumawa ng kabutihan sa isang tao. Ito ang espirituwal na patotoong hinahanap mo na ang aklat ay binigyang-inspirasyon ng Diyos. Sapagkat tulad ng itinuro ni Mormon, “Bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay pinapatnubayan ng Diyos” (Moroni 7:13; tingnan din sa 2 Nephi 33:4, 10; Alma 19:33; Eter 4:11–12).

Isang Naliwanagang Isipan

Nang naisin ni Alma na tulungan ang mga Zoramita na “[subukan ang kanyang] mga salita” at alamin nila mismo kung totoo ang kanyang patotoo, ikinumpara niya ang salita ng Diyos sa isang binhi: “Kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso,” paliwanag niya, “ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin” (Alma 32:27–28).

Ikaw ay “[n]agbibigay-puwang” sa iyong puso para sa mga salita ng Aklat ni Mormon kapag hinayaan mong impluwensyahan ng mga ito ang buhay mo at gabayan ka sa iyong mga pagpapasiya. At paano “pa[la]lakihin ang [iyong] kaluluwa” at “[li]liwanagin ang [iyong] pang-unawa” ng mga salitang ito? Maaari mong madama na lumalakas ang iyong espirituwalidad. Maaari kang makadama ng higit na pagmamahal at nagiging mas bukas ka sa iba. Maaari mo ring mapansin na mas nauunawaan mo ang mga bagay-bagay, lalo na ang mga espirituwal na bagay—na halos parang may liwanag na nagniningning sa iyong isipan. At maaaring sang-ayon ka na ang doktrinang itinuturo sa Aklat ni Mormon ay “masarap.” Ang gayong damdamin ay magpapaunawa sa iyo na talagang nakatanggap ka ng espirituwal na patotoo sa katotohanan, tulad ng ipinahayag ni Alma: “O ngayon, hindi ba ito ay tunay? Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anuman ang maliwanag ay mabuti, sapagkat ito ay nauunawaan, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti” (Alma 32:35).

Hindi Ka Kailangang Magtaka

Ilan lamang ito sa mga paraan na nakikipag-usap ang Espiritu. Marami pang iba. Patuloy na maghanap ng mga pagkakataong makinig sa tinig ng Espiritu, at matatanggap mo ang Kanyang patuloy at nagpapatibay na pagsaksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Nangako si Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95).