Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Apendise C: Ang Tatlong Saksi


“Apendise C: Ang Tatlong Saksi” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Apendise C,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Apendise C

Ang Tatlong Saksi

Sa loob ng mahigit limang taon—mula sa unang pagbisita ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith hanggang 1829—si Joseph lamang ang pinayagang makakita sa mga laminang ginto. Humantong ito sa matinding pambabatikos at pag-uusig ng mga taong naniwala na nililinlang niya ang mga tao. Kung kaya isipin ang galak na nadama ni Joseph nang malaman niya, habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, na pahihintulutan ng Panginoon ang iba na makita ang mga lamina at na “magpapatotoo [rin] sila sa katotohanan ng aklat at ng mga bagay na nilalaman niyon” (2 Nephi 27:12–14; tingnan din sa 2 Nephi 11:3; Eter 5:2–4).

Noong Hunyo 1829, humingi ng pahintulot sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris na maging tatlong saksi na iprinopesiya sa Aklat ni Mormon. Ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon ang kanilang hangarin (tingnan sa D at T 17) at isinugo ang isang anghel, na nagpakita sa kanila ng mga lamina. Ang mga lalaking ito ay kinilala bilang Tatlong Saksi, at ang kanilang nakasulat na patotoo ay kasama sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon.1

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks kung bakit napakabisa ng patotoo ng tatlong saksi: “Ang patotoo ng Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon ay patuloy na nakatayo na may labis na lakas. Bawat isa sa tatlo ay may sapat na dahilan at pagkakataong bawiin ang kanyang patotoo kung mali iyon, o palabuin ang mga detalye kung mayroong hindi tumpak. Tulad ng alam ng nakararami, dahil sa hindi pagkakasundo o mga inggitan sa iba pang mga lider ng Simbahan, bawat isa sa tatlong saksi ay itiniwalag mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mga walong taon matapos ang paglalathala ng kanilang patotoo. Nagkanya-kanya na sila, na walang hangaring magsabwatan sa pagsisinungaling. Ngunit hanggang kamatayan—mga panahon mula 12 hanggang 50 taon mula nang itiniwalag sila—wala ni isa sa mga saksing ito ang lumihis sa kanilang nakalathalang patotoo o nagsabi ng anuman para pagdudahan ang katotohanan nito.”2

Hanggang kamatayan, naging tapat ang Tatlong Saksi sa kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon.

Oliver Cowdery

Pagkatapos na muling mabinyagan sa Simbahan at bago namatay, kinausap ni Oliver ang isang missionary, si Elder Jacob Gates, na naparaan noon sa Richmond, Missouri, papunta sa kanyang misyon sa England. Tinanong ni Elder Gates si Oliver tungkol sa patotoo nito sa Aklat ni Mormon. Isinalaysay ng anak ni Elder Gates ang reaksyon ni Oliver:

“Tila naantig nang husto si Oliver nang tanungin siya tungkol doon. Hindi siya sumagot, kundi tumayo mula sa kanyang tumba-tumba, nagpunta sa isang istante ng mga aklat, kinuha ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon, binuklat ito sa patotoo ng Tatlong Saksi, at binasa sa pinakabanal na paraan ang mga salitang kanyang nilagdaan, halos dalawampung taon na ang nakararaan. Habang nakaharap sa aking ama, sinabi niya: ‘Jacob, gusto kong tandaan mo ang sasabihin ko sa iyo. Malapit na akong mamatay, at ano ang mapapala ko kung magsinungaling ako sa iyo? Alam ko,’ wika niya, ‘na ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nakita ng aking mga mata, narinig ng aking mga tainga, at naantig ang aking pang-unawa, at alam ko na ang pinatotohanan ko ay totoo. Hindi iyon isang panaginip, hindi walang-kabuluhang imahinasyon ng isipan—iyon ay totoo.’”3

David Whitmer

Sa kanyang katandaan, nakarating kay David Whitmer ang mga usap-usapan na itinatwa niya ang kanyang patotoo sa Aklat ni Mormon. Bilang tugon sa mga paratang na ito, muling pinagtibay ni David ang kanyang patotoo sa isang liham na inilathala sa lokal na pahayagang Richmond Conservator:

“Upang malaman ng daigdig ang katotohanan, ngayon sana, habang nakatayo ako, kumbaga, sa pinakadapit-hapon ng buhay, at may takot sa Diyos, walang pasubali kong ipinapahayag ito sa publiko:

“Na kailanman ay hindi ko ikinaila ang patotoong iyon, o ang anumang bahagi niyon, na napakatagal nang nailathala sa Aklat na iyon, bilang isa sa tatlong saksi. Yaong mga nakakakilala sa akin nang husto, alam na alam nila na nanatili akong tapat sa patotoong iyon. At para walang maligaw o magduda sa kasalukuyan kong mga pananaw tungkol dito, muli kong pinagtitibay ang katotohanan ng lahat ng ipinahayag ko, ayon sa isinulat at inilathala noon.

“‘Siya na may pandinig ay makinig,’ hindi ito maling paniniwala! Ang naisulat ay naisulat na—at siya na bumabasa, hayaang maunawaan niya.”4

Martin Harris

Tulad ni Oliver Cowdery, nilisan ni Martin Harris ang Simbahan sa loob ng maikling panahon ngunit kalaunan ay muling nabinyagan. Noong matanda na siya, nakilala siya na palaging may kipkip na kopya ng Aklat ni Mormon at nagpapatotoo sa katotohanan nito sa lahat ng makikinig: “Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay talagang totoo. At itatwa man ng lahat ng tao ang katotohanan ng aklat na iyon, hindi ako mangangahas na gawin iyon. Matatag ang puso ko. O Diyos, matatag ang puso ko! Nalalaman ko ito nang may katiyakan o kasiguraduhan.”5

Isinulat ni George Godfrey, na kakilala ni Martin: “Ilang oras bago siya namatay … tinanong ko [si Martin] kung hindi niya nadama na may kaunting bahid man lang ng panlilinlang at pandaraya sa mga bagay na isinulat at bumanggit sa paglabas ng Aklat ni Mormon, at sumagot siya tulad ng lagi niyang ginagawa … at sinabi niya: ‘Ang Aklat ni Mormon ay hindi huwad. Alam ko ang alam ko. Nakita ko ang nakita ko at narinig ko ang narinig ko. Nakita ko ang mga laminang ginto kung saan nagmula ang nakasulat sa Aklat ni Mormon. Isang anghel ang nagpakita sa akin at sa iba pa at nagpatotoo sa katotohanan ng talaan, at kung ginusto kong magsinungaling at sumumpa akong pabulaanan ang patotoong ibinabahagi ko ngayon, mayaman na sana ako, ngunit hindi ko maaaring patotohanan ang iba maliban sa nagawa at ginagawa ko ngayon dahil ang mga bagay na ito ay totoo.’”6

“Kasindami ng mga Saksing Inaakala Niyang Makabubuti”

Ang mga patotoo ng Tatlong Saksi ay talagang kahanga-hanga kung isasaalang-alang ang kanilang mga karanasan sa loob at labas ng Simbahan.7 Sa kabila ng lahat, hindi tumigil sina Oliver, David, at Martin na magpatotoo sa naranasan nila at sumaksi na ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. At hindi lamang sila.

Noong unang panahon, ipinahayag ni Nephi, “Ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na ipahayag ang mga salita ng aklat; at sa pamamagitan ng bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti ay pagtitibayin niya ang kanyang salita” (2 Nephi 27:14). Bukod kay Propetang Joseph Smith at sa Tatlong Saksi, pumili rin ang Panginoon ng walo pang saksi na titingin sa mga lamina. Kasama rin ang kanilang patotoo sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon. Tulad nina Oliver, David, at Martin, nanatiling tapat ang Walong Saksi sa kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon at sa pagsaksi nila sa mga laminang ginto.

Si William E. McLellin ay isa sa mga naunang nabinyagan sa Simbahan na personal na nakakakilala sa marami sa mga saksi sa Aklat ni Mormon. Kalaunan ay nilisan ni William ang Simbahan, ngunit patuloy na nabagbag ang kanyang damdamin sa nakaaantig na mga patotoong narinig niya mula sa mga saksi.

“Ngayon ay itatanong ko,” isinulat pagsulat ni McLellin sa dapithapon ng kanyang buhay nang malapit na siyang mamatay, “ano ang gagawin ko sa grupong ito ng matatapat na saksi, na nagbabahagi ng makatwiran subalit taimtim na patotoo? Ang mga lalaking ito na nasa kasibulan ng buhay, ay nakita sa pangitain ang anghel, at nagpatotoo sa lahat ng tao. At nakita ng walong tao ang mga lamina, at nahawakan ang mga ito. Kaya alam ng lahat ng lalaking ito na talagang totoo ang mga bagay na ipinahayag nila. At na noong bata pa sila, at ngayong matatanda na sila ay iyon pa rin ang ipinapahayag nila.”8

Kahit hindi natin nakita ang mga laminang ginto na tulad ng Tatlong Saksi, makakahugot tayo ng lakas mula sa kanilang patotoo. Kahit nalagay sa alanganin ang kanilang reputasyon at nanganib ang kanilang kaligtasan at buhay dahil sa kanilang patotoo, buong tapang na nanatiling tapat ang mararangal na lalaking ito sa kanilang patotoo hanggang kamatayan.

  1. Basahin ang kanilang karanasan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 83–84.

  2. Dallin H. Oaks, “The Witness: Martin Harris,” Ensign, Mayo 1999, 36.

  3. Jacob F. Gates, “Testimony of Jacob Gates,” Improvement Era, Mar. 1912, 418–19.

  4. Sa Lyndon W. Cook, pat., David Whitmer Interviews: A Restoration Witness (1991), 79.

  5. Sa Mitchell K. Schaefer, “The Testimony of Men: William E. McLellin and the Book of Mormon Witnesses,” BYU Studies, tomo 50, blg. 1 (2011), 108; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan.

  6. George Godfrey, “Testimony of Martin Harris” (di-inilathalang manuskrito), sinipi sa Eldin Ricks, The Case of the Book of Mormon Witnesses (1961), 65–66.

  7. Halimbawa, tingnan sa Mga Banal, 1:209–11.

  8. Sa Schaefer, “Testimony of Men,” 110.

Print