“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi: ‘Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Oktubre 19–25
3 Nephi 27–4 Nephi
“Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao”
Inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo na isulat ang mga bagay na naranasan nila (tingnan sa 3 Nephi 27:23–24). Habang nag-aaral ka, isulat ang mga espirituwal na karanasan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang mga turo ni Jesucristo ay hindi lamang isang magandang pilosopiyang pagninilayan. Higit pa roon ang mga iyon—dapat nitong baguhin ang ating buhay. Ang aklat ng 4 Nephi ay isang nakakagulat na halimbawa nito, na naglalarawan kung paano talaga lubusang mababago ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ang mga tao. Kasunod ng maikling ministeryo ni Jesus, nagwakas ang ilang siglo ng alitan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita. Dalawang bansang kilala sa pag-aaway at kapalaluan ang “[nagkaisa], ang mga anak ni Cristo” (4 Nephi 1:17), at nagsimula silang magkaroon ng “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila” (4 Nephi 1:3). Ang “pag-ibig ng Diyos … [ay nanahan] sa mga puso ng tao,” at “wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:15–16). Binago ng mga turo ng Tagapagligtas sa ganitong paraan ang mga Nephita at Lamanita. Paano ka binabago ng mga ito?
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang Simbahan ni Jesucristo ay tinatawag sa Kanyang pangalan.
Nang simulan ng mga disipulo ng Tagapagligtas na itatag ang Kanyang Simbahan sa buong lupain, may nagtanong na para sa ilan ay maaaring tila isang maliit na bagay—ano ang dapat ipangalan sa Simbahan? (tingnan sa 3 Nephi 27:1–3). Ano ang matututuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pangalang ito mula sa sagot ng Tagapagligtas na nasa 3 Nephi 27:4–12? Noong 1838 inihayag ng Panginoon ang pangalan ng Kanyang Simbahan ngayon (tingnan sa D at T 115:4). Pagnilayan ang bawat salita sa pangalang iyan. Paano ipinapaalam sa atin ng mga salitang ito kung sino tayo, ano ang ating pinaniniwalaan, at paano tayo dapat kumilos?
Tingnan din sa Russell. M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 87–80; M. Russell Ballard, “Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 79–82.
Habang dinadalisay ko ang aking mga hangarin, nagiging mas tapat akong disipulo.
Ano ang sasabihin mo kung tanungin ka ng Tagapagligtas, tulad ng itinanong Niya sa Kanyang mga disipulo, ng “Ano ba ang inyong hihilingin sa akin?” (3 Nephi 28:1). Pag-isipan ito habang binabasa mo ang karanasan ng mga disipulo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 28:1–11. Ano ang matututuhan mo tungkol sa mga hangarin ng puso ng mga disipulo mula sa kanilang mga sagot sa Kanyang tanong? Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Upang makamtan ang ating walang-hanggang tadhana, nanaisin at pagsisikapan nating taglayin ang mga katangiang kailangan upang maging walang-hanggang nilalang. … Nanaisin nating maging katulad ni [Jesucristo]” (“Hangarin,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 44–45). Ano ang magagawa mo para maging mas matwid ang mga hangarin ng iyong puso? (Para sa iba pang impormasyon tungkol sa “pagbabago sa [mga] katawan” ng tatlong disipulo, tingnan sa 3 Nephi 28:37.)
Ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay humahantong sa pagkakaisa at kaligayahan.
Mawawari mo ba kung ano ang pakiramdam ng mabuhay sa mga taon na kasunod ng pagdalaw ng Tagapagligtas? Paano napanatili ng mga tao ang banal na kapayapaang ito nang napakatagal—halos 200 taon? Habang pinag-aaralan mo ang 4 Nephi 1:1–18, isiping markahan o pansinin ang mga pagpiling ginawa ng mga tao para maranasan ang pinagpalang buhay na ito.
Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para matulungan ang inyong pamilya, ward, o komunidad na mamuhay nang may higit na pagkakaisa at kaligayahan, tulad ng mga tao sa 4 Nephi. Anong mga turo ni Jesucristo ang mas lubusan mong maipamumuhay para maisakatuparan ang mithiing ito? Ano ang magagawa mo para tulungan ang iba na maunawaan at maipamuhay ang mga turong ito?
Ang kasamaan ay humahantong sa pagkakahati at kalungkutan.
Ang malungkot, ang lipunan ng Sion na inilarawan sa 4 Nephi (tingnan din sa Moses 7:18) ay nagkawatak-watak kalaunan. Habang binabasa mo ang 4 Nephi 1:19–49, hanapin ang mga pag-uugali at kilos na naging dahilan para magkawatak-watak ang lipunang ito. May nakikita ka bang mga palatandaan ng mga pag-uugali o kilos na ito sa sarili mo?
Tingnan din sa “Kabanata 18: Mag-ingat sa Kapalaluan,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 269–80.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
3 Nephi 27:13–21
Mas maipauunawa ng mga talatang ito sa mga miyembro ng pamilya kung ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang tukuyin Niya ang “aking ebanghelyo.” Matapos basahin at talakayin ang mga talatang ito, maaari mong hilingin sa bawat miyembro ng pamilya na ibuod ang ebanghelyo sa isang pangungusap.
3 Nephi 27:23–26
Kumusta na ang ating pagtatala ng mga bagay na ating “nakita at narinig”—nang mag-isa o bilang isang pamilya? Bakit mahalagang mag-ingat ng isang talaan ng mga espirituwal na bagay?
3 Nephi 27:30–31
Para maipaunawa sa mga miyembro ng pamilya ang kagalakang inilarawan ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, maaari kayong maglaro ng isang game kung saan ay magtatago ang mga miyembro ng pamilya at susubukan ng isa pang miyembro ng pamilya na hanapin sila. Maaari itong humantong sa isang talakayan kung bakit mahalagang makita ang bawat miyembro ng pamilya para “wala sa kanila ang naliligaw.” Paano natin matutulungan ang mga miyembro ng ating pamilya na manatiling matatag sa ebanghelyo o bumalik kung tumalikod na sila?
3 Nephi 28:17–18, 36–40
Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Mormon nang hindi niya naunawaan ang lahat ng bagay tungkol sa pagbabagong nangyari sa tatlong disipulong Nephita? Ano ang magagawa natin kapag hindi natin nauunawaan ang lahat tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo? Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “May malasakit ang Diyos sa inyo. Siya ay makikinig, at sasagutin Niya ang inyong mga personal na tanong. Ang mga sagot sa inyong mga panalangin ay darating sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, at samakatwid, kailangan ninyong matutong makinig sa Kanyang tinig” (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 21).
4 Nephi 1:15
Para mabawasan ang pagtatalo sa inyong tahanan, marahil ay maaaring magtakda ng isang mithiin ang mga miyembro ng pamilya na maging mas mapagmahal sa isa’t isa sa linggong ito. Pagkatapos ng buong linggo, sama-samang rebyuhin ang inyong progreso at talakayin kung paano naapektuhan ng pagpapakita ng higit na pagmamahal ang inyong pamilya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.