“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26: ‘Kayo ay mga Anak ng Tipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Paglalarawan kay Cristo na nagpakita sa mga Nephita ni Andrew Bosley
Oktubre 12–18
3 Nephi 20–26
“Kayo ay mga Anak ng Tipan”
Kapag binabanggit ang mga banal na kasulatan, madalas gamitin ni Jesus ang salitang saliksikin (tingnan sa 3 Nephi 20:11; 23:1, 5). Kapag binasa mo ang 3 Nephi 20–26, ano ang sasaliksikin mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kapag narinig mo ang mga tao na ginagamit ang mga katagang tulad ng sambahayan ni Israel, pakiramdam mo ba na ikaw ang binabanggit nila? Ang mga Nephita at Lamanita ay literal na mga inapo ni Israel—nagsisimula pa nga ang kanilang kasaysayan sa Jerusalem—ngunit para sa ilan sa kanila, mukhang ang Jerusalem ay “isang lupaing higit na malayo, isang lupaing hindi natin alam” (Helaman 16:20). Oo, sila ay “[isang] sanga ng punungkahoy ng Israel,” ngunit sila rin ay “nahiwalay mula sa katawan nito” (Alma 26:36; tingnan din sa 1 Nephi 15:12). Ngunit nang magpakita ang Tagapagligtas sa kanila, gusto Niyang malaman nila na hindi sila nawala sa Kanya. “Kayo ay sa sambahayan ni Israel,” wika Niya, “[at] kayo ay sakop ng tipan” (3 Nephi 20:25). Maaari rin Niyang sabihin ang katulad nito sa iyo ngayon, sapagkat sinumang nabinyagan at nakikipagtipan sa Kanya ay kabilang sa sambahayan ni Israel, “sakop ng tipan,” kanino ka man nagmula o kung saan ka man nakatira. Sa madaling salita, kapag binabanggit ni Jesus ang sambahayan ni Israel, ikaw ang tinutukoy Niya. Ang tagubilin na pagpalain ang “lahat ng magkakamag-anak sa lupa” ay para sa iyo (3 Nephi 20:27). Ang paanyayang “gumising na muli, at isuot mo ang iyong kalakasan” ay para sa iyo (3 Nephi 20:36). At ang Kanyang mahalagang pangako na, “ang aking kabaitan kailanman ay hindi maglalaho sa iyo, ni ang tipan ng aking kapayapaan ay maaalis,” ay para sa iyo (3 Nephi 22:10).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Sa mga huling araw, magsasagawa ang Diyos ng isang dakila at kagila-gilalas na gawain.
Binigyan ng Tagapagligtas ang mga tao ng ilang pambihirang pangako at nagpropesiya tungkol sa hinaharap ng Kanyang pinagtipanang mga tao—at kabilang ka riyan. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tayo’y kabilang sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon. May pribilehiyo tayong personal na makibahagi sa katuparan ng mga pangakong ito. Kaysayang mabuhay sa panahong ito!” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 79).
Hanapin ang mga propesiya tungkol sa mga huling araw sa mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 20–22. Alin sa mga propesiyang ito ang lalong kapana-panabik sa iyo? Ano ang magagawa mo para makatulong na isakatuparan ang mga propesiya sa mga kabanatang ito?
Pansinin na ang 3 Nephi 21:1–7 ay nagpapahiwatig na ang paglabas ng Aklat ni Mormon (“ang mga bagay na ito” sa talata 2 at 3) ay isang palatandaan na nagsisimula nang matupad ang mga pangako ng Diyos. Ano ang mga pangakong iyon, at paano nakakatulong ang Aklat ni Mormon na isakatuparan ang mga ito?
Tingnan din ang Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.
Nais ng Tagapagligtas na saliksikin ko ang mga salita ng mga propeta.
Inihahayag sa mga salita at kilos ni Jesus sa lahat ng kabanatang ito ang nadarama Niya tungkol sa mga banal na kasulatan. Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga banal na kasulatan sa 3 Nephi 20:10–12; 23; at 26:1–12? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyo na “masigasig [na] saliksikin ang mga bagay na ito”? (3 Nephi 23:1).
Ang Diyos ay maawain sa mga taong nagbabalik sa Kanya.
Sa 3 Nephi 22 at 24, binanggit ng Tagapagligtas ang mga salita mula sa Isaias at Malakias na puno ng malilinaw na larawan at pagkukumpara—makukulay na mga saligang-bato, mga baga na nasa apoy, dinalisay na pilak, mga durungawan ng langit. Maaaring nakakatuwa na ilista ang mga ito. Ano ang itinuturo sa iyo ng bawat isa tungkol sa kaugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao? Halimbawa, inihahambing sa 3 Nephi 22:4–8 ang Diyos sa asawang lalaki at ang Kanyang mga tao sa asawang babae. Ang pagbasa sa mga larawang ito ay maaaring magpaisip sa iyo sa sarili mong kaugnayan sa Panginoon. Paano natupad ang mga pangako sa mga kabanatang ito sa buhay mo? (tingnan lalo na sa 3 Nephi 22:7–8, 10–17; 24:10–12, 17–18).
Dapat bumaling ang puso ko sa aking mga ninuno.
Ang ipinangakong pagbabalik ni Elijah ay sabik na inasam ng mga Judio sa buong mundo sa loob ng maraming siglo. Alam ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagbalik na si Elijah, at nagpakita kay Joseph Smith sa Kirtland Temple noong 1836 (tingnan sa D at T 110:13–16). Ang gawain ng pagbabaling ng mga puso sa mga ama—ang gawain sa templo at family history—ay kasalukuyan nang ginagawa. Ano ang mga naranasan mo na nagpabaling sa puso mo sa iyong mga ninuno?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
3 Nephi 22:2
Pagkatapos mong basahin ang talatang ito, maaari ka sigurong gumawa ng sarili mong tolda at pag-usapan ninyo kung paano natutulad sa isang tolda sa ilang ang Simbahan. Ano kaya ang ibig sabihin ng “habaan mo ang … mga lubid [nito]” at “patibayin mo ang … mga istaka [nito]”? Paano natin aanyayahan ang iba na makasumpong ng “kanlungan” sa Simbahan?
Welcome ComeUntoChrist.org
3 Nephi 23:6–13
Kung susuriin ng Tagapagligtas ang mga talaan ng ating pamilya, ano ang mga bagay na maaari Niyang itanong sa atin? Mayroon ba tayong dapat itala na mahahalagang pangyayari o espirituwal na karanasan? Maaaring ngayon ang magandang pagkakataong lumikha o magdagdag ng isang talaan ng pamilya at mag-usap-usap kung ano ang isasama. Maaaring masiyahan ang mga nakababatang miyembro ng pamilya na dekorasyunan ng mga litrato o drowing ang inyong talaan. Bakit mahalagang itala ang mga espirituwal na karanasan ng ating pamilya?
3 Nephi 24:7–18
Paano natin naranasan ang mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu na ipinangako sa mga talatang ito? Ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Mga Dungawan sa Langit” (Ensign o Liahona, Nob. 2013, 17–20) ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng pamilya na kilalanin ang mga pagpapalang ito.
3 Nephi 25:5–6
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na ibaling ang kanilang puso sa kanilang ama? Maaari mo sigurong atasan ang mga miyembro ng pamilya na alamin ang tungkol sa isa sa inyong mga ninuno at ibahagi sa iba pa sa pamilya ang napag-alaman nila (tingnan sa FamilySearch.org). O maaari kayong magtulungan sa paghahanap sa isang ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo at magplano ng isang temple trip para isagawa ang mga ordenansang iyon.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Ipamuhay ang iyong patotoo. “Itinuturo mo kung sino ka,” pagtuturo ni Elder Neal A. Maxwell. “Mas maaalaala ang iyong mga pag-uugali … kaysa sa isang partikular na katotohanan sa isang partikular na lesson” (“But a Few Days” [mensahe sa mga guro ng relihiyon sa Church Educational System, Set. 10, 1982], 2). Kung nais mong ituro ang isang alituntunin ng ebanghelyo, gawin mo ang lahat para maipamuhay ang alituntuning iyon.
Ilabas ang Talaan, ni Gary L. Kapp