2000–2009
Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel
Oktubre 2006


2:3

Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel

Tumutulong tayo sa pagtipon ng mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing.

Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong pananampalataya, sa inyong katapatan, at pagmamahal. Napakalaki ng responsibilidad natin na maging tulad ng nais ng Panginoon para sa atin at gawin ang nais Niyang ipagawa sa atin. Bahagi tayo ng malaking kilusan—ang pagtitipon ng ikinalat na Israel. Binanggit ko ang doktrinang ito ngayon dahil sa kakaibang kahalagahan nito sa walang-hanggang plano ng Diyos.

Tipan ni Abraham

Noong unang panahon, pinangakuan ng Panginoon ang Amang si Abraham na gagawing piling tao ang kanyang mga inapo.1 Binanggit ang tipang ito sa buong banal na kasulatan. Kasama rito ang pangako na ang Anak ng Diyos ay magmumula sa lahi ni Abraham, na mamanahin ang ilang lupain, na ang mga bansa at lahi sa daigdig ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang binhi, at marami pang iba.2 Bagamat ang ilang aspeto ng tipang iyon ay natupad na, itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang tipang ito ni Abraham ay matutupad lamang sa mga huling araw na!3 Binigyang-diin din nito na tayo’y kabilang sa pinagtipanang tao ng Panginoon.4 May pribilehiyo tayong personal na makibahagi sa katuparan ng mga pangakong ito. Kaysayang mabuhay sa panahong ito!

Ikinalat ang Israel

Bilang mga inapo ni Abraham, ang mga lipi ng sinaunang Israel ay may karapatan sa awtoridad ng priesthood at sa mga pagpapala ng ebanghelyo, ngunit sa huli’y nagrebelde ang mga tao. Pinatay nila ang mga propeta at pinarusahan sila ng Panginoon. Ang sampung lipi ay dinala at binihag sa Asiria. Mula roon ay nawala na sila sa mga talaan ng sangkatauhan. (Malinaw na hindi nawala sa Panginoon ang sampung liipi.) Dalawang natitirang lipi ang nagpatuloy sa maikling panahon at pagkatapos, dahil nagrebelde sila, naging alipin sila sa Babilonia.5 Nang bumalik sila, kinalugdan sila ng Panginoon, ngunit muli, hindi nila iginalang ang Panginoon. Tinanggihan at inalipusta nila Siya. Isang mapagmahal ngunit nagdadalamhating Ama ang sumumpang, “At kayo’y akin pangangalatin sa mga bansa,”6 at ginawa Niya iyon—sa lahat ng bansa.

Titipunin ang Israel

Ang pangako ng Diyos na titipunin ang Israel ay nilinaw ding mabuti.7 Halimbawa, nakinita ni Isaias na sa mga huling araw ang Panginoon ay magpapadala ng “maliliksing sugo” sa mga taong ito, na “matataas at makikisig.”8

Ang pangakong ito ng pagtitipon, na makikita sa maraming talata sa mga banal na kasulatan, ay matutupad tulad ng mga propesiya ng pagkalat ng Israel.9

Ang Simbahan ni Jesucristo sa Kalagitnaan ng Panahon at ang Apostasiya

Bago Siya ipinako sa Krus ay itinatag ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Kabilang dito ang mga apostol, propeta, pitumpu, guro, at marami pang iba.10 At isinugo ng Guro ang Kanyang mga disipulo sa daigidig para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo.11

Makalipas ang ilang panahon bumagsak ang espirituwalidad ng Simbahang itinatag ng Panginoon. Pinalitan ang Kanyang mga turo; binago ang Kanyang mga ordenansa. Naganap ang Malawakang Apostasiya na ipinropesiya ni Pablo, na nakaalam na ang Panginoon ay hindi darating muli “maliban nang dumating mu[n]a ang pagtali[kod].”12

Sumunod ang Malawakang Apostasiyang ito sa pangyayaring tumapos sa bawat naunang dispensasyon. Ang una ay noong panahon ni Adan. At dumating ang mga dispensasyon nina Enoc, Noe, Abraham, Moises, at ng iba pa. Bawat propeta ay may banal na tungkuling ituro ang tungkol sa kabanalan at doktrina ng Panginoong Jesucristo. Sa bawat panahon, ang mga turong ito ay nilayong makatulong sa mga tao. Ngunit ang kanilang pagsuway ay nagbunga ng apostasiya. Dahil dito, lahat ng naunang mga dispensasyon ay limitado sa panahon at lugar. Limitado ang oras nila dahil bawat isa ay nagwakas sa apostasiya. Limitado ang lugar nila sa maliit na bahagi ng planetang mundo.

Ang Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay

Kaya’t kinailangan ang ganap na pagpapanumbalik. Tinawag ng Diyos Ama at ni Jesucristo si Propetang Joseph Smith upang maging propeta ng dispensasyong ito. Lahat ng banal na kapangyarihan ng mga naunang dispensasyon ay ibinalik sa pamamagitan niya.13 Ang dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay hindi magiging limitado sa oras at lugar. Hindi ito magwawakas sa apostasiya, at pupunuin nito ang mundo.14

Ang Pagtitipon ng Israel—Isang Mahalagang Bahagi ng Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay

Ayon sa propesiya nina Pedro at Pablo, lahat ng bagay ay ibabalik sa dispensasyong ito. Samakatwid, kailangang dumating, bilang bahagi ng pagpapanumbalik, ang matagal nang hinihintay na pagtitipon ng ikinalat na Israel.15 Mahalagang panimula ito sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.16

Ang doktrinang ito ng pagtitipon ay isa sa mahahalagang turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabi ng Panginoon: “Magbibigay ako sa inyo ng palatandaan … na aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion.”17 Ang pagdating ng Aklat ni Mormon ay palatandaan sa buong mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa Niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.18 Hindi lamang natin itinuturo ang doktrinang ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito. Ginagawa natin ito kapag tumutulong tayong tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing.

Ang Aklat ni Mormon ang sentro ng gawaing ito. Ipinahahayag nito ang doktrina ng pagtitipon.19 Dahil dito nalalaman ng mga tao ang tungkol kay Jesucristo, naniniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumasapi sa Kanyang Simbahan. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap.20

Para sa atin mahalaga ang kagalang-galang na pangalan ni Abraham. Binanggit ito ng mas maraming beses sa mga talata sa mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik kaysa lahat ng talata ng Biblia.21 Iniuugnay si Abraham sa lahat ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.22 Muling pinagtibay ng Panginoon ang tipan ni Abraham sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.23 Sa templo ay natatanggap natin ang sukdulan nating mga pagpapala, tulad ng binhi nina Abraham, Isaac, at Jacob.24

Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon

Ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon ay nakita na ng Diyos noon pa man bilang panahon ng pagtitipon, kapwa sa langit at sa lupa. Alam ni Pedro na matapos ang panahon ng apostasiya, darating ang pagpapanumbalik. Siya, na kasama ng Panginoon sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, ay nagsabing:

“Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; …

“Na siya’y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga propeta buhat pa nang una.”25

Sa makabagong panahon, sina Apostol Pedro, Santiago, at Juan ay isinugo ng Panginoon taglay “ang mga susi ng [Kanyang] kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon,” kung kailan “sama-samang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa.”26

Noong taong 1830 nalaman ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa sugo ng langit na nagngangalang Elias, na nagtaglay ng mga susi para maganap “ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay.”27

Makalipas ang anim na taon inilaan ang Kirtland Temple. Matapos tanggapin ng Panginoon ang banal na bahay na iyon, dumating ang mga sugo ng langit taglay ang mga susi ng priesthood. Nagpakita si Moises28 “at ipinagkatiwala … ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.

“Matapos ito, si Elias ay nagpakita, at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain.”29

Pagkatapos ay dumating si propetang Elijah at nagpahayag, “Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—upang ibaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa.”30

Ang mga ito ay naganap noong Abril 3, 1836,31 at sa gayon natupad ang propesiya ni Malakias.32 Ang mga sagradong susi ng dispensasyong ito ay naipanumbalik.33

Pagtitipon ng mga Kaluluwa sa Kabilang Buhay

Dahil sa awa, ang paanyayang “lumapit kay Cristo”34 ay para rin sa mga namatay nang walang alam tungkol sa ebanghelyo.35 May bahagi ng kanilang paghahanda na nangangailangan ng paggawa ng iba sa lupa. Tinitipon natin ang mga pedigree chart, gumagawa ng family group sheet, at ginagawa ang gawain sa templo para sa iba para matipon ang mga ito sa Panginoon at sa kanilang mga pamilya.36

Makibahagi sa Pagtitipon: Isang Pangako sa Pamamagitan ng Tipan

Dito sa lupa, ang gawaing misyonero ay mahalaga sa pagtitipon ng Israel. Ang ebanghelyo ay dadalhin muna sa “tupang nangawawaglit sa bahay ng Israel.”37 Kasunod nito, ang mga lingkod ng Panginoon ay humayo na ipinangangaral ang Pagpapanumbalik. Maraming bansa ang sinaliksik ng mga missionary para sa mga taong kabilang sa nakakalat na Israel; hinanap nila ang mga ito sa “butas ng mga bato”; at hinanap nila ang mga ito tulad noong unang panahon.38

Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring “[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon”39 nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan. Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. Ipinahayag ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion40 sa bawat lugar kung saan isinilang at naninirahan ang Kanyang mga Banal. Sinasabi ng banal na kasulatan na ang mga tao “ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at mani[ni]rahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako.”41 “Bawat bansa ay lugar ng pagtitipon sa mga mamamayan nito.”42 Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea; at marami pang iba. Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.”43 Ang Sion ay nasa kanaroroonan ng mabubuting Banal. Ang mga lathalain, komunikasyon, at kongregasyon ay marami na kung kaya’t halos lahat ng miyembro ay natatanggap na ang mga doktrina, susi, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo, saan man sila naroon.

Ang espirituwal na seguridad ay palaging ibabatay kung paano namuhay ang tao, hindi kung saan nakatira ang tao. Matatanggap ng mga Banal sa bawat lupain ang mga pagpapala ng Panginoon.

Ang gawaing ito ng Makapangyarihang Diyos ay totoo. Siya ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik upang gawin ang banal na tadhana nito, kabilang ang ipinangakong pagtitipon sa Israel. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Diyos ngayon. Pinapatotohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.