2000–2009
Pinapagaling Niya ang Nangabibigatang Lubha
Oktubre 2006


2:3

Pinapagaling Niya ang Nangabibigatang Lubha

Ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo … ay magagamit sa lahat ng paghihirap sa buhay na ito.

Sinabi ng Tagapagligtas, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28).

Marami ang may mabibigat na pasanin. Ang ilan ay namatayan ng mahal sa buhay o nag-aalaga ng may kapansanan. Ang ilan ay nasaktan dahil sa pakikipagdiborsyo. Ang iba ay naghahangad ng kasal na walang hanggan. Ang ilan ay alipin ng mga nakakaadik na sangkap o mga bisyo tulad ng alak, sigarilyo, droga, o pornograpiya. Ang iba ay may malalalang kapansanan sa katawan o pag-iisip. Ang ilan ay nahihirapan dahil sa pagkaakit sa kaparehong kasarian. Ang ilan ay nakararamdam ng matinding depresyon o kakulangan. Sa anumang paraan, marami ang nangabibigatang lubha.

Ibinibigay ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin ang magiliw na paanyayang ito:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:28–30).

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming kuwento tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa mga nangabibigatang lubha. Dahil sa Kanya, nakakita ang mga bulag; nakarinig ang mga bingi; gumaling ang mga lumpo, may dinaramdam, at baldado; naging malinis ang mga ketongin; at napalabas ang masasamang espiritu. Kadalasan, mababasa natin na ang taong nabigyang-lunas sa mga pisikal na karamdamang ito ay “gumaling” (tingnan sa Mateo 14:36; 15:28; Marcos 6:56; 10:52; Lucas 17:19; Juan 5:9).

Pinagaling ni Jesus ang marami sa mga pisikal na sakit, ngunit hindi niya ipinagkait ang pagpapagaling sa mga taong gustong “gumaling” mula sa iba pang mga karamdaman. Isinulat ni Mateo na pinagaling Niya ang lahat ng sakit at karamdaman ng mga tao (tingnan sa Mateo 4:23; 9:35). Sinundan Siya ng marami; at Kanyang “pinagaling silang lahat” (Mateo 12:15). Tiyak na kabilang sa mga pagpapagaling na ito ang mga taong may emosyonal, mental, o espirituwal na karamdaman. Kanyang pinagaling silang lahat.

Sa Kanyang naunang sermon sa sinagoga, binasa ni Jesus nang malakas ang propesiyang ito ni Isaias: “Ako’y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha; ako’y sinugo niya upang [pagalingin ang mga may bagbag na puso,] itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi” (Lucas 4:18). Tulad ng sinabi ni Jesus na Siya ay pumarito para maisakatuparan ang propesiyang iyon, sadya Niyang pinagtibay na pagagalingin Niya ang mga taong may mga pisikal na karamdaman at Kanya ring ililigtas ang mga bihag, palalayain ang nangaaapi, at pagagalingin ang mga may bagbag na puso.

Ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ay naglalaman ng maraming halimbawa ng ministeryong iyon. Nagkukuwento ito tungkol sa panahon kung kailan “nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig [kay Jesus], at upang pagalingin sa kanilang mga sakit” (Lucas 5:15). Sa ibang pagkakataon, nakatala rito na “nagpagaling [si Jesus] ng maraming may sakit” (Lucas 7:21) at na “pinagagaling [Niya] ang nangagkakailangang gamutin” (Lucas 9:11). Inilalarawan din dito kung paano bumaba sa isang patag na dako ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa Judea at Jerusalem at sa pangpangin ng dagat ng Sidon “upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin” (Lucas 6:17).

Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mabubuti sa lupain ng Amerika, pinalapit Niya ang mga taong lumpo o bulag o may iba pang mga karamdaman. Ipinaabot din Niya ang paanyayang iyon sa mga taong “nahihirapan sa anumang dahilan” (3 Nephi 17:7). “Dalhin sila rito,” sabi Niya, “at akin silang pagagalingin,” (talata 7). Sinasabi sa Aklat ni Mormon kung paano dinala ng mga tao ang “lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan” (talata 9). Marahil kabilang dito ang mga taong may iba’t ibang uri ng pisikal o emosyonal o mental na paghihirap, at nagpapatotoo ang mga banal na kasulatan na “pinagaling [ni Jesus] ang bawat isa sa kanila” (talata 9).

Itinuro ng Tagapagligtas na magkakaroon tayo ng kapighatian sa mundo, ngunit dapat “laksan [natin] ang [ating] loob” dahil Kanyang “dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay may sapat na kapangyarihan hindi lamang para magbayad-sala, ngunit para rin mapagaling ang bawat paghihirap sa buhay na ito. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na “Siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11; tingnan din sa 2 Nephi 9:21).

Alam Niya ang ating pagdadalamhati, at nariyan Siya para sa atin. Tulad ng mabuting Samaritano sa Kanyang talinghaga, kapag nakita Niya tayong sugatan sa may daanan, tatalian Niya ang ating mga sugat at aalagaan Niya tayo (tingnan sa Lucas 10:34). Mga kapatid, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay para sa inyo, sa atin, sa lahat.

Ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan na sumasakop sa lahat ay hinahangad sa mapanalanging titik ng ating himno na “Guro, Bagyo’y Nagngangalit”:

Guro, may hapis sa puso,

Ako ay nalulumbay.

Dibdib ay lubhang may ligalig,

Saklolo N’yo’y ibigay!

Daloy ng sala at takot

Sa ’ki’y bumabalot,

At ako’y nalulunod!

O Guro, pawiin N’yo ang salot!

Tayo ay maaaring mapagaling sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood. Binigyan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol ng kapangyarihan “upang kanilang mapagaling ang lahat ng sari-saring sakit at ang lahat ng sari-saring karamdaman” (Mateo 10:1; tingnan din sa Marcos 3:15; Lucas 9:1–2), at sila ay nagsiparoon “na ipinangangaral ang evangelio, at nagpapagaling saa’t saan man” (Lucas 9:6; tingnan din sa Marcos 6:13; Mga Gawa 5:16). Ang Pitumpu ay ipinadala rin nang may kapangyarihan at utos na pagalingin ang maysakit (tingnan sa Lucas 10:9; Mga Gawa 8:6–7).

Bagama’t magagawang pagalingin ng Tagapagligtas ang lahat ng gusto Niyang pagalingin, hindi ito magagawa ng mga mayhawak ng awtoridad ng Kanyang priesthood. Ang paggamit ng mga tao sa awtoridad na iyon ay limitado ayon sa kalooban Niya na may-ari ng priesthood na iyon. Kaya nga, sinabi sa atin na ang ilang binasbasan ng mga elder ay hindi gumagaling dahil sila ay “itinakda sa kamatayan” (D at T 42:48). Gayundin, nang hangarin ni Apostol Pablo na mapagaling mula sa “tinik sa laman” na tumampal sa kanya (II Mga Taga-Corinto 12:7), tumanggi ang Panginoon na pagalingin siya. Isinulat ni Pablo kalaunan na ipinaliwanag ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (talata 9). Masunuring tumugon si Pablo na “bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo … sapagka’t pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas”(mga talata 9–10).

Ang mga nagpapagaling na basbas ay dumarating sa maraming paraan, ang bawat isa ay akma sa ating mga indibiduwal na pangangailangan, na batid Niya na lubos na nagmamahal sa atin. Kung minsan, ang “pagpapagaling” ay nakagagamot sa ating sakit o nakapagpapagaan sa ating pasanin. Ngunit kung minsan, “gumagaling” tayo sa pamamagitan ng lakas o pang-unawa o tiyaga na ibinibigay sa atin para makayanan ang mga pasaning ipinataw sa atin.

Ang mga taong sumunod kay Alma ay alipin ng masasama at mapang-aping tao. Noong nanalangin sila para sa kaginhawahan, sinabi sa kanila ng Panginoon na ililigtas Niya sila kalaunan, ngunit sa kasalukuyan ay pagagaanin Niya ang kanilang mga pasanin “na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi … na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap” (Mosias 24:14). Sa pagkakataong iyon, hindi naalis ang mga pasanin ng mga tao, ngunit pinalakas sila ng Panginoon para “mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at [m]agpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (talata 15).

Ganoon din ang pangako at epekto sa inyong mga ina na nabalo o hiwalay sa asawa, sa inyong mga walang asawa na nalulungkot, sa inyong mga tagapag-alaga na mabigat ang pasanin, sa inyong mga taong nalulong, at sa ating lahat anuman ang ating pasanin. “Lumapit kay Cristo,” sabi ng propeta, “at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).

Kung minsan, maaaring mawalan tayo ng pag-asa dahil napakabigat ng ating mga pasanin. Kapag tila may bagyong nagngangalit sa ating mga buhay, maaaring maramdaman natin na pinabayaan na tayo at magsumamo tayo tulad ng mga disipulo sa gitna ng bagyo, “Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?” (Marcos 4:38). Sa ganitong mga pagkakataon, dapat nating alalahanin ang Kanyang sagot: “Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?” (talata 40).

Ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo—inaalis man nito ang ating mga pasanin o pinalalakas tayo para magtiis at mamuhay sa kabila ng mga iyon tulad ni Apostol Pablo—ay magagamit sa lahat ng paghihirap sa buhay na ito.

Pagkatapos kong magbigay ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa mga kasamaan ng pornograpiya (tingnan sa “Pornograpiya,” Liahona at Ensign, Mayo 2005, 87–90), nakatanggap ako ng maraming liham mula sa mga taong mabigat ang pasanin dahil sa adiksyong ito. Ang ilan sa mga liham na ito ay mula sa mga taong nadaig na ang pornograpiya. Isinulat ng isang lalaki:

“May ilang aral akong natutuhan mula sa aking karanasan sa pagdaig sa gayong nakakaadik na kasalanan na talagang sumisira sa buhay ng mga taong nabibitag nito: (1) Ito ay isang malaking problema na napakahirap daigin. … (2) Ang pinakamahalagang mapagkukunan ng suporta at lakas sa proseso ng pagsisisi ay ang Tagapagligtas. … (3) Ang masusi at araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan, palagiang pagsamba sa templo, at seryoso at mapagnilay na pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento ay mahahalagang bahagi ng proseso ng tunay na pagsisisi. Ito, sa palagay ko, ay dahil ang lahat ng mga aktibidad na ito ay nilayon para palalimin at palakasin ang relasyon ng isang tao sa Tagapagligtas, ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at ang pananampalataya ng isang tao sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan” (liham na may petsang Okt. 24, 2005).

“Magsiparito sa akin,” sabi ng Tagapagligtas, “at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29). Ang lalaking iyon na nangabibigatang lubha ay bumaling sa Tagapagligtas, at magagawa rin ng bawat isa sa atin iyon.

Isinulat ng isang babae, na ang relasyon sa asawa ay nanganganib dahil sa adiksyon ng kanyang asawa sa pornograpiya, kung paano niya tinulungan ang kanyang asawa sa loob ng limang taon na puno ng pasakit hanggang sa, tulad ng sabi niya, “sa pamamagitan ng kaloob ng maluwalhating Pagbabayad-sala ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas at ng itinuro Niya sa akin tungkol sa pagpapatawad, [ang aking asawa] ay malaya na sa wakas—at gayon din ako.” Bilang isang taong hindi kailangan ng paglilinis mula sa kasalanan, ngunit hangad lamang na maligtas ang isang mahal sa buhay mula sa pagkabihag, isinulat niya ang payong ito:

“Makipagniig sa Panginoon. … Siya ang matalik mong kaibigan! Alam Niya ang iyong pasakit dahil naramdaman na Niya ito para sa iyo. Handa Siyang dalhin ang pasanin na iyon. Magtiwala sa Kanya nang sapat para ipaubaya sa Kanya ang iyong pasanin at hayaan Siyang dalhin iyon para sa iyo. Pagkatapos ay maaaring mapalitan ang iyong pagdadalamhati ng Kanyang kapayapaan, sa kaibuturan ng iyong kaluluwa” (liham na may petsang Abr. 18, 2005).

Sumulat ang isang lalaki sa isang General Authority kung paano siya natulungan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa kanyang problema sa pagkaakit sa kaparehong kasarian. Itiniwalag siya dahil sa mabibigat na kasalanan na lumabag sa kanyang mga tipan sa templo at sa kanyang mga responsibilidad sa kanyang mga anak. Kinailangan niyang pumili kung sisikapin niyang ipamuhay ang ebanghelyo o kung magpapatuloy siya sa isang landas na salungat sa mga turo nito.

“Alam kong magiging mahirap iyon,” isinulat niya, “ngunit hindi ko napagtanto kung ano ang kailangan kong pagdaanan.” Inilarawan ng kanyang liham ang kahungkagan at kalungkutan at ang napakatinding sakit na naramdaman niya sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa nang hangarin niyang bumalik. Taos-puso siyang nanalangin para sa kapatawaran, na kung minsan ay inaabot ng ilang oras. Nakatulong sa kanya ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, ang patnubay ng isang mapagmahal na bishop, at ang mga basbas ng priesthood. Ngunit ang talagang nakagawa ng kaibhan ay ang tulong ng Tagapagligtas. Paliwanag niya:

“Iyon [ay] sa pamamagitan lamang Niya at ng Kanyang Pagbabayad-sala. … Ngayon ay nakararamdam ako ng nag-uumapaw na pasasalamat. Kung minsan ay halos hindi ko na makayanan ang sakit na nararamdaman ko, ngunit napakaliit lang nito kung ikukumpara sa pagdurusang tiniis Niya. Kung dati ay puno ng kadiliman ang aking buhay, ngayon ay puno na ito pagmamahal at pasasalamat.”

Pagpapatuloy niya: “Sinasabi ng ilan na posible ang pagbabago at therapy lamang ang tanging kasagutan. Bihasa sila tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian at napakarami nilang tulong na maibibigay sa mga taong nahihirapan …, ngunit nag-aalala ako na baka makalimutan nilang isama ang Ama sa Langit sa proseso. Kung mangyayari ang pagbabago, mangyayari iyon alinsunod sa kalooban ng Diyos. Nag-aalala rin ako na baka nakatuon ang maraming tao sa mga dahilan ng [pagkaakit sa kaparehong kasarian]. … Hindi kailangang malaman kung bakit nararanasan ko [ang hamong ito]. Hindi ko alam kung ako ay isinilang nang ganito, o kung nakaambag dito ang mga salik sa aking paligid. Ang kailangang malaman ay nararanasan ko ang paghihirap na ito sa aking buhay at ang mahalaga ay kung ano ang gagawin ko tungkol dito mula ngayon” (liham na may petsang Mar. 25, 2006).

Alam ng mga taong nagsulat ng mga liham na ito na mas marami pang nagagawa ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang paggaling na handog nito kaysa sa magbigay lamang ng pagkakataon para magsisi sa mga kasalanan. Binibigyan din tayo ng Pagbabayad-sala ng lakas para matiis ang “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso,” dahil dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili “ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11). Mga kapatid, kung hindi kayo mapapagaling ng inyong pananampalataya at mga dalangin at ng kapangyarihan ng priesthood mula sa inyong paghihirap, tiyak na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay magbibigay sa inyo ng lakas para makayanan ang pasanin.

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha,” sabi ng Tagapagligtas, “at kayo’y aking papagpapahingahin … [maging ang] inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29).

Habang nahihirapan tayo dahil sa mga hamon sa buhay na ito, nananalangin ako para sa bawat isa sa atin, tulad ng propetang si Mormon na nanalangin para sa kanyang anak na si Moroni: “Nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, … at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman” (Moroni 9:25).

Nagpapatotoo ako tungkol kay Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, na nag-aanyaya sa ating lahat na lumapit sa Kanya at maging ganap sa Kanya. Tatalian Niya ang ating mga sugat at pagagalingin Niya ang nangabibigatang lubha. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.