Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11: “Bumangon at Lumapit sa Akin”


“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11: ‘Bumangon at Lumapit sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Larawan
nagpakita si Jesus sa mga Nephita.

Ako ang Ilaw ng Sanlibutan, ni James Fullmer

Setyembre 14–20

3 Nephi 8–11

“Bumangon at Lumapit sa Akin”

Basahin ang 3 Nephi 8–11 na iniisip ang mga batang tinuturuan mo. Ang mga ideya sa outline na ito ay maaaring makatulong na magabayan ka sa iyong paghahanda.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdispley ng larawan ni Jesucristo na nagpapakita sa America, tulad ng isa na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga bata na tukuyin ang mga detalye sa larawan at magbahagi ng isang bagay na alam nila tungkol sa kuwentong inilalarawan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

3 Nephi 8–11

Inaanyayahan ako ni Jesucristo na lumapit sa Kanya.

Maaaring hindi mo maibabahagi sa mga bata ang lahat ng detalye ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga tao ni Nephi, ngunit matutulungan mo silang madama ang pagmamahal na ipinakita Niya sa mga tao sa 3 Nephi 8–11.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa mga unos at kadiliman na inilarawan sa 3 Nephi 8, at mag-ingat na huwag silang takutin o bagabagin ang kanilang loob. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 42: Ang mga Palatandaan ng Pagpapako kay Cristo sa Krus” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 117–19, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Itanong sa mga bata kung ano kaya ang mararamdaman nila kung naranasan nila ang mga unos at kadilimang iyon. Ipaliwanag na ang mga unos at kadiliman ay mga palatandaan na si Jesus ay namatay na, at magpakita ng larawan ng Pagpapako sa Krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57). Pagkatapos ay basahin ang 3 Nephi 9:13. Ano ang sinabi ni Jesus na gagawin Niya para sa mga nagsisi? Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang salitang “mapagaling” sa talatang ito ay nangangahulugang patatawarin sila ni Jesus.

  • Idispley ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang inilalarawan mo gamit ang iyong sariling mga salita ang pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita at Lamanita. Magbasa ng maiikling talata mula sa 3 Nephi 11 na tutulong sa kanila na madama ang kabanalan ng pangyayaring ito. Anyayahan sila na ipikit ang kanilang mga mata at isipin kung ano ang madarama nila kung nakita nila si Jesus. Sabihin sa mga bata kung ano ang nadarama mo kapag binabasa at pinagninilayan mo ang mga pangyayaring ito. Magpatotoo na nais ni Jesus na lumapit tayong lahat sa Kanya at damhin ang Kanyang pagmamahal. Kumpletuhin ang pahina ng aktibidad kasama ng mga bata.

3 Nephi 10:4–6

Pinoprotektahan ni Jesus ang kanyang mga tao tulad ng pagprotekta ng inahing manok sa kanyang mga sisiw.

Ang imahe ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw ay makapagtuturo sa mga bata tungkol sa kapanatagan at proteksyong inihahandog ng Tagapagligtas kung lalapit tayo sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang inahing manok na nangangalaga sa kanyang mga sisiw. Basahin ang 3 Nephi 10:6, at sabihin sa mga bata kung paano tinatawag ng inahing manok ang kanyang mga sisiw, at pinoprotektahan ang mga ito sa ilalim ng kanyang mga pakpak kapag may panganib. Talakayin kung paano natutulad si Jesus sa inahing manok at kung paano tayo natutulad sa mga sisiw. Paano tayo makakalapit sa Kanya para makasumpong ng kaligtasan?

  • Maglagay ng larawan ni Jesucristo sa dingding. Anyayahan ang mga bata na maglakad sa palibot ng silid-aralan habang binabasa mo nang malakas ang 3 Nephi 10:4. Sabihin sa kanila na lumapit sa larawan ni Jesus kapag narinig nila ang mga salitang “tinipon” o “pagtitipon.” Ulitin ang aktibidad na ito habang binabasa mo ang talata 5 at 6. Ibahagi sa mga bata kung paano ka lumapit sa Tagapagligtas para sa kaligtasan, at magpatotoo na poprotektahan Niya tayo mula sa espirituwal na mga panganib kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan.

3 Nephi 11:21–26

Nais ni Jesucristo na mabinyagan ako.

Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang mabinyagan. Ang mga turo ni Cristo sa mga talatang ito sa banal na kasulatan ay maaaring makatulong sa kanila na malaman kung bakit mahalaga ang binyag.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 3 Nephi 11:21–26, at anyayahan ang mga bata na tumayo tuwing maririnig nila ang salitang “binyag.” Ipaliwanag na itinuro ni Jesus sa atin ang tamang paraan ng pagpapabinyag. Magpakita ng larawan ng isang batang binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104). Kung nakakita na ng pagbibinyag ang mga bata, anyayahan sila na ilarawan kung ano ang nakita nila. Sino ang nagsagawa ng pagbibinyag, at paano niya ito isinagawa?

  • Bago magklase, anyayahan ang ama ng isa sa mga bata na dumalo sa inyong klase at ibahagi sa mga bata kung bakit mahalaga na mabinyagan tayo sa pamamagitan ng paglulubog ng isang maytaglay ng priesthood. Maaari niya ring ipaliwanag sa mga bata kung ano ang mangyayari kapag sila ay bininyagan at ang mga pagpapalang matatanggap nila. Hikayatin siyang gamitin ang 3 Nephi 11:23–26 sa kanyang paliwanag.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

3 Nephi 8–11

Kapag ako ay nasa kadiliman, maaari kong maging ilaw si Jesucristo.

Ang isang makapangyarihang mensahe ng mga kabanatang ito ay na si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan, at maaaring Siyang maging ilaw ng ating mga buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang 3 Nephi 8:5–7, 11–23, at 10:9–13 (kung maaari, padilimin ang silid habang nagbabasa ka). Tumigil sa pagbabasa paminsan-minsan at itanong sa mga bata kung ano kaya ang pakiramdam na maranasan ang mga pangyayaring ito. Basahin kasama ng mga bata ang ilan sa mga salitang sinabi ni Jesucristo sa mga tao habang sila ay nasa kadiliman (tingnan sa 3 Nephi 9:13–14, 18). Bakit tinawag ni Jesucristo ang Kanyang sarili na Ilaw ng Sanlibutan? Ano ang paanyaya ni Jesus sa mga tao, at sa atin, na gawin para maging ilaw natin Siya? (tingnan sa 3 Nephi 9:20–22).

  • Magpakita sa mga bata ng isang mapa ng mundo, at tulungan silang hanapin ang Jerusalem at ang lupain ng Amerika. Ipaliwanag na ang pagkawasak na inilarawan sa 3 Nephi 8 ay isang palatandaan sa mga tao sa lupain ng Amerika na si Jesucristo ay ipinako na sa krus sa Jerusalem. Sama-samang basahin ang 3 Nephi 11:1–15, at hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kapag may nahanap sila sa mga talatang ito na tumutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Diyos. Ibahagi ang talata 37, at magpatotoo na mahal ng Tagapagligtas ang lahat ng mga bata. Magpatotoo tungkol sa katotohanan ng binabasa mo.

Larawan
Ipinapakita ni Jesus ang mga bakas sa Kanyang mga kamay sa mga Nephita

Paisa-isa, ni Walter Rane

3 Nephi 11:1–8

Maaari kong matutuhang makilala ang tinig ng Diyos sa aking buhay.

Noong una, hindi naintindihan ng mga tao ang tinig na narinig nila mula sa langit. Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata mula sa kuwentong ito tungkol sa pagtanggap ng paghahayag?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 3 Nephi 11:1–4 kasama ang mga bata, na humihinto para itanong ang kagaya ng “Sa palagay ninyo, bakit kaya hindi maintindihan ng mga tao ang tinig?” Pagkatapos ay hilingin sa kanila na basahin ang talata 5–7 para malaman kung ano ang ginawa ng mga tao na tumulong sa kanila na maunawaan ang tinig sa kanilang mga puso. Paano tayo magsisikap na makinig sa Diyos kapag nangungusap Siya sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Magpatugtog ng isang himno o awit pambata nang mahina para maging mahirap na itong marinig. Itanong sa mga bata kung kaya nilang maunawaan ang mga titik ng awitin. Pagkatapos ay tulungan ang mga bata na saliksikin ang 3 Nephi 11:3 para makahanap ng mga paglalarawan sa tinig mula sa langit. Bakit hindi nagsasalita sa atin ang Diyos sa “malakas” o “garalgal” na tinig? Ano ang maaari nating gawin para marinig Siya nang mas maigi?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na sabihin sa isang tao ang tungkol sa pagbisita ni Jesus sa lupain ng Amerika—kung maaari, sa isang taong hindi pa nakakaalam ng tungkol dito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Lunasan ang mga kaguluhan nang may pagmamahal. “Kung minsan, kumikilos ang isang bata sa mga paraan na nagugulo ang pag-aaral ng iba sa klase. Kapag nangyari ito, maging matiyaga, mapagmahal, at maunawain tungkol sa mga hamong maaaring kinahaharap ng bata. … Kung ang batang nanggugulo ay may espesyal na pangangailangan, kausapin ang ward o stake disability specialist o bumisita sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org para malaman kung paano mo higit na matutugunan ang mga pangangailangang iyon” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 26).

Print