“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11: ‘Bumangon at Lumapit sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Setyembre 14–20
3 Nephi 8–11
“Bumangon at Lumapit sa Akin”
Sa 3 Nephi 8–11, narinig ng mga tao ang tinig ng Diyos na nangungusap sa kanila. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pansinin ang sinasabi sa iyo ng Kanyang tinig.
Itala ang Iyong mga Impresyon
“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig” (3 Nephi 11:10). Sa mga salitang ito, ipinakilala ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang Kanyang sarili, na tumupad sa mahigit 600 taon ng mga propesiya sa Aklat ni Mormon. “Ang pagpapakita at pahayag na iyon,” pagsulat ni Elder Jeffrey R. Holland, “ang pinakamahalagang bahagi, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Iyon ang pagpapakita at kautusan na nagpaalam at nagpasigla sa bawat propetang Nephita. … Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—at tunay ngang siya ay nagpakita. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinagliliwanag na parang umaga ang bawat gabing madilim ay dumating na” (Christ and the New Covenant [1997], 250–51).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan.
Maaari mong mapansin na ang mga temang may kaugnayan sa kadiliman at liwanag—kapwa pisikal at espirituwal—ay inulit-ulit sa buong 3 Nephi 8–11. Ano ang matututuhan mo mula sa mga kabanatang ito tungkol sa espirituwal na kadiliman at liwanag? Ano ang naghahatid ng kadiliman sa buhay mo? Ano ang naghahatid ng liwanag? Sa palagay mo, bakit pinili ng Tagapagligtas na ipakilala ang Kanyang sarili bilang “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan”? (3 Nephi 9:18; 11:11). Paano naging ilaw si Jesucristo sa buhay mo?
Kung magsisisi ako, titipunin, poprotektahan, at pagagalingin ako ng Tagapagligtas.
Sa pakiwari mo, ano ang nadama ng mga tao matapos maranasan ang pagkalipol at kadilimang inilarawan sa 3 Nephi 8? Sa palagay mo, ano kaya ang nadama nila nang marinig nila ang tinig ng Tagapagligtas tungkol sa liwanag, awa, at pagtubos sa mga kabanata 9 at 10?
Kahit ipinahayag ng Tagapagligtas na ang kakila-kilabot na pagkawasak ay bunga ng mga kasalanan ng tao, ipinangako Niya na pagagalingin Niya ang mga taong babalik sa Kanya at magsisisi (tingnan sa 3 Nephi 9:2, 13). Sabi ni Elder Neil L. Andersen: “Namangha ako sa yakap ng mga bisig ng awa at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa taong nagsisisi, gaano man kasakim ang tinalikurang pagkakasala. Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40).
Saliksikin ang 3 Nephi 9–10 para sa katibayan ng awa ni Cristo at ng kasabikan Niyang magpatawad. Halimbawa, ano ang nakikita mo sa 3 Nephi 9:13–22 at 10:1–6 na nagpapadama sa iyo ng pagmamahal at awa ng Tagapagligtas? Pagnilayan ang mga karanasan kung saan nadama mo na “tinipon” at “inalagaan” ka Niya (tingnan sa 3 Nephi 10:4). Isiping itala ang mga karanasang ito sa isang journal o ibahagi ang mga ito sa mga mahal mo sa buhay.
Maaari akong matutong pakinggan at unawain ang tinig ng Diyos.
Nadama mo na ba na nahihirapan kang unawain ang isang mensaheng ipinararating sa iyo ng Diyos? Marahil ay makakatulong sa iyo ang karanasan ng mga tao sa 3 Nephi 11:1–8 na maunawaan ang ilang alituntunin ng pakikinig at pag-unawa sa tinig ng Diyos. Maaari mong mapansin ang mga katangian ng tinig ng Diyos na narinig ng mga tao at kung ano ang ginawa nila para mas maunawaan ito. Paano maaaring iangkop ang salaysay na ito sa mga pagsisikap mong pakinggan at kilalanin ang tinig ng Diyos sa buhay mo sa pamamagitan ng personal na paghahayag?
Inaanyayahan ako ni Jesucristo na magkaroon ng sariling patotoo tungkol sa Kanya.
Mga 2,500 katao ang nagtipon sa lupaing Masagana nang magpakita si Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Sa kabila ng malaking bilang na ito, “isa-isa” silang inanyayahan ng Tagapagligtas na damhin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa (3 Nephi 11:14–15). Ano ang ipinahihiwatig nito sa iyo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga personal na karanasan na nagpapatibay ng pananampalataya kay Jesucristo? Sa anong mga paraan ka inaanyayahan ng Tagapagligtas na “bumangon at lumapit sa” Kanya? (3 Nephi 11:14). Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na magkaroon ng patotoo na Siya ang iyong Tagapagligtas? Maaari mo ring isipin kung paano maaaring magbigay-inspirasyon ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa mga pagsisikap mong maglingkod sa iba.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
3 Nephi 8–9
Para makaugnay ang pamilya mo sa mga karanasang inilarawan sa 3 Nephi 8–9, maaari mong ikuwentong muli o pakinggan ang isang recording ng mga bahagi ng mga kabanatang ito sa isang madilim na silid. Talakayin kung ano ang pakiramdam ng mapunta sa kadiliman sa loob ng tatlong araw. Pagkatapos ay maaari mong talakayin kung paano naging “ilaw … ng sanlibutan” si Jesucristo (3 Nephi 9:18).
3 Nephi 10:1–6
Ang matalinghagang paglalarawan sa isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw ay maaaring isang mabisang kasangkapan sa pagtuturo para maipaunawa sa mga bata ang katangian at misyon ng Tagapagligtas. Maaari mong basahin ang mga talatang ito habang tinitingnan ng pamilya mo ang larawan ng isang inahing manok at mga sisiw. Bakit kakailanganin ng isang inahing manok na tipunin ang kanyang mga sisiw? Bakit nais ng Tagapagligtas na tipunin tayo nang malapit sa Kanya? Ano ang maaaring mangyari kung piliin ng isang sisiw na huwag lumapit kapag tinawag ito?
3 Nephi 11:1–7
Marahil ay maaari mong basahin ang ilan sa mga talatang ito sa isang mahina at “maliit na tinig” (3 Nephi 11:3). Ano ang kinailangang gawin ng mga tao para maunawaan ang tinig mula sa langit? Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan?
3 Nephi 11:21–38
May isang tao ba sa pamilya mo na naghahandang mabinyagan? Ang pagbasa sa 3 Nephi 11:21–38 ay makakatulong sa kanila na maghanda. Paano makakatulong ang pagninilay sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa mga miyembro ng pamilya na nabinyagan na?
3 Nephi 11:29–30
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagtatalo? Paano natin “mai[wa]waksi” ang pagtatalo sa ating tahanan? (3 Nephi 11:30).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.