Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16: “Ako ang Batas, at ang Ilaw”


“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16: ‘Ako ang Batas, at ang Ilaw,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Jesus na nakaturo sa Labindalawang Apostol

Ikatlong Nephi: Ang Labindalawang Ito na Aking Napili, ni Gary L. Kapp

Setyembre 21–27

3 Nephi 12–16

“Ako ang Batas, at ang Ilaw”

Maraming alituntuning matatagpuan sa 3 Nephi 12–16. Ang ilan ay binigyang-diin sa outline na ito, ngunit maaari kang makahanap ng iba pa. Hayaang ituro sa iyo ng Ama sa Langit, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ang kailangan mo ngayon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Gaya ng mga disipulo ni Jesus na nagtipon sa bundok sa Galilea, ang mga taong nakatipon sa templo sa Masagana ay namuhay sa ilalim ng batas ni Moises. Sinunod nila ito dahil inakay nito ang kanilang kaluluwa kay Cristo (tingnan sa Jacob 4:5), at ngayon ay nakatayo sa kanilang harapan si Cristo, at nagpapahayag ng mas mataas na batas. Ngunit kahit tayo na hindi naipamuhay kailanman ang batas ni Moises ay mapapansin na ang pamantayang itinakda ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ay mas mataas na batas. “Nais ko na kayo ay maging ganap,” pahayag Niya (3 Nephi 12:48). Kung nakadarama ka ng kakulangan dahil dito, alalahanin na sinabi rin ni Jesus, “Mapapalad ang mga aba sa espiritu na lumalapit sa akin, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit” (3 Nephi 12:3). Ang mas mataas na batas na ito ay isang paanyaya—isa pang paraan ng pagsasabi na “magsilapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas” (3 Nephi 12:20). Gaya ng batas ni Moises, ang batas na ito ay inaakay tayo kay Cristo—Siya na tanging makapagliligtas sa atin at gagawin tayong sakdal. “Masdan,” sabi Niya, “ako ang batas, at ang ilaw. Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay” (3 Nephi 15:9).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

3 Nephi 12–14

Ipinapakita sa akin ng mga turo ng Tagapagligtas kung paano maging tunay na disipulo.

Maraming katotohanan, payo, at babala sa 3 Nephi 12–14. Narito ang isang paraan para pag-aralan at ipamuhay ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga kabanatang ito: Pumili ng isang grupo ng mga talata, at tingnan kung maibubuod mo ang itinuturo ng mga talata sa isang pangungusap na nagsisimula sa “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo …” Halimbawa, ang buod ng 3 Nephi 14:1–5 ay maaaring “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay hindi mapanghusga.” Maaari kang pumili ng isang talata mula sa mga kabanatang ito na partikular na makahulugan sa iyo at isaulo o kopyahin ito at ilagay kung saan mo ito makikita nang madalas. Pagnilayan kung paano mo maiaangkop ang natututuhan mo sa personal na mga pagsisikap mong maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

Tingnan din sa Mateo 5–7; Lucas 6:20–49.

3 Nephi 12:1–2; 15:23–24; 16:1–6

Pinagpala ang mga naniniwala nang walang nakikita.

Kumpara sa kabuuang bilang ng mga anak ng Diyos, iilan lang ang nakakita sa Tagapagligtas at nakarinig sa Kanyang tinig, tulad ng mga tao sa Masagana. Karamihan sa atin ay mas katulad ng mga taong inilarawan sa 3 Nephi 12:2; 15:23; at 16:4–6. Ano ang mga ipinangako sa mga taong iyon sa mga talatang ito? Paano natupad ang mga pangakong ito sa buhay mo?

Tingnan din sa Juan 20:26–29; 2 Nephi 26:12–13; Alma 32:16–18.

3 Nephi 12:21–30; 13:1–8, 16–18; 14:21–23

Hindi sapat ang mabubuting gawa; kailangan ding maging dalisay ang puso ko.

Ang isang temang maaari mong mapansin sa mga kabanatang ito ay ang paanyaya ng Tagapagligtas na ipamuhay ang mas mataas na batas—na maging matwid hindi lamang sa ating mga kilos kundi pati na rin sa ating puso. Hanapin ang temang ito nang banggitin ng Tagapagligtas ang pagtatalo (3 Nephi 12:21–26), imoralidad (3 Nephi 12:27–30), panalangin (3 Nephi 13:5–8), at pag-aayuno (3 Nephi 13:16–18). Anong iba pang mga halimbawa ang makikita mo? Ano ang magagawa mo para dalisayin ang mga hangarin ng iyong puso sa halip na magtuon lamang sa iyong mga kilos?

3 Nephi 14:7–11

Kung hahangarin ko ang “mabubuting bagay” mula sa Ama sa Langit, tatanggap ako.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! … Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95). Habang binabasa mo ang paanyaya ng Panginoon sa 3 Nephi 14:7–11 na humingi, maghanap, at kumatok, pagnilayan kung anong “mabubuting bagay” ang maaaring nais Niyang hingin mo. Ang sumusunod na karagdagang mga talata ay magpapaunawa sa iyo kung paano humingi, maghanap, at kumatok. Maaari ding maipaliwanag ng mga ito kung bakit hindi sinasagot ang ilang panalangin sa paraang inaasahan mo: Isaias 55:8–9; Helaman 10:5; Moroni 7:26–27, 33, 37; at Doktrina at mga Tipan 9:7–9.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

3 Nephi 12:48

Paano ipinauunawa sa atin ng mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas” (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40–42) ang mga salita ng Tagapagligtas sa talatang ito? Maaari ka ring makahanap ng tulong sa Moroni 10:32–33.

3 Nephi 12:9, 38–42; 14:3–5, 12

Paano naaangkop ang mga talatang ito sa mga pag-uugnayan ng mga miyembro ng pamilya? Marahil ay maaaring sama-samang magtakda ng ilang mithiin ang inyong pamilya para mas tapat na maipamuhay ang mga alituntuning ito.

3 Nephi 13:19–21

Ang mga talatang ito ay maaaring magbunsod ng isang talakayan kung ano ang mga yaman na pinahahalagahan ng inyong pamilya. Mayroon bang ilang yaman sa lupa na humahadlang sa iyo na mag-ipon ng mga yaman sa Langit? Maaari mong mapatibay ang puntong ito sa pamamagitan ng pangunguna sa pamilya sa isang treasure hunt para hanapin ang mga bagay sa inyong tahanan na nagpapaalala sa mga miyembro ng inyong pamilya sa mga yaman na walang-hanggan ang kahalagahan.

3 Nephi 14:7–11

Maaaring masiyahan ang nakababatang mga bata sa isang laro, na binigyang-inspirasyon ng 3 Nephi 14:8–9, kung saan ay hihingi sila ng isang bagay at tatanggap sila ng isang bagay na ibang-iba. Ano ang nais ng Tagapagligtas na malaman natin tungkol sa ating Ama sa Langit nang ibahagi Niya ang halimbawang ito?

3 Nephi 14:15–20

Anong “mabuting bunga” ang nagpapaalam sa atin na si Joseph Smith, o ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan, ay isang tunay na propeta?

3 Nephi 14:24–27

Mag-isip ng mga paraan na maaari mong ilarawan sa isipan ng inyong pamilya ang talinghaga sa mga talatang ito. Marahil ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magdrowing ng mga larawan, gumalaw, o magbuo ng mga bagay sa matatag at mabuhanging mga pundasyon.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga object lesson. Ang Tagapagligtas ay nagturo ng malalalim na katotohanan sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga bagay na pamilyar. Maaari ka ring gumawa ng katulad niyon habang binabasa ng inyong pamilya ang 3 Nephi 12–16. Halimbawa, kapag binasa mo ang kabanata 12, maaari kang magpakita ng kaunting asin, isang kandila, at isang amerikana. Maaari din itong humantong sa isang magandang pagrerebyu. Matapos mong basahin ang mga kabanatang ito, muling idispley ang mga bagay, at itanong sa mga miyembro ng pamilya kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa bawat isa.

Larawan
si Jesus na tinuturuan ang mga Nephita

Pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Tao sa Amerika, ni Glen S. Hopkinson

Print