“Agosto 31–Setyembre 6. Helaman 13–16: ‘Masayang Balita ng Malaking Kagalakan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 31–Setyembre 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Agosto 31–Setyembre 6
Helaman 13–16
“Masayang Balita ng Malaking Kagalakan”
Maghandang magturo sa pamamagitan ng pagbabasa ng Helaman 13–16 at pagninilay kung aling mga aktibidad ang pinakamainam na makakatulong sa mga bata na matutuhan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng larawan ni Samuel na Lamanita, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na alam nila tungkol sa kanya. Halimbawa, makapagsasalita ba sila tungkol sa kuwento ni Samuel na nagtuturo sa ibabaw ng pader o sa mga palatandaan na sinabi niyang lilitaw kapag isinilang si Jesus?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Espiritu ay maaaring magsalita sa ating puso.
Nang utusan si Samuel na Lamanita na mangaral sa mga Nephita, tinulungan siya ng Ama sa Langit na malaman sa kanyang puso kung ano ang dapat niyang sabihin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ituro sa mga bata na tayo ay nakikipag-usap sa isa’t isa gamit ang mga salita, habang ang Espiritu Santo naman ay maaaring makipag-usap sa pamamagitan ng mga nararamdaman sa ating puso. Anyayahan silang ilagay ang kanilang mga kamay sa kanilang mga dibdib sa tuwing babasahin mo ang salitang “puso” sa Helaman 13:2–5. Tulungan silang lagyan ng disenyo ang mga hugis-pusong piraso ng papel na nagsasabing, “Ang Espiritu ay nakikipag-usap sa akin sa aking puso.”
-
Sabihin sa mga bata na kapag sila ay nabinyagan at nakumpirma, magkakaroon sila ng kaloob na Espiritu Santo para tulungan silang malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin at sabihin nila. Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na maaaring sabihin sa kanila ng Espiritu Santo, at anyayahan silang ibahagi kung ano ang magagawa nila para sundin ang Kanyang mga pahiwatig.
Ang mga propeta ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo.
Ang salaysay ni Samuel na Lamanita ay isang magandang pagkakataon para ituro sa mga bata na ang lahat ng propeta ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ni Samuel na Lamanita sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at sabihin sa mga bata, sa simpleng mga salita, ang tungkol sa kanyang karanasan sa Helaman 13–16. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 40: Nagkuwento si Samuel na Lamanita Tungkol kay Jesucristo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 111–13, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga bagay na nalalaman nila tungkol kay Samuel na Lamanita.
-
Samang-samang kantahin ang ikapitong talata ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 62). Magbahagi ng isang bagay na hinahangaan mo tungkol kay Samuel, at hayaan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nagustuhan nila tungkol sa kanyang kuwento.
-
Magtago ng mga larawan sa paligid ng silid na kumakatawan sa mga palatandaan na ipinropesiya ni Samuel sa Helaman 14:2–7 at 20–25. Magbasa ng isang parirala na naglalarawan sa isa sa mga palatandaan, at hilingin sa mga bata na hanapin ang larawan ng palatandaang iyon. Ipaliwanag na ang mga palatandaang ito ay tumulong sa mga Nephita na malaman ang tungkol kay Jesucristo. Magpatotoo na tulad ni Samuel, ang lahat ng propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.
Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng propeta para tulungan tayong malaman ang Kanyang kalooban at sundin ang Kanyang plano. Tayo ay pinagpapala kapag nakikinig at sumusunod tayo sa mga salita ng propeta.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na magtayo ng isang maliit na pader gamit ang mga bloke o mga aklat. Gamit ang isang maliit na laruan o manika para maging kinatawan ni Samuel, bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagtulong kay “Samuel” na umakyat ng pader para turuan ang mga tao tungkol kay Jesucristo. (Tingnan din ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.) Ibahagi ang mga parirala mula sa Helaman 16:1 at 5 para ipaliwanag na naniwala ang ilang tao kay Samuel at nagpabinyag. Gumamit ng mga parirala mula sa Helaman 16:2 at 6 para ipakita na ang iba ay nagalit at hindi naniwala kay Samuel. Magpatotoo na pinagpapala ang mga tao na sumusunod sa propeta.
-
Magdispley ng larawan ng Tagapagligtas, at hilingin sa isang bata na katawanin ang propeta at gabayan ang ibang bata sa pag-ikot sa silid habang kinakanta nila ang ilang taludtod ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59) o ng isa pang awitin tungkol sa mga propeta. Pagkatapos ay hilingin sa bata na kumakatawan sa propeta na akayin ang mga bata tungo sa larawan ng Tagapagligtas. Magpatotoo na kung susundin natin ang propeta, aakayin niya tayo kay Jesucristo. Magbahagi ng ilang bagay na kamakailan lamang ay itinuro ng ating propeta tungkol kay Jesus. Paano natin masusunod ang kanyang payo?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Espiritu ay maaaring magsalita sa ating puso.
Balang araw, kakailanganing malaman ng mga batang tinuturuan mo kung paano gawin ang ginawa ni Samuel: ang ibahagi ang mensahe na inilalagay ng Panginoon sa kanilang mga puso.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ni Samuel na Lamanita (tulad ng isa na nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at itanong sa mga bata kung paano nalaman ni Samuel kung ano ang sasabihin habang nangangaral siya sa ibabaw ng pader ng lunsod. Anyayahan sila na saliksikin ang Helaman 13:2–4 para makahanap ng sagot. Magkuwento tungkol sa isang pagkakataon nang tinulungan ka ng Espiritu Santo na malaman sa iyong puso ang gusto ng Diyos na gawin o sabihin mo. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga naranasan nilang katulad nito.
-
Magpakita ng larawan ng buhay na propeta na nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya. Sabihin sa mga bata na sinasabi ng Diyos sa propeta kung ano ang sasabihin sa atin, tulad ng pagsasabi Niya kay Samuel kung ano ang sasabihin niya ng mga Nephita. Pag-usapan ang mga bagay na sinabi ng propeta na nagbibigay-inspirasyon sa iyo o sa mga bata.
Ang mga propeta ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo.
Layunin ng mensahe ni Samuel na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at anyayahan ang mga tao na magsisi at lumapit sa Kanya. Ang ating mga propeta ngayon ay mayroon ding ganoong tungkulin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang kalahati ng mga bata na basahin ang Helaman 14:2–6 at magdrowing ng mga larawan ng mga palatandaan ng pagsilang ni Jesus. Anyayahan ang natitirang kalahati ng klase na basahin ang Helaman 14:20–28 at magdrowing ng mga larawan ng mga palatandaan ng kamatayan ni Jesus. Pagkatapos ay hilingin sa bawat grupo na ibahagi kung ano ang idinrowing nila. Sama-samang basahin ang Helaman 14:11–12, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung bakit nagpropesiya si Samuel tungkol sa mga palatandaang ito. Paano natin matututuhan ang tungkol kay Jesucristo ngayon?
-
Ipaliwanag na tulad ni Samuel na Lamanita na nagturo tungkol kay Jesucristo, ganito rin ang ginagawa ng mga buhay na propeta ngayon. Magbahagi ng isang pahayag mula sa isang mensahe sa kumperensya kamakailan kung saan ang buhay na propeta ay nagpatotoo tungkol kay Cristo. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang itinuro sa kanila ng propeta tungkol kay Jesucristo.
Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.
Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng propeta para tulungan tayong malaman ang Kanyang kalooban at sundin ang Kanyang plano. Tayo ay pinagpapala kapag nakikinig at sumusunod tayo sa mga salita ng propeta.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang malakas ang Helaman 16:1 at 5, at hilingin sa mga bata na tumayo kapag narinig nila ang isang bagay na ginawa ng mga tao nang naniwala sila sa mga salita ni Samuel. Pagkatapos ay basahin ang talata 2 at 6, at hilingin sa mga bata na umupo kapag nakarinig sila ng isang bagay na ginawa ng mga tao nang hindi sila naniwala. Paano natin maipapakita na naniniwala tayo sa mga salita ng buhay na propeta?
-
Magpakita ng larawan ng buhay na propeta, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Ibahagi kung paano mo sinisikap na sundin ang kanyang mga turo at kung paano ka pinagpala dahil sa paggawa nito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na alamin ang isang bagay na sinabi ng propeta at ibahagi ito sa klase sa susunod na linggo.