Mga Banal na Kasulatan
Helaman 13


Ang propesiya ni Samuel, ang Lamanita, sa mga Nephita.

Binubuo ng mga kabanata 13 hanggang 15.

Kabanata 13

Ipinropesiya ni Samuel, ang Lamanita, ang pagkalipol ng mga Nephita maliban kung magsisisi sila—Isinumpa sila at ang kanilang mga yaman—Kanilang tinanggihan at binato ang mga propeta, napaligiran sila ng mga demonyo, at naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan. Mga 6 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikawalumpu’t anim na taon, ang mga Nephita ay nanatili pa rin sa kasamaan, oo, sa labis na kasamaan, samantalang ang mga Lamanita ay mahigpit na nagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos, alinsunod sa batas ni Moises.

2 At ito ay nangyari na sa taong ito, may isang Samuel, isang Lamanita, na nagtungo sa lupain ng Zarahemla, at nagsimulang mangaral sa mga tao. At ito ay nangyari na nangaral siya, nang maraming araw, ng pagsisisi sa mga tao, at siya ay itinaboy nilang palabas, at siya sana ay pabalik na sa kanyang sariling lupain.

3 Ngunit dinggin, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, na kinakailangang siya ay muling magbalik, at magpropesiya sa mga tao ng anumang mga bagay na papasok sa kanyang puso.

4 At ito ay nangyari na hindi nila pinahintulutang makapasok siya sa lungsod; kaya nga siya ay nagtuloy at umakyat sa pader niyon, at iniunat ang kanyang kamay at sumigaw sa isang malakas na tinig, at nagpropesiya sa mga tao ng anumang mga bagay na inilagay ng Panginoon sa kanyang puso.

5 At kanyang sinabi sa kanila: Dinggin, ako, si Samuel, na isang Lamanita, ay winiwika ang mga salita ng Panginoon na inilalagay niya sa aking puso; at dinggin, kanyang inilagay sa aking puso na sabihin sa mga taong ito na ang espada ng katarungan ay nakaumang sa ulunan ng mga taong ito; at hindi lilipas ang apat na raang taon nang hindi babagsak sa mga taong ito ang espada ng katarungan.

6 Oo, malubhang pagkalipol ang naghihintay sa mga taong ito, at ito ay tiyak na sasapit sa mga taong ito, at walang makapagliligtas sa mga taong ito maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, na tiyak na paparito sa daigdig, at magpapasan ng maraming bagay at papatayin para sa kanyang mga tao.

7 At dinggin, isang anghel ng Panginoon ang nagpahayag nito sa akin, at siya ay naghatid ng masasayang balita sa aking kaluluwa. At dinggin, ako ay isinugo sa inyo upang ipahayag din ito sa inyo, upang magkaroon kayo ng masasayang balita; ngunit dinggin, ayaw ninyo akong tanggapin.

8 Samakatwid, ganito ang wika ng Panginoon: Dahil sa katigasan ng mga puso ng mga tao ng mga Nephita, maliban kung magsisisi sila ay babawiin ko ang aking salita mula sa kanila, at ilalayo ko ang aking Espiritu sa kanila, at hindi ko na sila kayang tiisin pa, at aking ibabaling ang puso ng kanilang mga kapatid laban sa kanila.

9 At hindi lilipas ang apat na raang taon bago ko papangyarihing pahirapan sila; oo, dadalawin ko sila sa pamamagitan ng espada at ng taggutom at ng salot.

10 Oo, dadalawin ko sila sa aking masidhing galit, at mayroon sa yaong ikaapat na salinlahi na mabubuhay, na inyong mga kaaway, na makamamalas sa inyong lubos na pagkalipol; at ito ay tiyak na magaganap maliban kung magsisisi kayo, wika ng Panginoon; at ang mga yaong nasa ikaapat na salinlahi ang siyang magdadala sa inyo sa pagkalipol.

11 Ngunit kung kayo ay magsisisi at magbabalik sa Panginoon ninyong Diyos, papawiin ko ang aking galit, wika ng Panginoon; oo, ganito ang wika ng Panginoon, pinagpala sila na mga magsisisi at lalapit sa akin, ngunit sa aba niya na hindi magsisisi.

12 Oo, sa aba sa dakilang lungsod na ito ng Zarahemla; sapagkat dinggin, dahil sa mga yaong matwid kaya ito ay naligtas; oo, sa aba nitong dakilang lungsod, sapagkat nababatid ko, wika ng Panginoon, na marami, oo, maging ang mas malaking bahagi nitong dakilang lungsod, ang patitigasin ang kanilang mga puso laban sa akin, wika ng Panginoon.

13 Ngunit pinagpala sila na mga magsisisi, sapagkat sila ay ililigtas ko. Ngunit dinggin, kung hindi dahil sa mga matwid na naririto sa dakilang lungsod na ito, dinggin, aking papapangyarihin na ang apoy ay bumaba buhat sa langit at wasakin ito.

14 Ngunit dinggin, dahil sa mga matwid kaya ito naligtas. Ngunit dinggin, darating ang panahon, wika ng Panginoon, na kapag inyong paaalisin ang mga matwid sa inyo, sa gayon kayo mahihinog para sa pagkalipol; oo, sa aba sa dakilang lungsod na ito, dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain na nasa kanya.

15 Oo, at sa aba sa lungsod ng Gedeon, dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain na nasa kanya.

16 Oo, at sa aba sa lahat ng lungsod na nasa mga lupain sa paligid, na pag-aari ng mga Nephita, dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain na nasa kanila.

17 At dinggin, isang sumpa ang sasapit sa lupain, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, dahil sa gawain ng mga taong naroroon sa lupain, oo, dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain.

18 At ito ay mangyayari, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, oo, ang ating dakila at tunay na Diyos, na kung sinuman ang magkukubli ng mga kayamanan sa lupa, kailanman ay hindi na muling masusumpungan ang mga yaon, dahil sa masidhing sumpa sa lupain, maliban kung siya ay isang matwid na tao at ikukubli niya ito para sa Panginoon.

19 Sapagkat nais ko, wika ng Panginoon, na ikubli nila ang kanilang mga kayamanan para sa akin; at sumpain sila na hindi ikukubli ang kanilang mga kayamanan para sa akin; sapagkat walang magkukubli ng kanilang mga kayamanan para sa akin maliban sa mga matwid; at siya na hindi ikukubli ang kanyang mga kayamanan para sa akin, sumpain siya, at pati na ang kayamanan, at walang makatutubos noon dahil sa sumpa sa lupain.

20 At darating ang araw na ikukubli nila ang kanilang mga kayamanan, sapagkat ang kanilang mga puso ay inilagak nila sa mga yaman; at sapagkat inilagak nila ang kanilang mga puso sa kanilang mga yaman, at ikukubli nila ang kanilang mga kayamanan sa kanilang pagtakas mula sa harapan ng kanilang mga kaaway; sapagkat hindi nila ikukubli ang mga yaon sa akin, sumpain sila at pati ang kanilang mga kayamanan; at sa araw na yaon ay pahihirapan sila, wika ng Panginoon.

21 Dinggin ninyo, mga tao ng dakilang lungsod na ito, at makinig sa aking mga salita; oo, makinig sa mga salitang sinabi ng Panginoon; sapagkat dinggin, sinabi niya na kayo ay isinumpa dahil sa inyong mga yaman, at gayundin ang inyong mga kayamanan ay isinumpa sapagkat ang inyong mga puso ay inilagak ninyo sa mga yaon, at hindi nakinig sa mga salita niya na nagbigay sa inyo ng mga yaon.

22 Hindi ninyo naaalala ang Panginoon ninyong Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa inyo, ngunit lagi ninyong naaalala ang inyong mga yaman, hindi upang magpasalamat sa Panginoon ninyong Diyos para sa mga yaon; oo, ang inyong mga puso ay hindi nakatuon sa Panginoon, sa halip ay lumalaki ang mga yaon sa matinding kapalaluan, tungo sa pagmamalaki, at tungo sa matinding kahambugan, mga pagkainggit, sigalutan, malisya, pang-uusig, at pagpaslang, at lahat ng uri ng kasamaan.

23 Sa dahilang ito pinapangyari ng Panginoong Diyos na ang sumpa ay sumapit sa lupain, at gayundin sa inyong mga yaman, at iyon ay dahil sa inyong mga kasamaan.

24 Oo, sa aba sa mga taong ito, dahil sa panahong ito na sumapit, na inyong itinataboy ang mga propeta, at nilalait sila, at binabato sila, at pinapatay sila, at ginagawa ang lahat ng uri ng kasamaan sa kanila, maging tulad ng ginawa nila noong unang panahon.

25 At ngayon, kapag kayo ay nagsasalita, sinasabi ninyo: Kung ang aming mga araw ay sa mga araw ng aming mga ama noong unang panahon, hindi namin papatayin ang mga propeta; hindi namin sila babatuhin, at itataboy.

26 Dinggin, kayo ay masahol pa sa kanila; sapagkat yamang ang Panginoon ay buhay, kung ang isang propeta ay magtungo sa inyo at ipahayag sa inyo ang salita ng Panginoon, na nagpapatotoo sa inyong mga kasalanan at kasamaan, kayo ay nagagalit sa kanya, at itinataboy siya at humahanap ng lahat ng uri ng paraan upang patayin siya; oo, sasabihin ninyo na siya ay isang huwad na propeta, at na siya ay isang makasalanan, at mula sa diyablo, sapagkat siya ay nagpapatotoo na masasama ang inyong mga gawa.

27 Ngunit dinggin, kung ang isang tao ay magtutungo sa inyo at magsasabi: Gawin ito, at walang masama; gawin iyon at hindi ka magdurusa; oo, kanyang sasabihin: Lumakad alinsunod sa kapalaluan ng inyong mga puso; oo, lumakad alinsunod sa kapalaluan ng inyong mga paningin, at gawin kung anuman ang nais ng inyong puso—at kung ang isang tao ay magtutungo sa inyo at sasabihin ito, tatanggapin ninyo siya, at sasabihin na siya ay isang propeta.

28 Oo, sasambahin ninyo siya, at ibabahagi ninyo sa kanya ang inyong mga kabuhayan; ibabahagi ninyo sa kanya ang inyong ginto, at ang inyong pilak, at bibihisan ninyo siya ng mamahaling kasuotan; at sapagkat siya ay nangungusap ng labis na mga mapanghibok na salita sa inyo, at kanyang sinasabi na mabuti ang lahat, kung gayon ay wala kayong makikitang masama sa kanya.

29 O, kayong masasama at balakyot na salinlahi; kayong nagmatigas at mga taong matitigas ang leeg, hanggang kailan ninyo ipagpapalagay na ang Panginoon ay matatagalan kayo? Oo, hanggang kailan ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na akayin ng mga hangal at bulag na taga-akay? Oo, hanggang kailan ninyo pipiliin ang kadiliman sa halip na liwanag?

30 Oo, dinggin, ang galit ng Panginoon ay nagsiklab na laban sa inyo; dinggin, isinumpa na niya ang lupain dahil sa inyong kasamaan.

31 At dinggin, darating ang panahon na isusumpa niya ang inyong mga yaman, kung kaya’t ang mga iyon ay magiging madulas, na hindi ninyo mahahawakan ang mga yaon; at sa mga araw ng inyong kahirapan ay hindi ninyo mapananatili ang mga yaon.

32 At sa mga araw ng inyong kahirapan, kayo ay magsusumamo sa Panginoon; at walang saysay kayong magsusumamo, sapagkat ang inyong pagbagsak ay sumapit na sa inyo, at ang inyong pagkalipol ay ginawang tiyak; at pagkatapos, kayo ay mananangis at hahagulgol sa araw na iyon, wika ng Panginoon ng mga Hukbo. At sa panahong yaon, kayo ay mamimighati, at sasabihin:

33 O, kung ako ay nagsisi, at hindi pinatay ang mga propeta, at binato sila, at itinaboy. Oo, sa araw na iyon ay sasabihin ninyo: O, na aming naalala ang Panginoon naming Diyos noong araw na ibinigay niya sa amin ang aming mga yaman, at nang sa gayon ay hindi sana naging madulas ang mga yaon upang mawala sa amin ang mga yaon; sapagkat dinggin, ang aming mga yaman ay naglaho sa amin.

34 Dinggin, maglalapag kami ng isang kasangkapan dito at sa kinabukasan, iyon ay wala na; at dinggin, ang aming mga espada ay kinuha sa amin sa araw na hinahanap namin ang mga iyon para sa digmaan.

35 Oo, ikinubli namin ang aming mga kayamanan at ang mga ito ay nakahulagpos sa amin, dahil sa sumpa sa lupain.

36 O kung kami ay nagsisi sa araw na dumating sa amin ang salita ng Panginoon; sapagkat dinggin, ang lupain ay isinumpa, at lahat ng bagay ay nagiging madulas, at hindi namin mahawakan ang mga yaon.

37 Dinggin, kami ay napaliligiran ng mga demonyo, oo, kami ay napalilibutan ng mga anghel niya na naghahangad na wasakin ang aming mga kaluluwa. Dinggin, ang aming mga kasamaan ay malubha. O Panginoon, hindi ba maaaring pawiin ninyo ang inyong galit mula sa amin? At ganito ang magiging pananalita ninyo sa mga araw na yaon.

38 Ngunit dinggin, ang mga araw ng inyong pagsubok ay lumipas na; inyong ipinagpaliban ang araw ng inyong kaligtasan hanggang sa ito ay lubusang naging huli na, at ang inyong pagkalipol ay tiniyak; oo, sapagkat inyong hinangad sa lahat ng araw ng inyong buhay ang yaong hindi ninyo matatamo; at kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, kung aling bagay ay salungat sa kalikasan ng yaong katwiran na nasa ating dakila at Walang Hanggang Pinuno.

39 O kayong mga tao ng lupain, inyo sanang pakinggan ang aking mga salita! At nananalangin ako na ang galit ng Panginoon ay mapawi sa inyo, at na kayo ay magsisi at maligtas.