Kabanata 2
Si Helaman, ang anak na lalaki ni Helaman, ay naging punong hukom—Pinamunuan ni Gadianton ang pangkat ni Kiskumen—Pinatay ng tagapagsilbi ni Helaman si Kiskumen, at ang pangkat ni Gadianton ay nagsitakas patungo sa ilang. Mga 50–49 B.C.
1 At ito ay nangyari na sa ikaapatnapu’t dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom, matapos na muling maitatag ni Moronihas ang kapayapaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, dinggin, wala ni isa man ang maaaring manungkulan sa hukumang-luklukan; kaya nga nagsimulang magkaroong muli ng alitan sa mga tao hinggil sa kung sino ang manunungkulan sa hukumang-luklukan.
2 At ito ay nangyari na si Helaman, na anak ni Helaman, ay hinirang na manungkulan sa hukumang-luklukan, sa pamamagitan ng tinig ng mga tao.
3 Subalit dinggin, si Kiskumen, na siyang pumaslang kay Pahoran, ay nag-abang upang mapatay rin si Helaman; at siya ay itinaguyod ng kanyang pangkat, na mga nakipagtipan na walang sinumang makaaalam ng kanyang kasamaan.
4 Sapagkat may isang Gadianton, na napakabihasa sa maraming salita, at gayundin sa kanyang katusuhan, upang ipagpatuloy ang lihim na gawain ng pagpaslang at ng panloloob; kaya nga siya ang naging pinuno ng pangkat ni Kiskumen.
5 Samakatwid, kanyang hinibok sila, at gayundin si Kiskumen, na kung kanilang iuupo siya sa hukumang-luklukan ay ipagkakaloob niya sa mga yaong nabibilang sa kanyang pangkat na iluklok sila sa kapangyarihan at karapatan sa mga tao; kaya nga hinangad ni Kiskumen na patayin si Helaman.
6 At ito ay nangyari na nang humayo siya patungo sa hukumang-luklukan upang patayin si Helaman, dinggin, isa sa mga tagapagsilbi ni Helaman, na lumabas sa gabi, at matapos matamo, sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, ang kaalaman tungkol sa mga yaong plano na inilatag ng pangkat na ito upang patayin si Helaman—
7 At ito ay nangyari na nakatagpo niya si Kiskumen, at kanyang binigyan siya ng palatandaan; kaya nga ipinaalam sa kanya ni Kiskumen ang layunin ng kanyang naisin, hinihiling na kanyang samahan siya sa hukumang-luklukan upang mapaslang niya si Helaman.
8 At nang malaman ng tagapagsilbi ni Helaman ang lahat ng nasa puso ni Kiskumen, at kung paanong layunin niya ang pumaslang, at na ang layunin din ng lahat ng yaong nabibilang sa kanyang pangkat ay pumaslang, at manloob, at magtamo ng kapangyarihan, (at ito ang lihim nilang plano, at kanilang pagsasabwatan) sinabi ng tagapagsilbi ni Helaman kay Kiskumen: Tayo na’t magtungo sa hukumang-luklukan.
9 Ngayon, labis itong ikinasiya ni Kiskumen, sapagkat inakala niyang maisasagawa niya ang kanyang layunin; subalit dinggin, ang tagapagsilbi ni Helaman, habang patungo sila sa hukumang-luklukan, ay sinaksak si Kiskumen maging sa puso, kaya’t bumagsak siyang patay nang walang pagdaing. At siya ay tumakbo at sinabi kay Helaman ang lahat ng bagay na kanyang nakita, at narinig, at nagawa.
10 At ito ay nangyari na nagpasugo si Helaman upang dakpin ang pangkat na ito ng mga tulisan at lihim na mamamatay-tao, upang sila ay maparusahan alinsunod sa batas.
11 Subalit dinggin, nang matuklasan ni Gadianton na si Kiskumen ay hindi nakabalik, natakot siya na baka siya ay patayin; kaya nga iniutos niya sa kanyang pangkat na sundan siya. At nagsitakas silang palabas ng lupain, sa isang lihim na daan, patungo sa ilang; at sa gayon, nang magpasugo si Helaman upang dakpin sila ay hindi na sila matagpuan.
12 At marami pa hinggil sa Gadianton na ito ang babanggitin pagkaraan nito. At sa gayon nagtapos ang ikaapatnapu’t dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
13 At dinggin, makikita ninyo sa katapusan ng aklat na ito na ang Gadianton na ito ang nagdulot sa pagbagsak, oo, halos sa ganap na pagkalipol ng mga tao ni Nephi.
14 Dinggin, hindi ko ibig sabihin ang katapusan ng aklat ni Helaman, kundi ibig kong sabihin ang katapusan ng aklat ni Nephi, kung saan ko hinango ang lahat ng ulat na aking isinulat.