Kabanata 15
Pinarusahan ng Panginoon ang mga Nephita dahil mahal Niya sila—Ang mga nagbalik-loob na mga Lamanita ay matibay at matatag sa kanilang pananampalataya—Ang Panginoon ay magiging maawain sa mga Lamanita sa mga huling araw. Mga 6 B.C.
1 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, dinggin, ipinapahayag ko sa inyo na maliban kung kayo ay magsisisi, ang inyong mga bahay ay maiiwan sa inyo na mapanglaw.
2 Oo, maliban kung kayo ay magsisisi, magkakaroon ang inyong kababaihan ng malaking dahilan na magdalamhati sa araw na nagpapasuso sila; sapagkat magtatangka kayong tumakas at walang dakong mapagkakanlungan; oo, at sa aba nila na may dinadalang anak sa sinapupunan, sapagkat sila ay magiging mabigat at hindi makatatakas; kaya nga sila ay matatapakan at maiiwan upang mangasawi.
3 Oo, sa aba sa mga taong ito na tinatawag na mga tao ni Nephi maliban kung sila ay magsisisi, kapag nakita na nila ang lahat ng palatandaan at kababalaghang ito na ipakikita sa kanila; sapagkat dinggin, sila ay mga piniling tao ng Panginoon; oo, minahal niya ang mga tao ni Nephi, at kanya ring pinarusahan sila; oo, sa mga araw ng kanilang kasamaan ay kanyang pinarusahan sila dahil mahal niya sila.
4 Ngunit dinggin, mga kapatid ko, kinapootan niya ang mga Lamanita sapagkat ang kanilang mga gawa ay naging patuloy na masama, at dahil ito sa kasamaan ng kaugalian ng kanilang mga ama. Ngunit dinggin, ang kaligtasan ay napasasakanila sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Nephita; at sa ganitong layunin pinahaba ng Panginoon ang kanilang mga araw.
5 At nais ko na inyong mamasdan na ang malaking bahagi nila ay nasa landas ng kanilang tungkulin, at lumalakad sila nang maingat sa harapan ng Diyos, at pinagsisikapan nilang sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga panuntunan at kanyang mga kahatulan alinsunod sa batas ni Moises.
6 Oo, sinasabi ko sa inyo, na ang malaking bahagi nila ay ginagawa ito, at nagsisikap sila nang may walang kapagurang pagsusumigasig na madala ang nalalabi sa kanilang mga kapatid sa kaalaman ng katotohanan; kaya nga marami ang nadaragdag sa kanilang bilang sa araw-araw.
7 At dinggin, nalalaman ninyo sa inyong sarili, sapagkat nasaksihan ninyo ito, na kasindami ng nadala sa kanila sa kaalaman ng katotohanan, at nalaman ang masama at karumal-dumal na kaugalian ng kanilang mga ama, at naakay na maniwala sa mga banal na kasulatan, oo, sa mga propesiya ng mga banal na propeta, na nasusulat, na nag-aakay sa kanila sa pananampalataya sa Panginoon, at sa pagsisisi, kung aling pananampalataya at pagsisisi ay nagdudulot ng isang pagbabago ng puso sa kanila—
8 Anupa’t kasindami ng sumapit sa ganito, nalalaman ninyo sa inyong sarili, ay matibay at matatag sa pananampalataya, at sa bagay kung saan sila ay ginawang malaya.
9 At nalalaman din ninyong ibinaon nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, at natatakot silang hawakan ang mga yaon sapagkat baka sa anumang paraan ay magkasala sila; oo, nakikita ninyo na sila ay natatakot na magkasala—sapagkat dinggin, pahihintulutan nila ang mga sarili na matapakan at mapatay ng kanilang mga kaaway, at hindi magtaas ng kanilang mga espada laban sa kanila, at ito ay dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo.
10 At ngayon, dahil sa kanilang katatagan kapag sila ay naniniwala sa yaong bagay na kanilang pinaniniwalaan, sapagkat dahil sa kanilang pagiging matibay kapag maliwanagan na sila, dinggin, pagpapalain sila ng Panginoon at pahahabain ang kanilang mga araw, sa kabila ng kanilang kasamaan—
11 Oo, kahit na manghina sila sa kawalang-paniniwala ay pahahabain ng Panginoon ang kanilang mga araw, hanggang sa dumating ang panahon na sinabi ng ating mga ama, at gayundin ng propetang si Zenos, at marami pang ibang propeta, hinggil sa pagpapanumbalik na muli ng ating mga kapatid, na mga Lamanita, sa kaalaman ng katotohanan—
12 Oo, sinasabi ko sa inyo, na sa mga huling panahon, ang mga pangako ng Panginoon ay ipaaabot sa ating mga kapatid, ang mga Lamanita; at sa kabila ng maraming paghihirap na daranasin nila, at sa kabila ng sila ay itataboy nang paroo’t parito sa balat ng lupa, at tutugisin, at sasaktan at malawakang makakalat, na walang dakong mapagkakanlungan, ang Panginoon ay magiging maawain sa kanila.
13 At ito ay alinsunod sa propesiya, na muli silang madadala sa tunay na kaalaman, kung alin ay kaalaman tungkol sa kanilang Manunubos, at kanilang dakila at tunay na pastol, at mabibilang sa kanyang mga tupa.
14 Samakatwid, sinasabi ko sa inyo, higit na mabuti para sa kanila kaysa sa inyo maliban kung kayo ay magsisisi.
15 Sapagkat dinggin, kung ang mga makapangyarihang gawa na ipinakita sa inyo ay ipinakita sa kanila, oo, sa kanila na nanghina sa kawalang-paniniwala dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, makikita ninyo sa inyong sarili na hindi na sila muling manghihina sa kawalang-paniniwala.
16 Samakatwid, wika ng Panginoon: Hindi ko sila lubos na lilipulin, kundi papangyayarihin ko na sa araw ng aking karunungan ay muli silang magbabalik sa akin, wika ng Panginoon.
17 At ngayon, dinggin, wika ng Panginoon, hinggil sa mga tao ng mga Nephita: Kung hindi sila magsisisi, at pagsisikapang isagawa ang aking kalooban, lubusan ko silang lilipulin, wika ng Panginoon, dahil sa kawalan nila ng paniniwala sa kabila ng maraming makapangyarihang gawa na ginawa ko sa kanila; at tunay na yamang buhay ang Panginoon, ang mga bagay na ito ay magkakagayon, wika ng Panginoon.