“Agosto 24–30. Helaman 7–12: ‘Alalahanin ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 24–30. Helaman 7–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Agosto 24–30
Helaman 7-12
“Alalahanin ang Panginoon”
Habang binabasa mo ang Helaman 7–12, pagnilayan kung paano mapagpapala ng mga kuwento at alituntunin sa mga kabanatang ito ang mga batang tinuturuan mo. Ang mga ideya sa outline na ito ay maaaring makadagdag sa inspirasyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Itanong sa mga bata kung ano ang alam nila tungkol sa propetang si Nephi na anak ni Helaman (tingnan sa Helaman 7–12). Kung kailangan, ipaliwanag ang pagkakaiba sa pagitan ng propetang ito na si Nephi at ng propetang nagngangalang Nephi sa simula ng Aklat ni Mormon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Nais ng Panginoon na alalahanin ko Siya.
Inisip ni Nephi kung paanong ang kanyang mga tao ay tumalikod sa Diyos at kinalimutan Siya. Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang mga paraan para alalahanin ang Ama sa Langit at si Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magbahagi sa mga bata ng karanasan kung kailan nakalimutan mo ang isang bagay na mahalaga. Itanong sa kanila kung nakalimot na sila ng isang bagay. Basahin sa kanila ang Helaman 7:20, at ipaliwanag na pinili ng mga Nephita na kalimutan ang tungkol sa Diyos. Ninais ng propetang si Nephi na alalahanin nila ang Diyos. Magdala ng mga larawan sa isang supot na kumakatawan sa mga paraan na maaalala ng mga bata ang Ama sa Langit at si Jesus. Sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng larawan at pagbabahagi kung paano natin maaalala ang Diyos araw-araw.
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.
Ang mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo.
Si Nephi ay nagpatotoo na paparito si Jesucristo, at inanyayahan niya ang kanyang mga tao na magsisi at sumunod sa Kanya. Gamitin ang mga kabanatang ito para ituro sa mga bata na ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ni Jesucristo, at sabihin sa mga bata na ang mga propetang tulad ni Nephi ay nag-aanyaya sa atin na sundin si Jesus. Basahin ang sumusunod na mga salita tungkol sa mga propeta mula sa Helaman 8:22: “Sila ay nagpatotoo tungkol sa pagparito ni Cristo, at umaasa, at nagsasaya sa kanyang araw.” Magbahagi sa mga bata ng isang bagay na sinabi ng ating buhay na propeta tungkol sa Tagapagligtas.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58). Pumili ng isang mahalagang parirala mula sa awitin, at magsulat ng isang salita mula sa parirala sa bawat papel na hugis bakas ng paa. Ilagay ang mga bakas ng paa sa sahig patungo sa larawan ng Tagapagligtas. Anyayahan ang mga bata na sundan ang landas ng mga bakas ng paa, at tulungan silang basahin ang mga salita.
Susundin ko ang Ama sa Langit.
Ang halimbawa ng pagsunod ni Nephi ay makahihikayat ng mga batang tinuturuan mo na sundin ang Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Helaman 10:2, 11–12, at tulungan ang mga bata na maunawaan na sinunod ni Nephi ang Diyos. Anyayahan ang mga bata na isadula kung ano ang ginawa ni Nephi. Halimbawa, hilingin sa kanila na maglakad patungo sa isang panig ng silid (na para bang sila ay uuwi), huminto, pumihit, at maglakad patungo sa kabilang panig ng silid (na para bang sila ay bumalik para turuan ang mga tao). Tulungan silang makita na ninais ni Nephi na sundin ang Panginoon kahit na kinailangan niyang gumawa ng isang mahirap na bagay.
-
Tulungan ang mga bata na maunawaan na kung minsan ay nais ng Ama sa Langit na gumawa tayo ng isang bagay na naiiba sa nais nating gawin, ngunit maaari natin Siyang sundin tulad ng ginawa ni Nephi. Magbahagi ng mga pahayag na tulad ng “Kung minsan ay gusto kong magalit, pero nais ng Ama sa Langit na ako ay … ,” at ipatapos sa mga bata ang mga pahayag. Hikayatin ang mga bata na tandaan na tumigil at isipin kung ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin nila at pagkatapos ay gawin iyon.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ako ay magiging ligtas sa espirituwal kapag sinusunod ko ang propeta.
Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Nakasalalay ang ating kaligtasan sa pakikinig sa sinasabi [ng Pangulo ng Simbahan] at pagsunod sa kanyang payo” (“Continuous Revelation,” Ensign, Nob. 1989, 10).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng listahan sa pisara tungkol sa mga bagay na ginagawa ng isang propeta (tingnan sa “Propeta,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Tulungan silang saliksikin ang Helaman 7:1–2, 27–29; 8:22–23; at 10:3–4, 6–7 para makita kung paano ginawa ni Nephi ang ilan sa mga bagay sa kanilang listahan. Kailan natin nakita na ginawa ng ating propeta ngayon ang mga bagay na ito? Magpatotoo tungkol sa buhay na propeta.
-
Sama-samang basahin ang Helaman 11:3–7 (o rebyuhin ang “Kabanata 39: Tumanggap si Nephi ng Dakilang Kapangyarihan,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 108–10, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang nangyari sa mga taong hindi nakinig sa propeta. Ano ang maaaring mangyari kapag hindi tayo nakikinig sa propeta? Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin Siya? Magbahagi ng isang bagay na itinuro ng ating propeta, at hikayatin ang mga bata na sundin ang kanyang mga turo.
Nais ng Panginoon na alalahanin ko Siya.
Ang mga batang tinuturuan mo ay makakaranas ng mga panggugulong maaaring maging dahilan para malimutan nila ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Paano mo mahihikayat ang mga bata na mag-ukol ng oras sa mga bagay na espirituwal?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Helaman 7:20–21, at itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng makalimot sa Diyos. Ipaliwanag na ang salitang kalimutan ay maaari ring mangahulugang “pabayaan” o “huwag pansinin.” Magdispley ng isang larawan ng Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga bagay na maaaring napag-uukulan nila ng napakaraming oras na nagiging dahilan para makalimutan nila ang Panginoon. Ilagay ang kanilang mga drowing sa harap ng larawan ni Jesus. Hilingin sa mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila bawat araw para alalahanin ang Ama sa Langit at si Jesus. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga iniisip, isa-isang alisin ang mga drowing hanggang sa lumabas ang larawan ng Tagapagligtas.
-
Anyayahan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.
Kapag pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, makatatanggap ako ng paghahayag.
Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung ano ang ibig sabihin ng magnilay o magbulay-bulay? Tulungan silang maunawaan na biniyayaan si Nephi ng paghahayag nang pagbulay-bulayan niya ang mga bagay na ipinakita sa kanya ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagbulay-bulay (tingnan sa “Pagbubulay-bulay,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan silang mag-isip ng iba pang mga salita na naglalarawan sa kahulugan ng pagbulay-bulay. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na basahin ang Helaman 10:1–3 at palitan ang salitang bulay-bulay ng mga salitang naisip nila. Ano ang nangyari nang pagbulayan ni Nephi ang mga banal na kasulatan? (tingnan sa Helaman 10:3–7). Magbahagi ng isang pagkakataon kung kailan ay nakatanggap ka ng paghahayag matapos ang iyong pagbubulay-bulay tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan o sa isang makabagong paghahayag o sa isang espirituwal na karanasan.
-
Bigyan ng oras ang mga bata na basahin ang Helaman 10, o sama-sama itong basahin, at hikayatin silang maghanap ng isang talatang gusto nilang pagbulay-bulayan sa darating na linggo. Anyayahan silang isulat ang talatang napili nila sa isang papel o kard at ilagay ito sa isang lugar para magpaalala sa kanila na pagbulay-bulayan ang talatang iyon sa paparating na linggo. Sa isang klase sa hinaharap, bigyan sila ng panahon na ibahagi kung ano ang natutuhan nila habang pinagbubulayan nila ang talata.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang mga pamilya kung ano ang plano nilang gawin para alalahanin ang Ama sa Langit at si Jesucristo araw-araw. Maaari rin nilang anyayahan ang kanilang mga pamilya na samahan sila sa kanilang mithiin.