“Agosto 3–9. Alma 43–52: ‘Matatag na Maninindigan sa Pananampalataya kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 3–9. Alma 43–52,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Agosto 3–9
Alma 43–52
“Matatag na Maninindigan sa Pananampalataya kay Cristo”
Habang nagpaplano ka ng mga aktibidad, maaari kang makahanap ng mga ideya rito sa mga mungkahi sa pagtuturo ng kapwa mas maliliit na bata at nakatatandang mga bata.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nila tungkol sa ilang tao at kuwento sa Alma 43–52, tulad ni Kapitan Moroni o ng bandila ng kalayaan. Para matulungan silang makaalala, magpakita ng mga larawan mula sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, o sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Alma 43:17–21; 48:7–8; 49:1–5; 50:1–6
Makahahanap ako ng espirituwal na proteksyon sa ebanghelyo.
Para maipagtanggol ang mga Nephita laban sa mga Lamanita, inihanda ni Moroni ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng baluti at mga muog. Ang kanyang mga pagsisikap ay nagtuturo sa atin kung paano tayo makakahanap ng espirituwal na kaligtasan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magkuwento nang kaunti sa mga bata tungkol sa digmaan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita (tingnan sa Alma 43), na binibigyang-diin na ang mga Nephita ay nagsuot ng baluti para maprotektahan ang kanilang mga sarili. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 31: Tinalo ni Kapitan Moroni si Zerahemnas” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 85–88, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Basahin ang Alma 43:19, at anyayahan ang mga bata na ituro ang mga bahagi ng kanilang mga katawan kapag narinig nila ang mga ito sa banal na kasulatan.
-
Ipaliwanag na tulad ng mga Nephita na nasa pisikal na digmaan, tayo ay nasa isang espirituwal na digmaan laban kay Satanas, na ayaw na sundin natin ang mga utos ng Diyos. Magdrowing ng isang bata sa pisara, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na pumuprotekta sa atin sa espirituwal na paraan gaya ng pagprotekta ng baluti sa ating mga katawan (halimbawa, pagdarasal, pagbabasa ng banal na kasulatan, o pagsunod sa mga kautusan). Tuwing mayroong mababanggit, magdrowing ng isang bahagi ng baluti sa bata na nasa pisara.
Alma 46:11–16; 48:11–13, 16–17
Maaari akong maging matapat tulad ni Kapitan Moroni.
Si Moroni ay isang dakilang halimbawa ng pananampalataya, tapang, at paglilingkod. Pag-isipan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na sundan ang kanyang halimbawa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ni Moroni sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Magkuwento sa mga bata tungkol sa bandila ng kalayaan at kung ano ang nakasulat dito, gamit ang mga kataga mula sa Alma 46:11–16. Maaari kang sumangguni sa “Kabanata 32: Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 89–90, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na tumulong sa pagsasalaysay ng kuwento hangga’t maaari. Ipaliwanag na ginamit ni Moroni ang bandila ng kalayaan para matulungan ang mga Nephita na alalahanin kung ano ang mahalaga sa kanila.
-
Tulungan ang mga bata na lumikha ng bandila ng kalayaan para sa kanilang mga sarili o para sa inyong klase. Magsimula sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mag-isip ng mga bagay na pinaniniwalaan nila o mga bagay na nais ng Ama sa Langit na maalaala nila. Hayaan silang magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na ito sa isang malaking piraso ng papel, o maaari kang magdala ng mga larawan na naididikit nila sa papel.
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento sa iyo tungkol sa ilang tao na gusto nilang tularan at kung bakit gusto nilang maging katulad ng mga taong ito. Pagkatapos ay magbahagi sa kanila ng ilang salita mula sa Alma 48:11–13 na naglalarawan kay Moroni, at anyayahan silang hulaan kung sino ang inilalarawan ng mga salitang ito. Magpakita ng larawan ni Moroni, at pag-usapan ang mga paraan na maaari tayong maging katulad niya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Alma 43:17–21; 48:7–8; 49:1–5; 50:1–6
Makahahanap ako ng espirituwal na proteksyon sa ebanghelyo.
Ang mundo ay maraming espirituwal na panganib, ngunit maraming matututuhan ang mga bata mula sa mga Nephita tungkol sa kung paano mapoprotektahan ang kanilang mga sarili.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang bawat bata na basahin nang tahimik ang isa sa sumusunod na mga talata na naglalarawan kung paano naghanda ang mga Nephita para sa digmaan laban sa mga Lamanita: Alma 43:19; 48:8; 49:1–5; at 50:2–4. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang natutuhan nila (magbigay ng tulong kung kinakailangan). Ipaliwanag na tayo ay nasa isang espirituwal na digmaan laban kay Satanas, at dapat nating protektahan ang ating espirituwalidad, tulad ng pagprotekta ng mga Nephita sa kanilang mga katawan mula sa mga Lamanita. Anong mga uri ng espirituwal na baluti o muog ang maaari nating gawin para maprotektahan natin ang ating mga sarili sa ating mga espirituwal na pakikidigma?
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng kalasag mula sa isang malaking piraso ng papel o cardboard, at hilingin sa kanila na sulatan ito ng mga bagay na pumoprotekta sa atin sa espirituwal. Bigyan ng isang piraso ng papel ang bawat bata, at anyayahan ang mga bata na magsulat ng isang masamang bagay na maaaring tuksuhin tayo ni Satanas na gawin (tulad ng pagsisinungaling, pagnanakaw, o pagiging malupit). Sabihin sa kanila na lamukusin ang kanilang mga papel para maging bola at ihagis ang mga ito sa kalasag para mailarawan kung paano tayo pinananatiling ligtas ng ebanghelyo laban kay Satanas (tingnan din sa Mga Taga Efeso 6:16).
Alma 46:11–16; 48:11–13, 16–17
Maaari akong maging matapat tulad ni Kapitan Moroni.
Si Moroni ay may malakas na pananampalataya at isang matatag na disipulo ni Jesucristo, na nagbigay-inspirasyon sa mga Nephita na ipamuhay ang ebanghelyo (tingnan sa Alma 48:17). Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata sa iyong klase mula sa kanyang halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Alma 46:11–16. Ano ang nais ni Moroni na alalahanin ng mga Nephita? (tingnan sa talata 12). Paano niya sila tinulungan na maalala ang mga bagay na ito? Hilingin sa mga bata na maglista ng ilang bagay na nais ng Ama sa Langit na alalahanin natin. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magdisenyo ng sarili nilang “bandila ng kalayaan” gamit ang mga kataga o larawan na tutulong sa kanila na alalahanin ang mga bagay na ito.
-
Hilingin sa isang bata na basahin ang Alma 48:17. Para matulungan ang mga bata na maunawaan kung bakit inaanyayahan tayong maging katulad ni Moroni, anyayahan silang pag-aralan ang Alma 48:11–13, 16. Hilingin sa kanila na maghanap ng mga salita at parirala na tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit si Moroni ay isang dakilang disipulo ni Jesucristo. Habang ibinabahagi nila kung ano ang nalaman nila, hikayatin silang mag-isip ng mga partikular na bagay na magagawa nila para maging higit na katulad ni Moroni.
Tayo ay tinutukso at nililinlang nang paunti-unti ni Satanas.
Kailangang malaman ng mga bata na sisikapin ni Satanas na tuksuhin tayo na gumawa ng maliliit na kasalanan para maakay niya tayo na gumawa ng mas mabigat na kasalanan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang sama-sama ang mga piling talata mula sa Alma 47:4–19, at ipaliwanag sa mga bata kung paano nakontrol ni Amalikeo ang hukbo ni Lehonti, kahit na ang mga miyembro ng hukbo ay “may katiyakan sa kanilang pag-iisip” na hindi sila mapipilit na labanan ang mga Nephita. Ano kaya ang maaaring nangyari kung sinabi ni Amalikeo kay Lehonti kung ano ang plano niyang gawin sa simula pa lang? Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kung paano sinisikap ni Satanas na linlangin tayo?
-
Magpakita ng larawan ng isang bahay na naaalagaan nang maayos at ng isang bahay na pinabayaan, o magpakita ng larawan ng isang malusog na hardin at ng isang hardin na puno ng damo. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalita tungkol sa nakikita nila sa mga larawan at ang maaaring mga dahilan kung bakit nangyari ang mga pagbabagong ito sa paglipas ng panahon. Ano kaya ang dapat na ginawa ng may-ari ng bahay o halamanan para maiwasan ito? Ipaliwanag na ang mga tao ay maaaring unti-unting maging makasalanan kung hindi nila paglalabanan ang mga tukso ni Satanas na gumawa ng maliliit na kasalanan (tulad ng pagiging hindi tapat o pagtingin sa pornograpiya) at pagkatapos ay ng mas malalaking kasalanan. Ano ang ilang masasamang bagay na kailangan nating paglabanang hindi gawin sa ating mga buhay?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hilingin sa bawat bata na magbanggit ng isang bagay na narinig o nadama niya ngayong araw at gustong niyang ibahagi sa isang kapamilya. Hikayatin silang gawin ang kanilang mga plano.