“Agosto 17–23. Helaman 1–6: ‘Ang Bato na Ating Manunubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 17–23. Helaman 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Agosto 17–23
Helaman 1–6
“Ang Bato na Ating Manunubos”
Ang mga aktibidad sa outline na ito ay nilayon na magdala ng mga ideya at inspirasyon sa iyong puso at isipan. Ang pinakamagagandang ideya ay kadalasang dumarating habang mapanalangin mong pinagninilayan ang mga banal na kasulatan at ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para masuportahan ang mga bata sa pag-aaral nila ng ebanghelyo sa tahanan, anyayahan ang ilan sa kanila na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa linggong ito. Ilarawan kung paano ka nag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan, at pag-usapan ang tungkol sa mga paraan na matutulungan ng mga bata ang kanilang mga pamilya na matuto mula sa Aklat ni Mormon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maitatayo ko ang aking pundasyon kay Jesucristo.
Itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi na itayo ang kanilang mga buhay sa bato na ating Manunubos. Pagnilayan kung paano mo rin ito magagawa para sa mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng isang templo o ng iba pang gusali, at ipaliwanag na kailangan ng mga gusali ng matibay na pundasyon para hindi mabuwal ng hangin at mga unos ang mga ito. Para mailarawan ito, anyayahan ang mga bata na subukang iusog ang isang bato sa pamamagitan ng pag-ihip dito. Basahin ang ilan sa mga unang linya ng Helaman 5:12, at hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila kung sino ang “bato” na dapat nating gawing saligan.
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga galaw habang binabasa mo ang Helaman 5:12. Halimbawa, maaari silang magwagayway ng kanilang mga kamay kapag binasa mo ang tungkol sa “malakas na bagyo” ng diyablo at tumayo sa isang lugar kapag binasa mo ang tungkol sa “bato na ating Manunubos.”
-
Anyayahan ang mga bata na tulungan kang bumuo ng isang istruktura gamit ang mga bloke o iba pang mga materyales. Magsimula sa pamamagitan ng pagbuo ng isang “tunay na saligan,” at kausapin sila tungkol sa paraan kung paano dapat maging saligan o pundasyon ng ating buhay si Jesucristo. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga bagay na magagawa nila para sundin si Jesucristo, at hayaan sila na magdagdag ng isang bloke sa pundasyon ng gusali para sa bawat bagay na ibabahagi nila.
-
Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad, at tulungan silang gupitin ito. Ano ang magagawa natin para maitayo natin ang ating buhay sa saligan na si Jesucristo? Ibahagi ang ilan sa mga paraan kung paano mo itinayo ang iyong buhay sa Tagapagligtas at kung paano napagpala ang iyong buhay dahil sa paggawa nito.
Ang Banal na Espiritu ay bumubulong gamit ang banayad at munting tinig.
Ang paglalarawan sa Helaman 5:29–30, 45–47 ng tinig na narinig ng mga Lamanita ay natutulad sa paraan na madalas nating ilarawan kung paano nagsasalita ang Espiritu Santo. Maaari mong gamitin ang mga talatang ito para matulungan ang mga bata na makilala ang tinig ng Espiritu.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi ang kuwento nina Nephi at Lehi sa bilangguan. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 37: Sina Nephi at Lehi sa Bilangguan” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 99–102, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Kapag nagsasalita ka tungkol sa tinig na narinig ng mga Lamanita, magsalita nang malumanay. Ulitin ang kuwento nang ilang beses, at anyayahan ang mga bata na bumulong kasama mo. Magkuwento sa mga bata tungkol sa mga pagkakataon nang bumulong ang Espiritu Santo sa iyo at pinalakas ang iyong patotoo.
-
Basahin ang Helaman 5:30, at sama-sama ninyong kantahin ng mga bata ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo. Tulungan ang mga bata na bigyan ng pansin ang mga salita sa mga talata sa banal na kasulatan at awitin na naglalarawan kung paano nagsasalita ang Espiritu Santo sa atin (tingnan din sa Helaman 5:45–47). Gamitin ang Helaman 5:29 at ang sarili mong mga karanasan para maibahagi sa mga bata ang ilang halimbawa ng mabubuting bagay na maaaring mabigyang-inspirasyon tayo ng Espiritu Santo na gawin.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kapag ako ay mapagpakumbaba, pagpapalain ako ng Ama sa Langit.
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga panganib ng kapalaluhan at ng mga pagpapala ng pagpapakumbaba, at ang ilan sa mga halimbawang ito ay makikita sa Helaman 1–6. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung paano mo magagamit ang mga halimbawang ito para maturuan ang mga bata sa iyong klase.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpatulong ka sa mga bata na idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram ng “siklo ng kapalaluan.” Basahin nang sama-sama ang Helaman 3:24, 33–34 at 4:11–15, at anyayahan ang mga bata na ituro ang mga bahagi ng siklo na inilalarawan ng mga talatang ito.
-
Isulat sa pisara ang mga salitang Mapagpakumbaba at Palalo o Mapagmataas. Magsulat ng ilang halimbawa ng mga mapagpakumbaba o mapagmataas na gawain sa mga piraso ng papel, at anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagpili ng isang papel at paglalagay nito sa tabi ng salita sa pisara na naglalarawan sa gawaing ito. Ano ang ilang paraan para mapili natin na maging mapagpakumbaba?
Itatayo ko ang aking pundasyon kay Jesucristo.
Ang Helaman 5:12 ay naglalaman ng mga makapangyarihang simbolismo ng pagtatayo ng ating pundasyon kay Jesucristo. Paano mo magagamit ang mga simbolismong ito para maipaliwanag nang mas mabuti ang alituntuning ito sa mga bata? Ang paggawa nito ay tutulong na ihanda ang mga bata para sa mga tukso at pagsubok na haharapin nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala sa klase ng ilang uri ng mga materyales na maaaring kumatawan sa mga mahihina o matatatag na pundasyon (gaya ng mga cotton ball o isang patag na bato o laryo). Anyayahan ang mga bata na bumuo ng isang tore gamit ang mga bloke o iba pang mga materyales sa iba’t ibang uri ng pundasyon. Bakit mas matibay ang ilang pundasyon kaysa sa iba? Basahin nang sama-sama ang Helaman 5:12, at itanong sa mga bata kung bakit sa palagay nila ay “tunay na saligan” si Jesucristo sa ating buhay. Paano natin maitatayo ang ating mga buhay sa Kanya? Anyayahan silang saliksikin ang Helaman 3:27–29, 35 at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4 para makahanap ng mga ideya.
-
Anyayahan ang mga bata na pasadahan ng basa ang Helaman 5:5–14 at bilangin kung ilang beses binanggit ang salitang “tandaan.” Ano ang itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak na dapat nilang tandaan? Paano nakakatulong sa atin ang pag-alaala sa mga bagay na ito para maging pundasyon ng ating buhay si Jesucristo?
Pinapalitan ng pagsisisi ang espirituwal na kadiliman ng liwanag.
Ang mga Lamanita na nagtungo sa bilangguan para patayin sina Nephi at Lehi ay napaligiran ng literal na kadiliman. Kapag nagkakasala tayo, tayo ay nasa espirituwal na kadiliman. Itinuturo sa atin ng Helaman 5:20–52 kung paano maaalis ang ating espirituwal na “ulap ng kadiliman” (talata 41).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gawing madilim ang klase hangga’t maaari; pagkatapos ay basahin o ibuod ang kuwento sa Helaman 5:20–40 gamit ang isang maliit na flashlight. Ano kaya ang nadama ng mga Lamanita habang nasa dilim? Anyayahan ang mga bata na pakinggan kung ano ang itinuro ni Aminadab na dapat gawin ng mga tao para maalis ang kadiliman, at pagkatapos ay basahin ang talata 41. Pagkatapos ay buksan ang mga ilaw, at sama-samang basahin ang talata 42–48. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa mga pagpapalang dulot ng pagsisisi sa ating buhay?
-
Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay nagtuturo sila ng mas maliit na bata tungkol sa Espiritu Santo. Paano nila magagamit ang Helaman 5:29–33, 44–47 para maituro kung ano ang pakiramdam ng tinig ng Espiritu at ang ilan sa mga bagay na sinasabi sa atin ng Espiritu? Paano ka pinatnubayan ng Espiritu Santo na magsisi? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila ang kapayapaan at kapanatagang dulot ng Espiritu Santo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na tanungin ang mga kapamilya tungkol sa kung paano nila isinalig ang kanilang buhay kay Jesucristo. O maaari nilang ibahagi sa kanilang mga pamilya kung paano nila pinaplanong isalig ang kanilang mga buhay sa Kanya.