“Agosto 17–23. Helaman 1–6: ‘Ang Bato na Ating Manunubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 17–23. Helaman 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Agosto 17–23
Helaman 1–6
“Ang Bato na Ating Manunubos”
Ang mga alituntunin sa outline na ito ay makakagabay sa pag-aaral mo ng Helaman 1–6, ngunit huwag mong hayaang malimitahan ka ng mga ito. Gagabayan ka ng Espiritu Santo sa mga katotohanang kailangan mong matutuhan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Nakatala sa aklat ni Helaman kapwa ang mga tagumpay at trahedya ng mga Nephita at Lamanita. Nagsisimula ito sa “malubhang suliranin sa mga tao ng mga Nephita” (Helaman 1:1), at makikita sa buong talaan na patuloy na dumarating ang mga paghihirap. Dito ay mababasa natin ang tungkol sa intriga sa pulitika, mga pangkat ng mga tulisan, pagtanggi sa mga propeta, at kapalaluan at kawalan ng paniniwala sa buong lupain. Ngunit makikita rin natin ang mga halimbawang gaya nina Nephi at Lehi at “ang higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao,” na hindi lamang nakaligtas kundi umunlad sa espirituwal (Helaman 3:34). Paano nila ginawa iyon? Paano sila nanatiling malakas habang nagsisimulang manghina at magkawatak-watak ang kanilang sibilisasyon? Katulad ng pananatiling matatag ng sinuman sa atin sa “malakas na bagyo” na ipinadadala ng diyablo para “humampas sa [atin]”—sa pagsasandig ng ating buhay “sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang anak ng Diyos, … isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang kapalaluan ay naglalayo sa akin mula sa Espiritu at sa lakas ng Panginoon.
Habang binabasa mo ang Helaman 1–6—at ang buong Aklat ni Mormon—maaari mong mapansin ang isang pattern sa pag-uugali ng mga Nephita: Kapag matwid ang mga Nephita, pinagpapala sila ng Diyos at umuunlad sila. Makalipas ang ilang panahon, sila ay nagiging palalo at masama, gumagawa ng mga pagpapasiyang humahantong sa pagkawasak at pagdurusa. Pagkatapos ay nagpapakumbaba sila at nahihikayat na magsisi, at muli silang pinagpapala ng Diyos. Napakadalas na umulit ang pattern na ito kaya tinawag ito ng ilang tao na “cycle ng kapalaluan.”
Maghanap ng mga halimbawa ng cycle na ito sa iyong pagbabasa. Maaari mo pa ngang markahan ang mga halimbawa kapag nakita mo ang mga ito. Narito ang ilang tanong para tulungan kang maunawaan ang pattern na ito at tingnan kung paano ito maaaring umangkop sa iyo:
-
Anong mga katibayan ng kapalaluan ang nakikita mo sa mga Nephita? (tingnan, halimbawa, sa Helaman 3:33–34; 4:11–13). May nakikita ka bang mga halimbawa ng kapalaluang ito sa sarili mo?
-
Ano ang mga bunga ng kapalaluan at kasamaan? (tingnan sa Helaman 4:23–26). Ano ang mga bunga ng pagpapakumbaba at pagsisisi? (tingnan sa Helaman 3:27–30, 35; 4:14–16).
-
Ano ang nais ni Helaman na tandaan ng kanyang mga anak? (tingnan sa Helaman 5:4–12). Paano ka matutulungan ng pag-alaala sa mga katotohanang ito na maiwasang maging palalo?
Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 55–58.
Maaari akong mapabanal kapag isinuko ko ang puso ko sa Diyos.
Sa Helaman 3, inilarawan ni Mormon ang panahon na napakaunlad at napakapalad ng Simbahan kaya pati mga pinuno ay nagulat (tingnan sa talata 24–32). Kalaunan ay naging palalo ang ilang tao, samantalang ang iba naman ay “tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, … maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso” (Helaman 3:35). Pansinin sa talata 34–35 kung ano ang ginawa ng mga mas mapagpakumbabang tao para mapabanal. Paano nakakatulong ang mga bagay na ito para ikaw ay maging mas banal? Maaaring makatulong na malaman na ang pakahulugan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) ng pagpapabanal ay “pamamaraan ng pagiging malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Ano ang nahihikayat kang gawin para masundan ang halimbawa ng mga disipulong ito? Ano ang ginagawa mo para maisuko ang puso mo sa Diyos?
Lumakas ang aking pananampalataya dahil “sa dami ng katibayang natanggap [ko].”
Sinabi minsan ni Elder Jeffrey R. Holland sa mga taong nahihirapang manampalataya: “Mas malaki ang pananampalataya ninyo kaysa inaakala ninyo dahil sa tinatawag ng Aklat ni Mormon na ‘dami ng katibayan’ [Helaman 5:50]. … Ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay makikita sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94). Habang binabasa mo ang mga talatang ito, isipin ang mga katibayang naibigay sa iyo ng Panginoon. Halimbawa, hindi mo pa siguro talagang narinig ang tinig ng Panginoon, ngunit nadama mo ang “isang bulong” mula sa Espiritu Santo na “tumagos maging sa buong kaluluwa”? (Helaman 5:30; tingnan din sa D at T 88:66). Marahil ay napunta ka na sa kadiliman, nagsumamo sa Diyos na palakasin ang iyong pananampalataya, at “napuspos ng yaong hindi maipaliwanag na kagalakan” (Helaman 5:40–47). Anong iba pang mga karanasan ang nagpalakas sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Helaman 3:27–30
Nang paikliin ng propetang si Mormon ang mga sagradong talaan, ginamit niya paminsan-minsan ang pariralang “sa gayon nakikita natin” upang bigyang-diin ang mahahalagang katotohanan. Ano ang gusto niyang makita natin sa Helaman 3:27–30? Sa pag-aaral mo sa linggong ito, maaari kang tumigil paminsan-minsan para itanong sa mga miyembro ng pamilya kung paano nila kukumpletuhin ang pariralang “at sa gayon nakikita natin” ang tungkol sa nabasa nila. Anong mga katotohanan ang gusto nilang bigyang-diin?
Helaman 5:6–7
Nang magpakita sa kanya ang pumanaw na lolo ni Pangulong George Albert Smith na si George A. Smith sa isang panaginip at nagsabing, “Gusto kong malaman kung ano ang nagawa mo sa aking pangalan.” Sumagot si Pangulong Smith, “Wala po akong nagawang anuman sa pangalan ninyo na dapat ninyong ikahiya” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith [2011], xxix). Matapos basahin ang Helaman 5:6–7, marahil ay maaari mong kausapin ang mga miyembro ng pamilya mo tungkol sa pag-alaala at paggalang sa mga pangalang dala-dala natin, kabilang na ang pangalan ng Tagapagligtas.
Helaman 5:12
Para matulungan ang pamilya mo na ilarawan sa kanilang isipan ang ibig sabihin ng magkaroon ng “tunay na saligan,” marahil ay maaari kayong sama-samang magtayo ng isang maliit na istruktura at ilagay ito sa iba’t ibang klase ng pundasyon. Pagkatapos ay maaari kang lumikha ng isang “malakas na bagyo” sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig dito at paggamit ng electric fan o hair dryer para lumikha ng hangin. Ano ang nangyari sa istruktura noong nasa iba’t ibang pundasyon ito? Paano natutulad sa isang “tunay na saligan” si Jesucristo sa ating buhay?
Helaman 5:29–33
Ano ang mga karanasan natin sa pagkilala sa tinig ng Diyos sa ating buhay?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.