“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42: ‘Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Hulyo 27–Agosto 2
Alma 39–42
“Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan”
Habang pinag-aaralan mo ang Alma 39–42, mabibigyan ka ng Espiritu Santo ng mga kabatiran tungkol sa mga bagay na nangyayari sa buhay mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kapag nakagawa ng malaking pagkakamali ang isang taong mahal natin, maaaring mahirap malaman kung paano tumugon. Bahagi ng dahilan kaya napakahalaga ng Alma 39–42 ay dahil inihahayag nito kung paano hinarap ni Alma—isang disipulo ni Cristo na minsa’y nagkaroon ng sarili niyang mabibigat na kasalanan na dapat pagsisihan—ang gayong sitwasyon. Nakagawa ng kasalanang seksuwal ang anak ni Alma na si Corianton, at nagtiwala si Alma, tulad ng madalas niyang gawin, sa kapangyarihan ng tunay na doktrina para maghikayat ng pagsisisi (tingnan sa Alma 4:19; 31:5). Sa mga kabanatang ito, mapapansinin natin ang katapangan ni Alma sa pagsumpa sa kasalanan at ang kanyang kabaitan at pagmamahal kay Corianton. At sa huli, madarama natin ang tiwala ni Alma na ang Tagapagligtas “ay paparito upang ipahayag ang masayang balita ng kaligtasan” sa mga taong nagsisisi (Alma 39:15). Ang katotohanan na kalaunan ay bumalik si Corianton sa gawain ng ministeryo (tingnan sa Alma 49:30) ay makapagbibigay sa atin ng pag-asang mapatawad at matubos kapag tayo ay “[na]babagabag” (Alma 42:29) tungkol sa sarili nating mga kasalanan o sa mga kasalanan ng isang taong mahal natin.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang kasalanang seksuwal ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon.
Para maikintal sa isipan ng kanyang anak ang bigat ng kasalanang seksuwal, itinuro ni Alma na “ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon” (Alma 39:5). Bakit mahalaga sa iyo ang kalinisang-puri? Bakit iyon mahalaga sa Panginoon? Maaaring makatulong ang sumusunod na paliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Malinaw na ang pinakamalalaking alalahanin Niya tungkol sa mortalidad ay kung paano mabubuhay ang isang tao sa mundong ito at kung paano siya hindi magiging makamundo. Nagtakda Siya ng napakahigpit na mga limitasyon sa mga bagay na ito.
“… Ang pagtatalik ng tao ay nakalaan para sa magkasintahang ikinasal dahil ito ang pinakadakilang simbolo ng lubos na pagkakaisa, isang kabuuan at isang pagkakaisang inorden at itinakda ng Diyos. … Ang nilayong kahulugan ng kasal ay ganap na pagsasanib ng isang lalaki at isang babae. … Ito ay isang lubos na pagkakaisa kaya ginagamit natin ang salitang buklod para maipahatid ang walang-hanggang pangako nito” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).
Isipin ang payo ni Alma kay Corianton sa Alma 39:8–15. Paano pa mas ipinauunawa nito sa iyo ang kahalagahan ng batas ng kalinisang-puri at kung paano dadaigin ang tukso? Ipinamamalas din ng mga turo ni Alma kung gaano kasabik ang Panginoon na patawarin tayo kapag nagsisisi tayo at na may pag-asa para sa ating lahat. Habang binabasa mo ang Alma 39–42 sa linggong ito, hanapin ang katibayan ng awa ng Diyos. Paano ka napagpala ng awa ng Diyos?
Tingnan din sa “Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37.
Ako ay mabubuhay na mag-uli at tatayo sa harap ng Diyos para mahatulan.
Nang mapansin ni Alma na may mga tanong si Corianton tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro niya rito kung ano ang mangyayari pagkamatay natin. Anong mga katotohanan ang itinuro ni Alma sa kabanata 40–41 na makakatulong kay Corianton—at sa sinumang nagkasala—na maunawaan? Maaari mong iorganisa ang natututuhan mo sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga paksang binabanggit ni Alma (tulad ng daigdig ng mga espiritu, pagkabuhay na mag-uli, at pagpapanumbalik) at pagkatapos ay isusulat kung ano ang itinuturo ni Alma tungkol sa bawat isa. Paano makakatulong sa iyo ang pag-alaala sa mga katotohanang ito kapag natutukso ka o humihingi ng tawad?
Maaari akong maghanap ng mga sagot sa aking mga tanong tungkol sa ebanghelyo nang may pananampalataya.
Maaari nating isipin kung minsan na alam ng mga propeta ang sagot sa bawat tanong tungkol sa ebanghelyo. Ngunit pansinin na sa buong kabanata 40, may ilang tanong si Alma na hindi nasagot tungkol sa buhay pagkatapos mamatay. Ano ang ginawa niya para makahanap ng mga sagot? Ano ang ginawa niya nang wala siyang mga sagot? Isipin kung paano ka matutulungan ng halimbawa ni Alma sa mga tanong mo tungkol sa ebanghelyo.
Ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang plano ng pagtubos.
Naniwala si Corianton na hindi makatarungan ang maparusahan para sa mga kasalanan (tingnan sa Alma 42:1). Ngunit itinuro ni Alma na may paraan para matakasan ang “kalagayan ng kalungkutan” na dulot sa atin ng kasalanan: pagsisisi at pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na kapwa maawain at makatarungan (tingnan sa Alma 42:15). Habang binabasa mo ang Alma 42, hanapin kung paano ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na matanggap mo ang awa nang hindi “[inaagaw ang] katarungan” (talata 25). Anong mga katotohanan ang nakikita mo sa kabanatang ito na nagpapadama sa iyo ng Kanyang awa?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Alma 39:1–9
Makikinabang ba ang iyong pamilya sa isang talakayan tungkol sa batas ng kalinisang-puri? Kung gayon, gamitin ang sumusunod na mga resource ayon sa mga pangangailangan ng inyong pamilya: Alma 39:1–9; “Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37; “Chastity,” topics.ChurchofJesusChrist.org; overcomingpornography.org. Pagnilayan kung paano mo maipauunawa sa iyong pamilya ang mga pagpapala ng kalinisang-puri at ng intimasiya sa loob ng kasal (halimbawa, panoorin ang video na “How to Talk to Your Kids about Intimacy” sa ChurchofJesusChrist.org).
Alma 39:9–15
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano iiwasang magkasala?
Alma 42:4
Maaari kayong maglaro ng isang game o laro kung saan nakakalat sa paligid ng kuwarto ang mga piraso ng papel na may nakasulat na mga katangian ni Cristo o mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaari mong makita kung ilang piraso ng papel ang matitipon ng mga miyembro ng pamilya sa loob ng ilang minuto, pagkatapos ay talakayin kung paano makakatulong sa atin ang mga nakasulat sa papel na maging higit na katulad ng Diyos. Paano nakatulad ng panahong inilaan sa larong ito ang “panahong ipinagkaloob” sa atin sa lupa? Paano natin magagamit ang “panahon ng pagsubok” sa atin sa lupa para maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Alma 42:12–15, 22–24
Marahil ay maaari mong ilarawan ang kaugnayan ng katarungan sa awa sa paggamit ng drowing ng isang simpleng timbangan para talakayin ang mga tanong na gaya nito: Ano ang nangyayari sa timbangan kapag nagkakasala tayo? Ano ang hinihingi ng katarungan para maging balanse ang timbangan? Paano tinutugunan ng Tagapagligtas ang mga hinihingi ng katarungan at ginagawang posible ang awa?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.