“Hulyo 6–12. Alma 30–31: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hulyo 6–12. Alma 30–31,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Hulyo 6–12
Alma 30–31
“Ang Bisa ng Salita ng Diyos”
Pag-aralan ang Alma 30–31 habang iniisip ang mga batang tinuturuan mo. Habang pinagninilayan mo ang kanilang mga kalakasan at pangangailangan, tutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman kung paano sila tuturuan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga sagot sa mga tanong na gaya ng sumusunod: Kailan tayo dapat manalangin? Ano ang sinasabi natin kapag nananalangin tayo? Mayroon bang maaaring magbahagi ng tungkol sa paraan ng pagdarasal ng mga Zoramita o kung paano nanalangin si Alma?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa Diyos.
Binanggit ni Alma ang mga bagay sa kalangitan at sa lupa para magpatotoo na ang Diyos ay buhay at namamahala sa sansinukob. Anong mga bagay sa paligid nila na nagpapatotoo sa Diyos ang maaaring mong ipakita sa mga bata?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Alma 30:44 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan ang mga bagay na sinabi ni Alma na tumutulong sa atin na malaman na ang Diyos ay totoo. Magdispley ng mga larawan ng ilan sa mga bagay na ito, at hilingin sa mga bata na ituro ang mga larawan kapag binasa ninyo ang tungkol sa mga ito sa talata. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na tumutulong sa kanila na maniwala sa Diyos.
-
Kung maaari, maglakad sa labas kasama ang mga bata o hilingin sa kanila na dumungaw sa bintana habang binabasa mo ang Alma 30:44. Hilingin sa kanila na magbanggit ng mga bagay na nakikita nila na tumutulong sa kanila na malaman na ang Diyos ay totoo. Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaari ring makatulong.
-
Hilingin sa mga bata na umupo nang pabilog at sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga nilikha ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Habang ang mga bata ay kumakanta, anyayahan sila na pagpasa-pasahan ang isang bagay tulad ng isang bola. Kapag tumigil ang tugtog, hilingin sa batang may hawak sa bagay na magbahagi ng isang bagay na nilikha ng Ama sa Langit na ipinagpapasalamat niya.
Ang salita ng Diyos ay makapangyarihan.
Kapag iniisip ng mga bata ang salitang lakas, maaaring naiisip nila ang mga bagay tulad ng mga superhero, reyna, o hari. Matutulungan mo silang maunawaan na ang salita ng Diyos ay mas malakas kaysa sa “ano pa mang bagay” (Alma 31:5).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng isang espada sa pisara. Basahin ang Alma 31:5 sa mga bata, at anyayahan sila na pakinggan kung ano ang sinabi ni Alma na mas malakas ang bisa kaysa sa espada. Magbahagi ng karanasan kung kailan ang salita ng Diyos ay nagkaroon ng malakas na impluwensya sa iyo.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung paano tayo matutulungan ng mga banal na kasulatan. Ulitin ang mga katagang “Ang salita ng Diyos ay mas mabisa kaysa sa …” nang ilang beses, at hilingin sa mga bata na tulungan kang tapusin ang pangungusap.
Dinirinig ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
Nalungkot si Alma nang makita niya kung paano manalangin ang mga Zoramita (tingnan sa Alma 31:24)—hindi sila naniniwala kay Jesucristo at lagi nilang sinasabi ang pare-parehong mga panalangin sa isang lugar kung saan makikita sila ng lahat (Alma 31:13–14). Ngunit ang panalangin ni Alma ay mapagpakumbaba at nagpakita ng pananampalataya kay Cristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sandaling ibuod para sa mga bata ang kuwento nina Alma at ng mga Zoramita gamit ang mga talata mula sa Alma 31:8–35. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 28: Ang mga Zoramita at ang Ramiumptom” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 78–80, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Ipaliwanag ang pagkakaiba sa pagitan ng panalangin ng mga Zoramita at ng panalangin ni Alma. Anyayahan ang mga bata na magkunwari na nakaharap nila ang isa sa mga batang Zoramita. Ano ang sasabihin nila para ituro sa kanya kung paano manalangin?
-
Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga bagay na sinabi ng mga Zoramita sa kanilang panalangin (tingnan sa Alma 31:15–18) habang tinutulungan ka nilang magtayo ng isang moog ng Ramiumptom gamit ang mga bloke o bato. Ipaliwanag na hindi tayo dapat manalangin sa ganitong paraan. Itanong sa mga bata kung paano tayo dapat manalangin, at hayaan silang magtanggal ng isang bloke o bato tuwing magbabanggit sila ng isang paraan.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Aklat ni Mormon ay nagbababala sa akin laban sa mga maling turo.
Ang mga maling turo ni Korihor ay inilarawan sa Aklat ni Mormon para tulungan tayong makilala at tanggihan ang mga katulad na turo sa ating panahon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng ilang bagay (tulad ng pera o pagkain) at ng mga laruan na katulad ng mga bagay na ito. Ano ang mas gugustuhin ng mga bata na magkaroon? Tulungan ang mga bata na hanapin sa Alma 30:12–18 ang mga kasinungalingan o maling turo na itinuro ni Korihor tungkol sa Diyos.
-
Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga kasinungalingan na itinuro ni Korihor at isulat ang mga ito sa mga piraso ng papel para mailagay sa pisara (tingnan sa Alma 30:12–18, 24). Hilingin sa mga bata na saliksikin ang Alma 30:32–35, na inaalam kung paano tumugon si Alma sa mga kasinungalingan ni Korihor. Itanong sa mga bata kung paano nila malalaman na ang mga bagay na itinuro ni Alma ay totoo.
Ang salita ng Diyos ay mas mabisa kaysa sa ano pa mang bagay.
Kailan mo nadama ang kapangyarihan ng salita ng Diyos? Pag-isipan kung paano mabibigyang-inspirasyon ng iyong mga karanasan ang mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay o isang tao na malakas, o magpakita ng mga larawan ng ilang bagay na malalakas. Ano ang nagpapalakas sa mga bagay na ito? Sama-samang basahin ang Alma 31:5, at itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng talatang ito. Sa paanong paraan mas higit na malakas ang bisa ng salita ng Diyos kaysa sa espada? Ano ang kaya nitong gawin?
-
Kontakin nang maaga ang ilang bata, at hilingin sa kanila na mag-isip ng isang karanasan na maibabahagi sa klase kung kailan ang mga banal na kasulatan o ang isang mensahe mula sa isang lider ng Simbahan ay nakatulong sa kanila na gumawa ng kabutihan. Bakit naging paraan ang mga salita ng Diyos para magustuhan nilang gumawa ng mabubuting bagay?
-
Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa salita ng Diyos, tulad ng “Babasahin, Uunawain at Mananalangin” o “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66, 58–59).
Kaya kong maging mapagpakumbaba.
Sa lahat ng kamaliang ginawa ng mga Zoramita, ang kanilang kapalaluan ang tila pinakanakapagpalungkot kay Alma. Maaari itong maging isang pagkakataon para ituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagpapakumbaba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaunawa sa mga bata ang kaibhan ng kapalaluan sa pagpapakumbaba (tingnan ang “Kapalaluan” at “Mapagpakumbaba, Pagpapakumbaba” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Hilingin sa mga bata na magsalitan sa pagbasa ng Alma 31:24–28. O di kaya ay sama-samang basahin ang “Kabanata 28: Ang mga Zoramita at ang Ramiumptom” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 78–90). Habang nagbabasa sila, hilingin sa kanila na pansinin kung paano ipinakita ng mga Zoramita na sila ay palalo. Paano ipinakita ni Alma na siya ay mapagpakumbaba? (tingnan sa Alma 31:30–33).
-
Igrupu-grupo ang mga bata, at hilingin sa bawat grupo na pagpasiyahan ang isasagot sa mga tanong na gaya ng mga ito: Saan inilalagak ng mga Zoramita ng kanilang mga puso? (tingnan sa Alma 31:24, 28). Ano ang ilang makamundong bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang mga puso ngayon? Bakit kung minsan ay inaakala ng mga tao na sila ay mas mabuti kaysa iba? Kapag nagbahagi ang bawat grupo ng isang sagot, ipadrowing sa kanila sa pisara ang isang bahagi ng moog na Ramiumptom. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na burahin ang mga bahagi ng moog tuwing makakaisip sila ng isang paraan na makakapagpakita sila ng pagpapakumbaba.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magturo sa kanilang mga pamilya ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa bisa ng salita ng Diyos ngayong araw.