Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 13–19. Alma 32–35: “Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”


“Hulyo 13–19. Alma 32–35: ‘Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 13–19. Alma 32–35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

binhi sa kamay ng bata

Hulyo 13–19

Alma 32–35

“Itanim ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”

Isaisip ang mga batang tinuturuan mo habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Alma 32–35. Kapag ginawa mo ito, darating ang mga ideya at impresyon kung paano sila tuturuan. Itala ang mga pahiwatig at kumilos alinsunod sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ilagay ang pangalan ng bawat bata sa isang lalagyan. Hilingin sa isang tao na pumili ng isa sa mga pangalan, at anyayahan ang batang iyon na magbahagi ng isang bagay na kamakailan lamang ay natutuhan niya mula sa Aklat ni Mormon. Magpatuloy hanggang sa ang bawat isa ay nagkaroon ng pagkakataon, ngunit huwag pilitin ang sinuman na magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Alma 32:28–43

Mapalalago ko ang aking pananampalataya kay Jesucristo.

Ang mga binhi, puno, at bunga ay mga pamilyar na bagay na makatutulong sa mga bata na maunawaan ang mga di-konkretong alituntunin tulad ng pananampalataya at patotoo. Pag-isipang mabuti kung paano mo magagamit ang analohiya ni Alma sa pagtuturo ng mga bata.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang Alma 32:28–43; maaari mong gamitin ang “Kabanata 29: Nagturo si Alma Tungkol sa Pananampalataya at Salita ng Diyos” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 81, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Magpakita ng mga larawan ng isang halaman na nasa iba’t ibang yugto ng paglago, at hilingin sa mga bata na tulungan kang pagsunud-sunurin ang mga larawan sa tamang pagkakaayos (tingnan ang mga larawan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ipaliwanag na kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, lumalago ang ating patotoo—ito ay nagsisimula sa maliit na tulad ng isang binhi ngunit maaaring lumaki na tulad ng isang puno.

  • Magpakita sa mga bata ng isang binhi, at basahin sa kanila ang ilan sa mga unang linya ng Alma 32:28. Sabihin sa mga bata na ang salita ng Diyos ay katulad ng isang binhi. Itanong kung paano natin matutulungan ang binhi na lumago. Pagkunwariin ang mga bata na nagtatanim ng isang binhi, nagdidilig, at tumutulong na lumago ito. Ipaliwanag na hindi natin nakikita ang binhi pagkatapos natin itong itanim, ngunit alam natin na naroon ito at lumalago; hindi rin natin nakikita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, ngunit alam natin na Sila ay totoo at mahal Nila tayo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para palaguin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

  • Magdrowing sa pisara ng isang puno, at padagdagan ito sa mga bata ng isang dahon o bunga tuwing makakaisip sila ng isang bagay na magagawa nila para palaguin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Anyayahan silang gumawa ng mga simpleng galaw na kakatawan sa mga bagay na naisip nila.

Alma 33:2–11; 34:17–27

Naririnig ako ng Ama sa Langit kapag nananalangin ako.

Ang mga Zoramita ay nanalangin nang isang beses lamang sa isang linggo, gamit ang parehong mga salita (tingnan sa Alma 31:22–23). Sina Alma at Amulek ay nagturo na maaari tayong manalangin anumang oras tungkol sa alinman sa ating espirituwal o pisikal na mga pangangailangan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang mga parirala na pinili mo mula sa Alma 33:4–11 na naglalarawan sa mga lugar na maaari tayong manalangin, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga lugar na maaari silang manalangin. Pagkatapos ay anyayahan silang magdrowing ng mga larawan ng kanilang mga sarili na nananalangin sa mga lugar na iyon. Magpatotoo na makapagdarasal sila kahit saan, kahit na tahimik lamang silang nananalangin.

  • Pumili ng mga parirala mula sa Alma 34:17–27 na naglalarawan sa mga bagay na maaari nating ipanalangin, at basahin ang mga ito sa mga bata. Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na maaari nilang sabihin sa Ama sa Langit kapag nananalangin sila, at anyayahan silang magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na ito. Magpatotoo na maaari nilang kausapin ang Ama sa Langit tungkol sa anumang bagay na naiisip o nadarama nila. Magbahagi ng isang karanasan kung saan dininig ng Ama sa Langit ang iyong mga panalangin.

  • Kumanta ng isang awiting nagtuturo sa mga bata tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” o “Nakayuko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7, 18). Tulungan silang pansinin kung ano ang itinuturo ng awitin tungkol sa panalangin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 32:1–16, 27–28

Kapag ako ay mapagpakumbaba, matuturuan ako ng Panginoon.

Sina Alma at Amulek ay nagtagumpay sa pagtuturo ng mga Zoramita na naging mapagpakumbaba at handang makinig sa salita ng Diyos. Pag-isipan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na piliing maging mapagpakumbaba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung ano ang naaalala nila sa mga natutuhan nila noong nakaraang linggo tungkol sa mga Zoramita (tingnan sa Alma 31:8–24). Ipaalala sa kanila na ang isang dahilan kung bakit nag-aalala si Alma sa kanila ay dahil sa kanilang kapalaluan (tingnan sa Alma 31:24–28). Basahin nang sama-sama ang Alma 32:1–5, at hilingin sa mga bata na ibuod ang nangyari sa mahihirap na Zoramita. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na basahin ang mga talata 12–13 para malaman kung bakit nadama ni Alma na ang pagpapaalis sa kanila sa kanilang mga sinagoga (o simbahan) ay isang mabuting bagay para sa mga Zoramitang ito. Ano ang ilan sa mga pagpapalang nagmumula sa pagiging mapagpakumbaba?

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang kahulugan ng mapagpakumbaba o pagpapakumbaba sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa isang diksiyunaryo. Ano ang iba pang mga clue tungkol sa kahulugan ng mga salita ang nakita nila sa Alma 32:13–16? Anyayahan sila na mag-isip ng iba’t ibang paraan para kumpletuhin ang pangungusap na tulad ng “Ako ay nagpapakumbaba kapag ako ay .”

Alma 32:26–43

Lumalago ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo kapag pinangangalagaan ko ito.

Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na tuklasin kung ano ang magagawa nila para “maitanim” ang salita ng Diyos sa kanilang mga puso.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng isang bagay na matigas at matibay (gaya ng bato) para kumatawan sa isang matigas o mayabang na puso at ng isang bagay na malambot (gaya ng lupa) para kumatawan sa isang malambot o mapagpakumbabang puso. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na hawakan ang dalawang bagay. Pagkatapos ay magpakita sa mga bata ng isang binhi na kumakatawan sa salita ng Diyos. Anyayahan silang subukan na itulak ang binhi sa matigas na bagay at sa malambot na bagay. Basahin nang sama-sama ang Alma 32:27–28, at pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng “magbibigay-puwang” (talata 27) sa salita ng Diyos sa ating mga puso.

  • Habang sama-sama ninyong binabasa ang Alma 32:26–43, tumigil paminsan-minsan at anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng binhi o halaman na inilalarawan—halimbawa, isang binhi at isang punla (talata 28), isang lumalagong halaman (talata 30), at isang nasa hustong gulang na halamang namumunga (talata 37). Hikayatin sila na isulat sa kanilang mga larawan ang mga reperensiyang mula sa Alma 32. Paano maihahalintulad ang pangangalaga ng isang binhi sa pangangalaga ng ating patotoo kay Jesucristo? Paano natin pinangangalagaan ang ating mga patotoo? Anyayahan ang mga bata na isipin nang tahimik kung paano lumalago ang kanilang mga patotoo at kung ano ang gagawin nila para mapangalagaan ang mga ito.

Alma 33:2–11; 34:17–27

Naririnig ako ng Ama sa Langit kapag nananalangin ako.

Ang mga Zoramita ay may mga maling pagkaunawa tungkol sa panalangin, at ang ilan sa mga ito ay nakikita pa rin natin ngayon. Sina Alma at Amulek ay nagturo ng mga makapangyarihang katotohanan para madaig ang mga maling pagkakaunawang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na maghanap sa Alma 33:2–11 ng inuulit na mahahalagang salita at parirala na may kaugnayan sa panalangin. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita at mga pariralang ito tungkol sa panalangin?

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga sitwasyon kung saan maaari silang manalangin, kabilang na ang mga nabanggit sa Alma 33:4–10 at 34:17–27 pati na rin ang mga sitwasyon sa kanilang mga buhay. Anyayahan ang mga bata na mag-isip o magbahagi ng mga karanasan kung kailan sila ay nanalangin at nakaramdam na sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung maaari, bigyan ang bawat isa sa mga bata ng mga binhing maiuuwi at maitatanim para mapaalalahanan sila na tulungang lumago ang kanilang mga patotoo kay Jesucristo. Hikayatin silang sabihin sa kanilang mga pamilya kung ano ang natutuhan nila tungkol sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol sa mga ipinangakong pagpapala. Kapag inanyayahan mo ang mga bata na ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, sabihin sa kanila ang tungkol sa mga pangako ng Diyos sa mga nagsasabuhay ng alituntuning iyon (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35).