Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”


“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

ibinabaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata

Anti-Nephi-Lehies Bury Their Weapons of War [Ibinabaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang Kanilang mga Sandata sa Pakikidigma], ni Jody Livingston

Hunyo 29–Hulyo 5

Alma 23–29

Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”

Pag-aralan nang may panalangin ang Alma 23–29, na humihiling ng inspirasyon kung ano ang pangangailangan ng mga bata at kung paano sila tutulungan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdrowing ng isang masayang mukha sa papel, at ipahawak ito sa bawat bata. Sa paghawak nila ng papel, anyayahan sila na magbanggit ng isang bagay na natututuhan nila mula sa Aklat ni Mormon na nagdudulot sa kanila ng kagalakan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Alma 24:6–24

Ako ay pinagpapala kapag tinutupad ko ang aking mga pangako.

Ano ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng Alma 24:6–24 na maaaring makatulong sa mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagtupad sa mabubuting pangako?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbasa ng ilang talata o parirala mula sa Alma 24:6–24 upang maturuan ang mga bata tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi, sa pangakong ginawa nila, at kung paano nila tinupad ang pangako. Maaari mo ring gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o ang “Kabanata 26: Ang mga Tao ni Ammon” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 73–74, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org).

  • Ilarawan kung paano tinupad ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang pangako sa pamamagitan ng pagbaon sa lupa ng kanilang mga sandata. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng isang espada at pagkatapos ay magkunwaring naghuhukay at nagbabaon ng kanilang espada. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pangakong ginagawa nila. Bakit mahalagang tuparin ang mga pangako? Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, nangangako tayo sa Diyos at nangangako Siya sa atin. Ang mga ito ay tinatawag na mga tipan. Magpatotoo na tayo ay pinagpapala kapag tinutupad natin ang ating mga pangako sa Diyos.

Alma 2629

Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at maibabahagi ko ang kagalakang ito sa iba.

Si Ammon, na tumulong na ituro ang ebanghelyo sa mga Anti-Nephi-Lehi, ay nagkaroon ng malaking kagalakan mula sa pangangaral ng ebanghelyo. Si Alma, na nagturo rin ng ebanghelyo sa maraming tao, ay tumanggap din ng kagalakang ito. Makararanas tayo ng gayon ding kagalakan kapag ibinabahagi natin ang ating mga patotoo sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pumili ng ilang talata mula sa Alma 26 o 29 na tumutukoy sa kagalakan, at basahin ang mga ito sa mga bata (tingnan, halimbawa, ang Alma 26:11, 13 o Alma 29:13–14). Anyayahan ang mga bata na tumayo tuwing maririnig nila ang mga salitang “kagalakan” o “magsaya.” Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagpasaya kina Alma at Ammon. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdulot sa iyo ng kagalakan.

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na nagdudulot sa kanila ng kagalakan. Anyayahan ang bawat bata na ibigay ang kanyang drowing sa isa pa nilang kaklase at ipaliwanag ito. Ipaliwanag na kapag may isang bagay na nagdudulot sa atin ng kagalakan—tulad ng ebanghelyo—lumalago ang ating kagalakan kapag ibinabahagi natin ito.

  • Bigyan ang isang bata ng kopya ng Aklat ni Mormon, at bigyan siya ng pagkakataon na magpraktis na ibahagi ito sa iba pang miyembro ng klase. Hikayatin ang mga bata na ipaliwanag kung ano ang nadarama nila tungkol sa Aklat ni Mormon. Bakit natin ibinabahagi ang Aklat ni Mormon sa iba?

Alma 27:20–30

Matutulungan ko ang aking mga kaibigan na ipamuhay ang ebanghelyo.

Pinrotektahan ng mga Nephita ang mga Anti-Nephi-Lehi mula sa kanilang mga kaaway at tinulungan silang tuparin ang mga tipan na ginawa nila sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa paggawa ng pangako ng mga Anti-Nephi-Lehi na hindi na muling makikipagdigma (tingnan sa Alma 27:20–30). Ipaliwanag na dahil sa pangako ng mga Anti-Nephi-Lehi, hindi nila maipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga kaaway. Basahin ang Alma 27:23, at ipaliwanag na pinili ng mga kaibigan nilang Nephita na protektahan ang mga Anti-Nephi-Lehi para matupad nila ang kanilang pangako. Paano natin matutulungan ang ating mga kaibigan na tuparin ang kanilang mga pangako? Magkuwento ng isang pagkakataon kung kailan natulungan ka ng isang kaibigan na tuparin ang iyong mga pangako sa Diyos.

  • Magsadula kayo ng mga bata na mga sitwasyon kung saan, sa mabuting paraan, ay matutulungan nila ang iba na piliin ang tama. Halimbawa, ano ang maaari nating sabihin sa isang kaibigang gustong magsinungaling o magsungit?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 24

Ang mga tipan ay mga pangakong ginagawa ko sa Diyos at ginagawa Niya sa akin.

Ibinaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata at nangako na hindi na sila kailanman muling papatay ng tao. Sa katulad na paraan, ang mga batang tinuturuan mo ay makatutupad sa kanilang mga tipan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang lahat ng bata ng maliliit na bato, at anyayahan sila na isulat ang salitang tipan sa kanilang bato. Ipaliwanag na ang tipan ay isang pangako sa pagitan ng Ama sa Langit at ng Kanyang mga anak. Paano tayo ginagawang malakas o “matatag” ng ating mga tipan na tulad ng isang bato? (Alma 24:19). Basahin nang sabay-sabay ang Alma 24:16–25 para malaman kung ano ang ginawang tipan ng mga tao ni Ammon at kung paano nila tinupad ang kanilang tipan. Anyayahan ang mga bata na iuwi ang mga bato bilang paalala na tuparin ang kanilang mga tipan.

  • Basahin ang Alma 24:16–19 kasama ang mga bata, at talakayin kung ano ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi para ipakita sa Diyos na sila ay nagsisi na. Ano ang ipinangako nila na hindi na nila gagawin? Ipaliwanag na ang mga tipang ginagawa natin ay “patotoo sa Diyos” na nais nating sundin ang mga utos ng Diyos (talata 18). Anong mga tipan ang nagawa na ng mga bata?

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga sandata ng mga Anti-Nephi-Lehi. Pagkatapos ay anyayahan silang magsulat, sa likod ng mga sandata, ng isang bagay na sa tingin nila ay dapat nilang baguhin para masunod si Jesucristo nang mas lubusan. Pagkunwariin silang nagbabaon ng kanilang mga sandata at gumagawa ng plano para isagawa ang isinulat nila.

Alma 24:7–10; 26:23–34; 27:27–30

Dahil ang Ama sa Langit ay maawain, maaari tayong magsisi at magbago.

Kamakailan ay natututuhan ng mga bata ang tungkol kina Alma, Ammon, at sa mga Anti-Nephi-Lehi. Paano mo magagamit ang mga kuwentong ito para ilarawan na ang Ama sa Langit ay maawain sa mga taong taos-pusong nagsisisi?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang Bago at Pagkatapos sa pisara. Hilingin sa ilan sa mga bata na basahin ang sumusunod na mga talata para malaman kung ano ang mga Lamanita bago sila tinuruan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid: Alma 17:14–15; 26:23–24. Hilingin sa ibang mga bata na basahin ang sumusunod na mga talata para malaman kung paano nagbago ang mga Lamanita: Alma 26:31–34; 27:27–30. Anyayahan ang mga bata na ilista sa ilalim ng mga heading kung ano ang nalaman nila. Pagkatapos ay anyayahan sila na tuklasin, sa Alma 24:7–10, kung paano nagawa ng mga Lamanita na lubos na magbago. Magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na patawarin tayo at tulungan tayong magsisi at magbago.

  • Anyayahan ang mga bata na basahin nang sabay-sabay ang Alma 26:21–22, na inaalam ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong nagsisisi. Anyayahan ang mga bata na ilarawan ang ilan sa mga pagpapalang ito sa sarili nilang mga salita.

Alma 2629

Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at maibabahagi ko ang kagalakang ito sa iba.

Ang mga kabanatang ito ay naglalarawan ng ilang mga halimbawa ng kagalakan na nagmumula sa pamumuhay at pagbabahagi ng ebanghelyo. Paano mo magagamit ang Alma 26 at 29 para bigyang-inspirasyon ang mga bata na hangarin ang kagalakang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga salitang “kagalakan” at “magalak” o “magsaya” sa Alma 26 at 29. Sama-samang basahin ang ilan sa mga talatang nahanap nila, at talakayin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kagalakan. Ano ang nagdulot ng kagalakan kina Ammon at Alma? Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nadama mo ang kagalakan mula sa pamumuhay o pagbabahagi ng ebanghelyo, o anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang sariling mga karanasan.

  • Anyayahan ang dalawang bata na humarap sa isa’t isa at tingnan kung sino ang unang makakapagpangiti sa kaharap na bata. Ano ang ilang paraan na makakapagbahagi tayo ng kagalakan sa iba? Paano nakakapagpalaganap ng kagalakan ang pagbabahagi ng ebanghelyo? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari nilang ibahagi ang kagalakan ng ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan at pamilya.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na tuparin ang kanilang mga pangako tulad ng ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pag-aralan ang isang talata sa banal na kasulatan. Pumili ng isang taludtod o isang maikling talata sa banal na kasulatan na sa palagay mo ay maaaring makatulong sa mga bata sa iyong klase, at tulungan silang sauluhin ito. Ang mga visual aid at galaw ng kamay ay maaari ring makatulong.