Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 22–28. Alma 17–22: “Gagawin Ko Kayong Kasangkapan”


“Hunyo 22–28. Alma 17–22: ‘Gagawin Ko Kayong Kasangkapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 22–28. Alma 17–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

si Ammon na nakikipag-usap kay Haring Lamoni

Ammon and King Lamoni, ni Scott M. Snow

Hunyo 22–28

Alma 17–22

“Gagawin Ko Kayong Kasangkapan”

Tulad ni Lamoni at ng iba pa sa salaysay na ito na nagkaroon ng nakapagpapabagong-buhay na espirituwal na mga karanasan, ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring magkaroon ng mga espirituwal na karanasan sa mga banal na kasulatan na iimpluwensya sa kanilang buhay sa darating na mga taon. Isaisip ito habang pinagninilayan mo kung paano mo sila tuturuan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpakita ng isang larawan na nagpapakita ng isang pangyayari sa Alma 17–22 (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang tungkol sa nakikita nila sa larawan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata

Alma 17–19

Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa iba.

Paano mahihikayat ng halimbawa ng mga anak ni Mosias ang inyong klase na ibahagi ang kanilang mga patotoo sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang kuwento ni Ammon sa Alma 17–19. Maaari kang sumangguni sa “Kabanata 23: Si Ammon: Isang Dakilang Tagapaglingkod” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 64–68, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Kung sa tingin mo ay magugustuhan ito ng mga bata, magdala ng mga simpleng costume at props. Sabihin sa mga bata kung ano ang natutuhan mo mula sa kuwento, at anyayahan sila na gawin din ang ganoon.

  • Idispley ang isang instrumento o kasangkapan, at sabihin sa mga bata kung saan ito ginagamit. Ano ang iba pang mga kasangkapan na alam ng mga bata? Anyayahan sila na magkunwaring gumagamit ng isang kasangkapan. Ipaliwanag na tulad natin na gumagamit ng mga instrumento o kasangkapan para magawa ang mga gawain, maaari tayong gamitin ng Ama sa Langit para isagawa ang Kanyang gawain. Basahin ang Alma 17:11, at ipaliwanag na si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay naging mga kasangkapan ng Ama sa Langit para tulungan ang mga Lamanita na matutuhan ang ebanghelyo.

  • Anyayahan ang mga bata na tumakbo nang hindi umaalis sa kanilang lugar at magkunwaring kumakatok sa mga pinto habang ikinukuwento mo ang salaysay ni Abis na nagbahay-bahay para sabihin sa mga tao ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Alma 19:16–34). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging tulad ni Abis at magbahagi ng ebanghelyo sa iba.

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na nagbabahagi ng ebanghelyo sa isang tao. Tulungan silang mag-isip ng mga partikular na bagay na maaari nilang ibahagi. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Bigyan sila ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang mga nararamdaman tungkol sa mga bagay na itinuro ni Ammon.

Alma 17:21–25; 20:9–27

Matutulungan ko ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng aking pagmamahal sa kanila.

Ang pagmamahal at paglilingkod ni Ammon ay nagpalambot sa puso ni Haring Lamoni at ng kanyang ama. Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata mula sa mga kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang Alma 17:21–25 para sa mga bata, na binibigyang-diin na ninais ni Ammon na paglingkuran si Lamoni. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang sila ay naglingkod sa isang tao. Ipaalala sa mga bata na ang dakilang paglilingkod ni Ammon ang tumulong kay Haring Lamoni na naisin na malaman ang tungkol sa ebanghelyo (tingnan sa Alma 18:15–23). Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang tao na mapaglilingkuran nila ngayon, at talakayin kung paano nila mapaglilingkuran ang taong iyon.

  • Ikuwento sa mga bata ang salaysay na nasa Alma 20:8–27. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 24: Nakilala ni Ammon ang Ama ni Haring Lamoni” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 69–70, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Hilingin sa mga bata na mag-isip ng iba’t ibang galaw na maaari nilang gawin sa tuwing babanggitin mo si Ammon, si Lamoni, o ang ama ni Lamoni. Ipaliwanag na ang isang dahilan kung bakit nagbago ang puso ng ama ni Lamoni ay dahil mahal na mahal ni Ammon si Lamoni. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan ng isang bagay na maaari nilang gawin para magpakita ng pagmamahal sa isang tao.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 17:1–4

Lumalago ang aking patotoo kapag ako ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nananalangin, at nag-aayuno.

Ang mga anak ni Mosias ay lumakas sa ebanghelyo at naging mga dakilang misyonero dahil sila ay masigasig na nag-aral ng mga banal na kasulatan, nanalangin, at nag-ayuno. Ang mismong mga bagay na ito ay makakatulong din sa mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala sa klase ng mga bagay na kumakatawan sa mga banal na kasulatan, panalangin, at pag-aayuno, tulad ng isang set ng mga banal na kasulatan, larawan ng isang taong nagdarasal, at larawan ng pagkain, at ipaliwanag kung ano ang isinasagisag ng bawat aytem. Basahin ang Alma 17:1–4, at itanong sa mga bata kung paano nakatulong ang mga bagay na ito sa mga anak ni Mosias. Paano nakatutulong sa atin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pag-aayuno para mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit?

  • Gamitin ang indeks ng mga paksa ng Aklat ng mga Awit Pambata upang matulungan ang mga bata na hanapin ang mga kanta na tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin. Sama-samang kantahin ang ilan sa mga awiting ito, at tulungan ang mga bata na tukuyin kung ano ang itinuturo ng mga awitin kung paano tayo pinagpapala sa paggawa ng mga bagay na ito.

Alma 17–18; 22:1–3

Matutulungan ko ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng aking pagmamahal sa kanila.

Ang hangarin ni Ammon na maging tagapagsilbi ni Lamoni ay humantong sa huli sa oportunidad na maturuan si Lamoni nang ang kanyang puso ay bukas na at handa nang tanggapin ang ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang mga talata mula sa Alma 17:21–39 na nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa paglilingkod ni Ammon kay Haring Lamoni. Anyayahan silang magdrowing ng mga larawan ng mga tao o pangyayari sa kuwento at pagkatapos ay ikuwento ito gamit ang sarili nilang mga salita. Tulungan ang mga bata na makita kung paano naimpluwensyahan ng paglilingkod ni Ammon ang hari (tingnan sa Alma 18:9–23). Ano ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa kung paano matutulungan ang iba na naisin na malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo?

    inililigtas ni Ammon ang mga tupa ng hari

    Minerva K. Teichert (1888–1976), Ammon Saves the King’s Flocks, 1935–1945, langis sa masonite, 35 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art

  • Basahin ang Alma 22:1–3, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung paano naapektuhan ng mabuting halimbawa ni Ammon ang ama ni Haring Lamoni. Anyayahan silang isipin ang isang taong kilala nila na kailangang malaman ang tungkol sa ebanghelyo. Imungkahi sa mga bata na ang kanilang pagmamahal at mabuting halimbawa ay maaaring makatulong sa taong ito na makita kung gaano kaganda ang ebanghelyo. Tulungan ang mga bata na umisip ng mga paraan upang sila ay maging mabubuting halimbawa at magpakita ng pagmamahal sa mga taong naisip nila.

  • Anyayahan ang mga full-time missionary o isang kauuwi lamang na missionary na ibahagi ang kuwento ni Ammon na nasa Alma 17–18. Hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula kay Ammon tungkol sa gawaing misyonero at sa papel na ginampanan ng paglilingkod sa kanilang mga pagsisikap. Talakayin ninyo ng mga bata ang mga paraan na matutularan nila ang halimbawa ni Ammon.

  • Bilang klase, isulat sa pisara ang mga bagay na magagawa ng mga bata para paglingkuran ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Paano mapagpapala ang buong pamilya ng mga paglilingkod na ito?

Alma 18:24–43; 19:16–34

Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa iba.

Paano mo magagamit ang mga salaysay sa mga talatang ito para bigyang-inspirasyon ang mga bata na maging mga missionary na tulad nina Ammon at Abis?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawang sumasagisag sa ilan sa mga katotohanang ibinahagi ni Ammon kay Haring Lamoni na matatagpuan sa Alma 18:24–40 (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Anyayahan ang mga bata na magkunwaring mga missionary at magbahagi sa isa’t isa ng nalalaman nila tungkol sa mga katotohanang ito.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang salaysay tungkol kay Abis (tingnan sa Alma 19:16–20, 28–29). Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagkukunwari na sila si Abis sa pamamagitan ng pagkatok sa pintuan ng silid-aralan at pagpapatotoo sa nangyari sa Alma 19:1–17. Paano tayo magiging tulad ni Abis at magpapatotoo sa mga katotohanang alam natin?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na mapanalanging gumawa ng isang mithiin kasama ng kanilang pamilya na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-follow-up sa mga paanyayang kumilos. Kapag inanyayahan mo ang mga bata na kumilos ayon sa natutuhan nila, mag-follow up sa paanyayang iyon sa susunod na klase. Ito ay nagpapakita sa mga bata na mahalaga sa iyo kung paano pinagpapala ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga karanasan, lalakas sila at matutulungan nila ang isa’t isa na ipamuhay ang ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35).