Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 8–14. Alma 8–12: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao


“Hunyo 8–14. Alma 8–12: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 8–14. Alma 8–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nangangaral si Alma

Teaching True Doctrine, ni Michael T. Malm

Hunyo 8–14

Alma 8–12

Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao

Habang binabasa mo kung ano ang itinuro nina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas, ano ang nadama mong pinakaangkop sa mga batang tinuturuan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ilarawan kung ano ang ginagawa ng mga missionary at sabihin sa iyo kung may nakikilala sila na naglilingkod sa misyon. Ano ang itinuturo ng mga missionary sa mga tao? Tulungan ang mga bata na makita na sina Alma at Amulek ay mga missionary na nagbahagi ng ebanghelyo sa mga tao ng Ammonihas.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata

Alma 8

Maibabahagi ko ang ebanghelyo.

Si Alma ay naglakbay sa lupain upang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng dako, at si Amulek ay nangaral sa kaniyang sariling bayan sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay. Paano mo mahihikayat ang mga bata na tularan ang kanilang halimbawa at ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang sama-sama ang unang kalahati ng “Kabanata 22: Ang Misyon ni Alma sa Ammonihas” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 58–63; tingnan din ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na magkapit-bisig bilang magkakapareha at magkunwaring sina Amulek at Alma, na magkasamang nagturo ng ebanghelyo, habang kinakanta nila ang isang awitin tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90).

  • Tulungan ang mga bata na ulitin ang isang katotohanan ng ebanghelyo nang ilang beses, tulad ng “Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo” o “Alam ko na mahal ako ni Jesus.” Pagkatapos ay anyayahan ang bawat bata na magpraktis na ibahagi sa isa pang tao sa klase ang katotohanang ito. Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mong tulungan ang mga bata na tapusin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.

  • Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang tungkol sa isang bagay na ibinahagi nila sa isang kapamilya o isang kaibigan—tulad ng isang laruan o kendi. Tulungan silang maglista ng ilang mahahalagang bagay na maaari nating ibahagi sa iba tungkol kay Jesucristo. Ipaliwanag na dahil ang ebanghelyo ay napakahalaga, si Alma ay humayo upang ibahagi ang mga ito sa mga tao sa marami pang mga lungsod para matutuhan nila kung paano maging masaya.

Alma 8:18–22

Maaari akong maging mabuting kaibigan.

Ang paglilingkod ni Amulek kay Alma ay isang mabuting halimbawa sa mga bata kung paano nila mamahalin at paglilingkuran ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na magkunwaring si Amulek at ang isa pang bata na magkunwaring si Alma habang isinasalaysay mo ang kuwento sa Alma 8:18–22. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na isalaysay ang kuwento, at anyayahan ang ibang mga bata na maging sina Alma at Amulek. Paano naging mabuting kaibigan ni Alma si Amulek? Hilingin sa mga bata na magbahagi kung paano naging isang kaibigan ang isang tao sa kanila. Ano ang naramdaman nila sa ganitong karanasan? Bakit nais ng Diyos na maging mabubuting kaibigan tayo sa iba?

  • Humanap o magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa pakikipagkaibigan (tulad ng dalawang tao na magkayakap o isang puso), at gupit-gupitin ito para maging mga piraso ng puzzle. Sa likod ng bawat piraso ng puzzle, isulat ang isang bagay na ginawa nina Alma at Amulek para maging mabuting magkaibigan o ang mga bagay na magagawa natin para maging isang mabuting kaibigan. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng isang piraso at pagdaragdag nito sa puzzle habang binabasa mo ang nakasulat sa likod nito. Tulungan silang mag-isip ng mga taong maaari nilang kaibiganin. Magpatotoo na si Jesucristo ang maaaring maging pinakadakilang kaibigan natin.

dalawang dalagitang nagtatawanan

Maaari tayong maging mabubuting kaibigan sa iba.

Alma 11:43–44

Pagkatapos ng kamatayan, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Itinuro ni Amulek sa mga tao ng Ammonihas ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang kahulugan ng mabuhay na mag-uli?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang iyong kamay para maging simbolo ng espiritu, at gumamit ng guwantes para isimbolo ang katawan. Tanggalin ang iyong kamay mula sa guwantes upang ipakita sa mga bata na ang ating espiritu at katawan ay maghihiwalay sa kamatayan. Pagkatapos ay muling ilagay ang iyong kamay sa guwantes upang ipakita na ang ating espiritu at katawan ay magsasamang muli sa Pagkabuhay na Mag-uli. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagsusuot at pagtatanggal ng guwantes habang binabasa mo ang Alma 11:43 sa kanila. Idispley ang larawang Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59), at magpatotoo na ginawang posible ni Jesucristo na mabuhay na mag-uli ang lahat ng tao.

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang mga kaibigan o kapamilya, at maging ng mga kamag-anak. Sa pagbabahagi ng mga bata ng kanilang mga larawan, ituro ang bawat kaibigan o kapamilya na iginuhit nila at ipaliwanag na ang taong ito ay mabubuhay na mag-uli. Magpatotoo na ginawang posible ni Jesus para sa atin na makapiling ang ating pamilya magpakailanman.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 8–10

Maibabahagi ko ang ebanghelyo.

Ibinahagi nina Alma at Amulek ang ebanghelyo, kahit na hindi ito madali. Paano mabibigyang-inspirasyon ng kanilang tapang at pananampalataya ang mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa sarili mong mga salita, ibuod ang mga pangyayari sa Alma 8–10. Pumili ng ilang alituntunin mula sa mga pangyayaring ito na makakatulong sa mga bata na ibahagi ang ebanghelyo, tulad ng pagtitiyaga (tingnan sa Alma 8:8–13), pagpapatotoo tungkol kay Cristo (tingnan sa Alma 9:26–27), at pagkakaroon ng kasama (tingnan sa Alma 10:7–11). Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga piling talata at sabihin ang natutuhan nila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Bakit mahalagang sabihin sa iba ang tungkol sa ebanghelyo?

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang ibahagi nila ang ebanghelyo sa isang tao, o magbahagi ng sarili mong karanasan. Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga paraan na makapaghahanda silang ibahagi ang ebanghelyo habang kinakanta nila ang isang awitin tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 92). Bakit nais ng Ama sa Langit na ibahagi natin ang ebanghelyo? Tulungan ang mga bata na magplano ng mga paraan para magbahagi ng ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan, tulad ng pagbibigay sa kanila ng kopya ng Aklat ni Mormon o pag-anyaya sa kanila sa isang aktibidad ng Simbahan. Bigyan sila ng panahon na isadula ang maaari nilang sabihin o gawin sa mga sitwasyong ito.

Alma 11–12

Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng pagtubos.

Paano mo gagamitin ang Alma 11–12 para “[ipaalam] sa [mga bata] ang plano ng pagtubos”? (Alma 12:30).

Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang ilan sa mga alituntuning nauugnay sa plano ng pagtubos na matatagpuan sa Alma 11–12, tulad ng Pagkahulog nina Adan at Eva, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pagsisisi, kamatayan, pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom. Basahin ang ilang talata mula sa Alma 11 o 12 na nagtuturo ng tungkol sa mga alituntunin, at bigyan ang mga bata ng oras na gumuhit ng isang larawan na kumakatawan sa bawat alituntunin. Ano ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa planong ito? Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na gamitin ang kanilang mga larawan upang isadula ang pagtuturo sa isang kaibigan tungkol sa plano ng Diyos.

Alma 12:10

Kung hindi ko patitigasin ang aking puso, ako ay mas makatatanggap ng salita ng Diyos.

Pagdating sa pag-aaral ng mga espirituwal na katotohanan, ang kundisyon ng ating puso ay kasinghalaga ng mga kakayahan ng ating isipan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang sama-sama ang Alma 12:10, at talakayin ang ibig sabihin ng “magpapatigas” ng ating mga puso. Bakit mas mahirap sa may matigas na puso na matuto mula sa Diyos?

  • Para mailarawan ang alituntuning ito, magpakita sa mga bata ng espongha at ng isang malaking bato at itanong sa kanila kung alin ang mas makasisipsip ng tubig. Paano natin maipapakita sa Panginoon na gusto nating maging kasinglambot ng espongha ang ating mga puso?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na humanap ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo o tulungan ang isang tao sa linggong ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo sa iyong klase. Ang patotoo ay maaaring maging kasing-simple ng “Alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo” o “Maganda ang aking pakiramdam kapag natututo ako tungkol kay Jesucristo.” (Tingnan din sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 11.)