Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 13–19. Alma 32–35: “Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”


“Hulyo 13–19. Alma 32–35: ‘Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 13–19. Alma 32–35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
binhi sa kamay ng bata

Hulyo 13–19

Alma 32–35

“Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”

Itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang Alma 32–35. Ano ang nahihikayat kang gawin dahil sa natututuhan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Para sa mga Zoramita, ang panalangin ay isang makasarili at regular na kaugalian na minsan sa isang linggo lang nangyayari. Kabilang dito ang pagtayo kung saan maaaring makita ng lahat at pag-uulit-ulit ng mga salitang walang kabuluhan at nakasisiya sa sarili. Marahil ang mas malala pa, walang pananampalataya ang mga Zoramita kay Jesucristo—itinanggi pa nga nila na mayroong Cristo—at pinagmalupitan ang mga maralita (tingnan sa Alma 31:9–25). Sa kabilang dako, buong tapang na itinuro nina Alma at Amulek na ang panalangin ay mas may kinalaman sa nasa ating kalooban kaysa sa ipinapakita natin. At kung hindi ito humahantong sa pagkahabag sa mga nangangailangan, ito ay “walang kabuluhan, at wala[ng] … pakinabang” (Alma 34:28). Ang pinakamahalaga, ito ay pagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo, na nag-aalok ng pagtubos sa pamamagitan ng Kanyang “walang katapusan at walang hanggang hain” (Alma 34:10). Ang gayong pananampalataya, paliwanag ni Alma, ay nagmumula sa pagpapakumbaba at “[hangaring] maniwala” (Alma 32:27). Ito’y unti-unting lumalaki, gaya ng isang puno, at nangangailangan ng palagiang pangangalaga. Habang binabasa mo ang Alma 32–35, maaari mong isipin ang sarili mong pananampalataya at mga panalangin; nadarama mo ba na nagkakaroon ka ng ugaling tulad sa mga Zoramita? Paano mo aalagaan ang pananampalataya mo kay Jesucristo para ito ay maging “isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan”? (Alma 32:41).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 32:1–16

Mapipili kong maging mapagpakumbaba.

Nahiwatigan ni Alma na ang maralitang mga Zoramita ay mapagpakumbaba at “handa nang pakinggan ang salita” (Alma 32:6). Habang binabasa mo ang Alma 32:1–16, isipin kung paano ka naghahandang makinig sa salita ng Diyos.

Anong mga karanasan mo ang nagpakumbaba sa iyo? Ano ang nagawa mo na para maging mas mapagpakumbaba? Ang mga talatang ito ay maaaring magturo sa iyo kung paano piliin ang pagpapakumbaba sa halip na mapilitang magpakumbaba. Halimbawa, ano ang kaibhan ng pagiging “kapos sa mga bagay ng daigdig” sa pagiging “may mababang-loob”? (talata 3). Ano ang ibig sabihin ng “[m]agpakumbaba [ka] dahil sa salita”? (talata 14).

[NO TRANSLATION]

Alma 32:17–43; 33–34

Nananampalataya ako kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-aalaga ng Kanyang salita sa puso ko.

Sa palagay mo, bakit binanggit ni Alma ang pagtatanim ng binhi bilang tugon sa mga tanong ng mga Zoramita tungkol sa pagsamba? Ano ang binhing binanggit ni Alma? (tingnan sa Alma 32:28; 33:22–23). Habang binabasa mo ang Alma 32:17–43, pansinin ang mga salita at pariralang nagpapaunawa sa iyo kung paano manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang salita. Ano ang natutuhan mo kung ano ang pananampalataya at ano ang hindi? Pagkatapos, habang binabasa mo ang kabanata 33–34, hanapin ang mga sagot sa tanong ng mga Zoramita na “Paano [namin] itatanim ang binhi?” (Alma 33:1).

Narito ang isa pang paraan ng pag-aaral ng Alma 32–34: Magdrowing ng mga larawan na kumakatawan sa iba’t ibang yugto ng paglago ng isang binhi. Pagkatapos ay sulatan ang bawat larawan ng mga salita mula sa Alma 32:28–43 na nagpapaunawa sa iyo kung paano itanim at alagaan ang salita sa puso mo.

Tingnan din sa Mateo 13:3–8, 18–23; Mga Hebreo 11; Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 65–68.

Alma 33:2–11; 34:17–29

Maaari kong sambahin ang Diyos sa panalangin, kahit kailan at kahit saan.

Ang payo nina Alma at Amulek tungkol sa pagsamba at panalangin ay para itama ang ilang maling pagkaunawa ng mga Zoramita (tingnan sa Alma 31:13–23). Ngunit ang mga katotohanang itinuro nila ay makakatulong sa sinuman sa atin na mas maunawaan ang panalangin at pagsamba. Maaari mo sigurong ilista ang mga katotohanan tungkol sa panalangin na makikita mo sa Alma 33:2–11 at 34:17–29. Sa tabi sa listahang iyon, ilista ang mga posibleng maling pagkaunawa tungkol sa panalangin na itinatama ng mga katotohanang ito (tingnan sa Alma 31:12–23). Paano maaapektuhan ng mga bagay na natutuhan mo mula sa mga talatang ito ang paraan ng iyong pagdarasal at pagsamba?

Alma 33:3–17

Sino sina Zenos at Zenok?

Sina Zenos at Zenok ay mga propetang nagpatotoo kay Jesucristo noong panahon ng Lumang Tipan, ngunit hindi matatagpuan ang kanilang mga turo sa Lumang Tipan. Nasa mga Nephita ang mga turo ng mga propetang ito, malamang ay dahil kasama ang mga ito sa mga laminang tansong nakuha ni Nephi kay Laban. Binanggit din sila sa 1 Nephi 19:10–12; Jacob 5:1; at Helaman 8:19–20.

Alma 34:30–41

“Ang buhay na ito ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos.”

Habang binabasa mo ang Alma 34:30–41, isipin kung paano mo maaaring “[pagbutihin] ang [iyong] panahon habang nasa buhay na ito” (talata 33). Paano makakatulong ang pagsisisi at pagtitiyaga sa paghahanda mong humarap sa Diyos? May mga pagbabago ka bang kailangang gawin na matagal mo nang ipinagpapaliban? Tiyaking kumilos ayon sa anumang mga espirituwal na impresyon na natatanggap mo.

Tingnan din sa Alma 12:24; Larry R. Lawrence, “Ano pa ang Kulang sa Akin?Ensign o Liahona, Nob. 2015, 33–35.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 32:9–11; 33:2–11; 34:38–39

Ano kaya ang mangyayari kung pinayagan tayo na tuwing Linggo lamang sumamba at manalangin? Habang binabasa ninyo nang sama-sama ang mga talatang ito, maaaring talakayin ng mga miyembro ng pamilya kung paano sila makasasamba araw-araw at bakit sila nagpapasalamat na magawa iyon.

Alma 32:28–43

Nakalakip ang larawan ng isang puno sa outline na ito; maaari mong gamitin ito para ilarawan ang mga salita ni Alma sa mga talatang ito. O maaari kayong maglakad-lakad ng inyong pamilya para maghanap ng mga halaman na nasa iba’t ibang yugto ng paglago at magbasa ng mga talata mula sa Alma 32 na nagkukumpara sa isang lumalagong halaman sa ating pananampalataya. Maaari sigurong magtanim ng isang binhi ang bawat miyembro ng pamilya at talakayin kung ano ang kailangan nating gawin para mapalago ito. Sa mga darating na linggo maaari ninyong tingnan ang inyong mga binhi at paalalahanan ang bawat isa na kailangang patuloy na pangalagaan ang ating patotoo kay Jesucristo.

Alma 33:2–11; 34:17–29

Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito kung paano natin mapapahusay ang ating mga indibiduwal at pampamilyang panalangin?

Alma 34:31

Anong mga karanasan ang nagpakita sa atin na kapag nagsisi tayo, “kapagdaka” ay nagsisimula tayong dumanas ng mga pagpapala ng plano ng pagtubos?

Alma 34:33–35

Alam ba ng pamilya mo kung ano ang ibig sabihin ng magpaliban? Makakapagbahagi siguro ang isang tao ng mga halimbawa ng pagpapaliban at ng mga negatibong bunga nito. Ano ang ibig sabihin ng “ipagpaliban ang araw ng [ating] pagsisisi”?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdrowing ng mga larawan. Maaari mong hayaang magdrowing ang mga miyembro ng pamilya habang natututo sila mula sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaaring masiyahan silang magdrowing ng isang binhing nagiging puno habang pinag-aaralan nila ang Alma 32.

Larawan
prutas sa isang puno

“Dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito, … masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga” (Alma 32:42).

Print