Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 6–12. Alma 30–31: “Ang Bisa ng Salita ng Diyos”


“Hulyo 6–12. Alma 30–31: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 6–12. Alma 30–31,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
tinuturuan ni Alma si Korihor

Lahat ng Bagay ay Nagsasaad na Mayroong Diyos (Alma at Korihor), ni Walter Rane

Hulyo 6–12

Alma 30–31

“Ang Bisa ng Salita ng Diyos”

Pinatotohanan ni Alma ang “malakas na bisa” ng salita ng Diyos (Alma 31:5). Habang binabasa mo ang Alma 30–31, itala ang iyong mga impresyon kapag nadama mo ang malakas na bisa ng salita ng Diyos sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga salaysay sa Alma 30–31 ay malinaw na nagpapamalas ng kapangyarihan ng mga salita—para sa kasamaan at para sa kabutihan. Ang “mahihibo” at “lumalakas na pananalita” ng isang bulaang gurong nagngangalang Korihor ay nagbantang dalhin ang “maraming kaluluwa tungo sa pagkawasak” (Alma 30:31, 47). Gayundin, inakay ng mga turo ng isang tumiwalag na Nephita na nagngangalang Zoram ang isang buong grupo ng mga tao na mahulog “sa malalaking kamalian” at “iniligaw nila ang mga landas ng Panginoon” (Alma 31:9, 11).

Sa kabilang dako naman, matibay ang pananampalataya ni Alma na ang salita ng Diyos ay magkakaroon ng “higit [na] malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay” (Alma 31:5)—kabilang na ang mga salita nina Korihor at Zoram. Ang mga salita ni Alma ay nagpahayag ng walang-hanggang katotohanan at tumawag sa mga kapangyarihan ng langit para patahimikin si Korihor (tingnan sa Alma 30:39–50), at inanyayahan ng mga ito ang mga pagpapala ng langit para sa mga taong sumama sa kanya para ibalik ang mga Zoramita sa katotohanan (tingnan ang Alma 31:31–38). Ito ay mahahalagang halimbawa para sa mga alagad ni Cristo ngayon, kapag ang “lumalakas na pananalita” at “malalaking kamalian” ay muling nagkaroon ng malakas na bisa sa isipan ng mga tao (Alma 30:31; 31:9). Ngunit makikita natin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtitiwala, tulad ni Alma, sa “bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 30:6, 12

Ano ang isang anti-Cristo?

Sa Alma 30:6, si Korihor ay tinatawag na “Anti-Cristo.” Ang anti-Cristo ay “isang taong nagpapanggap na Cristo ngunit ang totoo ay laban siya kay Cristo (I Ni Juan 2:18–22; 4:3–6; II Ni Juan 1:7). Sa mas malawak na kahulugan, ito ay sinuman o anumang bagay na di-tunay na representasyon ng totoong ebanghelyo o plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo”).

Anong mga “di-tunay na representasyon ng tunay na ebanghelyo” ang napapansin ninyo sa mundo ngayon? Halimbawa, itinuro ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society General President, “Ang anumang doktrina o alituntuning naririnig [natin] sa mundo na laban sa pamilya ay anti-Cristo rin” (“Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 15).

Larawan
kausap ni Korihor si Alma

Hinarap ni Korihor si Alma, ni Robert T. Barrett

Alma 30:6–60

Matutulungan ako ng Aklat ni Mormon na labanan ang impluwensya ng mga taong nagtatangkang linlangin ako.

Habang binabasa mo ang Alma 30:6–31, maaaring pamilyar sa iyo ang mga turo ni Korihor. Ayon sa itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, iyan ay dahil ang Aklat ni Mormon ay naglalantad at mapapatibay tayo laban sa “masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon. Ang Diyos, sa kanyang walang-hangganang kaalaman noon pa man, ay hinubog nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 154).

Isiping ilista ang mga maling doktrinang itinuro ni Korihor sa Alma 30:6–31. Ano ang ilan sa mga bunga ng paniniwala sa mga turong ito? Halimbawa, ano ang bunga ng paniniwala na “kapag ang isang tao [ay] patay na, iyon na [ang] katapusan niyon”? (Alma 30:18). Anong mga maling doktrinang itinuro ni Korihor ang katulad ng mga maling doktrinang napansin ninyo sa mundo ngayon?

Matutulungan ka ng pagbabasa tungkol sa pag-uusap nina Korihor at Alma na paghandaan ang mga sitwasyon kung saan maaaring subukan ng iba na linlangin ka. Makakatulong na pag-aralan ang Alma 30:29–60 para maunawaan kung paano nalinlang si Korihor (tingnan lalo na sa mga talata 52–53). Ano ang matututuhan mo mula sa tugon ni Alma sa mga turo ni Korihor? (tingnan sa Alma 30:31–35).

Alma 31

Ang salita ng Diyos ay may kapangyarihang akayin ang mga tao sa kabutihan.

Ang problema ng paghiwalay ng mga Zoramita sa mga Nephita para sa iba ay mukhang kailangan ng solusyong pulitikal o militar (tingnan sa Alma 31:1–4). Ngunit natuto si Alma na magtiwala sa “bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5). Ano ang matututuhan mo mula sa Alma 31:5 tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos? Paano mo nakitang inakay ng salita ng Diyos ang “mga tao na gawin [yaong] matwid”? (Alma 31:5). Pagnilayan kung paano mo maaaring “subukan” (na gamitin o subukin) ang salita ng Diyos para tulungan ang isang taong mahal mo.

Para mas maunawaan ang paraan ni Alma sa pagsagip sa iba, maaari mong ikumpara ang kanyang mga pag-uugali, damdamin, at kilos sa mga pag-uugali, damdamin, at kilos ng mga Zoramita, ayon sa nakasaad sa Alma 31. Ang isang table na tulad ng sumusunod ay maaaring makatulong. Anong mga pagkakaiba ang napapansin mo? Sa pakiramdam mo, paano ka maaaring maging higit na katulad ni Alma?

Mga Zoramita

Alma

Mga Zoramita

Naniwala na ang mga hindi nila kagrupo ay nahatulan nang mapunta sa impiyerno (Alma 31:17).

Alma

Naniwala na ang mga Zoramita ay kanyang “mga kapatid” at ang kanilang mga kaluluwa ay “mahahalaga” (Alma 31:35).

Mga Zoramita

Nakalagak ang kanilang puso sa kayamanan (Alma 31:24, 28).

Alma

Hinangad na magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo (Alma 31:34).

Mga Zoramita

Alma

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 30:44

Isiping basahin at talakayin ang Alma 30:44 nang sama-sama habang naglalakad-lakad kayo sa labas o tumitingin sa mga larawan ng mga likha ng Diyos. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang nakikita nila na nagpapatotoo na mayroong Diyos. Paano tayo natutulungan ng mga bagay na ito—o ng iba pang mga karanasan natin—na malaman na totoo ngang may Diyos?

Alma 30:56–60

Ano ang matututuhan natin mula sa Alma 30:56–60 kung paano tinatrato ng diyablo ang kanyang mga alagad? Ano ang magagawa natin para protektahan ang ating tahanan laban sa kanyang impluwensya?

Alma 31:20–38

Matapos mong basahin ang Alma 31:20–38 kasama ang inyong pamilya, maaari ninyong talakayin ang sumusunod na mga tanong: Paano naiba ang panalangin ni Alma sa panalangin ng mga Zoramita? Paano natin masusundan ang halimbawa ni Alma sa ating personal at pampamilyang mga panalangin?

Maaaring maglagay ng bato ang maliliit na bata sa ilalim ng kanilang unan para maalala nilang manalangin tuwing umaga at gabi. Maaari din silang matuwang lagyan ng dekorasyon ang kanilang bato.

Alma 31:23

Ano ang ginagawa natin sa ating tahanan bawat araw para matuto at magsalita tungkol sa Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ihanda ang iyong kapaligiran. “Malaki ang epekto ng ating kapaligiran sa kakayahan nating matuto at madama ang katotohanan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15). Subukang maghanap ng lugar para makapag-aral ng mga banal na kasulatan na mag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo. Ang nakasisiglang musika at mga larawan ay maaari ding mag-anyaya sa Espiritu.

Larawan
mga Zoramita na nagdarasal sa Ramiumptum

Ang Ramiumptum, ni Del Parson

Print